Pinili kong hindi alamin ang buong kwento ng matanda. Hindi rin kasi alam ng kahera ang buong nangyari sa kanya. Lingid lamang sa kaalaman niya ay wala ng kamag-anak ang matanda at tanging siya na lang ang nagpapaaral sa apo nito.
Madalas daw nanlilimos ang dalawa sa labas ng convenient store, o hindi kaya mamahinga sa gabi pagkatapos manlimos sa maghapon. Sira ang CCTV na nasa tapat ng poste ng tindahan kaya walang nakakita sa nangyari.
Matapos kong bilhan sina Marcus ng pang-alis ng hangover ay umuwi ako sa bahay. Nadatnan kong naglalaro si Ania sa couch ng PSP. Umupo ako sa tabi niya at hinalikan ang noo nito.
"Kuya, Wyn!" Niyakap niya ko matapos bitawan ang PSP. Naka-jumper siyang kulay rosas at sa loob nito ay puting shirt.
"Maganda ba?" Tinuro niya ang headband na may rosas na pink. Tumango ako.
"Bigay sa akin ni Lola!" Malapad ang ngiti niya sa labi.
"Nandito ka na pala." Tumayo ako nang makita si Kuya Tendery sa harapan ko. Nakasando siyang itim at shorts na kulay puti. Nakapamulsa ang isa niyang kamay habang ang isa ay hawak ang maleta ni Ania.
"Pwede bang kausapin ka nang tayo lang?" Hindi siya umimik at sumunod siya sa akin. Ang batang si Ania ay bumalik sa paglalaro ng nagmwestra akong babalik din kami agad.
Pagkatalikod sa kanya ay nagharap kami ng kapatid ko. Hindi man gaanong malayo sa sala pero sapat na upang hindi marinig ng bata."Alam mo naman may trauma ako sa lugar na iyon. Bakit hindi ikaw ang sumama?"
"Marami akong ginagawa sa university at kasalukuyan ako nag a-aral ng PhD." Wika nito.
"Alam mong may trauma ako sa lugar na iyon." Sa tuwing naalala ko iyon ay kinikilabutan ako. Alam kong tapos na iyon at wala na rin akong balita sa nangyari. Alam kong nagawa ko ang tama. Pero sa tuwing sumasagi iyon sa isip ko ay kinikilabutan ako.
"Kung anuman 'yang trauma mo harapin mo. Wala akong balak makipagtalo. Naghihintay ang bata sa'yo." Parehas namin tinignan si Ania na ngayon ay nakatayo katabi ng inuupuan niya kanina.
"Tutulungan kita sa mga gawain mo." Umiling siya at hinimas ang kanyang sentido.
"Buong bakasyon sasamahan mo si Ania. Ilang ulit ko bang kailangang sabihin na hindi ako pwede?"
Huminga akong malalim at tumango.
"Bilisan mo at naghihintay ang bata sayo." Ngayon ay nakatayo na si Ania sa tabi ng couch at nakangiti sa aming dalawa.
Bagsak ang balikat ko nung pumasok ako ng kwarto para magpalit ng damit. Matapos nito ay napagpasyahan kong mag-impake. Nang natapos ako sa ginagawa ko ay binalikan ko ang kahon na itim.
Hinipan ko iyon upang maalis ang alikabok. Binuksan ko iyon at tinitigan ang pilak na kwintas na buwan ang disenyo. May diyamenta iyon sa gitna na kumikinang kapag natapatan ng liwanag.
Mariin kong hinawakan iyon at pumikit. Alam kong pinatawad na ko nang Panginoon sa nangyari. May tiwala ako sa kaibigan ko na nalinis niya na iyon.
Binalik ko iyon muli sa kahon at nilagay sa maleta kasama ang mga gamit ko. Ibabalik ko na ito sa may-ari kapag handa na ko. Sisiguraduhin kong bago kami bumalik dito ni Ania ay wala na sa akin ang kwintas na ito.
Hindi ko rin kinalimutan ang palagi kong dala na mini bible at ang rosary. Nilagay ko iyon sa bulsa ng maleta. Malapit na kong matapos sa aking ginagawa ng may dalawang beses kumatok.
"Kuya! Tara na! Gagabihin na tayo!" Maliit ang boses ni Ania mula sa labas.
Hinila ko ang aking maleta at kinuha ang maleta ni Ania mula sa pagkakahawak niya rito. Hindi ko na nagawang nagpaalam kila Mama at Papa dahil kasalukuyan silang nagdiriwang ng wedding anniversary ng ninang ko.
Kumatok ako sa kwarto ni Kuya at hawak niya ang asul na makapal na libro. Nakaupo siya sa swivel chair habang nagkalat ang papel at ballpen sa mesa niya.
"Aalis na kami Kuya." Wika ko. Sumulpot si Anya mula sa likuran ko.
"B-bye, Kuya Tendery." Nagwave siya sa kapatid ko.
Binaba ni Kuya ang hawak niyang libro. "Huwag kang masyadong makulit doon, Ania." Tumango-tango ang batang nasa tabi ko.
Bumaling ang atensyon sa akin ni Kuya."Palagi mong babantayan 'yan. Baka kung saan makapunta." Tumango lang ako sa sinabi nito.
Nilagay ko sa comparment ng kotse ang gamit namin ni Ania at sandaling dumaan ng simbahan. Nagtirik ako ng kandila para sa matanda at sa apo niya. Sinamahan ko na rin ng dasal para sa kaluluwa nilang pagala-gala.
Sana ay makatawid na sila sa liwanag. Matapos magdasal ay bumili ako ng sampaguita sa Ale na nag-alok nito. Binilhan ko si Ania ng cotton candy. Kanina niya pa hinihila ang dulo ng damit ko papunta sa tindero na nagtitinda nito.
Inabutan kami ng traffic sa kahabaan ng highway. Muntik akong makatulog dahil sa tagal ng paghinto ng sasakyan. Pasado alas otso na nang gabi ng tinignan ko ang aking wrist watch.
Si Ania ay napagpasyahan maglaro ng PSP matapos maubos ang kanyang cotton candy. Sinamantala ko naman ang traffic para bumili sa lalaking pasan ang balot at penoy sa balikat. Habang naka-standby ang sasakyan ay nagmadali akong kainin ito.
Matapos ang mahabang traffic ay dumaan kami sa ihawan. Bumili ako ng isang lechon manok at pinaramihan ko ng sili. Paborito ni Lola ang lechon manok lalo na kung ang sawsawan ay maraming sili.
Maalwan ang biyahe namin ni Ania. Matirik ang daan ng binabaybay namin ang kalsada papunta sa bahay ni Lola. Pipikit-pikit ako dahil sa antok. Kung pinaalam lang sa akin ng mas maaga na ako ang sasama kay Ania ay hindi na sana ako nagpuyat.
Habang binabagtas namin ang daan ay lumakas ang t***k ang puso ko. Nanginig ang kamay ko at nanlamig ang palad ko. Nagbalik ang alalang matagal ko ng iniwan.
Hinawakan ni Ania ang braso ko. "Kuya Wyn, okay ka lang ba?" Malamlam ang mata niya.
Pilit akong ngumiti. Dahan-dahan akong nag-drive at pilit nilalabanan ang takot na nararamdaman ko na kanina ay antok.
Inabot ng paa ko ang preno dahil may dadaan pero nanlaki ang mata ko at halos magbutil ang pawis sa aking noo. "Kuya Wyn!!!"
Pumikit na lamang ako habang mahigpit ang hawak ko sa manibela. Tumigil ng kusa ang sasakyan at bubuksan ko palang ang pinto ng hinigit ni Ania ang dulo ng damit ko.
Namumutla siya at namuo ang luha sa gilid ng mga mata nito.
"Dyan ka lang, Ania. H'wag kang matakot." Pinalis ko ang luha niya at kinuha ko ang panyo sa aking bulsa. Pinunasan ko ang mukha niyang nagpawis.
"Close your eyes kung natatakot ka. Okay?" Tumango siya at ginawa ang bilin ko.
Matapos akong bumaba ay bumungad sa akin ang isang dalagang babae na mahaba ang buhok at nakaputing damit. Makapal ang polbo nito at kalat ang lipstick niyang pula. Hindi ko gaanong makita ang mukha nito dahil taklob iyon ng mahaba niyang buhok.
Ang batang babaeng nakahawak sa kamay niya ay gano'n din ang porma. Mas matangkad sa kanya si Ania pero sa tantya ko ay kasing edad siya ng pinsan ko.
Tumaas ang balahibo ng buo kong katawan ng bumalik ang mga mata ko sa mukha ng babae. Nagtama ang aming mata at nanlilisik iyon. Sa isip ko ay ilang beses akong nagdasal.
Hindi totoo ang ganitong bagay. Walang ginawang ibang nilalang ang Diyos kung 'di ang tao lamang. Lumapit sa akin ng dahan-dahan ang babae.
Hindi ako pwedeng magpakita ng takot kaya diretso lang akong tumindig. Hindi ako pababayaan ng maykapal. Kung babalik ako sa loob ng kotse ay parang binalikan ko lamang ang dating ako na duwag.
Lumamig ang ihip ng hangin at bawat dampi nito sa aking balat ay mas lalo akong kinilabutan. Kung anuman ang mangyari sa akin ay alam kong hindi ako pababayaan ng Diyos at ang tangi ko lang dasal ay iligtas niya si Ania.