Kabanata Lima

2553 Words
Pinanatili kong kalmado ang sarili ko kahit na alam kong isang hakbang lang nila papasok dito sa loob ng kuwarto ay makikita na nila ako. Kung magtago kaya ako sa likod ng pinto at hintayin na lang sila na umalis, saka ako lalabas? O kaya naman ay sa banyo ako magtatago hanggang sa lumabas na sila. “What are you doing here, Lilith?” Nanlaki ang mga mata ko nang marinig ang boses ni kuya Landon. Unti-unting guminhawa ang pakiramdam ko at nakahinga ako nang maluwag. Napalingon ako sa tray na dala ni kuya Landon kanina, narito pa rin iyon at hindi ko pa maibaba dahil hindi naman ako puwedeng lumabas. Hindi pa rin nakaaakyat si nanay Esther dito sa kuwarto. Siguro ay dahil sa mga bisita ni Lilith kaya hindi pa siya umaakyat. Hindi tuluyang nabuksan ng mga kaibigan ni Lilith ang pinto dahil sa pagdating ni kuya Landon. Pinagsabihan niya rin ang mga bisita. Unti-unti na namang bumalik ang kaba sa aking dibdib. Siguradong magagalit na naman sa akin si Lilith. Alam ko naman na palagi na siyang galit sa akin, ngunit madaragdagan na naman iyon ngayon dahil pinagsasabihan sila ni kuya Landon. “Hi, Kuya Landon! We’re just looking,” sabi ng isa sa mga kaibigan ni Lilith. “It’s my old room. I’m not allowing anyone to take a look inside. Stop barging in different rooms. Naroon ang kuwarto ni Lilith, wala rito.” Hindi ko mawari kung anong mayroon sa boses ni kuya Landon, may kakaiba roon na kahit kailan ay hindi ko pa naririnig. Palaging walang buhay ang tono ng pananalita niya ngunit ngayon ay may bahid ng galit ito na kahit kailan ay hindi ko pa narinig sa kaniya. Ganoon din kapag si kuya Lennox ang nagsasalita, si Lilith lang ang palaging galit sa kanilang tatlo. Hindi ko na narinig ang boses ng mga kaibigan ni Lilith, siguro ay pumasok na sila sa loob ng kuwarto niya. Natakot kaya sila kay kuya Landon? Kasi ako, nakaramdam ako ng takot. Isang katok sa pinto ng kuwarto ko ang aking narinig bago bumukas iyon. Nanlaki ang mga mata ko nang makitang si kuya Landon ang nagbukas noon. Hindi siya nakatingin sa akin, nakatuon ang kaniyang mga mata sa tray ng pagkain ko. “Kunin ko na ang tray,” malamig na sambit ni kuya Landon at kinuha iyong tray. Bumalik na ang natural na tono ng kaniyang boses ngayon. Hindi na iyon galit. Tulala ako sa kaniya hanggang sa makuha niya na ang tray at hanggang naroon na siyang muli sa may pintuan, papalabas na ng aking kuwarto. Pumikit ako nang mariin, hindi puwedeng hayaan ko na naman na makaalis si kuya nang wala man lang akong sinasabi!  “K-K-Kuya!” Itinikom ko kaagad ang bibig ko nang may mapagtanto, ayos lang kaya sa kaniya na tawagin ko siya nang ganoon? “Hm? Bakit, Dasha?” Lumingon siya sa akin. “S-Salamat,” sambit ko, halos hangin na lamang ang lumabas mula sa aking bibig. Kabadong-kabado ako at alam ko kung bakit ganito ang nararamdaman ko. Normal lang ito sa katulad ko na walang nakauusap bukod kay nanay Esther at minsan ay kausap ang mga katulong. Isa pa, galit sa akin ang pamilya ni kuya Landon, galit silang lahat sa akin. Ngunit bakit pakiramdam ko, hindi naman siya galit sa akin at ang lahat ng iyon ay nasa isip ko lang? Ngunit sa tuwing naalala ko rin ang mukha ni Lilith sa tuwing kausap niya ako at ang mga sinasabi niya sa akin, malinaw na malinaw na malaki talaga ang galit nila. Isa nga rin siguro sa dahilan kung bakit hindi ako kinakausap nina kuya Lennox at kuya Landon ay dahil ako ang dahilan kung bakit muntikan nang masira ang pamilya nila. Hindi siya sumagot sa pagpapasalamat ko. Sa halip ay bahagya siyang ngumiti sa akin. Hindi ko alam kung tama ba iyong nakita ko dahil isang beses lang akong kumurap at malamig na ulit ang itsura ni kuya Landon. Bumuntong-hininga ako at hindi na muling nagsalita pa. Pagkatapos noon ay umalis na si kuya Landon dala ang tray na siya rin ang nagdala kanina. Sanay na akong mag-isa rito sa kuwarto at ang tanging kausap lang ay ang mga libro na nakasalansan nang maayos sa bookshelf. Ayos lang iyon sa akin, dahil ito na ang nakasanayan at ito siguro ang parusa sa akin. Pero ngayon na naiisip kong nariyan ang mga kaibigan ni Lilith, hindi ko maiwasang makaramdam ng inggit. Sana ako rin, may mga kaibigan na magpupunta sa bahay at masayang makikipaglaro at makikipagkuwentuhan sa akin. Ngunit alam kong hindi ko magagawa iyon ngayon dahil wala namang nakakikilala sa akin. Hanggang paghahangad na lang ang kaya kong gawin. Kaibigan… Naisip ko tuloy si Charlie dahil sa salitang iyon. Napagtanto ko rin na may kaibigan naman pala ako, at si Charlie iyon. Sa pagbalik niya ulit dito, sasabihin ko sa kaniya na gusto ko siyang maging kaibigan. “I’m gonna go get more snacks.” Si Lilith iyong nagsalita galing sa labas ng aking kuwarto. Tumayo ako mula sa kama at ibinaba ang librong binabasa upang i-lock ang pinto. Mas mabuti nang naka-lock ito upang walang makakita sa akin. Nasa baba si Lilith at kumukuha ng pagkain nila kaya ang mga kaibigan niya lang ang nasa loob ng kaniyang kuwarto. Paano kung pumunta silang muli rito at subukan na buksan ulit ang pinto ng kuwarto ko? Mas mabuti na iyong sigurado. Sumandal ako sa likod ng pintuan at napabuntong hininga. Ilan kaya ang mga kaibigan ni Lilith? Siguradong marami iyon at sigurado ring sikat siya sa kanilang school. “Good thing she’s rich. If she isn’t, she won’t be getting the guys in our school. She’s not even pretty!” Kumunot ang noo ko nang may magsalita, hindi iyon si Lilith kung hindi ang isa sa mgakaibigan niya. Lumabas sila ng kuwarto? Tinignan kong muli ang lock ng pinto. Mabuti na lamang at naisip ko agad itong gawin. “Baka may makarinig sa’yo. What if may CCTV dito?” “So, what? It’s true naman, eh. Plus, her personality is so ugly and rotten. She’s very rude!” “I agree with you. But, nasa bahay tayo ni Lilith. We can’t just say this, paano nga kung may makarinig?” “Tch. There’s no one here, don’t worry. Basta, I don’t really like her. Feeling niya siya ang pinakamaganda sa lahat kahit hindi naman. Isa pa, no one can stand her if it isn’t for her status. Kaya lang naman tayo pumunta rito para malaman kung anong weakness niya. Even her older brother has a nasty personality.” Napasinghap ako dahil sa mga narinig. Malinaw na malinaw na si Lilith ang pinag-uusapan nila at kasama pa si kuya Landon. Kaya ba nasabi nila iyon kay kuya Landon ay dahil sa ginawa nito kanina? Nakaramdam ako ng sakit sa aking dibdib. Nang dahil sa akin ay ganoon ang naging tingin ng mga kaibigan ni Lilith kay kuya. Ngunit bakit ganoon ang mga sinasabi ng mga kaibigan ni Lilith? Hindi ba at mga kaibigan niya iyon? Ganoon ba ang sasabihin mo sa kaibigan mo? At weakness? Para saan, anong gagawin nila kung malaman man nila ang weakness ni Lilith? Wala pa akong nagiging kaibigan ngunit sa tingin ko ay may mali sa mga sinasabi ng bisita ni Lilith. Hindi dapat nila sinasabi iyon kung totoo silang kaibigan! Pipihitin ko na sana ang door knob upang lumabas ngunit narinig ko ang boses ni Lilith kaya tumigil ako. “Ba’t narito kayo sa labas? Anyway, I got your favorites! Let’s go inside,” sambit niya sa kaniyang mga bisita. “Okay. Thanks, Lilith.” Humigpit ang hawak ko sa door knob. Ngayon naman, naging mabait na ang tono ng pananalita nila. Kanina, pagkamuhi ang naririnig ko sa mga boses nila. Hindi ko alam ngunit nakaramdam ako ng inis. Gusto kong ipagtanggol ang kapatid ko. Gusto kong sabihin sa kaniya ang mga sinabi ng mga bisita niya. Gusto kong sabihin sa kaniya na makasasama sa kaniya kung makikipagkaibigan siya sa mga iyon. Noon, halos ipagdasal ko na sana ay hindi pumasok si Lilith sa loob ng kuwarto ko dahil alam kong kukutyain niya lang ako. Ngayon, hindi ako mapakali katitingin at kaaabang sa pagpasok niya rito sa loob. Hindi ko kayang tumahimik lang, gusto kong malaman ni Lilith ang iniisip ng mga kaibigan niya sa kaniya pati na rin kay kuya Landon. Hindi puwedeng tumunganga lamang ako dahil narinig mismo ng dalawang tenga ko ang mga sinasabi nila tungol sa kaniya. Malakas na bumukas ang pintuan, padabog iyong binuksan ni Lilith. Naging alerto ako at agad na naglakad palapit sa kaniya. “N-Nakauwi na ang mga bisita mo?” ang pauna kong sinambit. Tinaasan niya ako ng kilay at saka humalukipkip. “What do you care? They’re not your friends. They are mine! Ano, balak mo rin ba silang agawin sa akin?” Kumunot ang noo ko at agad na umiling. Wala akong naintindihan sa mga sinabi niya. Anong aagawin? Hindi ko kailan man gagawin iyon. “Hindi, Lilith! Wala akong balak na agawin sa iyo ang mga kaibigan mo,” pasigaw kong sambit. “Why the f**k are you shouting?!” sumigaw din si Lilith. Natahimik ako, kinakabahan. Hindi ko naman sinasadyang sigawan siya, pero may gusto pa akong sabihin. Hindi siya puwedeng umalis sa loob ng kuwarto nang hindi ko nasasabi ang dapat niyang malaman. “S-Sorry, hindi ko sinasadya. P-Pero may gusto akong sabihin tungkol sa mga bisita mo kanina,” bulong ko. Tumaas muli ang kilay niya ngunit hindi siya nagsalita. Nag-conclude na ako na naghihintay siya sa kung ano mang sasabihin ko at pakikinggan niya ako. “I-Iyong mga kaibigan mo, narinig ko sila –" Huminto ako para tignan ang kaniyang itsura. Blangko lamang iyon at parang walang pakialam sa sinasabi ko. Gayonpaman, nagpatuloy pa rin ako sa pagsasalita, “A-Ang sabi nila, g-gusto lang nilang malaman ang kahinaan mo kaya pumunta sila rito… a-a-at, hindi ka nila gusto bilang k-kaibigan.” Tahimik ang paligid pagkatapos kong sabihin iyon. Narinig niya ang mga sinabi ko, ngunit parang hindi niya inintindi o hindi niya naintindihan iyon dahil wala siyang naging reaksyon... Ngunit iyon lang ang akala ko. Nanlaki ang mga mata ko nang bigla na lamang hawakan ni Lilith ang dulo ng aking buhok at malakas na hinatak iyon. Napadaing ako sa sakit. “L-Lilith –" sinubukan kong pigilan siya “Do you envy that I have friends?! And do you really think that I will believe you?! You are just a f*****g bastard who happened to destroy my family! Ang kapal nga rin ng mukha mo dahil narito ka pa rin sa bahay hanggang ngayon! Now, what? You’re telling me that my friends hate me? Who do you think you are?!” galit na galit na sambit ni Lilith. Naluluha na ang mga mata ko dahil sa sakit ng paghila niya sa buhok ko. Pakiramdam ko ay mahihiwalay ang mga buhok ko sa aking anit. Hinawakan ko ang kamay ni Lilith na nakahawak sa aking buhok upang mapigilan siya ngunit mas lalo niya lamang hinigpitan ang kapit doon at mas lalong nilakasan ang paghila sa buhok ko. “L-Lilith, n-nasasaktan a-ako,” namimilipit kong bulong, hindi ko na maintindihan ang nararamdaman ko. Sa isang iglap, nakahiga na ako sahig at nakapatong na sa akin si Lilith, muli niya akong sinabunutan at ilang kalmot ang natamo ko sa kaniyang mga kuko. Sinubukan kong hawakan ang kamay niya ngunit mas malakas siya sa akin. “L-Lilith, p-please,” bulong kong muli. Hindi ko kayang gumanti. Gusto ko lamang na pigilan siya ngunit hindi ko gagawin ang ginawa niya sa akin. Kahit na punong-puno na ng luha ang aking pisngi ay naaaninag ko pa rin ang mukha niya. Punong-puno rin ng mga luha iyon at kitang-kita ko ang sakit sa kaniyang mga mata. Umiiyak din siya katulad ko. Sobra siguro siyang nasaktan dahil sa sinabi ko. Pero... gusto ko lang naman na mapunta siya sa mga mabubuting tao, iyong itinuturing talaga siyang kaibigan at hindi siya kinamumuhian. Isa rin sigurong dahilan kung bakit siya nasasaktan ay iyong mga sinabi niya sa akin kanina. Nahihirapan ba si Lilith dahil narito ako? Ngunit wala naman akong ibang mapupuntahan. Gusto ko mang umalis, hindi ko naman alam kung ano ang makikita ko sa labas ng mansiyon na ito. Natatakot ako… Wala akong lakas ng loob para lisanin ang lugar na ito. “I hate you! I hate you! I hate you so much!” paulit-ulit na sigaw ni Lilith habang nasa ibabaw ko pa rin siya, patuloy pa rin ang pagsabunot niya sa akin. “P-Patawarin mo ako…” Nanginig ang aking mga labi habang tinitignan si Lilith na tumigil dahil sa sinabi ko. Gusto ko pang magsalita, ngunit pakiramdam ko ay pagod na pagod na ako. Gusto ko na lamang munang pumikit at matulog. Ipagdarasal na sana mamaya paggising ko, maayos na ang lahat. Ngunit pinigilan kong pumikit. Kailangan ko pang humingi ng tawad sa kapatid ko. “Lilith… patawarin mo ako, dahil wala pa akong kakayahang umalis dito. Wala akong ibang mapupuntahan, at dito ko iginugol ang lahat ng oras at panahon ko. N-Natatakot ako sa mangyayari sa akin kapag umalis ako rito. Hindi ko alam kung saan ako pupunta,” paliwanag ko habang nakahiga pa rin sa malamig na sahig. Tahimik lamang si Lilith. Wala na siya sa ibabaw ko at nasa harap ko na siya, malayo sa akin. Ramdam na ramdam ko pa rin ang mga kalmot niya sa aking pisngi at pakiramdam ko ay nagdurugo pa ang iba roon. Siguradong magulo rin ang buhok ko ngunit mamaya ko na lamang iintindihin iyon. “P-Patawarin mo rin ako sa mga n-nasabi ko tungkol sa mga kaibigan mo, h-hindi ko intensiyon na saktan ka… ngunit iyon, ang totoo…” Unti-unti ko na ring naramdaman ang sakit ng buong katawan ko. Hindi naman ganoon kabigat si Lilith ngunit matagal siyang nakadagan sa akin kaya siguro ganito na lamang ang impact noon sa katawan ko. Roon ko napagtanto kung gaano ako kahina. “Sorry, Lilith…” Kahit ilang beses siguro akong humingi ng tawad, hindi pa rin mawawala ang galit sa akin ni Lilith. Pero hindi ko pa rin nakalilimutan ang hiling ko, na sana ay maging magkaibigan kaming dalawa. Napangiti ako, siguradong mangyayari rin iyong hiling ko. Hindi man ngayon, ngunit alam kong mangyayari rin iyon. Nakarinig kami ng mga yabag papalapit sa aking kuwarto. Nanlaki ang mga mata ko at sinubukan kong gumalaw ngunit hindi ko man lang maiangat ang sarili ko. Kailangan kong makatayo rito, baka pagalitan na naman ako! “May naririnig akong sumisigaw kanina, Lilith ano ba –“ Umangat ang tingin ko at nakitang si kuya Lennox ang taong dumating. Nang makita niya ako na nakahiga sa sahig ay lumapit siya kaagad sa akin. Tipid akong ngumiti nang magkasalubong ang mga mata namin. “D-Dasha!” Inaantok na talaga ako. Nang iangat ako ni kuya Lennox ay doon na ako tuluyang pumikit. “K-Kuya…”          
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD