Chapter 12

1901 Words
"HINDI nagkamali ng hinala si Mama, Alexis," wika ni Joel nang makarating na siya sa Rosalia Building kung saan naroon ang main office ng Twin Rose Agency na pag-aari rin ng dalawang angkan na matatagpuan sa lungsod. "Ano'ng ibig mong sabihin?" Tinungo nito ang katabing drawer at mula roon ay kinuha ang isang folder na inilapag sa kanyang mesa. "Nandiyan ang impormasyon tungkol sa taong nag-utos na patayin si Mang Sonny." Dinampot ni Alexis ang folder at sinimulang basahin ang nakalagay na mga dokumento roon. Nang mabasa ang report files ng taong nagngangalang Fidel Castro ay kinuha rin niya ang ilang 3R colored pictures na kasama niyon. Kuha ang ilan dito ten years ago na ipinagtaka niya. Sa mga litratong iyon ay iisa ang kilos ng lalaki--palihim na pagsunod sa isang tao. At hindi siya maaaring magkamali. Ang kanyang ina ang sinusundan nito. Ang ibang litrato naman ay kuha sa isang business magazine kung saan naka-feature ito bilang isa sa mga nominee sa Top 10 Businessmen of the Year. 'Ito ba ang sinasabi ni Tita Criselda? Ang obssessed na manliligaw ni Mama noon?' "Tagapagmana ng Mariano Transportations, Inc. at nag-iisang anak ni Don Alberto Mariano. Kung hindi ako nagkakamali, siya rin ang nagsampa ng kaso kay Tito Javier ng land grabbing. Pero natalo siya dahil walang sapat na ebidensya. Isa pa, talagang ipinagbili ni Don Alberto ang natitirang hektarya ng kanyang lupain dito sa San Jose kay Tito Javier. Nagkataon lang na hindi niya ito ipinagsabi sa kanyang anak." "Bakit naman?" "I don't know. Anyway, siya ang itinuturo na nag-utos para patayin ang natitirang saksi sa nangyari kay Angela. Bukod doon, siya talaga ang pumatay kay Tita Isabella at kay Mama. Kaya hindi nakapagtataka sa parehong paraan sila napatay." "Kung siya talaga ang suspect, bakit hindi pa nila ito nahuhuli hanggang ngayon?" "Nagtatago na siya ngayon dahil wanted na siya sa mga pulis. Ilang kaso na rin ng murder ang nakasampa laban sa kanya." "Ano'ng nangyari sa mga negosyo nila pagkatapos niyon?" "Bagsak na ang mga negosyo nila magmula ng magtago siya sa awtoridad dahil sa pagpatay niya sa kanyang asawa." "Pati asawa niya, pinatay niya?" "Oo, Alexis. Nasaksihan kasi nito ang ginawa niyang patay sa isang kaibigan ni Fidel sa bakuran nila. Sa ngayon, ang kasama niya sa kanyang pagtatago ay ang nag-iisang anak niya na si Ricardo Mariano, kasama ng ilan pa sa mga tauhan niya na tapat pa rin sa kanya." Walang nasabi si Alexis. Patuloy pa rin siya sa pagtitig sa litrato ni Fidel Mariano na nakasunod sa kanyang ina nang patago. "At may isa pang impormasyong nakuha sina Nathan and Aaron." "Ano 'yon?" "'Yong narinig ni Angela at ni Elizza na mga putok ng baril, kagagawan rin iyon ng mga tauhan ni Fidel." "Ano'ng ibig mong sabihin?" "Noong mga oras na bubuksan na natin ang kahong nakita mo sa kasukalan, pinasok tayo ng mga armadong lalaki patayin nang tuluyan si Angela. Pero namintis ang bala at agad silang na-spot-an ng mga tauhan nating nakabantay sa paligid ng hacienda kaya hindi na nila nagawa ang balak nila kay Angela. Tatlo sa kanila ang napatay ng mga tauhan natin." Napabuntong-hininga si Alexis at tuluyang isinarado ang hawak na folder bago ito tuluyang inilapag. "Ganoon ba talaga siya kadesidong gantihan tayo? To the extent na pati sina Tita Criselda at Angela ay idinamay pa niya sa paghihiganti niya?" "Baliw na lang ang isang tulad niya, Alexis. Isang delikadong baliw na handang gawin ang kahit na anong paraan para gumanti sa atin." "Pero bakit kailangang idamay pa niya kayo? Sa pagkakaalam ko, ang Mama at Dad lang naman ang may atraso sa Fidel na iyon, ah." "Malapit kami sa inyo, Alexis. Ilang siglo na rin ang closeness na ito ng dalawang angkan. Natural lang na madamay rin kami sa lahat ng nangyayari sa pamilya n'yo. Isa pa, bestfriend ni Mama si Tita Angela." Ilang saglit na natahimik ang dalawa. "Ano na ang gagawin natin ngayon?" kapagkuwa'y tanong ni Joel sa kanya. "Kailangang paigtingin natin ang seguridad sa paligid ng hacienda, ng rancho, kahit na sa ancestral house. Hindi malabong muling magtatangka ang mga tauhan ni Fidel na pasukin ang lugar para tapusin nang tuluyan si Angela." "Isa pang impormasyon, Alexis. Tauhan rin niya ang may kagagawan ng plane crash ten years ago." "Ha? Paano ninyo nalaman iyon?" "Isa pa iyon sa inamin ng taong nagtangkang pumatay kay Mang Sonny. At sinabi pa nito na talagang gagawin ni Fidel Mariano ang lahat, makaganti lang sa atin." "Kung ganoon, kailangan talagang maging handa tayo. Anumang oras, maaari niyang isagawa ang plano niyang paghihiganti sa ating lahat." "Tama ka. Hindi natin kailangang maliitin ang kakayahan ng kalaban natin." 'Hindi talaga namin kailangang maliitin ang mga kalaban namin. Nagawa niyang patayin sina Mama at Tita Criselda sa napakabrutal na paraan. Hindi imposibleng magawa niya sa amin iyon. Pero hindi ako papayag. Tama nang dalawang tao na ang nadamay sa poot ng Fidel na iyon. Hindi ako papayag na may madamay pang muli sa pamilya namin ni Joel.' xxxxxx "ANO'NG nangyari, Kuya?" salubong na tanong ni Cheska kay Alexis nang makauwi na siya sa ancestral house. "Bakit ka nagpunta sa agency?" "May pinag-usapan lang kami ni Joel." Pagod ang katawang naupo si Alexis sa pang-isahang sofa na nasa sala at ipinikit ang mga mata. "Kuya?" "Hmm?" Muli siyang nagmulat ng mga mata at sumulyap kay Cheska. "Ano ba talaga ang inaasikaso ninyo ni Kuya Joel?" Napatitig siya rito. "Bakit mo naman naitanong?" "Wala lang. Gusto ko lang malinawan sa kung ano na ba talaga ang nangyayari sa pamilya natin." "Wala pa bang sinasabi sa 'yo sina Aaron at Nathan tungkol sa gusto mong malaman?" "Mukha namang walang planong magsalita sa kanila kung wala ang permiso mo o ni Kuya Joel." "Hintayin mong dumating si Fate mamaya. Sasabihin ko sa inyo ang lahat para alam na rin ninyo ang gagawin kapag may hindi magandang mangyari." "Ano'ng ibig mong sabihin, Kuya?" "Sige, magpapahinga muna ako sa kuwarto ko. Kailangan ko ng matinding pahinga ngayon, eh," wika niya sa kapatid sabay tayo sa sofa at humakbang na palayo sa dalaga. xxxxxx NAPABUNTONG-HININGA na lang si Cheska habang nakatingin sa palayong kapatid. 'Kawawa naman si Kuya. Hindi na naging normal ang buhay ever since namatay si Mama. Lalo na nang inakala niyang patay na si Ate Angela. Lalo naman nang magbalik siya rito galing Canada. Kaya nga ba talagang baguhin ng impormasyon sa loob ng diary na iyon ang takbo ng buhay namin gaya ng sinabi ni Mama sa isa sa mga sulat niya?' Pinasok kasi ni Cheska ang study room kung saan nakalagay ang mga diary at mga sulat ng dalawang pinatay na mga ginang noong mga oras na wala sa bahay si Alexis at nasa agency. Hindi man niya gustong makialam pero gusto lang niyang malinawan sa kung ano na ba talaga ang tunay na sitwasyon ng pamilya nila. At nabasa nga niya ang diary ni Criselda, pati na rin ang mga sulat na kasama nito. Karamihan sa mga sulat na ito ay mga death threat galing sa isang taong nagngangalang Fidel. Wala man siyang ideya kung sino ang taong iyon, alam niyang naging bahagi ito ng kanilang nakaraan na lalong nakaapekto sa kanilang kasalukuyan. Isa sa mga nakasaad sulat ay mga impormasyong nakapaloob sa lumang diary ang babago ng buhay ng dalawang angkan. Isa naman sa mga sulat na iyon ay nagsasalaysay kung bakit nadamay ang pamilya dela Vega sa gulo ng mga Cervantes na likha ng diary na iyon. Kilalang isa sa pinakamayamang angkan ang mga Cervantes noong ikalabing-anim na siglo. Ngunit bukod sa kayamanang tinatamasa ng mga ito, may natatago pang baul-baul na kayamanang namana pa ng mga ito mula sa kanilang mga ninuno. Kayamanang nanatiling lihim sa loob ng ilang siglo. At magmula nang malaman ng magkapatid na Alfonso at Victoria Cervantes ang tungkol doon, inalam nila ang nakaraan at tunay na kinalalagyan niyon. At dahil ipinagkasundong ipakasal si Victoria kay Hernando dela Vega, natural lang na malaman din ng mga dela Vega ang tungkol sa lihim na ito ng mga Cervantes. Ang nasabing kasunduang kasalan ay hindi tinutulan ng kahit na kaninong panig. Matagal nang nag-iibigan ang dalawa at napagkasunduan silang ipakasal dahil na rin sa hiling ni Hernando sa ama. Si Alfonso naman ay nagkataong inibig ang kababatang si Sofia na kapatid ni Hernando. Matapos ang kasal, nagtungo ang bagong kasal sa Pransya para sa kanilang honeymoon at para maipagpatuloy ang paghahanap sa lihim. Nang magbalik ang mga ito matapos ang dalawang taon ay dala ng mag-asawa ang kambal na anak. Napagdesisyunan din ng magkapatid na hanapin naman sa Inglatera ang pakay. Bago pa man ito ay nag-asawa na rin si Alfonso nang magpakasal kay Sofia at nagkaroon din ng kambal na anak, tulad ng kanyang kapatid. Ngunit isang trahedya ang sinapit ng magkapatid nang sila'y magtungo sa Inglatera. Lumubog ang barkong kanilang sinasakyan patungo roon at sa kasamaang palad ay walang nakaligtas sa paglubog na iyon na sanhi ng isang malakas na bagyo. Inanod patungo sa isang dalampasigan ang diary ng magkapatid na nakalagay sa isang maliit na baul. Kung sino man ang nakakita niyon, walang nakakaalam ng bagay na iyon. Ang tanging alam lang ng pamilyang naiwan nina Alfonso at Victoria, may posibilidad na malagay sa panganib ang sinumang makakita ng diary. At hindi nila hahayaang mangyari iyon kaya naman hinanap nila ang mga taong posibleng nakakuha niyon. Subalit lagi silang bigo. Hanggang sa napasa na sa sumunod na henerasyon ang misyong iyon ngunit wala pa ring nangyari sa kanilang paghahanap. Nagpasalin-salin ang misyong ito ng dalawang angkan sa bawat henerasyong nagdaan. At ngayon nga, napasa na sa henerasyon nila ang misyong ito na kinailangan pang dalawang buhay ang ibuwis para lang maprotektahan ang lihim. Hanggang kailan na magpapatuloy ang misyong iyon ng kanilang angkan na wala nang kailangang madamay pa at magbuwis ng buhay upang mailihim lang ito sa mga gahaman? xxxxxx HABANG nagpapahinga si Alexis na nakaidlip dahil sa pagod, lihim naman sa kanya ang isang pangyayaring napapanaginipan ngayon ni Angela. Pabiling-biling ang ulo ng dalaga habang dumadaing at umuungol. Malalabong bulto ang nakikita niya. Malalaki ang katawan at may mga hawak na mataas na uri ng armas. Ang isa naman ay pandak na may kalakihan ang tiyan at kung hindi siya nagkakamali, may edad na ang nasabing bulto. At lahat ay nagkukumpulan sa isang bahagi ng silid na pinapalibutan ang isa pang bulto ng katawan na nakalugmok na sa sahig, anyong wala nang buhay at duguan. Nakadapa ang nasabing bulto na alam niyang babae kaya hindi niya makita ang mukha. At ang nagparindi sa kanya sa nasaksihan ay ang patalim na nakatarak sa likod ng babae. Sinikap niyang lumapit sa mga ito ngunit ayaw nang kumilos ng mga paa niya. At napapansin niyang unti-unti siyang lumalayo sa silid na iyon at kahit anong sikap niyang pigilin ang paglayo na iyon ay wala siyang lakas. Hanggang sa tuluyan na siyang nilamon ng kadiliman at bawat anggulo ng lugar na nakikita niya ay pawang kadiliman lahat. Tumakbo siya nang tumakbo upang makahanap ng maaari niyang labasan pero kahit malayo-layo na ang natatakbo niya ay wala pa rin siyang malabasan. Pakiramdam niya ay hindi na siya halos makahinga sa nakikitang kadiliman. 'Please, someone help me! Kailangan kong makatakas dito. Hindi ko kayang magtagal dito sa dilim.' At dahil sa kagustuhang lumabas sa kadilimang iyon, bigla na lamang niyang namamalayan na nahuhulog na siya nang mabilis sa kung saan. 'No!'
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD