Kahit hirap pa rin ang isipan ni Angela na tanggapin ang nasaksihan, alam niyang wala ng buhay ang babae. Gustong magwala dahil sa sakit na agad na lumukob sa kanya dahil sa nakita.
'Oh, God!' tanging usal ng kanyang isipan nang makita ang duguang katawan ni Doña Criselda.
At natagpuan niya ang sarili na humahakbang patungo sa duguang bangkay ng kanyang ina.
Subalit hindi pa siya nakakalapit dito ay biglang nagsara ang pinto, tanda na may nagsara nito mula sa loob.
Pabigla siyang lumingon at nagulat siya nang makita ang iba pang kalalakihang may hawak na mga baril. Sa gitna ng mga ito ay nakatayo ang isang may edad na lalaking pandak at nakakalbo na. May kalakihan din ang tiyan nito subalit bakas pa rin ang awtoridad sa dating nito.
"Mabuti naman at dumating na ang aming munting prinsesa," nakangising wika ng pandak na lalaki.
Napahakbang siya paatras.
"S-sino kayo? At bakit ninyo pinatay ang Mama ko?"
"Simple lang naman ang dahilan. Nalaman na ni Criselda na ako ang pumatay sa matalik niyang kaibigan bilang kabayaran nang pinatay ni Isabella ang puso ko dahil sa pagtanggi niya sa pag-ibig ko."
Sa sinabi nitong "pagtanggi sa pa-ibig" ay saka niya naalala ang isang ikinuwento ng kanyang ina.
'Pagtanggi sa pag-ibig... ng matalik na kaibigan ni Mama? Siya ba si Fidel Mariano na dating manliligaw ni Tita Isabella noon?'
"Bakit kailangan pang madamay ang Mama ko sa galit mo kay Tita Isabella? Siya lang naman ang may atraso sa 'yo."
"Wala naman talaga sa plano ko ang patayin siya, eh. Kaya lang, ayoko pang makulong. At hindi ko naman kasi inakala na tutuklasin niya ang taong pumatay kay Isabella. Isa pa, hindi niya ibinigay sa akin ang kailangan ko."
"A-ano'ng ibig mong sabihin?" litong tanong niya na muli na namang napaatras hanggang sa mabangga niya ang side table sa gilid ng kama.
"Ang tinutukoy kong kailangan ko ay ang diary na pag-aari ninyo."
"H-hindi kita maintindihan. A-ano'ng diary?"
Hindi siya sinagot ng lalaki.
May kinuha ito sa tagiliran nito at nahindik siya nang makitang baril iyon.
"Alam kong wala kang alam tungkol doon. Kaya naman hindi ko na sasabihin pa sa 'yo. At wala ka na ring pagsasabihan ng mga natuklasan mo dahil katapusan mo na."
"No!" Iyon lang at naging mabilis ang aksiyon ni Angela.
Naiputok man ni Fidel ang baril ay agad naman niyang nailagan iyon. Saka niya kinuha ang patalim na nakatarak sa katawan ng ina at direktang inihagis patusok sa sikmura ng matandang lalaki.
Kaagad na nalugmok sa carpeted na sahig ang kalaban na sinamantala niya para makuha ang baril nito.
Ang mga bodyguard naman ng lalaki ay agad na dinaluhan ang amo habang ang ilan ay iniumang ang mga baril sa kanya.
Gamit ang baril na nakuha niya kay Fidel ay pinaputukan niya ang mga ito.
Ang iba ay agad na bumagsak bago pa maiputok ang baril dahil pinatamaan niya ang mga ito sa ulo. Ang iba naman ay sa sikmura at sa hita tinamaan.
Hindi na siya nagsayang pa ng oras. Agad siyang tumakbo palabas ng suite na iyon.
Pero bago siya tumakbo palabas, isang huling sulyap ang iginawad niya sa bangkay ng kanyang ina.
'Pangako, Mama. Bibigyan ko ng katarungan ang nangyari sa iyo. Lalo na ngayong iisa lang ang pumatay sa inyo ni Tita Isabella. Pagbabayaran ng Fidel na iyon ang ginawa niya sa inyo at hindi ko hahayaang may madamay pa.' Iyon lang at agad nang nilisan ni Angela ang lugar na iyon.
Mabilis ang kanyang naging pagtakbo.
"Habulin ninyo ang babaeng iyon! Hindi siya maaaring makatakas! Kung kinakailangang patayin n'yo na siya, gawin n'yo na! Ang importante, walang makaalam ng ginawa ko sa magkaibigan!"
Narinig pa niya ang mga sinabing iyon ni Fidel kaya naman mas binilisan pa niya ang pagtakbo paalis sa hotel.
Agad siyang dumaan sa fire exit at tinungo ang parking lot sa labas ng hotel. Sumakay siya kaagad sa kanyang kotse at pinaharurot iyon.
Kailangan niyang makatakas dahil kailangan niyang sabihin sa mga kapatid at mga kababata ang tungkol sa kanyang natuklasan.
At kailangan din niyang alamin mula sa dalawang don ang nalalaman ng mga ito tungkol sa diary na tinutukoy ni Fidel.
Nang tumingin siya sa kanyang rearview mirror ay nagulat siya nang makita ang tatlong itim na kotseng ngayon ay nakasunod sa kanya.
Ang isa sa mga lalaking nasa loob ng kotse ay may hawak na baril at nakaumang na sa kanya.
Kaya naman lalo pa niyang binilisan ang pagpapatakbo sa kotse.
Mabuti na lang at mabilis ang reflexes niya. Madali siyang nakaiwas sa mga sasakyang maaari niyang mabangga.
Patuloy ang pagpapatakbo niya sa kotse habang hinahabol pa rin siya ng tatlong itim na kotse. Patuloy rin ang pagbaril sa kanya ng mga ito subalit agad siyang umiiwas.
Malayo-layo na ang natatahak niya subalit hindi pa rin siya tinitigilan ng mga ito.
At sa malas ay hindi talaga hihinto ang mga ito hanggang hindi nagagawa ng mga ito ang pakay sa kanya.
'Hindi nila ako dapat mahuli! Kailangang makatakas ko sila kung gusto kong mabigyan ng hustisya ang pagkamatay nina Mama at Tita Isabella.'
Hanggang sa namalayan na lamang niya na may bangin na ang tinatahak niyang daan.
Kaya pala, dahil malaya na siya ngayon sa lungsod.
Patuloy pa rin ang mabilis na pagharurot niya ng kotse hanggang sa may maramdaman siyang malakas na pagbangga sa likuran ng kanyang kotse.
Mas lalo pa niyang binilisan ang pagmamaneho para makalayo na sa mga lalaking sumusunod pa rin sa kanya at patuloy na binabaril ang kanyang sasakyan.
Kahit na alam niyang maaari siyang maaksidente, sinikap pa rin niyang mag-ingat.
Subalit naramdaman niya ang isang malakas na pagsabog sa likuran ng kanyang kotse.
At namalayan na lamang niya na pagewang-gewang na ang takbo ng kanyang sasakyan dahil ang pagsabog na iyon ay mula sa isa sa mga gulong ng kotse na pinatamaan ng baril.
Pinilit niyang maghanap ng lugar na puwedeng pagbanggaan ng kanyang kotse na hindi siya masasaktan subalit wala siyang makita.
At nang makita niya ang papasalubong na ten wheeler truck, sinikap niyang umiwas subalit huli na ang lahat. Malapit na ang truck at ang tanging nagawa niya ay iliko ang kotse.
Na siyang pagkakamaling nagawa niya dahil agad na dumiretso sa ibaba ng bangin ang sasakyan. Ilang beses na nagpagulong-gulong ang kotse niya hanggang sa bumagsak ito sa ibaba nang pabaliktad.
Kahit na masakit ang katawan at sugatan pa ay sinikap ni Angela na umalis sa kanyang kotse dahil anumang sandali ay sasabog na iyon. Naaamoy na kasi niya ang tumatagas na gasolina mula rito.
Hindi pa siya gaanong nakalalayo rito ay napabagsak na ang katawan niya sa lupa. At ilang sandali pa, tuluyan nang sumabog ang kotse.
Napahinto ang tatlong kotse nang marinig at makita nila ang paglagablab ng kinalululanan ng target nila.
Para sa kanila ay tapos na ang pagtutugis nila kay Angela kaya naman agad nang umalis ang mga ito.
Sa ibaba naman ng bangin, patuloy pa rin ang pag-agos ng dugo mula sa mga sugat sa ulo at katawan ni Angela...
xxxxxx
"MAMA!" sigaw ni Angela at napabalikwas siya ng bangon.
Habol niya ang hiningang iniikot ang tingin sa kanyang paligid.
'Walong buwan na ang nakalilipas nang mangyari ang lahat pero parang kahapon lang naganap ang trahedyang iyon.'
Agad niyang tiningnan ang orasan na nakalagay sa bedside table.
'Seven o'clock na pala.'
Akmang tatayo na si Angela nang makarinig siya ng mga putok ng baril. At kung hindi siya nagkakamali, sa loob iyon ng bahay nila!
'Ano 'yon? At bakit may nagpapaputok ng baril dito sa bahay?'
Agad siyang dumiretso sa kanyang closet at binuksan ang isang mini-cabinet na naroon.
Kukunin na sana niya ang isang kalibre kwarenta'y singko nang biglang bumukas ang pinto at iniluwa si Elizza.
Patakbo itong lumapit sa kanya.
"Eliz, ano'ng problema? Bakit may naririnig akongー"
"Ate, kailangan na nating tumakas dito."
"Ha? A-at bakit?"
"Pinasok tayo ng mga kalaban. And worst, nandito na sila sa loob ng bahay."
"Ano?"