HINDI maintindihan ni Belle kung bakit pero napasunod siya ng tingin sa lalaking nakabangga niya nang papasok siya ng KTV Bar kung saan sila itinuro ng mga napagtanungan nila na tanging lugar doon na maari nilang kainan. Sa tangkad at laking tao nito ay sa dibdib nito tumama ang mukha niya. At kahit na muntik na siyang matumba sa lakas ng pagkakabangga niya rito ay ni hindi man lang ito natinag sa kinatatayuan nito.
Paika-ika itong naglalakad gamit ang isang tungkod. Malapad ang pangangatawan nito at nakasuot lamang ng kupas na pantalong maong at itim na leather jacket. Tipikal na lalaki lang naman ito maliban sa pilay nito. Subalit hindi niya maintindihan kung bakit hindi niya maialis ang tingin niya sa papalayong pigura nito. Ni hindi nga niya nakita ang mukha nito dahil tinawag na siya ng ate niya. Siguro ay dahil may kung ano sa presenya nito na ibang iba sa lahat ng taong nakita na niya.
“Hoy Belle ano pang ginagawa mo diyan? Gutom na gutom na ako,” muling tawag sa kaniya ng ate Beverly niya dahilan kaya tuluyan na niyang inalis ang tingin sa lalaki at lumapit na sa ate niya.
Napakaingay sa lugar na iyon bago sila pumasok sa loob. Ngunit napansin niyang bahagyang nabawasan ang ingay sa loob nang naroon na sila. Palibhasa halos lahat ay nakatingin sa mga kapatid niya na mukhang walang pakielam sa titig ng mga lasing doon. Nakapustura pa rin kasi ang mga kapatid niya dahil hindi naman nakapagbihis ang mga ito sa pagmamadali. Pumuwesto sila sa isang bakanteng lamesa sa dulong bahagi na malayo sa mga nagkakantahan.
“Wala na ba talagang ibang makakainan dito at sa KTV bar tayo pumasok?” tanong niya sa mga ate niya.
“Gusto ko ng beer eh. Pwede na ito,” sabi ng ate Shyra niya. Napailing na lamang siya nang lumapit na sa kanila ang isang lalaking ngiting ngiti at tinanong ang order nila. Nakita niya kung paano nag-iba ang pananalita ng mga kapatid niya, naging malambing. At kapag gumagamit na ng charm ang mga ito ay nahuhulog na ang kahit sinong lalaki. Patunay niyon ang napakaraming pagkaing inilapag ng manager ng bar sa lamesa nila at sinabing libre na nito iyon dahil bagong salta sila roon. Napailing na lamang siya at kumain habang dinadaldal ito ng mga kapatid niya kung saan sila maaring umupa ng matitirhan.
Bago sila matapos kumain ay may naipakilala na itong isang may edad na babae na may pinapaupahang maliit na bahay. Kahit alam niyang mali ay hindi niya maiwasang mabilib sa mga kapatid niya. “Paano niyo nagagawa iyon?” tanong niya sa mga ito nang nasa labas na sila ng KTV Bar at nakasunod sa magiging landlady nila. Gabing gabi na pero maingay pa rin doon. Fiesta daw kasi kaya nagkakasiyahan ang mga tao.
“Kaya mo rin iyon kulang ka lang sa practice. Ikaw pa naman ang pinakamaganda sa ating tatlo. Hindi mo lang sinasamantala kung ano ang mayroon ka. Dapat talaga matutunan mo ng gamitin ang charm at ganda na tanging napakinabangan natin sa mga magulang natin para makaya mo ng tumayo sa sarili mong mga paa,” sabi ng ate Beverly niya. Hindi nakaligtas sa kaniya ang himig ng sarkasmo sa tinig nito sa pagbanggit sa mga magulang nila. At hindi niya ito masisisi. Hindi naging magulang sa kanila ang tatay at nanay nila.
“Hindi bale, habang nandito tayo gawin na nating pagkakataon para turuan si Belle. Para pagbalik natin sa kabihasnan marunong na siya,” sabi naman ng ate Shyra niya.
Napangiwi siya. “Uulitin na naman natin ang buhay natin dati?” tanong niya sa mga ito.
“Shh!” pinanlakihan siya ng mga mata ng mga ito at sinenyas ang magiging landlady nila na mukhang hindi naman sila narinig dahil binuksan na nito ang pinto ng isang may kaliitang bungalow. Tumahimik na siya dahil humarap na sa kanila ang babae na agad na nginitian ng mga ate niya.
“Pasok kayo mga ganda,” tawag nito sa kanila. Lumapit sila rito. “Maliit lang ito pero matibay naman ang mga lock ng bahay na ito. At huwag kayong mag-alala, mababait naman kami rito. Mayroon ding mga tao ng barangay na nagpapatrol dito kaya ligtas na ligtas kayo rito,” daldal nito habang pinapakita sa kanila ang bahay.
Kung alam lang nito na wala ng mas mapanganib pa sa kanilang tatlo. Na baka ang bayan pa ng mga ito ang maging biktima at hindi sila. Saglit pa ay nagpaalam na itong iiwan na sila roon. Pagkatapos mag-abot dito ng downpayment ay hinatid nila ito hanggang sa labas.
“Oo nga pala. Huwag na huwag lang kayong pupunta sa dulo kasi private property na iyan ha?” paalala nito na may itinuro. Sa may kalayuan at kasaluungat ng pinanggalingan nila ay may tila gubat na bahagi ng bayan na iyon dahil sa dami ng puno.
“Ang ibig ho ninyong sabihin may ganiyan kayaman dito sa San Bartolome na pag-aari iyang bahaging iyan ng bayan?” tanong ng ate Beverly niya. Kumikislap ang mga mata nito na palaging nangyayari kapag nakakaamoy ito ng mapagkakaperahan.
Ngunit nagtaka siya nang makitang bumakas ang takot sa mukha ng landlady nila. “Oo mayaman siya. Pitong taon na siyang nakatira dito pero limang taon na mula ng huli naming makita ang may-ari niyan. Hindi umaalis ng bahay niya. May nangyari kasing karumaldumal sa bahay na iyon limang taon na ang nakararaan kaya mula noon wala ng naglakas ng loob na pumasok diyan. Natatakot,” pabulong na bulalas nito.
Nawala ang ngiti sa mga labi ng mga kapatid niya at gaya niya ay napamaang na lamang sa may edad na babae. “A-ano po ba iyong nangyari?” hindi nakatiis na tanong niya rito.
“Alam niyo kasi pitong taon na ang nakararaan nag-asawa ang isang kababayan namin dito ng taga maynila na nakilala niya doon. Noong ipinakilala naman ni Regina iyong asawa niya ay ubod naman ng bait at napakaguwapo pa. Idagdag pang mayaman kaya tuwang tuwa kami para sa kaniya. Pero kahit anong tanong namin sa kanila kung ano ang trabaho ng lalaki ay ayaw sabihin sa amin. Madalas inaabot ng isang buwan na wala ang lalaki kaya si Regina lang mag-isa sa malaking bahay nila. Noon pa lang naghinala na kami sa lalaking iyon. Pagkatapos, limang taon na ang nakararaan…” pabitin pang kwento nito.
“Anong nangyari?” pigil ang hiningang tanong na ni ate Shyra.
“Nalaman na lamang namin na pinatay si Regina isang gabi sa mismong loob ng bahay nila. Hindi namin alam kung ano ang nangyari. Ni hindi ibinurol ang katawan niya at inilibing kaagad. Nag-iba na rin ang asawa niya. Hindi na lumalabas ng bahay at hindi na nakikipag-usap kahit kanino. Pero may mga tsismis ng mga taong nakakakita sa kaniya, talagang ibang-iba na raw ang lalaking iyon. Mukhang nakaktatakot na raw at mukhang nasiraan na ng ulo. Panakot na nga siya ng mga magulang sa mga batang matitigas ang ulo,” papahina ng papahina na patuloy nito.
Halos wala ng humihinga sa kanilang tatlo nang bahagya pang lumapit sa kanila ang landlady nila na tila ba may ibubulong na lihim. “Ang hula namin, nasiraan siya ng ulo ng gabing iyon at pinatay ang asawa niya. Mapanganib ang lalaking iyon kaya walang nagtatangkang tumawid sa lupa niya. Baka kung ano pa ang mangyari sa amin.”
“E bakit hindi ninyo paaalisin at ipakulong?” tanong ni Beverly.
Nanlaki ang mga mata ng landlady nila. “Tumawag kami ng pulis! Pero hindi siya hinuli. Ang sabi wala silang ebidensya na pinatay nga niya ang asawa niya. Sa sakit lang daw namatay si Regina. Samantalang malusog pa siya noong huli namin siyang nakita. Palagay ko ay mapanganib talaga ang lalaking iyon. Baka miyembro ng sindikato at pati pulis nabayaran. Basta ang punto ko lang, kung gusto niyang maging ligtas ang pananatili ninyo rito huwag kayong magpupunta doon at huwag kayong gagawa ng bagay na ikagagalit niya. Kayo rin gusto niyo bang mamatay dito nang hindi rin namin malalaman kung ano ang nangyari?” pananakot nito.
Marahas silang nagsipag-iling tatlo. Tumango-tango ito at saglit pa silang pinaalalahanan bago umalis. Ilang sandaling natahimik lamang silang tatlo.
“Tama ba ang desisyon nating dito magpunta?” basag niya sa katahimikan.
Tumikhim ang ate Beverly niya. “Ano ka ba, naniniwala ka sa kaniya. Malamang sabi-sabi lang iyon dito. Hindi ba sabi niya kanina ligtas dito? Sinabi lang niya iyon para huwag tayong tumawid sa lupain ng lalaking iyon. Ikaw talaga Belle napakainosente mo pa rin hanggang ngayon,” natatawang sabi nito at nagpatiuna na sa loob.
Nagdududang sinundan niya ito at ang ate Shyra niya. “Natakot kaya kayong dalawa.”
“Mag-ayos na nga lang tayo para makatulog na. Bukas na tayo mag-isip kung ano ang gagawin natin habang nandito tayo. At hindi ako natatakot doon. Mayaman ang lalaking iyon at hindi dapat matapos ang pananatili natin dito nang hindi natin nalalaman kung may mahihita tayo sa kaniya,” paiwas na sagot ng ate Beverly niya.
Naitirik na lamang niya ang mga mata. Sabagay, alam naman niyang kahit kailan ay hindi aaming natatakot ang mga ito. Kahit gaano rin kadelikado ay susuong ang mga ito para magkapera. At siya, sa totoo lang ay hindi niya alam kung natatakot ba siya o hindi sa kwentong iyon. Wala tuloy sa loob na napalingon siya sa direksyon kung saan daw naroon ang asawa ni Regina. Totoo nga kayang pinatay nito ang asawa nito?
“Huy Belle, isara mo na iyang pinto at magpahinga na tayo,” tawag sa kaniya ng ate Shyra niya. Binawi niya ang tingin at tumalima.