"OO, ALAM ko ang ginawa ko! Kaya sali na kayo sa Tropa ko." naka-ngising dagdag pa ni Euzeine kaya doon napalingon si Ursaillune sa dalagang bampira na agad naman siyang inirapan nang magtagpo ang kanilang mga mata. Samantalang ang dalawang binata naman ay hindi halos makapaniwala sa kanilang nakikita at naririnig.
"Sali kayo sa Tropa ko!" muling giit ni Euzeine saka sinulyapan ang dalagang bampira. "Ano bang pinagsasabi mo diyan, inutil na mortal?" nakairap na giit ng dalagang bampira, kaya ay hindi na napigilan ni Euzeine ang matawa samantalang napangiwi naman si Ursailllune.
"Mortal? Ahh, kambal mo Deveoneyo?" nanlaki ang mata ni Deveone at inis na binalingan ang binatang si Euzeine. Halos umusok na ang ilong ng binatang bampira nang marinig ang pangalang itinawag sa kaniya ng binatang magnanakaw. Nanlilisik na ang pula niyang mata at nais niyang sampalin ng kaliwa kanan ang mukha ng binata, ngunit hindi niya yun magawa lalo na't hanggang ngayon ay nakatali pa rin siya. "Tontong mortal." madiing bulong niya sa sarili saka sinulyapan si Ocatvus na hanggang ngayon ay nakatitig pa rin sa isang direksyon. "Hoy! Lobo, pakawalan mo nga ang gwapong prinsepe kagaya ko!" ngunit hindi man lang siya napansin ng binatang lobo lalo na't abala rin ito sa pagtitig sa babaeng inaakbayan ng binatang si Euzeine. Napairap na lamang si Devoene sa sarili, aaminin niyang nagmumukha siyang babae ngunit nais na niyang makawala para malapitan si Euzeine at batukan ito.
"Mga bida-bida, extra lang naman." bulong niya sa sarili ngunit ni isa ay walang pumapansin sa kaniya, ang mas malala pa roon ay tinalikuran siya ng kaniyang kambal. Tuluyan nang napasimangot ang binatang bampira at inis na tinitigan ang binatang magnanakaw at pabalik sa binatang lobo, doon lamang niya napagtanto na kanina pa pala nakatitig ang binatang si Octavus sa babaeng kasalukuyang inaakbayan ng lalaking tinuring nitong kapitan.
"Sali na kasi kayo!!" pangungulit pa ni Euzeine sa dalaga kaya hindi na napigilan ni Octavus ang mapakurap, pansin nga niyang magkakilala at malapit sa isa't-isa ang dalawa ngunit ang tanong niya ay, paano? kailan? Ilang beses na napakurap ang binatang lobo, dahan-dahan syang napatayo habang pinagkatitigan ang babaeng kasalukuyang hinahampas ang binatang magnanakaw
"Hanggang ngayon ba naman ay puro ka pa rin Troop Endeavour?" nakairap na sabi ni Ursaillune dahilan upang lumawak ang ngiti ni Euzeine kaya hindi na mapigilan ng dalaga ang mapabuntong-hininga. Hindi siya makapaniwalang hanggang ngayon ay hindi pa rin sumusuko ang kaniyang kaibigan sa pangarap nito.
"Pasensya na kapitan." pagbibigay respeto ng binatang lobo kung kaya ay agad na napatalon si Ursaillune nang marinig ang malalim na boses ng binatang lobo, hindi namalayan ng dalawa na nakarating na pala ito sa kanilang harapan kung kaya ay ganoon na lang ang naging reaksyon ng dalaga.
Titig na titig ang binatang si Octavus sa dalagang si Ursaillune kung kaya ay hindi na napigilan ng dalaga ang mamula, ramdam niya rin ang malakas na pintig sa kaniyang puso. Ilang beses siyang huminga ng malalim upang makalma ang sarili, pakiramdam niya'y hinahabol siya ng mga halimaw dahil hindi niya halos mahabol ang kaniyang hininga "Ayos ka lang ba si Saillune?" hindi na napigilan ni Euzeine ang mag-alala sa kaibigan, namumula kasi ang mukha ng dalaga kung kaya ay agad niyang inilagay ang kaniyang palad sa noo ng dalaga ngunit hindi naman mainit yun.
"Pasensya ka na..." hindi alam ni Octavus kung bakit bigla siyang nabulol, nasaan ba yung sarkasmo at malamig niyang ugali? Mabilis namang napailing ang dalagang babaylan at kinaway-kaway pa ang kamay sa harapan, na para bang sinasabi nitong 'wala kang kasalanan.'
"A-ayos lang ako." nagpapanic nitong giit at saka napatikhim, kapagkuwan ay napatitig ang dalaga sa binatang lobo at nginitian ito dahilan upang malaglag lahat ng katinuang hinahawakan ng mahigpit ng binatang lobo. Kapagkuwan ay unti-unting nanlaki ang matang dalagang babaylan at agad na hinampas ang binatang magnanakaw na katabi niya. Hindi na napigilan ni Octavus ang mapangiwi, kung kanina'y sinasampal ng dalagang bampira ang kambal nitong nakatali sa kahoy, ang dalagang babaylan naman ngayon sa kaniyang harapan ay kanina pa hinahampas ang binatang nirerespeto niya at tinatawag niyang Kapitan. Mukhang mapapalibutan ata siya ng mga bayolenteng babae.
"Zie! Tama ba yung narinig ko, tinawag ka niyang Kapitan!!" bakas ang saya sa boses ng dalaga, kitang-kita ang malawak na ngiti sa mukha nito at ang mata nitong kumikislap sa labis na tuwa isang ekspresyon, na labis na nagpagaan sa puso ng binatangg lobo na unti-unti nang nalulunod sa boses ng dalaga sa kaniyang harapan. "Ako pa." giit nito at papreskong kinagat ang ibabang labi, kapagkuwan ay nilingon nito ang binatang lobo na mukhang wala na sa sarili. "Ano yun Otso?" tinawag ni Euzeine ang atensyon ng membro kung kaya ay napakurap ito at napakamot sa sarili batok.
"Pasensya na Kapitan, nagmukha akong walang modo ngunit nais kong malaman kung kilala mo ba ang babaeng yan?" nakayukong giit ng binatang lobo, ayaw niyang makita ang mukha ng dalagang babaylan dahil baka mapansin nito ang pamumula ng kaniyang pisngi. "Ahh." napatango-tango ang binatang magnanakaw.
Samantalang sa may likuran naman ni Octavus ay ang magkapatid na bampira na pasimpleng nakikinig sa usapan ng tatlo, pati sila ay nakyuryoso rin kung paano nagkakilala ang babaylan at kapitan. Bukod roon ay may pakiramdam silang kilala nila ang dalagang babaylan-- hindi pala pakiramdam, dahil kilala nila ang dalaga, kilalang-kilala kaya ganoon na lang ang kanilang pagkadismaya nang malamang hindi sila maalala nito. Sabagay isang-daang taon na rin ang nakalipas mula noong nang-yari ang trahedya na naging dahilan sa galit ng dalagang bampira sa kaniyang kambal na lalaki.
"Otso, itaas mo ang ulo mo." kaagad namang sumunod ang binatang lobo. Kapagkuwan ay napatikhim si Euzeine at hinigpitan ang pagka-akbay sa dalagang babaylan dahilan upang masakal ito, agad namang siniko ng dalaga ang tiyan ng binata kung kaya ay agad rin itong napabitaw.
"Octavus Amadeuz Sanzio, si Ursaillune Grae Moon kaibigan ko. Sasali siya sa Troop Endeavour, treat her with TLC!" seryosong giit ni Euzeine na para bang sigurado na siya sa desisyong binitawan niya kung kaya ay napasimangot si Ursaillune at binatukan ang kaibigang lalaki.
"Una sa lahat, hindi mo ko kaibigan." sa isang pangungusap ay hinampas ng dalaga ang binata. "Pangalawa, magkakilala lamang tayo dahil ninakaw mo yung libro ng babaylan na nakatago sa sagradong lugar! Hindi ako makapaniwalang tinulungan pa kitang tumakas non dahil akala ko isa kang inosenteng binata, you tricked me!" hindi na napigilan ni Ursaillune ang mainis nang maalala ang nang-yari, dalawang taon na ang nakalipas. Doon niya unang nakilala ang binatang si Euzeine, hangang-hanga pa siya nito dahil sobrang pursigido nitong maabot ang pangarap ngunit ganoon na lang ang kaniyang pagkadismaya nang malamang magnanakaw ang binata at ninakaw pa nito ang pinaka-iniingatang aklat sa kanilang nayon, nakasulat kasi roon ang sagradong kwento tungkol sa pag-tigil ng digmaan na naganap sa dalawang kaharian dalawang libong taon na ang nakalipas. Iyon rin ang dahilan kung bakit pinaparusahan siya kaagad ng mga nakakatanda dahil sa kasalanang ginawa niya, tinulungan niyang tumakas ang lalaking nagnakaw sa sagradong aklat.
"Naiintindihan Kapitan." giit ni Octavus at saka napatingin kay Ursaillune na naka-nguso pa rin. "Maligayang pagsali sa Troop Endeavour, Binibining Moon." pormal na giit nito kung kaya ay hindi na napigilan ni Ursaillune ang mapabuntong-hininga, mukha wala na rin siyang pagpipilian pa lalo na't nangako rin siya sa binatang magnanakaw at dalawang taon na ang nakalipas mula noong binitawan niya ang pangakong hindi niya aakalaing makakapag-bago sa buhay niya.
"Ursaillune Grae Moon, the shield of the Troop!" aniya sabay saludo kay Euzeine dahilan upang mapa-ngiti ng malawak ang binatang magnanakaw. "Ngayon, iisa na lang ang kailangan nating kombinsihin na sumali." giit nito sabay sulyap sa dalagang bampira na abala sa pagbabasa ng aklat ng baybayin.
"MAHARAJAH, saan ka ba galing, alam mo bang tambak ang trabaho mo? Saan ka na naman nagsusuot ha? Hindi ako makapaniwalang basta-basta ka lang naglalakwatsa sa labas ng palasyo, paano kung may nais na dumukot sa'yo at hindi ka namin mahanap dahil wala kaming alam kung saan ka nagsusuot?" hindi na mapigilan ng Datu ang mag-satsat ng kung ano-ano lalo na't sa wakas, matapos ang dalawang linggo ay nakita niya ulit ang Mahal na Hari.
Alam niyang isang malaking pagkakamali ang kaniyang ginawa dahil ganoon na lang niya pagsalitaan ang Hari ng Sorealiz, alam niyang parurusahan siya sa kaniyang ginawa kung kaya ay handa na siyang tanggapin ang parusang iyon. Wala siyang pakialam kung kamatayan man ang kapalit sa ginawa niyang panenermon sa mahal na Hari ng Sorealiz.
"Ang ingay mo talaga Ponzilito, tignan mo tuloy! Lumipad na yung langaw." giit ng Hari kaya nama'y nasapo na ng Datu ang kaniyang noo sa sobrang pagkadismaya-- dahil una hindi siya makapaniwalang nakayuko sa damuhan ang mahal na hari dahil pinagmamasdan nito ang isang langaw, pangalawa ito ba talaga ang Hari ng Sorealiz? baka nama'y isa lamang itong impostor na pumasok sa palasyo upang magtanim ng kasamaan sa kaharian. Ngunit bilang isang tagapag-payo at pinaka-malapit na tao sa Hari, alam niyang hindi impostor ang nasa kaniyang harapan ganito kasi ang kilos ng Maharaja tuwing sila lang ang magkasama, mabuti na lang at walang gaanong tao sa palasyo dahil tiyak na maging usap-usapan sa buong palasyo ang inaakto ng Maharaja sa harapan ng kaniyang nasasakupan.
"Ewan ko sa'yo, ilang beses ko nang sinabi sa'yo na kung nais mong lumabas sa Palasyo. Magdala ka ng iilang maharlika na magsisilbi mong gwardiya." ipinadyak ng Datu ang kaniyang mga paa sa damuhan ng palasyo sa sobrang frustrasyon, hindi niya mawari kung gaano katigas ang ulo ng mahal na Hari. Napairap na lamang ang Hari at napatayo galing sa pagkayuko at saka pinagpagan ang suot niyang damit, nakasuot lang kasi siya ng damit pang-timawa upang hindi siya makilala ng mga tao.
"Pinuntahan ko ang puntod ng aking mahal." Wika ng Maharaja kaya nama’y napakurap ang Datu at natahimik. “Saka, nagtungo rin ako sa malapit na nayon ng Bundok Lantoy at nakipagkita kay Maria Cacao.” Dagdag nito.
“Nagkita ba kayo ng mahal na Diwata, Maharaja?” pang-uusisa ng Datu ngunit napailing lamang ang Maharaja. Kaya nama’y bigong iniyuko ng Datu ang kaniyang ulo, lingid sa kaniyang kaalaman ay naka-ngisi na pala ang maharaja.
‘Ngunit nakipagkita ako sa isang lalaki na mas importante pa keysa diwata, isag nakakamanghang binate.’
"Siya nga pala, kumusta na iyong sinabi ko sa'yong misyon?" pag-iibang paksa ng Maharaja, kaya nama'y napatango agad ang Datu at inilabas ang isang pergamino kung saan nakasulat ang mga ulat ng mga maharlika. Dahan-dahan iyong binuksan ng lalaki at hinanda ang sarili na basahin ang mga nakasulat roon.
"Ehem, ayon dito sa ulat ng Kapitan ng Maharlika. Nahanap na raw nila ang binatang magnanakaw na pinahanap mo, Maharaja." giit nito kaya nama'y napatango ang Maharaja. "Hmm." napalunok ang datu at binasa ang kasunod na ulat ng maharlikang inutusan niya tungkol sa misyong binigay sa kaniya ng Hari.
"Sa kasamaang palad ay hindi nadakip ang binata dahil lagi daw itong tumatakas o di kaya'y nakakawala, ayon dito may kakaiba raw itong lakas at bilis na hindi mo makokompara sa isang ordinaryong tao." nahihimigan ng dismaya at lungkot ang boses ng Datu, hindi siya makapaniwalang maipalpak niya ang misyong iginawad sa kaniya ng Hari. Binigyan kasi ng kautusan nito na dalhin ang binatang magnanakaw sa palasyo ngunit hanggang ngayon ay hindi pa niya iyon magawa.
"Nakakawala?" tanong ng mahal na Hari kaya mabilis na napatango ang Datu at tumilkhim. "Noong nakaraang buwan, nadakip na raw ng ilang maharlika ang binatang magnanakaw ngunit na-ambush raw sila dahil sa isang binata, pinaniniwalaang kampon Kaharian ng Edwarden ang binata lalo na't nakita itong sumipsip ng dugo mula sa leeg ng mga maharlikang dumakip sa binatang magnanakaw, yun rin po ang dahilan kung bakit nakatakas ang binatang magnanakaw." napatango-tango ang Maharaja sa kaniyang narinig, sa tingin niya'y may malaki silang problema ngunit nanatili siyang kalmado.
Samantalang ang Datu naman ay hindi maalis sa kaniyang isipan ang nakakagimbal at nakakasukang hitsura ng mga maharlikang inutusan niya ng araw na iyon, isang malaking himala na buhay ang mga iyon hanggang ngayon lalo na't sobrang raming dugo ang nawala sa katawan ng mga ito, masasabing sobrang gutom ng taong gumawa non sa kaniyang tauhan o di kaya'y halimaw, dahil hindi iyon magagawa ng ordinaryong tao lamang.
"Tapos?"
"Opo, sabi rin dito sa pinaka-huling ulat. Huling nakita ang binatang magnanakaw sa Tribung Pula noong nakaraan matapos ito makatakas mula sa pagkadakip, may kasama raw itong lalaki na nakasuot ng kulay itim na manto at lalaking nakasuot ng kulay puting kamiso. Pinaniniwalaang ka-alyado ang dalawang binata sa binatang magnanakaw at sabay-sabay ang tatlo na nagnanakaw sa mga baryo at nayon sa malayo." mahabang giit ng Datu kung kaya ay napatango lamang ang Hari. "Wala na?" tanong niya sa Datu. Napa-yuko na lamang ang Datu at kaagad na iniligpit ang hawak niyang pergamino.
"Pasensya na sa kabiguan Maharaja, ngunit iyon lamang ang maibigay kong impormasyon sa ngayon." nakayukong giit nito kung kaya ay tumalikod na ang Maharaja at napatingala sa kalangitan na ngayo'y nagkakaroon na ng dalawang bilog na buwan.