"HALA, ang laki pala ng mundo sa labas." inilibot ng dalagang si Ursaillune ang kaniyang paningin at pinagmasdan ang bawat puno na nakikita sa gubat, pati mga bulaklak ay pinagmasdan niya rin at may pagkakataong kinukuha niya ito at inaamoy saka inilagay niya sa kaniyang dalang kumot na nagsisilbi niyang bag.
"Magandang Umaga Gumamela!" mainit na ang sikat ng araw, tyansa ni Aveone nasa alas otso na ng umaga. Dalawang araw na rin ang lumipas mula noong itinakas niya ang babaylan ngunit hindi naman niya alam ang dahilan kung bakit niya ito tinutulungan, nais niyang iwan itong iwala sa gitna ng kagubatan ngunit pakiramdam niya may lubid na nakabigkis sa kaniyang katawan na para bang pinipigilan siya nitong lumayo sa dalagang nakasunod sa kaniya.
"Shemay! Nabasa ko to dati, sa libro ng baybayin! Sinabi nilang mapait daw ito!" gulat niyang giit sabay hablot noong kulay berdeng bulaklak at saka kinagatan iyon. Kapagkuwan ay napa-ngiwi siya dala ng kapaitan at agad na iniluwa ang kinaing bulaklak na dahilan ng pag-irap ng dalagang bampira.
"Gaga." maikling giit niya at nagpatuloy sa paglalakad, hinayaan niya lamang ang babae na sumunod sa kaniyang likuran, mabuti na lang talaga at abala ito sa pagiging ignorante.
"May iba pa ba akong makikita?” halos mapairap na si Aveone nang marinig ang boses ng dalagang nakasunod sa kaniya, sinenyasan niya ito na manahimik at 'wag siyang kausapin ngunit sadyang matigas ang ulo nito at kanina pa siya tinatanong.
"Sa tingin mo ba, kung ihahalo ko lahat ng mga nakuha kong dahon ay magiging gamot iyon?" napahawak ito sa sarili niyang baba at napa-ngiti na para bang may ideya na ito sa kaniyang gagawin ngunit agad naman itong napasimangot nang may naalala. "Oo nga pala, anong pangalan mo?" tanong ni Ursaillune sa dalagang bampira na hanggang ngayon ay hindi pa rin nagsasalita, lalo tuloy nakuryos si Ursaillune baka nakagat ng dalaga ang kaniyang dila kung kaya ay hindi ito makapag-salita.
"Hala, binibini? Nakagat niyo ho ba ang iyong dila, dahilan kaya hindi ka nakakapagsalita?" nag-aalalang giit niya at hinalungkat ang dala niyang kumot nagbabasakaling may gamot roon para sa nakagat na dila ng dalagang bampira, dalawang araw na silang naglalakad sa gitna ng kagubatan hindi niya alam kung saan sila pupunta at kung saan sila tutungo nakasunod lamang siya sa dalagang bampira na kanina pa inilibot ang kaniyang paningin.
Naikagat na lamang ni Ursaillune ang kaniyang dila nang mapansing kanina pa nanahimik ang dalagang bampira, hindi naman siya tanga para hindi maramdaman na hindi siya pinapansin ng dalagang bampira. Napa-buntong hininga na lamang siya nang maalala ang pagtakas na ginawa niya. Tiyak na kamatayan ang kaniyang parusa sa paglabag ng kanilang batas, lalong lalo na ngayong tumakas siya imbes na harapin ang parusang dapat ipapataw sa kaniya sa pagpasok sa Kagubatang pagmamay-ari ni Makiling. Ngunit hindi talaga niya mapigilan ang sariling kyuryosidad lalo na't nakarinig siya ng batang umiiyak, kaagad na binura ni Ursaillune ang kaniyang pinag-iisip nang maalala muli ang bata. Tatlong araw rin siyang nilagnat dahil roon. Pinag-alala niya rin ang kaibigan niyang si Harmonia at ngayon siya na ang nag-alala rito lalo na't pinatakas siya nito, hindi na niya mapigilan ang magdabog at mapa-nguso.
"Gaga talaga si Harmonia, dapat ay sumama siya eh." giit nito ngunit hindi man lang siya pinansin ng dalagang bampira, kapagkuwan ay tuluyan na siyang natahimik dahilan upang maintriga ang dalagang bampira na si Aveone. Akala niya ay napagod na kakasalita ang dalagang babaylan, ngunit ganoon na lang ang kaniyang pagkagimbal nang marinig ang sinabi nito.
"AVERY..." wala sa sariling giit ng dalagang babaylan kaya agad na natigilan si Aveone sa paglalakad, ramdam niya ang panginginig ng kanyang mga daliri ngunit hindi niya yun pinahalata. "Avery..." giit nito ulit kaya sa mga oras na yun ay nilingon na ng dalagang bampira ang babaylan na wala sa sariling naglalakad at nakatitig lamang sa lupa.
"AVERY.." wala sa sariling sambit ni Ursaillune, hindi niya alam pero pamilyar sa kaniyang dila ang salitang Avery para bang sanay na sanay ang kaniyang labi na sambitin ang mga salitang iyon. Kapagkuwan ay inilibot niya ang kaniyang paningin sa buong kagubatan, napapalibutan iyon ng punong mulave, nara ngunit mas marami talaga ang puno ng cacao na pinaniniwalaang pinagmulan raw ng mga tsokolate na nabibili lamang sa Capital De Royal, isang lugar kung saan mga maharlika at alta-sociedad lamang ang nakakapasok, 'yun rin ang pinakamalapit na lugar sa palasyo ng Sorealiz kung kaya ay hindi na napigilan ni Ursaillune ang makyuryuso. Palagi niyang naririnig ang tsokolate mula sa mga manlalakbay na pumupunta sa kanilang nayon kung kaya ay naintriga siya rito.
"Hindi naman amoy tsokolate." naka-ngiwi niyang giit matapos amoyin ang butong naka-sabit sa puno, kahit sa totoo lang ay hindi pa siya naka-amoy ng tsokolate, sadyang rumehistro lang sa kaniyang utak ang mga inilarawan ng manlalakbay tungkol rito. Tumingkayad pa siya ng konti para lang maamoy ito, ngunit laking dismaya niya malayong-malayo ito sa kaniyang inaasahan. Wala naman siyang naamoy na kakaiba, bukod sa amoy putik ito at sobrang tigas pa.
"Ignorante." giit ng dalagang bampira kaya doon na natigilan si Ursaillune, naikagat niya ang kaniyang ibabang labi at kaagad na nilayuan ang puno ng cacao. Iyon kasi ang unang beses na makakita siya ng ganoong klaseng puno, at ito rin ang unang beses na lumabas siya sa kanilang nayon dahil higit na ipinagbabawal sa kanila ang paglabas, pinaniniwalaan kasing mamantsahan ang kanilang puridad at kasagraduhan bilang babaylan at iyon rin ang dahilan kung bakit nakakulong sila sa lugar na iyon, bukdo roon ay ang mga bumibisitang manlalakbay sa kanilang nayon ay kailangan pa ng estriktong permiso at pagsasagawaan ng ritwal bago makapasok.
"Pasensya ka na..." mahinang giit niya ngunit umismid lamang ang dalagang bampira, halatang-halata sa kilos nito ang pagiging sopistikada at mapapansin mo talaga na galing ito sa marangyang pamilya na kailanman ay hindi magkakaroon si Ursaillune. "Ano nga pala pangalan mo?" tanong niyang muli sa dalagang bampira na apat na araw na niyang kasama, dalawang araw na rin kasi silang naglalakad sa gubat na pagmamay-ari ni Maria Cacao, kahapon kasi ay napadaan sila sa isang baryo na nagkaroon ng kaunting salo-salo. Inimbitahan sila ng mga tao kung kaya ay nakikain na rin si Ursaillune, labis na kasi siyang nagutom mula sa tatlong araw na paglalakbay mula sa kanilang nayon, kinakailangan pa kasing tumawid sa isang talampas at malawak na lupain na iilang kilometro ang layo bago ka makarating sa pinakamalapit na baryo at saka mababait ang mga taong naroroon kung kaya ay ganoon na lang ang kaniyang pagkagulat nang makitang hindi kumakain ang dalagang bampira, ang sama pa ng tingin nito sa kaniya at sa mga taga-baryo.
"Alam mo bang si Maria Cacao, ang nagmamay-ari ng kagubatang ito?" kumislap ang mata ni Ursaillune ang maalala ang librong nabasa niya tungkol sa apat na diwata na nagbabantay sa bawat gubat na pumapalibot sa buong kaharian ng Sorealiz, ayon sa alamat si Maria Cacao daw ang Diwatang nangangalaga sa mga punong cacao sa kagubatang ito, binebenta raw ng Diwata ng kaniyang mga alaga sa mga tao. Wala ni isa ang nakakita sa totoong mukha nito kahit na lagi itong nakikipag-halubilo sa mga tao, pero may iilan na nagsasabi na nakasuot raw ito ng salakot na kagaya sa kulay ng binebenta niyang cacao.
"Ang apat na diwata ng Sorealiz, sila ang nagsisilbing taga-pagprotekta ng mga hayop, puno at lahat ng buhay na nasasakupan ng kanilang Kagubatan. Pinapalibutan ng apat na gubat ang Kahariang Sorealiz, kung kaya ay tig-iisang diwata rin ang nagababantay rito."
"Una si Maria Sinukuan na siyang pinaka-matanda sa magkapatid na Diwata, noong unang panahon daw sinasabi nilang gumagalaw ang kagubatan at napupunta ito sa iba't-ibang lugar lalo na kung mararamdaman ng Diwatang si Maria Sinukuan ang panganib na dala sa lugar na iyon nararamdaman niya kasi ang masasamang elemento na nais pagsamantalahan ang kaniyang gubat kung kaya ay palipat-lipat raw ito ng pwesto sa buong lupain, ngunit sa tingin ko'y nasa mabuting lugar na ang kagubatan ni Maria Sinukuan dahil permanente na itong nakapwesto sa hilagang bahagi ng Kaharian at ang kagubatang iyon ay ang tinatawag na Bundok Taraya."
"Sunod ay si Diwata, literal na Diwata ang kaniyang pangalan ngunit sa tatlo, si Diwata lamang ang mortal." saglit na napalunok si Ursaillune nang maalala ang nabasa niya sa libro. "Noong unang panahon, sa timog na bahagi ng Sorealiz may isang mahirap ngunit napaka-ganda at napaka-matapang na babae na nag-ngangalang Diwata! Nahulog ang isang prinsepe sa kaniya kung kaya ay sila'y nagpakasal ngunit marami ang sumubok sa kanilang relasyon, marami ang may ayaw lalo na't isang alipin si Diwata ngunit kahit ganoon ay mas lalong naging matatag ang relasyon nila ng Prinsepe, bukod sa pagiging maganda at mabait, isa ring hinahangaang reyna si Diwata. Isa kasi siya sa mandirigma na nakipag-away noong naganap ang digmaang nangyari sa kahariang ito at sa kabila, dalawang libong taon na ang nakaraan. Grabe, buntis raw siya habang nakikipaglaban pero sobrang lakas pa rin daw niya, ngunit sa kasamaang palad namatay si Diwata. Dala ng labis na kalungkutan, inilibing siya ng Prinsepe, na ngayo’y isa ng Mahraja sa isang bundok na ipinangalanan niyang Diwata na hango sa pangalan ng kaniyang pinaka-mamahal niyang asawa na namatay sa digmaan, lumipas ang ilang siglo at lalong lumaki ang kabundukan at naging kawangis nito ang asawa ng haring namatay, para kasi itong babaeng buntis na nakahiga." pinahiran ni Ursaillune ang luhang tumulo mula sa kaniyang mga mata, hindi niya talaga mapigilan maging emosyonal sa kwento ni Diwata. Samantalang napasimangot naman si Aveone at ipinag-cross ang dalawa niyang braso sa ibabaw ng kaniyang dibdib.
"Si Maria Cacao ang nag-mamay ari ng Kagubatang ito, ang Bundok Lantoy na nasa kanlurang bahagi ng Kaharian. Si Maria Cacao ay bunso sa apat na magkapatid na diwata at sa apat na magkapatid, kilalang tagapag-sira ng imprastruktura si Maria Cacao lalo na't lahat nang nadadaanan niyang gusaling gawa ng mga tao ay nasisira. Sa tatlong magkapatid, si Maria Cacao lang daw ang may lakas na lumabas sa kaniyang kagubatan lalo na't lagi siyang nakikipag-halubilo sa mga tao upang bilhin ang binebenta niyang cacao, sobrang palakaibigan rin daw nito hindi gaya sa kaniyang tatlong kapatid na nagtatago palagi sa kanilang tahanan upang protektahan ang kanilang gubat mula sa masasamang espirito."
"At saka, alam mo ba! Yung gubat doon sa nayon ay tinatawag na Kagubatan ni Makiling o di kaya'y Bundok Makiling dahil si Maria Makiling ang nagmamay-ari non? Hindi ko pa siya nakita ngunit, alam kong mabait siya lalo na't biniyayaan niya kami ng marami!" masayang patuloy ni Ursaillune ngunit kaagad ring nabura iyon nang maalala niya ang nang-yari sa kaniya sa gubat na iyon noong mga nakaraang araw, mula sa pagkawala ng Diwatang nagbabantay, sa mga taong nambulabog roon at ang bata na tila ba'y nasaniban ng maraming espiritu na masasama. Ramdam ni Ursaillune ang p*******t ng kaniyang dibdib tuwing naalala ang kawawang sinapit ng bata, hindi iyon nararapat sa bata lalo na't alam niyang isang magandang bukas ang naghihintay para dito. Tuluyan na siyang nanahimik habang pinagmamasdan ang buong gubat, bukod sa agaw-pansin na puno ng kakao nangingibabaw ang amoy ng lupa na humahalo sa amoy ng bulakalak na nagkalat sa paligid, iba't-iba ang uri ng mga ito at may klase-klase pang kulay. Nagsisilbing bobong sa itaas ang malalapad at malalaking sanga ng nara na natatakpan ng mga dahon kung kaya ay hindi gaanong nakakapasok ang mataas at mainit na sikat ng araw pero kahit ganoon, maliwanag naman ang paligid at nakakakita naman sila ng maayos. Mas mabuti na rin ito lalo na't nag-alala siya sa kasama niyang nakasuot lagi ng itim na salakot, duda niya ay hindi ito tao ngunit hindi naman niya alam kung anong klaseng nilalang ito.
"Hindi mo ba ako kilala?" napatigil si Ursaillune sa paglalakad nang marinig ang tanong ng dalagang bampira, pabigla-bigla kasi ang pagtanong nito kung kaya ay ganoon na lang ang kaniyang reaksyon. Nakaharap na ito sa kaniya ngayon at naka-pameywang pa, ramdam niya ang tensyon sa paligid at pakiramdam niya'y matutumba siya sa klase ng pantitig na ibinigay sa kaniya ng dalaga sa kaniyang harapan. Umaalab kasi ang kulay pula nitong mga mata at nakalabas pa ang mga pangil. Dahan-dahang napaatras si Ursaillune upang protektahan ang kaniyang sarili, hindi niya alam pero ramdam niya ang malakas na kalbog ng kaniyang dibdib at para bang tuluyan nang na blangko ang kaniyang utak.
"Tinatanong kita." muling giit ng dalagang bampira. Kaya nama'y naikagat na ni Ursaillune ang labi sa takot at agad na umiling sa dalagang bampira, hindi na niya mapigilan ang sarili na ilapit ang kaniyang mga daliri sa kaniyang labi at doon niya sinimulan ang pagngatngat sa kaniyang kuko na lagi niyang ginagawa tuwing siya'y kinakabahan. Hindi na niya kailangan pa ng pamputol ng kuko dahil ngipin lang niya ang makakaubos sa kaniyang kuko.
"Hindi mo naman pala ako kilala." natawa nang mapakla ang dalagang bampira, samantalang si Ursaillune ay tahimik na umuusal ng dasal dahil sa labis na takot. Doon lamang niya napagtanto na bampira pala ang kasama niya kung kaya ay sobrang dali lang para dito na gilitan ang kaniyang leeg gamit ang mahahaba at matutulis nitong kuko, o di kaya gamit ang matatalim nitong pangil na lumilitaw tuwing naka-nganga ang dalaga. "Bakit mo ako sinusundan?" biglang tanong nito kaya nama'y natigilan si Ursaillune.
Dahan-dahan niyang ibinaba ang kaniyang kamay na nginatngat, at pinagkatitigan ang dalagang bampira, tila ba'y pinoproseso pa ng kaniyang utak ang sinabi nito hanggang sa unti-unti niya yung napagtanto. "Eh, kasi hinila mo ko?" patanong niyang giit at sinabayan pa iyon ng pagkibit-balikat kaya tuluyan nang napairap ang dalagang bampira.
"Hindi mo talaga ako kilala?" muling tanong ng dalagang bampira, mabilis na umiling si Ursaillune. "Kilala kita dahil ikaw yung sumagip sa akin noon diba? pero hindi talaga kita personal na kilala ni hindi ko nga alam ang pangalan mo." pina-intindi niya ang dalagang bampira dahil iyon naman talaga ang totoo ngunit imbes na pansinin siya nito, inirapan lamang siya ng dalaga at nagpatuloy pa sa paglalakad.
"Teka lang! Hintayin mo ‘ko!" halos manakbo na si Ursaillune para lang makahabol sa dalagang bampira na parang kidlat kung makagalaw sa sobrang bilis. "Tekaaaaa!" mas binilisan ni Ursaillune ang kaniyang pagtakbo, wala na siyang pakialam sa naapakan niyang ugat ng kahoy at wala na rin siyang pakialam kahit matisod pa siya.
Sobrang bigat ng dala niyang bagahe ngunit hindi iyon alintana lalo na't hinahabol niya ang kaniyang kasama na iniiwan na pala siya, ngunit ganoon na lang ang kaniyang pagkadismaya nang makitang wala na ito sa kaniyang pananaw. Tuluyan na itong naglaho na parang bula kaya inis na napasabunot si Ursaillune sa kaniyang mahabang buhok at ipinadyak niya ang sariling paa sa lupain.
"Ang ingay mo kasi Grae!!" pagsesermon pa niya sa sarili. "Iniwan ka tuloy ng kasama mo!" naikagat niyang ibaba niyang labi sa inis, at napahinga ng malalim upang makalma ang sarili. Muli niyang inilibot ang kaniyang paningin ngunit tanging puno lamang ang kaniyang nakikita kung kaya ay nanindig ang kaniyang balahibo, bukod sa wala siyang kilala maliban doon sa babae hindi niya rin alam kung saan siya pupunta at anong direksyon ang tatahakin niya dahil unti-unti niyang napagtanto na nawawala pala siya sa gitna ng gubat.
"Shuta, Grae! Gaga ka talaga, bakit mo naman nakalimutan na isa kang babaylan!" naihampas niya ang sarili niyang noo at ikinuyum ang kamao upang maalala kung ano ang dapat gawin tuwing nawawala kasa gitna ng gubat, itinuro kasi ito sa kanila dati.
Naalala pa ni Ursaillune kung paano niya binalewala ang subject na'to lalo na't bawal naman silang pumasok sa gubat kung kaya ay bakit pa kailangan nila ito matutunan? Ngunit base sa kaniyang sitwasyon ngayon, labis niyang ikinatuwa ang tinurong leksyon sa kanila. "Talk to nature! They will guide you!" giit pa niya sa sarili saka ikinumpas ang kaniyang kamay sa ere upang maramdaman ang simoy ng hangin.
"Kalikasan, pakinggan nawa ang aking kahilingan! Gabayan mo ako sa nais kong pupuntahan!" naka-pikit ang kaniyang mga mata habang sinasambit ang katagang iyan, dagdag pa ang pagwagayway niya sa ere. Sa totoo lang ay hindi niya alam ang kaniyang ginagawa ngunit nagpatuloy siya dahil may tiwala siya sa sarili. Nagpatuloy siya sa kaniyang ginawa hanggang sa naramdaman niya ang mahinang pag-ihip ng hangin mula sa gilid ng kaniyang kamay--- at galing iyon sa kanluran, ibig sabihin ay may malapit na ilog doon kung kaya ay ganoon na lang ang saya ni Ursaillune nang makitang tagumpay ang ginawa niyang pakikipag-usap sa kalikasan.
"Ahhh! Maraming salamat!" naka-ngiting sigaw niya at saka tumakbo papunta sa kanluran,tama nga ang hinala niya, matapos kasi siyang makalabas sa matataas na puno at mga dahong anahaw kaagad niyang nakita ang kasama na hanggang ngayon ay hindi niya alam ang pangalan.