Chapter 2: Mababaw

1173 Words
Madaling araw ng Martes, hindi pa rin ako makatulog. Ilang araw na ba akong ganito? Tatlo? Isang linggo? Dalawang buwan? Hindi ko na rin alam. Sa dami ng iniisip ko sa araw-araw, talagang hindi ko na magawang makatulog nang mahimbing, kahit na pakiramdam ko pagod na pagod na ako sa kakaisip. Pagod akong bumangon sa higaan pagkasapit ng umaga. Siguro kung titingnan ako sa salamin, mukha akong panda na binugbog dahil sa eyebag. Nagtimpla ako ng kape at bumili ng pandesal sa malapit na bakery kahit na mukha akong zombie. Habang naghihintay sa pandesal ko, may mga dumaan na grupo ng mga kabataan. Siguro magbabarkada sila. At paniguradong, hindi rin 'to sila natulog dahil magdamag na magkakasama. Nakakatawang isipin na iba-iba ang rason ng mga tao kung bakit hindi sila nakakatulog. 'Yong iba masaya, samantalang 'yong iba katulad ko, malungkot. "Ineng, benteng pandesal?" Napabalikwas ako sa katinuan nang marinig ko si Aleng Nene sa pandesalan. "Hala, Ineng! Umiiyak ka ba? Jusmiyo, pinaghintay ba kita nang matagal? Pasensya na, Iha!" kinakabahan niyang sabi at inabutan ako ng tissue. Napahawak ako sa pisngi ko. Umiiyak nga ako. Nginitian ko na lang si Aleng Nene at umalis na pagkakuha ko ng pandesal. Umiiyak na naman ako. Hindi ata titigil ang bawat patak nito, parang nagiging bagyo na ang mata ko sa dami ng tubig na lumalabas. Pinagtitinginan na ako ng mga tao pero wala akong pake. Pagkauwi ko sa bahay, inilapag ko ang pandesal sa lamesa at ininom ang kape ko para kumalma kahit malamig na ito. Humigpit ang hawak ko sa baso at hindi ko na napigilang mabasag ito at mapasigaw. Napaupo ako dahil sa bigat ng nararamdaman ko. Humagulgol ako hanggang sa mailabas ko lahat. Wala namang makakarinig sa akin. Ako lang naman ang mag-isa rito. Nasa trabaho ang nanay ko at maagang namatay ang tatay. Tapos madalang pa kung umuwi si Mama kaya wala talagang makakarinig sa akin kahit magwala pa ako rito. Ang hirap din pala na ipunin lahat at hindi ko maiyak dahil kapag lumabas ay para kang pinapatay sa sakit. Naalala ko na naman 'yung magbabarkada na nakita ko kanina. Kaya mas lalong sumisikip ang dibdib ko. Mahigpit kong hinawakan ang kuwelyo ko. Naalala ko na naman kung paano ako -kami ng mga kaibigan ko dati. Totoo nga talaga na mas masakit mawalan ng kaibigan kaysa sa jowa. Isa-isang bumbalik sa alaala ko lahat ng nangyari. Masaya kaming nagtatawanang tatlo. Habang nagkukwentuhan at kung ano-anong pinapantawag sa mga taong nakikita namin sa daan. Tinuring nga kaming "Tres" dahil sa mga kapilyuhan namin at hindi na kami mapaghiwalay na tatlo. Meron pa ngang pagkakataon na pare-pareho kami ng porma, ‘friendship goals’ daw ang tawag ro'n. Sabi pa namin sa isa't isa sabay-sabay kaming ikakasal, hindi naman iyon maituturing na sukob. Ang dami pa namin kalokohan na ginawa, nandyan ‘yong iba-iba kami ng paraan ng pagkopya para hindi halata ng professor, kapag kaaway ng isa ay kaaway na rin ng lahat, o kaya naman kapag may pumuporma sa amin, aakitin ng isa para malaman kung malandi ba o hindi. Ngunit lahat ng pangarap naming tatlo tila naglaho na parang bula. Nandyan 'yong pakiramdam na para kang biglang itinapon dahil may konting sira sa damit mo. "Kim, gala ulit tayo? 'Wag na natin sabihin kay Kenny para hindi siya sumama," nakangiting pahayag ni Krys. "Nababaliw ka na ba Krys? Baka naman magtampo siya kapag hindi natin siya sinama," kunot ang noo na wika naman ni Kim. "Naiirita kasi ako sa kaniya, lalo na nang malaman ko na siya ang gusto ni Steven kahit ako naman ang kasama niya." Umirap lang sa hangin si Krys. "Pero kahit na! Naririnig mo ba 'yang mga sinasabi mo? Ang babaw kaya ng pagkakainis mo sa kaniya. Saka hindi na tayo kumpleto kapag pinagpatuloy mo 'yang pagkaisip bata mo!" ani Kim bago iniwan sa kinatatayuan si Krys. Isinawalang bahala ko ang mga narinig ko na iyon sa labas ng room dahil baka nagtatampo lang siya kasi hindi siya crush ng crush niya. Pero hindi pa pala iyon ang huli. Nagkaroon kami ng activity magkakaklase habang wala pa ang professor. Spin the bottle. Ilang ikot ang nangyari bago tumutok kay Steven ang bote. "Ako ang magtatanong kay Steven! Okay! Steven, sinong crush mo sa klase natin?" tanong ng kaklase ko. Lahat ng atensyon ay natuon sa kaniya. Parang tumigil ang oras nang mga panahon na iyon at napasulyap ako kay Krys lalo na nang ako ang itinuro ni Steven. Halos maghiyawan lahat ng tao sa classroom at sari-saring papuri at kantyaw ang natanggap ko. Nanlalaki lang na mga mata ang naibigay ko sa kanila. Nakita kong biglang lumabas si Krys, sumunod naman si Kim, kaya lumabas din ako. Nakita ko sa mukha ni Krys ang sakit at pagkairita. "Krys, okay ka lang ba?" tanong ko sa kaniya. "Mukha ba akong okay, Ken? Ha?" Hindi ko siya masagot dahil hindi ko rin alam kung anong sasabihin ko. "Alam mo bang nakakainis ka! Lahat na lang ng gusto ko nasa iyo! Akala mo ba hindi ko nahahalata 'yang pagiging selfish mo?" Nagsisimula nang mamuo ang mga luha ni Krys sa kaniyang mata. "Sa tingin mo ba natutuwa ako sa pagtuturo mo lagi na parehas tayong tatlo ng mga damit? Tinanong mo ba kung okay lang sa amin? Halos lahat ng kakilala natin o kaya makakasalubong natin, ikaw lang ang napapansin! Paano naman kami ni Kim? Ano kami? Alalay mo? Ha? Tapos ngayon pati si Steven ikaw na rin ang gusto? Ano? Masaya ba angkinin lahat? Ang kapal pa ng mukha mo na magtanong," umiiyak na sabi sa akin ni Krys. Tigagal akong nakatayo at nakatingin sa kaniya. Pinipigilan na siya ni Kim at hinila palayo sa akin dahil baka kung ano pa ang gawin niya. Hindi ako makasagot dahil hindi ko maintindihan kung ano ang sinasabi niya. Dahil ‘di ko naman alam kung bakit kinagagalitan niya ako at hindi ko maintindihan ang mga dahilan niya. Ang gulo... gulo... Bakit parang kasalanan ko pa na matuwa sa akin ang mga tao? Nagiging totoo lang naman ako. Hindi ko naman pinipilit ang mga tao na gustuhin ako. Nakasalampak pa rin ako rito sa sahig at patuloy na umiiyak habang inaalala ang lahat. Hindi sinasadya na naitukod ko ang aking kamay sa mga bubog. Nakakita ako ng dugo pero hindi ko maramdaman ang sakit na dulot nito. Pumulot pa ako ulit ng isa para subukan kung mararamdaman ko pero hindi talaga. Kumuha ako muli. At isa pa. Sinubukan ko ulit sa pulso ko nang mabilis, baka sakaling maramdaman ko ang hapdi sa aking balat. Sa mga sandaling iyon parang muling tumigil ang oras. Mas ibinaon ko pa ang piraso ng baso dahil unti-unti ay nararamdaman ko na. Habang tumatagal ang hapdi sa pulsuhan ko biglang pumasok sa isip ko na walang makakaintindi sa sitwasyon ko at iisipin nilang mababaw din akong tao. Nang hindi ko na kinaya at parang kinakapos na ako ng hininga, parang gusto kong may biglang pumasok sa bahay at iligtas ako sa pagkakalunod sa sarili kong problema.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD