Chapter 09

2045 Words
ISANG BUONG linggo na ang lumipas ay hindi pa rin bumabalik ang mag-amang Chavez sa mansyon kaya naman buong isang linggo na tahimik pa ang buhay ni Fay. May mga inutusan din si Mr. Chavez na maghatid at sundo sa kaniya ngunit mahigpit niyang tinutulan iyon. Bukod sa hindi siya sanay ay hindi niya talaga gusto ang ideya na parang limitado at may laging nakasunod sa bawat galaw niya. Sapat na sa kaniya na tumira siya sa mansyon nito ngunit ayaw niyang tanggapin ang pribelehiyong ibinibigay nito sa kaniya. It's a very long way to go para masabi niya sa sariling tanggap na niya ito sa buhay niya at matawag niya itong Papa. "Saan ba tayo mag-group study?" tanong ni Candice sa kanila habang naglalakad sila. "Tara, sa library na lang," aya naman ni Treyton sa kanila at nauna na itong lumakad sa kanila papuntang library. Napagkasunduan nilang tatlo na mag-group study dahil alam nilang makakatulong iyon sa kanila at dahil malapit-lapit na rin ang araw ng pagtatapos nila. May mga project at research sila na kailangan nila ang tulong ng bawat isa. "Tara, dito tayo," aya niya sa dalawa pagpasok nila ng library, sumunod naman sa kaniya ang mga ito. Sa kanilang tatlo ay si Treyton ang pinakamatalino kaya naman hindi na siya magtataka kung ito ang maging summa c*m laude ng batch nila. Malaking advantage sa kanila ni Candice na may isang Treyton na malalapitan, bagaman hindi naman siya nagpapahuli sa matatas na grado dahil consistent dean's lister din naman siya. "Treyton, ano nga ulit ito?" Tanong naman ni Candice dito, binasa naman iyon ni Treyton. It's about distinguishing and analyzing the accuracy of the data. "Eh kasi hindi ba dahil sa social medias napakarami at napakabilis na lang kumalat ngayon ng mga fake news, so dapat as journalist alam natin kung ano ang dapat nating pinaniniwalaan at dapat alam natin na lahat ng data ay may legit sources, hindi 'yong narinig lang kung saan-saan. And as journalist hindi rin tayo dapat naglalabas ng mga no basis or open-ended issues," paliwanag naman ni Treyton dito. "Ah," tugon naman ni Candice sa mahabang sinabi nito pagtapos ay muling itinuon ang pansin sa ginagawa nito. Siya man ay tumitig na lang sa research project niya. "Ay! Grabe, nakakatamad naman 'to!" angal naman ni Candice. Sa kanilang tatlo ay ito talaga ang walang tiyaga sa pag-aaral. "Guys, sa susunod change venue naman tayo, oh, ang boring dito sa library, puro libro na nga itong nasa harapan natin puro libro pa ang nasa paligid natin tapos nakakabingi pa yung katahimikan," dagdag pa nito. "Sure, saan ba tayo?" pagpayag naman ni Treyton. Tumingin naman sa kaniya si Candice. "Naku, hindi pwede ro’n, alam niyo namang hindi namin bahay 'yon," mabilis namang tanggi niya dahil alam na agad niya ang ibig sabihin ng mga tingin nito kaya kay Treyton naman ito tumingin. "Sa inyo ba, Treyt, hindi tayo pwede?" baling naman dito ng dalaga. "Tingin ko wala namang problema kung doon tayo besides kilala na rin naman kayo nila Mama. At siguradong matutuwa ‘yon na makita kayo ulit, matagal-tagal na rin naman mula nang huling punta niyo sa bahay," mabilis na pagpayag naman nito. Totoo ang sinabi nito dahil high school pa lamang talaga ay magkakasama na sila at madalas ay doon sila sa bahay nito tumatambay dahil ito ang may pinakamaganda at malaking bahay sa kanilang tatlo. At dahil pareho sila ni Treyton na nakasama sa Journalism Club noong high school ay napagpasyahan nilang ituloy na iyon hanggang sa kolehiyo, si Candice naman ay napasama lang sa kanilang dalawa dahil ayaw naman nitong magpaiwan. "Sige, sa inyo na tayo, ha. Nami-miss ko na rin naman ang masarap na luto ni Tita," excited namang wika nito. "Hay, nagugutom na talaga ako. Hindi ba tayo kakain? Punong-puno na 'yong mga utak natin samantalang yung mga sikmura natin wala man lang kalaman-laman," reklamo pa nito kaya natatawa na lang silang nagkatinginan ni Treyton dahil sa sinabi nito. "Tara, let's eat. It's my treat," biglang aya ni Treyton at kita ang pagkislap ng mga mata ni Candice. "Seryoso ka, Treyton? Hindi ko 'yan tatanggihan," ani Candice at mabilis na tumayo at hinila ring patayo si Fay. "Tara na, Fay, baka magbago pa ang isip nitong si Treyton, eh," nagmamadaling aya nito sa kaniya. "Teka lang! Yung mga gamit pa natin, oh," angal naman niya rito saka niya mabilis na iniligpit niya ang mga gamit. At sumunod na rin siyang tumayo sa mga ito. "Treyt, okay lang ba kung sa steak house tayo?" hirit pa ni Candice, naiiling na lang siyang napatingin kay Treyton. "Sige, wala namang problema sa 'kin basta kung saan ka mabubusog," natatawang tugon ni Treyton dito. "Hay naku, buti na lang talaga may kaibigan kaming katulad mo, matalino na, at sobrang galante pa!" pang-uuto pa rin ni Candice. "Naku, samantalang kapag nagsusungit si Treyton ang lagi mong sinasabi sa 'kin, bakit ba tayo nagkaroon ng kaibigan na tulad niya," pang-aasar niya at nagulat naman ito sa winika niyang iyon. "Oy! H'wag kang ganiyan, Fay! Sinisiraan mo ko kay Treyton, eh, mamaya maniwala pa 'yan sa 'yo, isipin pa niya bina-backstab ko siya!" angil nito na may kasama pang hampas sa balikat niya. Natawa naman sila ni Treyton sa reaksiyon nito pero alam niyang alam naman ng binata na biro lamang niya iyon para asarin si Candice. Alam naman nito na hindi nila iyon kayang gawin sa isa’t isa lalo’t ang tatagal na nilang magkakasama. Paglabas nila ng campus ay tumawid lang sila dahil sa tapat lang ng Unibersidad ay magkakatabi na ang kainan, tanging mga estudyante na lamang ang mamimili kung saan nila gugustuhing kumain. Lumakad at pumasok naman sila sa Alvin's Steak House, marami-raming estudyante rin ng Sanford ang kumakain doon. Mabilis namang nakahanap si Candice ng upuan para sa kanila kaya sumunod na lamang sila rito. Tatabi sana siya kay Candice ngunit nagulat siya ng bigla hilahin ni Treyton ang upuan sa tapat ni Candice. "Maupo ka na," wika naman nito kaya naupo na siya at tumabi naman ito sa kaniya. Pagkaupo rin nila ay tumawag na ito ng waiter. Mabilis namang lumapit ang waiter sa kanila. "Yes po, ano pong order nila?" tanong naman nito ng makalapit. "Sa akin, one full steak medium well," mabilis na sagot ni Candice. "Kayo, guys?" tanong naman sa kanila nito. "Sa akin same lang," sagot ni Treyton. "Ako din, gano'n na lang," saad din niya. "Okay po, for a while po," magalang namang paalam sa kanila ng waiter. "Hay, buti talaga nag-alok ka ng pagkain, Treyton, kanina pa parang kinakain ng large intestine ko yung small intestine ko, eh," wika ni Candice. "Alam mo, Cand, hindi kaya siya nag-alok, nagparinig ka kaya," natatawang paglilinaw niya rito kaya naman pati si Treyton ay natawa na rin sa sinabi niya. "Naku, sanay-sanay na ko riyan kay Candice, kaunting aral lang, 'kala mo bibitayin na sa gutom," maagap naman sagot ng binata. "Alam mo, Treyton, guwapo ka kapag seryoso, eh, pero hindi mo naman sinabi na mas guwapo ka pala kapag tumatawa," pang-aasar ni Candice. "Ang sarap-sarap mong pisil-pisilin. Pero alam mo, Treyt,” biglang seryosong wika nito kaya nagsalubong ang kilay ng binata. “Sayang yung kaguwapuhan mo kung hindi ka manliligawm 'no. Ang tagal na nating magkakasama bakit kahit ni isa wala ka man lang pinormahan.” "Hindi ko kasi alam kung papayag siya kung liligawan ko siya," makahulugang wika naman ni Treyton. "Bakit kasi hindi mo subukan? Hindi mo malalaman kung hindi mo susubukan, 'no! Ang tagal-tagal na nating magkakasama ni minsan hindi mo binanggit sa amin na may nagugustuhan ka na pala," parang nagtatampo pang wika nito. Hindi na nakasagot pa si Treyton dahil dumating na ang in-order nilang pagkain. "Here's your order po, ma'am, sir," magalang na wika ulit ng waiter habang inilalapag sa harapan nila ang steak na in-order nila. "Salamat po, kuyang pogi!" ani Candice kaya natawa na naman silang dalawa ni Treyton. "Enjoy your meal po," wika pa ng waiter bago sila tuluyang talikuran. Nahihirapan si Fay na hiwain ang steak na in-order niya at hindi niya alam na nakamasid sa kaniya si Treyton at nakikita nitong nahihirapan siya. "Heto, Fay, oh," wika ni Treyton sabay abot sa kaniya ng steak nito na hiwa-hiwa na. "Nahihirapan ka kasing maghiwa, eh, so I did it for you," napangiti naman siya sa sinabi nitong iyon at tinanggap naman niya ang inaabot nito at ibinigay niya ang steak na nasa harapan niya kapalit ng steak nito. "Enebeyen! Shene ell!" pang-aasar naman ni Candice sa dalawa kaya nagkatawanan sila. Pagtapos nilang magsikain ay nagsiuwian na rin naman sila. Pag-uwi niya ay sinalubong siya kaagad ng ina. "Ma, hindi na po ako makakasabay sa 'yo kumain. Katatapos lang po kasi namin kumain nila Candice," wika naman niya rito. "Okay lang, kumain na rin naman ako dahil nagpa-despedida party rin naman sa ospital para sa 'kin," masayang saad din ng kaniyang ina. "Despidida party?" naguguluhang tanong niya habang nakasunod siya papasok ng silid nito. "Oo, nag-resign na kasi ako. Yun kasi ang gusto ni Sandro at yun din ang inasikaso ko kaya nauna na tayong bumalik dito," paliwanag naman nito. Pagpasok nila ng silid nito ay tumambad sa kaniya ang mga damit nitong nakakalat sa higaan. "Bakit po nandiyan ang mga damit ninyo? Babalik po ba tayo ng Isla?" nagtatakang tanong niya. "Ay, hindi anak," natatawang wika naman nito. "Pagbalik kasi nila ni Storm dito ay aalis naman kami papuntang Mexico," mababakas ang excitement sa mukha nito sa winika nitong iyon. "Mexico?" bulalas niya. "Oo, nais kasi ng mga magulang ni Sandro na humarap kami sa angkan nila roon," masaya pa ring paliwanag nito sa kaniya bigla siyang nakaramdam ng lungkot. Humarap sa angkan? Ibig sabihin seryoso na talaga sila? Nababahalang wika niya sa sarili. "Pero, Ma, kailangan n'yo pa ba talagang pumunta roon?" bakas ang pagtutol sa tinig niya at iyon naman talaga ang gusto niyang iparating dito. "Siyempre naman, pero huwag kang mag-alala hindi naman kami magtatagal do'n," wika nito habang inilalagay na ang mga damit sa maleta nito. "Pero, Ma, iiwanan mo pa rin akong mag-isa rito," sumbat naman niya. "Anak, malaki ka na, besides hindi ka mag-isa rito dahil may mga maids at bodyguard naman na nandiyan para sa inyo ni Storm, hindi nila kayo pababayaan," mahinahon na paliwanag pa rin nito sa kaniya. Pero hindi pa rin talaga niya maintindihan ang lahat at hindi niya gusto ang ideya na mawawala ito ng matagal sa tabi niya. Sa dalawangpu't isang taon ng buhay niya ay ngayon lamang siya mapapalayo sa ina. "Sige na, anak pagbigyan mo na ako. Alam mo namang ngayon ko lang 'to gagawin, hindi ba?" nagmamakaawang wika nito sa kaniya at hinawakan pa siya sa mukha niya kaya wala na siyang nagawa kundi ang tumango na lang dito. Bagsak balikat siyang umakyat na lamang sa kaniyang silid. Sa laki ng bahay na iyon ay makailang beses din siyang naligaw at halos isa-isahin niya ang bawat silid doon para lang mahanap ang talagang silid niya. Ngunit ngayon ay halos kabisado na rin naman niya kung saan ang kaniyang silid. Pagpasok niya ng silid ay pabagsak niyang inihiga ang sarili sa kama. Ang kama na iyon ay tatlong doble ang laki sa kamang nasa dating bahay nila, tatlong beses din ang lambot. White, light gray and gold ang motif ng silid niya. May sariling walk-in closet na halos kasing laki rin ng kaniyang silid, iba't-ibang mga brand ng damit, sapatos at bag ang laman ng walk-in closet na iyon hindi nalalayo sa closet ng mga sikat na artista, may sarili ring bathroom sa loob, kusina na nga lang ang kulang ay pwede na siyang hindi lumabas ng silid niya. Muli siyang tumayo upang maligo, pagkaligo naman niya ay humarap siya sa full-length mirror na nasa harapan niya, doon din mismo sa walk-in closet ng silid niya. Mataman niyang tiningnan ang sarili sa napakalaking salamin, at inilibot ang paningin sa kabuuan ng closet na iyon. Totoo naman ang sinabi sa kaniya ni Candice na kung tutuusin ay masuwerte talaga siya dahil sa biglaang malaking pagbabagong iyon sa kaniyang buhay nugnit kung iisipin niya ay para lamang iyong isang panaginip. Isang panaginip na hindi niya alam kung maganda ba o isa lamang bangungot para sa kaniya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD