HINDI malaman ni Fay kung paano siya nakaalis sa nagkakagulong magpipinsang Chavez, hindi rin naman niya maintindihan ang kaniyang nararamdaman. Gusto na lang din niyang kalimutan ang nangyari ngunit hindi niya iyon magawa kaya hindi siya makatulog dahil sa tuwing pipikit siya ay ang halikan ni Storm at Genevieve ang paulit-ulit na naglalaro sa isip niya.
Nakaupo siya ngayon sa sahig ng balkonahe ng kaniyang silid at tahimik na nakamasid sa madilim pa ring paligid ng Isla, natatakpan kasi ng maitim na ulap ang kagandahan ng buwan. Alas tres na ng madaling araw ngunit hindi pa rin siya dinadalaw ng antok.
"Ba't hindi ka pa natutulog?" Ang tinig na 'yon ang pumukaw sa atensiyon niya at alam na alam niya kung kaninong tinig iyon. Kasalukuyan din itong nakaupo sa sahig ng balkonahe nito at dahil metal rails lamang ang harang noon ay kita pa rin nila ang isa't-isa. Hindi niya ito sinagot dahil wala siya sa mood para sumagot sa mga tanong nito. "Tinatanong ko, kung bakit hindi ka pa rin natutulog?" tila naiinis pang ulit nito.
"Eh, ano bang pakialam mo? Pati ba naman pagtulog ko pinapakialaman mo pa!" singhal niya rito.
"Eh, bakit ka sumisigaw? Nagtatanong ako ng maayos!" ganting sigaw nito at mababakas sa tinig nito ang kalasingan. Muli ay hindi na lamang niya ito pinansin at dahil sa inis na kaniyang nararamdaman ay nairapan na lamang niya ito bagaman hindi niya alam kung nakita nito ang ginawa niya dahil sa nababalot ng kadiliman ang puwesto nilang iyon.
Tumayo ito kaya naman ang akala niya ay matutulog na ito. Ngunit nagulat siya nang bigla itong sumampa sa metal rails ng balkonahe nito.
"Storm!" sigaw niya rito. Kinabahan siya sa ginagawa nitong iyon, pasuray-suray pa ito nang dahil sa kalasingan. "Ano bang ginagawa mo?" singhal niya ulit dito dahil hindi pa rin ito bumababa at pilit na binabalanse ang sarili sa may kanipisang metal rails na iyon.
"Ssshhh!" natatawang wika nito at itinapat pa ang hintuturo sa nguso.
Lasing na nga talaga 'to! Naiiling na wika niya sa sarili.
Isang malakas na buwelo ang ginawa nito at tumalon nang mataas papasok ng balkonahe sa kaniyang silid. Kasabay ng pagtalon nito ay ang pagsigaw niya. Mabuti na lamang at sa loob ng balkonahe niya ito bumagsak kundi marahil ay sa baba ng bahay ito pupulutin.
Naiinis na nilapitan niya ito. "Ano bang ginagawa mo sa buhay mo, Storm?" hindi na naman mapigil na singhal niya sa binata.
"Bakit ba ang ingay-ingay mo?" halos hindi iyon lumabas sa bibig nito dahil sa kalasingan at amoy na amoy niya ang alak na bumabalot sa katawan nito. Nakasalampak pa rin ito ng upo sa sahig kaya naman inalalayan niya ito at tinulungang makatayo upang maiupo niya sa upuang naroon. Ngunit dahil na rin sa kalasingan nito halos hindi na nito kayang buhatin ang sarili kaya nang madulas ito ay kasama siyang bumagsak nito. Bagaman hindi siya nasaktan dahil sa ibabaw siya nito bumagsak.
"Ano ba naman 'yan Storm!" naiinis na naman niyang sabi rito. Akmang tatayo siya ng bigla siyang hilahin nito at niyakap nang mahigpit. "Ano bang ginagawa mo?" angal na naman niya sa binata.
"Dito ka na lang muna..." parang nagmamakaawang wika nito sa kaniya pero hindi siya nagpadala sa mga salita nito. Mabilis niyang kinalas ang pagkakayakap nito sa kaniya at tumayo.
"Tumayo ka na nga riyan at bumalik ka na sa kuwarto mo." mariin at may awtoridad niyang wika rito. Umupo naman ito ng marahan ngunit lungayngay pa rin ang ulo nang dahil sa kalasingan. Tumayo ito at lumapit sa kaniya pagkatapos ay seryoso siyang tiningnan.
"Bakit ba ang init ng ulo mo ngayon, stepsister?" sarkastiko ang pagkakabanggit nito sa salitang stepsister pero hinayaan na lamang niya ito dahil alam niyang dala lamang iyon ng kalasingan nito.
Humakbang na ito palayo sa kaniya pero dahil sa susuray-suray pa rin ay bumangga pa ito sa pintuan ng balkonahe. Naiiling na lamang na nilapitan at inalalayan niya ito. Kumapit naman ito ng mahigpit sa balikat niya kaya inakay niya ito palabas ng pintuan.
Ngunit nagulat siya ng bigla siya nitong iharap dito at ikinulong sa mainit nitong palad ang mukha niya. Marahan nitong ibiniba ang mukha at alam na niya kung ano ang gagawin nito, wala sa loob na napapikit siya, ngunit sa kasamaang palad ay ang halikan nito at ni Genevieve ang muli na namang naglaro sa isip niya kaya naman naitulak niya ito.
"Pwede ba, Storm, do'n ka na lang sa Genevieve mo!" hindi napigil na sigaw niya rito. "At saka pwede ba lumabas ka na rito sa kuwarto ko!" dagdag pa niya ngunit sa halip na sagutin siya ay mahinang tawa ang ibinigay nito sa kaniya. Napakunot ang kaniyang noo sa pagtawang ginawa nito.
"Huwag mong sabihin na nagseselos ka, my dearest stepsister?" wika nito na tila naaaliw sa galit na ipinapakita niya rito.
"Nagseselos your face!" bulyaw niyang muli rito. "Saka pwede ba? Lumabas ka na lang! Ayan na yung pinto ilang hakbang mo na lang kaya umalis ka na!" Sabay turo niya sa pintuan ng kaniyang silid.
"Alam mo, walang binatbat ang mga halik mo sa halik niya, it was merely a dare, and no special feeling attached," seryosong namang paliwanag nito sa kaniya kaya wala sa loob na napatingin siya rito.
"Dare? Eh, sarap na sarap ka nga!" muling hindi niya napigil ang sarili at alam niyang huli na para bawiin pa iyon.
Hindi siya sinagot nito, sa halip ay hinapit siya nito ng mahigpit sa kaniyang bewang at seryosong tinitigan. Mga titig na tumutunaw sa pagkatao niya. Masuyo nitong hinaplos ang mukha niya at muling ibinaba ang mukha sa mukha niya at doon nito muling inangkin ang malambot niyang mga labi.
Her heart started to beat again. Parang nilalamon siya ng init na dala ng katawan nito, hindi niya ito kayang pigilan at dahil sa sensasyon na kaniyang nararamdaman ay hindi niya mapigilang tugunin ang mga halik nito at ikapit ang braso sa batok nito.
The kiss went wild and rough. He lifts her up while still kissing her, he then slowly laid her on her bed. She literally gasped for an air when he suddenly let go of her lips. Muli itong tumingin sa kaniyang mga mata at nagdudulot iyon ng kakaibang kaba sa dibdib niya.
"I hate this feeling but I couldn't stop it," he whispered and bend on her neck. Akala niya ay may gagawin ito roon ngunit nagulat na lamang siya nang marinig ang mahina nitong paghilik.
Ayoko rin ng ganitong pakiramdam pero hindi ko alam kung paano ko pipigilan. Malungkot na napayakap na lamang siya rito.
Bagaman mabigat ay pilit niyang iniayos ang pagkakahiga nito at kinumutan. Natulog silang magkayakap nang gabing iyon.
ANG MALAKAS na katok sa pintuan ng kaniyang silid ang gumising sa kaniya. Bahagya siyang nag-unat ngunit may kung anong mabigat na bagay na nakadagan sa kaniya.
"Fay?" narinig niyang tawag ng kaniyang ina mula sa kabilang panig ng pinto kaya naman napilitan siyang dumilat at nagulat pa siya ng ang maamong mukha ni Storm ang sumalubong sa kaniya. Sarap na sarap ang tulog nito habang nakadantay sa balikat niya at mahigpit na nakayakap sa kaniyas. "Fay, bumangon ka na at babalik na tayo ng Davao," ulit na tawag sa kaniya ng ina kaya naman sa sobrang taranta na kaniyang naramdaman ay wala sa loob niyang mabilis na sinipa si Storm kaya naman nahulog ito sa kabilang panig ng kaniyang kama saka siya mabilis na tumayo.
Binuksan niya ang pintuan at sinilip ang ina. "Sige po, Ma. Maliligo lang ako," wika naman niya rito habang nakasilip pa rin sa maliit na awang ng pintuan na kaniyang ginawa.
"Sige at bilisan mo lang," utos naman nito sa kaniya kaya mabilis na niyang ni-lock muli ang pinto.
Paglingon niya ay ang masamang mukha ni Storm ang sumalubong sa kaniya.
"At bakit mo 'ko sinipa?" salubong ang kilay at galit na tanong nito sa kaniya.
"Narinig mo naman hindi ba? Kumatok si Mama! Kaya nga bumalik ka na ro'n sa kuwarto mo!" pagpapaalis niya sa binata dahil kinakabahan siya sa ginagawa nilang dalawa. "Bakit ba kasi dito ka pa natulog?"
Napapakamot na lamang ng batok na lumabas ito sa balkonahe ng kaniyang silid kaya naman nakahinga siya ng maluwag.
Muntik na kaming mahuli ni Mama ro'n, ah! Kinakabahang wika niya sa sarili habang sapo ang kaniyang dibdib.
MAS NAUNA nga silang bumalik ng Mama niya sa Davao dahil nagkaroon ito ng emergency sa ospital kaya kinailangan agad nilang bumalik doon. Subalit si Storm at ang kaniyang ama ay naiwan pa sa Isla dahil hihintayin pa ng mga ito ang pagdating ng ancestor ng pamilya.
Hanggang ngayon din ay hindi pa rin niya ito magawang tawaging Papa o Dad katulad ng ninanais nito. Ano pa nga bang aasahan ng mga ito sa kaniya? Labing-tatlong taon siyang walang tinatawag na Papa sa kaniyang buhay kaya hindi ganoon kadali para sa kaniya na sa isang iglap lamang ay may tatawagin na siya kaagad na ama.
"So, kumusta naman ang bagong buhay mo?" pagkuha ni Candice sa atensiyon niya at mahihimigan ang excitement sa tinig nito. "At anong pakiramdam na may stepbrother kang Storm Jaydon Chavez?" tanong nito, nabanggit na kasi niya rito ang tungkol sa pagbabagong iyon sa buhay niya.
Nakaupo pa rin sila sa madalas nilang tambayan sa loob ng Unibersidad.
"I'm not happy, that's all," malungkot niyang wika rito.
"Bakit naman, ghorl?" nagtatakang tanong naman nito. "Instant yaman ka nga riyan tapos malungkot ka pa!" naiiling na dagdag nito.
"Alam mo, Cand, hindi lahat ng bagay pera at kayamanan ang katapat," makahulugan naman niyang tugon dito. Ngunit sa totoo lang ay hindi rin niya alam kung bakit hindi siya masaya dahil ba may isang Storm palagi na nasa tabi niya?
"Alam mo yung kuwento nga ng buhay mo parang — you're a pauper and suddenly turned into a princess, hindi lahat nabibigyan ng ganoong opportunity, ghorl!"
"Hay naku, hindi mo kasi talaga naiintindihan ang lahat, Candice," nawawalan ng ganang saad niya rito.
"Alam mo, hindi ko talaga 'yan maiintindihan kung hindi mo naman ipapaintindi sa akin. Ano pang silbi ko't naging best friend mo pa ‘ko kuno kung ganiyan ka naman."
"Basta, sooner siguro sasabihin ko rin sa 'yo ang lahat, basta sa ngayon, hindi ko gusto at hindi ako natutuwa na may isang Storm Jaydon Chavez na palaging nasa tabi ko.”
"Anong ginagawa niyo riyan?" tanong ni Treyton mula sa kaniyang likuran kaya naman napatingin sila rito ni Candice.
"Oh, Treyton, saan ka ba kasi nanggaling kanina ka pa namin hinihintay?" balik tanong naman ni Candice sa binata.
"Kanina ko pa nga kayo hinahanap, kanina pa rin ako text nang text sa inyo pero ni isa sa inyong dalawa, wala namang nagre-reply," tugon naman nito kaya sabay silang napatingin ni Candice sa mga cellphone nila.
"Ay oo nga, 'no. Sorry namern, ito kasing si Fay may kuwento, eh, kaya hindi namin napansin yung text mo," wika naman ni Candice kaya napatingin sa kaniya si Treyton.
"Bakit? Anong kuwento?" nakakunot-noong tanong sa kaniya ni Treyton kaya nagkatinginan silang dalawa ni Candice. "Ano?" naiinip pang ulit nito.
"Eh, kasi yung Mama niya may bagong lover kaya ayun may stepfather na siya ngayon at stepbrother. At problemadong-problemado ang ateng mo dahil yung stepbrother lang naman niya ay walang iba kung hindi si Storm," kuwento naman ni Candice rito at bakas sa mukha ng binata ang pagkagulat sa nalaman nitong iyon.
"Stepbrother? Ibig sabihin nakapagpakasal na agad sila?" di makapaniwalang tanong nito saka naupo sa tabi niya.
"Hindi pa naman, ang sabi nila sa amin, titingnan pa nila kung makaka-adapt kami ni Storm sa new family set up namin," tugon naman niya rito.
"Eh di, ibig sabihin ba titira na kayo sa iisang bahay niyan?" nag-aalalang tanong sa kaniya ng binata.
"Actually, nakalipat na kami sa bahay nila, yung ilang araw na nawala ako, hindi talaga ako nagkasakit no'n, dinala kami ni Mr. Chavez sa Isla nila at doon kami nagbakasyon kasama si Storm, pero nandoon pa silang mag-ama, nauna lang kami ni Mama dahil may biglaan siyang tawag sa ospital," sagot naman niya.
"Bakit parang ang bilis naman?" nagtatakang tanong nito.
"'Yan din ang sabi namin ni Storm noong una pero hindi naman sila nakinig sa aming dalawa. Kaya wala kaming magagawa kundi tanggapin na lamang ang sitwasyon," seryosong wika niya.
"Ano ka ba? Hindi 'yon mabilis, that was called true love 'no," singit naman ni Candice. "Saka ano ka ba suwerte na nga 'tong si Fay, biruin mo ang stepfather niya ay saksakan ng yaman, kung hindi ba naman mayaman 'yon tingin ninyo makakabili ng sariling Isla ang pamilya no’n. Siyempre hindi kaya mayaman siya, period," dugtong pa nito.
"Hay, naku, Candabvia, hindi ko alam sa 'yo," naiiling na lang niyang wika rito.
"My gosh naman, Fay. Ang ganda-ganda ng pangalan ko pinapapangit mo," iritableng saad ni Candice dahil ayaw na ayaw nito na tinatawag sa pangalan ng Lola nito.
"Oh, siya, tara na nga may klase pa tayo, eh," aya niya sa dalawa kaya tumayo na siya at napilitan na lamang sumunod sa kaniya ang mga kaibigan.