NASA kalagitnaan si Fay ng masarap na tulog nang maramdaman niya ang mararahang pagtapik sa kaniyang pisngi. Pilit naman niyang iwinaksi iyon dahil naaantala noon ang masarap niyang pagkakahilig sa kung anomang malambot na sinasandalan niyang iyon.
"Hoy, drooling girl! Gumising ka na riyan!" Ang malakas na sigaw na 'yon ang tuluyang nagpamulat sa kaniyang mga mata at ang masamang mga titig lang naman ni Storm ang sumalubong sa kaniya.
Mabilis siyang napahawak sa kanang pisngi niya dahil may naramdaman siyang mamasa-masa roon. At tama nga ang winika nito dahil basang-basa na ng laway niya ang suot nitong leather jacket. Hiyang-hiya naman siya habang mabilis na pinupunasan ang jacket nito maging ang gilid ng kaniyang labi ay napunasan na rin niya.
Pagkapunas niya ng damit nito ay mabilis na itong bumaba ng eroplanong iyon at doon lamang siya nagkaroon ng pagkakataong ilibot ang tingin sa kaniyang paligid. Nakapag-landing na sila at kasalukuyang silang nasa gitna ng isang isla. Mabilis niyang inalis ang seatbelt na nakasuot pa rin sa kaniya at sumunod sa kabababa pa lang na si Storm.
"Nasaan sila Mama?" Tanong niya rito nang makalapit.
"Nauna na sila, dahil dalawahan lang naman ang sakay ng golf car. Ang gusto nila i-baby-sit pa kita," iritableng tugon naman nito at maagap na tumawag ng golf car sa hindi kalayuan sa kanila.
Hindi maikakaila na pribado at pag-aari ng mga ito ang lugar na iyon, dahil nakatatak sa malaking helipad doon ang mga katagang CHAVEZ EMPIRE CORP.
Hindi lingid sa kaniya na mayaman ang mga Chavez ngunit hindi niya sukat akalain na ganoon pala kayaman ang mga ito dahil mayroon pa itong sariling isla. Mahigit isang oras lamang ang naging byahe nila kaya alam niyang hindi iyon kalayuan sa Kapitolyo ng Davao.
"Hoy, drooling girl, wala ka bang balak sumakay?" malakas na sigaw sa kaniya ni Storm kaya naman patakbo siyang lumapit sa sinasakyan nitong golf car. Pero sa gulat niya nang pasakay na siya ay mabilis nitong pinaandar ang golf car na iyon dahilan para mawalan siya ng panimbang at bumagsak sa sahig ng helipad.
"Ano ba?" galit na angil naman niya rito at natingnan na lamang niya ito ng masama.
"Bakit ba kahit kailan napaka-clumsy mo?" natatawa pang tugon nito habang minamaneho paikot-ikot sa kaniya ang golf car.
"Alam mo napakawalang modo mo talaga!" aniya at hindi pa rin inaalis ang masamang tingin dito. Pagtapos ay tumayo siya upang pagpagan ang sarili.
Naipagpasalamat na lamang niya na naka-loose pants siya dahil kung hindi sigurado siyang nagalusan siya sa ginawa nitong iyon.
Nang mapansin ni Storm na napipikon na si Fay ay hininto naman nito ang golf car bagaman kita pa rin sa kaniyang mukha ang pagkaaliw sa naiinis na dalaga.
"Tara na, bilisan mo," ayang muli nito kay Fay.
Kaya mabilis namang siyang humakbang palapit ng golf car ngunit hindi pa man siya tuluyang nakasasakay ay may biglang na namang tumulak sa kaniya na naging dahilan ng muli niyang pagbagsak sa sahig.
Hindi niya naiwasang tapunan ng masamang tingin ang babaeng tumulak sa kaniya, na kulang na lamang ay maghubad dahil sa klase ng kasuotan nito, na kinapos na nga sa tela ay saksakan pa ng nipis.
"My gosh, Storm! I can't believe that you were here," maarteng wika nito kay Storm at parang wala itong pakialam sa naging pagbagsak niya sa simento dahil ni hindi man lamang siya nito tinapunan ng tingin.
Muli naman siyang tumayo at pinagpagan ang sarili. Sa pagkakataong iyon ay nakamasid lang siya sa dalawa.
"What are you doing, Gen?" naiinis na tanong ni Storm dito dahil bigla na lamang itong kumapit sa braso ni Storm.
"Don't you miss me?" maarte pa rin nitong tanong sa lalaki.
"Umalis ka nga riyan at aalis na kami!" bulyaw ni Storm at hindi man lamang pinansin ang sinabi ng dalaga. Kaya naiinis na dumeretso na lamang ito ng pagkakaupo sa golf car.
"No, I'm not gonna leave here!" parang batang wika nito habang nakahalukipkip pa ang mga braso. Pero sa halip na suyuin ito ay iniwan na lamang ito ni Storm sa loob ng golf car. "Storm!" Habol pa nito sa binata.
Ngunit hindi ito pinansin ni Storm sa halip ay lumapit ang binata kay Fay at mabilis lamang na hinigit ang dalaga sa braso nito upang hilahin palayo sa naiinis na si Genevieve.
"Saan mo ko dadalhin?" angal naman ni Fay rito dahil sa biglang paghila nito sa kaniya.
"Maglalakad na lang tayo dahil wala ng golf car!" mariing tugon naman nito pero nagulat sila pareho nang kamuntikan itong matumba nang patakbo itong yakapin ni Genevieve mula sa likuran nito. "Ano ba?" angal naman nito.
"I know you miss me too, babe!" malambing pa ring wika ng dalaga rito habang nakayakap pa rin sa likuran ng lalaki. Mabilis namang iwinaksi ng binata ang braso nitong nakayakap dito at marahas na hinarap ito.
"Can you come back to your senses, Genevieve? That was almost 12 years ago! And I don't even have any feelings for you!" galit na bulyaw ni Storm dito saka muling hinawakan si Fay sa pulso niya at hinila palayo roon. Tanging tingin na lamang ang naibigay ni Fay sa naiwan nilang dalaga. Bagaman unang pagkakataon lamang niya itong nakita ay naramdaman niyang nasaktan ito sa sinabi ni Storm dito.
"But you promised to marry me, right?" naiiyak na sigaw pa nito kay Storm ngunit hindi na tumingin pa rito ang binata at mas binilisan na lamang ang paglakad upang agad na makalayo rito.
Tahimik sila habang binabagtas ang mahabang daanan na iyon ng isla. Si Fay ay tahimik lang na nagmamasid sa kabuuan ng isla, dahil unang pagkakataon niya iyon ay hindi niya maiwasang humanga sa mga bagay na nakikita niya.
Hindi maitatangging sobrang ganda ng lugar na iyon. Tanging mga puno ng buko at mangga ang makikita roon at mga huni naman ng ibon at insekto ang maririnig. Bahagya rin niyang naririnig ang marahang paghampas ng alon sa dalampasigan na hindi naman kalayuan sa kanila. Mabato man ang kanilang dinaraanan ay hindi niya iyon alintana, mabuti na lamang at makulimlim dahil kung hindi sigurado siyang sunog na ang balat niya kung nagkataong mainit ang araw.
Ngunit ang kinababahala naman niya ay nagbabadyang ulan dahil sa kulimlim na iyon.
"Kung pagod ka na, hintayin mo na lang ako rito. Kukuha ako ng masasakyan doon sa villa," biglang wika nito kaya naman napatingin siya rito. "Malayo-layo pa ang lalakarin natin kung itutuloy natin 'to." Bakas sa tinig nito ang pag-aalala.
"Bakit kasi hindi na lang natin dinala yung golf car, eh," wika niya na nasa tono ang paninisi rito.
"Alam mo sa tigas ng ulo ng spoiled brat na 'yon tingin mo titigilan ako no'n!" bulyaw naman nito sa kaniya at nagulat siya roon.
"Parehong pareho lang naman kayo kaya huwag ka nang magtaka!" sarkatikong bulyaw niya rin dito.
"Ah, ganoon. Sige, bahala ka riyan sa buhay mo!" naiinis na wika nito saka mabilis na lumakad dahilan para maiwanan siya.
"Hoy! Teka lang!" Mabilis niyang habol dito ngunit dahil mahahaba ang biyas nito ay kahit ano'ng gawin niyang habol ay hindi talaga niya ito maabutan. Lakad at takbo na ang kaniyang ginagawa ngunit sadyang mabilis ang lakad nito at sa kakahabol niya ay hindi niya napansin ang malaking batong nakaharang sa kaniyang daraanan kaya naman nang matapakan niya iyon ay natipalok siya.
"Aray!" Napaupo siya dahil sa sakit na nararamdaman niya. Nakahawak na siya sa kaniyang paa ng lingunin siya ng binata. Sinubukan niyang muling tumayo at lumakad ngunit sadya yatang napasama ang pagkakatipalok niyang iyon dahil muli na naman siyang napaupo sa sobrang sakit na kaniyang naramdaman.
"Ano ba kasing ginagawa mo?" naiinis na tanong nito bagaman nag-aalalang lumakad palapit sa kaniya. Paglapit nito ay sinipat nito ang paa niyang namamaga na ng mga oras na 'yon.
"Ah. Aray! Masakit kasi!" singhal niya rito dahil bigla nitong pinihit iyon.
"Patingin lang kasi!" ganting singhal nito sa kaniya at muling hinawakan ang kaniyang paa.
"Masakit nga kasi, dahan-dahan ka naman!" patuloy na angal niya rito.
"Hindi ka kasi marunong mag-ingat!" naiinis na paninisi nito sa kaniya.
"Sino ba naman kasing magmamadaling maglakad kaya ako humabol at umabot sa ganito?" iritableng tanong niya rito ngunit sa halip na sagutin siya ay bigla itong tumalikod sa kaniya at hinihila siya pasakay sa likuran nito. "Ano bang ginagawa mo?"
"Papasan ka ba o iiwan kita riyan mag-isa?" pananakot naman nito sa kaniya at dahil natakot siya sa bantang iyon ay mabilis naman siyang tumalima upang makapasan sa malapad nitong likuran. Sa pagkakakilala niya rito ay wala sa bukabularyo nito ang salitang kidding. "Ang liit-liit mo pero ang bigat-bigat mo!" reklamo nito pagkapasan niya sa likuran nito.
Naku kung di lang ako mahihirapan maglakad, nabatukan ko na 'tong gunggong na 'to, eh. Naiinis na wika niya sa sarili habang masamang nakatingin dito.
Di nagtagal ay pumasok na sila sa magubat na bahagi na iyon ng isla ngunit dahil mayroon pa rin namang nakalaang daanan sa gitna ay ligtas pa rin naman ang maglakad doon. Nasa kalagitnaan na sila ng gubat ng biglang may paunti-unting ulan na bumabagsak hanggang sa patuloy ng lumakas iyon.
"Ano ba 'yan, ang malas mo naman kasama!" hinihingal na sumbat nito sa kaniya pero nagpatuloy lang ito sa paglalakad. Ngunit nang dahil sa malakas na ulan na iyon ay unti-unti na ring nababasa ang kanilang mga kasuotan. Bahagya na ring dumudulas ang pagkakahawak nito sa kaniya. "Sumilong muna tayo, medyo pagod na rin ako," ani Storm at marahan siyang ibinaba sa gilid ng isang malaking puno.
Pagkababa nito sa kaniya ay simpleng iniikot niya ang mga mata sa paligid at doon nahagip ng paningin niya ang isang kamalig sa di kalayuan.
"Storm, doon tayo!" mabilis niyang turo dito sa nakita niya. Dahil nga pagod na ito ay inalalayan na lamang siyang maglakad nito. Masakit pa rin ang kaniyang mga paa ngunit hindi naman na iyon kasing sakit gaya ng naramdaman niya noong una.
Sumilong sila sa loob ng kamalig at doon nila hinintay na humina man lang kahit bahagya ang ulan na iyon o kaya naman ay tuluyang mawala ang sakit ng kaniyang paa.
Tahimik lang si Storm na nakaupo sa pintuan ng kamalig habang siya naman ay nakaupo sa loob noon. Dahil sa ginaw na kaniyang nararamdaman ay niyakap niya ang kaniyang sarili at marahang sumubsob sa kaniyang mga hita.
Napansin naman ni Storm na nilalamig na ang dalaga kaya lumapit ito upang ibigay ang suot nitong jacket. Saktong pagdampi ng jacket sa katawan ng dalaga ay ang pag-angat nito ng tingin kaya naman nagtamang muli ang kanilang mga mata.
"Thank you," mahinang usal ni Fay at halos hindi iyon lumabas sa kaniyang bibig dahil sa ginaw. Kahit na hinapit na niya ang jacket sa katawan ay hindi naibsan noon ang lamig na kaniyang nararamdaman dahil sa basang-basa na rin ang kaniyang buong katawan.
Bahagya siyang nagulat ng biglang tumabi sa kaniya si Storm at marahan siya nitong hinila kaya naman napayakap siya rito at naramdaman na lang din niya ang pagyakap nito, maging ang mga hita nito ay iniyakap na nito sa kaniya.
"Teka la—"
"Huwag ka nang umangal dahil nanginginig na yung katawan mo," maagap na putol nito sa sasabihin niya. Nang pagkakataong iyon ay naramdaman naman niya ang init na nanggagaling sa katawan nito at dahil sa init na iyon wala sa loob niyang naihilig ang ulo sa malapad nitong dibdib. Bagaman alam din niyang nanginginig pa rin ang kaniyang buong katawan dahil sa ginaw.
Naramdaman din niya ang biglang paggalaw ng kamay nito at nagulat siya ng marahan nitong iniangat at ikinulong sa mga palad nito ang kaniyang mukha. Dahil sa ginawa nito ay napatitig siya sa mga mata nito at hindi na naman niya maipaliwanag ang kabang muling lumulukob sa kaniya nang dahil sa pagtatamang iyon ng kanilang mata. Mataman lang din itong nakatingin sa kaniya parang sinusukat nito kung ano bang ang magiging reaksiyon niya.
Hindi siya nakagalaw ng biglang bumaba ang mga labi nito sa labi niya at siniil siya ng mapang-akit na namang mga halik. Nagulat man ay hindi niya ito magawang itulak dahil sa nagbibigay iyon ng kakaibang init sa kaniyang katawan.