SAKTONG paglabas ni Storm ng silid ay naroon si Genevieve at nag-aabang sa paglabas ng binata. Hindi nito pinansin ang dalaga at diretsong naglakad lang.
"Mas masarap ba ang yakap ng stepsister mo kaysa sa mga yakap ko?" sarkastikong tanong nito dahilan para marahas na mapalingon ang binata rito. "Don't deny it, Storm, I have my proof," wika nito sabay angat ng hawak na cellphone at kasalukuyang nagpe-play doon ang video nila ni Fay habang magkayakap at pagkaraan ay masuyo niya itong hinawakan sa mga pisngi nito. "Kahit sinong makakita nito ay siguradong iisipin na may mas malalim na relasyon kayo ng stepsister mo." Pagtapos ay ngumiti lang ito ng nakakaloko.
"What do you want?" walang emosyong tanong ng binata rito.
"I want you to be mine, Storm! Kung magiging akin ka, sisiguraduhin kong magiging safe si Fay sa mapanghusgang mata ng mga tao."
"Pass. Humanap ka ng ibang paglalaruan mo, Gen. I object being your subject," matabang na tugon pa rin ng binata rito at muli itong tinalikuran.
"Okay. Siguro, mas maganda kung ise-send ko na lang kay Tito Sandro ang video na 'to. I think it would be a great help for him para makita nila kung ano ba talaga ang nangyayari sa pagitan ng anak niya at ng stepdaughter niya," wika nito at hinarap ang cellphone nito.
Kaya naman hindi nito napansin ang biglang paglapit ni Storm dito at saka marahang hinapit ito sa bewang nito. Masuyong isinandal ng binata sa pader si Genevieve at buong pang-aakit na tinitigan ito sa mga mata. Hinawakan rin ito ng binata sa pagkabilang kamay nito.
"This is what you want, right?" tanong ng binata rito at mabilis na siniil ang mga labi nito at marahan itong hinalikan. Sinigurado nitong maaakit ito sa mga halik na iyon.
Habang nadadala ito sa matamis na halik ng binata ay simpleng kinuha rito ni Storm ang hawak nitong cellphone at mabilis na binura ang video na pinanakot nito sa kanila.
Ngunit lingid sa kaalaman ng binata na ang tagpong iyon ay kitang-kita ni Fay. Balak niya sanang sumabay pagpasok sa binata ngunit ang eksenang iyon ang bumungad sa kaniyang paningin. Kung saan si Storm mismo ang humalik sa dalaga, at iyon ang hindi matanggap ng utak niya. Bago pa man siya mapansin ng dalawa, dala ang bigat ng loob ay mabilis na niyang nilisan ang lugar na iyon.
"One kiss is enough for that stupid video!" nakakalokong ngumiti si Storm dito at inabot muli ang cellphone nito.
"What?" hindi makapaniwalang wika ni Genevieve habang hinahanap ang video na nabura na ng binata. "Anong ginawa mo?!" naiiyak na tanong pa nito.
"Next time, if you want to blackmail me using some stupid video, make sure that you have already saved a copy. Para naman hindi nasasayang yung pagod mo," walang ganang tugon ng binata rito at tuluyan na itong tinalikuran.
"You son of a b*tch, Storm!" gigil na gigil na sigaw ng dalaga rito. Ngunit hindi na ito pinansin pa ng binata.
HINDI na hinintay pa ni Fay si Storm at nauna na siyang pumasok sa Universidad. Dala ang mabigat na loob dahil sa nakita niya.
Hindi ba, hindi mo naman pag-aari si Storm, bakit ba galit na galit ka riyan! Naiinis na kastigo niya sa sarili. Alam niyang wala siyang karapatan at hindi valid ang nararamdaman niya para rito ngunit hindi niya maiwasan dala ng tunay na nararamdaman para sa binata.
Maling-mali ka, Fay! Kaya tigilan mo na 'yan! Saway pa rin niya sa sarili. Ngunit kahit anong sabihin niya sa sarili ay parang may sariling buhay ang puso niyang iyon at hindi nito matanggap ang mga nakita.
Sanay naman na siyang makita na nakikipaghalikan ito kay Genevieve ang hindi lang niya matanggap ay kitang-kita niya na ito mismo ang unang humalik sa dalaga at nakita niya na kung paano siya halikan nito ay ganoon din ang naging paghalik nito sa isa.
"Nandito na po tayo," wika ng driver niya kaya naman napalinga siya sa labas.
"Salamat po!" usal siya saka mabilis na lumabas ng sasakyan. Sa lalim ng kaniyang iniisip hindi niya napansin na nakarating na sila sa eskwelahan. Mabigat pa rin ang loob na tinahak niya ang daan papuntang building ng department nila.
"Fay!" ang tawag na iyon ni Treyton ang nagpalingon sa kaniya. Pilit naman siyang ngumiti nang salubingin niya ito. "Okay ka na ba talaga?" nag-aalala pa ring tanong nito.
"Oo, okay na ko. Saka masyadong matagal na rin akong nawala baka mahirapan na akong makahabol sa mga lesson natin."
"Huwag kang mag-alala tutulungan naman kita," masayang saad nito kaya lalo siyang napangiti. "So, tara na?" aya nito sa kaniya sabay kuha ng kaniyang kamay at ikinawit sa braso nito.
"Tara," nakangiti ring tugon niya rito. Nang makarating sila sa classroom ay sinalubong agad sila ni Candice.
"Oh, nandito ka na pala?" tanong ni Treyton dito.
"Oo at magpasalamat kayo sa 'kin dahil nauna ako rito," wika nito kaya halos sabay nagsalubong ang kilay nilang dalawa ni Treyton. "Dumating kasi si sir at hindi raw siya makakapagturo today kaya ibigay na lang niya yung last project natin for this semester."
"And then?" tanong niya dahil sa pangbibitin nito.
"And then, kailangan nating mag-interview na isang sikat na tao. So, ang na-assigned sa atin ay si Ms. Alexena Vergara."
"About saan?" tanong naman ni Treyton dito.
"About sa life, kung kaya ng personal life, why not, saka paano nila na-achieve yung dreams nila." tugon naman nito. "Ay, good luck sa atin! Balita ko kasi hindi naman pumapayag si Ms. Alexena na magpa-interview, eh, lalo pa sa atin na mga baguhan pa lang."
"Wala bang second choice kung hind siya pumayag?" tanong naman niya.
"Ayaw ni sir! Crush na crush niya raw 'yon si Ms. Alexena kaya nga sa atin niya ibinigay dahil alam no'n na magaling kayo ni Treyton!" naiinis na saad naman nito.
"Pwede naman yata through call or video call, eh," wika naman ni Treyton.
"Oo, pwede naman. Basta lang daw ma-interview natin si Ms. Alexena pero tingin niyo naman kaya papayag 'yon si Ms. Alexena?" nag-aalalang tanong pa rin ni Candice.
"Siguro naman, eh di kung hindi pumayag kausapin na lang natin si sir. At magpa-reassign na lang tayo," saad naman niya.
"Sige, mas maganda niyan pumunta na tayo ng library ngayon para kung sakaling hindi siya papayag makapagpa-reassign na agad tayo," aya naman ni Treyton.
"Teka, ba't sa library na naman? Wala naman si Ms. Alexena roon," nagtatakang tanong ni Candice.
"Doon kasi tayo makakapag-research, saka do'n natin makukuha yung contact number ni Ms. Alexena," tugon naman niya rito.
"Ay naku, sige kayong dalawa na lang muna. Dito na lang muna ko sa classroom. Sa susunod na lang ako tutulong kapag napapayag niyo na 'yan si Ms. Alexena," tamad na taman na wika naman nito.
"O sige, diyan ka na lang muna para kung may darating na prof na may ipapagawa pa, eh, may isang nakakaalam man lang sa 'tin," pagsang-ayon naman niya sa tinuran nito. "Tara, Treyt," aya niya sa binata, tumango naman ang binata sa kaniya ngunit kinuha muna nito ang kamay niya at muling ikinawit sa braso nito.
Papasok pa lamang sila sa building ng library ng campus nang may biglang humaltak ng braso niya kaya napalingon siya. At ang seryosong mukha ni Storm ang sumalubong sa kaniya.
"Ano ba?" di maiwasang mapagtaasan niya ito ng boses dahil sa inis pa ring nararamdaman niya rito.
"Bumitiw ka sa kaniya!" mariing utos nito.
"At kung ayoko!?" pakikipagmatigasan naman niya.
"Hindi ko na uulitin yung sinabi ko, Fay," ramdam niya ang pagbabanta sa tinig nito kaya mas lalo siyang nakaramdam ng init ng ulo rito.
"Pwede ba, Storm! Ano, ikaw gagawin mo na lang lahat ng gusto mong gawin pagtapos ako hindi pwede?" iritableng wika niya rito saka marahas na inalis ang kamay nitong nakahawak sa braso niya.
"Ano na naman bang problema mo, ha?" nauubusang pasensiya tanong nito sa kaniya.
"Wala akong problema! Kung mayroong may problema rito, ikaw 'yon, Storm! Ang laki ng problema mo sa utak! Ano ba ako sa tingin mo, ha? Sasabihin at gagawin mo na lang lahat ng maisipan mo!" galit na sigaw na niya rito.
"Pwede ba—"
"Huwag mo siyang pilitin kung ayaw niya, Chavez!" mabilis namang awat ni Treyton sa binata.
"Ikaw ang huwag mamakialam dito!" galit na baling ni Storm dito.
"Alam mo wala talaga akong pakialam sa 'yo! Si Fay ang inaalala ko at sa kaniya may pakialam ako!" galit na ring bulyaw ni Treyton dito.
"Tigilan niyo na 'yan," mahinang usal ni Fay dahil napansin niyang halos lahat ng estudyante na dumadaan doon ay sa kanila na nakatingin. Pagtapos ay seryoso siyang tumingin kay Storm. "Pwede ba, Storm, simula ngayong araw tigilan mo na ako!" mariing wika niya rito saka mabilis na inalis ang suot niyang bracelet na ibinigay nito at pilit na inilagay iyon sa palad ng binata.
Walang kahit anong salita ay tinalikuran siya nito. Malungkot na nasundan na lamang niya ito ng tingin. At nakita niyang inihagis nito sa halamanan na naroon sa gilid ng daan ang bracelet na ibinalik niya rito.
"Fay, tara na," narinig niyang aya sa kaniya ni Treyton. Ilang minuto na ang lumipas mula ng mawala sa paningin niya si Storm ngunit ang mata niya ay hindi niya maialis sa lugar na pinaghagisan nito ng bracelet niya. "FAY!" malakas na tawag ulit ni Treyton sa pangalan niya dahil sa biglang pagtakbo niya at mabilis na nilapitan ang madamong halamanan kung saan itinapon nito ang bracelet niya.
Nasasaktan siya. Nagagalit siya sa rito. Gustong-gusto niyang lumayo. Gusto na niyang kalimutan ang nararamdaman niya para dito. Pero kahit ganoon hindi niya kayang hayaang mawala ang nag-iisang bagay na ibinigay nito sa kaniya sa ganoong paraan. Kahit nahihirapan pa siyang yumuko ay masikap niyang hinanap ang bracelet niya.
"Fay, ano bang ginagawa mo riyan?" naguguluhang tanong ni Treyton sa kaniya.
"Hinahanap ko yung bracelet ko," usal niya rito.
"Hindi ba't ibinalik mo na 'yon sa kaniya? Bakit kailangan mo pang hanapin kung itinapon naman na niya 'yon?"
"Treyt, kung hindi mo naman ako tutulungan. Please, hayaan mo na lang muna ako," pakiusap naman niya rito habang masikap pa ring ginagalugad ang halamanan na iyon.
Dahil walang magawa si Treyton at naaawa sa dalaga ay tumulong na lang ito sa paghahanap ng bracelet nito. Umubos sila ng halos kalahating oras hanggang sa makita iyon ng binata.
"Fay!" masayang tawag nito sa kaniya. Nang makita niyang hawak nito ang bracelet niya ay nagliwanag ang kaniyang mukha at sumilip ang mga luhang kanina pa niya pinipigil.
Iyak tawa siya habang inaabot sa kaniya ang bracelet niyang iyon. Naiiyak siya dahil nauubusan na siya ng pag-asang makikita pa niya iyon at natutuwa siya dahil ngayon ay hawak na muli niya ang bracelet na ibinigay ni Storm sa kaniya.
"Ganiyan na ba talaga kahalaga sa 'yo ang Chavez na 'yon?" hindi makapaniwalang tanong sa kaniya ni Treyton habang tumatayo mula sa pagkakasalampak sa damuhan na iyon. "Ni minsan hindi ko nakitang ganiyan ka sa mga bagay na ibinigay ko sa 'yo," may halong pagtatampo ang tinig nito.
Marahan siyang tumayo na rin at tumingin ng seryoso sa binata.
"Sa totoo lang, Treyt, hindi ko rin alam. Dati kapag may ginagawa or may sinasabi siya wala akong pakialam pero hindi ko alam kung bakit ang bilis nagbago ng lahat. Ngayon bawat gawin at sabihin niya ang laki ng impact sa 'kin. Kaya natatakot ako!" doon na tuluyang tumulo ang mga luhang kanina pa niya pinipigilan. "Natatakot ako na baka kung saan ako dalhin nitong nararamdaman ko. Natatakot ako na tuluyan akong mahulog dito. At natatakot ako na baka dumating yung panahon na may masaktan akong tao lalo na ang mga magulang namin."
"Hindi ko akalain na ganiyan na kalalim ang nararamdaman mo para sa kaniya," tila nasasaktang wika nito.
"Kaya nga siguro mas maganda na rin yung ganito. Back to square one na lang kaming dalawa, malaking gulo kapag nalaman pa ng magulang namin. Ang gusto nila maging mabuting magkapatid kami para sa isa't isa pero alam ko hindi nila gugustuhin na mas higit pa roon ang nararamdaman naming dalawa," malungkot na usal niya. "Tara, pasok na tayo," aya niya saka pinunasan ang mga luha niya at pilit na ngumiti rito.