Chapter 16

2034 Words
"TREYTON, bakit ba tayo narito? Saka bakit tayong dalawa lang, hinintay mo pa talagang makaalis si Fay," nagtatakang tanong ni Candice sa kaibigan. Nasa coffee shop sila sa labas ng Unibersidad, inaya roon ni Treyton ang kaibigan nang makaalis na si Fay. "Hindi ba't gusto mong malaman kung sino yung taong gusto kong ligawan?" tanong ng binata rito. Nagtataka man ay napatango si Candice rito. "Sa totoo lang, wala naman akong balak umamin, pero hindi ko lang kasi kayang maki—" "Wait lang, Treyt!" kinakabahang pigil ni Candice rito saka mabilis na dinampot ang basong nasa harapan niya at sunod-sunod na lagok ang ginawa nito roon. Saka muling tumingin ng seryoso sa binata at huminga ng malalim bago muling magsalita. "Alam mo, Treyt, oo aaminin ko guwapo ka naman, eh, at talaga namang maraming nagkakagusto sa 'yo pero hindi ko kayang tanggapin 'yang nararamdaman mo. Magkaibigan tayo at hanggang doon lang ang kaya kong ibigay sa 'yo," bigla namang nagsalubong ang kilay ni Treyton sa tinuran nito. "Ano bang pinagsasabi mo?" naguguluhan na tanong nito. "Bakit? Hindi ba't nagko-confess ka ng nararamdaman mo sa 'kin?" balik tanong din nito. "Alam mo, Candice, patapusin mo kaya muna yung sasabihin ko bago ka sumabat!" iritableng wika ng binata rito. "Ah. Sige, ituloy mo na nga muna," napapakamot na usal nito. "I was talking about Fay," diretsong wika nito na ikinalaglag ng panga ni Candice. "Wala talaga akong balak na umamin lalo na ngayon nakikita ko na nahuhulog na ang loob niya sa Chavez na 'yon. Pero hindi ko kayang makita na nahuhulog siya sa iba na wala man lang akong ginagawang paraan para maipaalam at maiparamdam sa kaniya yung totoo kong nararamdaman." "Seryoso ka riyan, Treyt? Bilang kaibigan ni Fay, kilalang-kilala mo 'yon," naguguluhang tanong nito. "Alam ko naman na gaya mo hindi niya kayang tanggapin yung nararamdaman ko kaya nga hangga't maaari hindi ko sinasabi. Wala akong pinagsabihan, nakuntento na ako na makita at makasama siya kahit bilang isang kaibigan lang. Pero ilang beses kong itinanong sa sarili ko kung kaya ko bang makita na hawak at may kasama siyang iba," malungkot na paliwanag nito. "So, to make the story short, what do you want me to do?" "Tulungan mo lang ako, susubukan kong aminin sa kaniya ang lahat." Sa sinabi nitong iyon ay napasandal ng diretso si Candice at mas seryosong tumingin sa binata. Lubos na pinag-aaralan nito ang sitwasyon ng mga kaibigan. "At kung hindi niya 'yan tanggapin? Paano ka? Paano kayo? Paano yung masisirang pagkakaibigan ninyo?" di mapigilang tanong ng dalaga rito. "Sa 'yo na rin mismo nanggaling, Treyton, nahuhulog na ang loob niya kay Storm! Ano mangyayari? Anong kalalabasan kung ipipilit mo pa 'yang nararamdaman mo!" "Pinag-isipan ko na rin namang maigi 'yan, kung hindi niya ako kayang tanggapin kaya kong manatili kahit bilang isang kaibigan lang na nasa tabi niya pero hindi ko kayang manahimik at walang gawin para dito sa nararamdaman ko. Kung hindi niya tanggapin, eh di hindi, at least I tried to tell her, sa huli alam kong wala akong pagsisisihan." "So, paanong paraan ba ang naisip mo para matulungan kita?" napapabuntong hiningang tanong dito ni Candice. Labag man sa kaniyang kalooban ay wala siyang magawa dahil kitang-kita niya na desidido si Treyton sa gusto nitong mangyari. "Gusto ko sanang gawin 'yon sa nalalapit na birthday niya, pinag-isipan ko ng mabuti ang lahat." wika ng binata. "Ibibigay ko ang lahat ng details kapag okay na ang lahat." TAHIMIK na pumasok si Fay ng mansyon, at hindi niya inaasahan ang isang Storm at Genevieve na namang naghahalikan sa may hagdanan ang bubungad sa kaniya roon. "Pwede ba huwag ninyong gawing parke itong loob ng bahay!" iritableng wika niya sa dalawa. Mabilis namang naghiwalay ang mga ito. "Eh, ano namang pakialam mo! Hindi mo naman 'tong bahay!" galit na tugon naman ni Genevieve. "Sabagay, noong dumating ka rito mas nagmukha pa ngang motel 'to kaysa bahay, eh," naiinis pa ring sagot niya. "Anong sabi mo? How dare you!" pulang-pula sa galit na usal nito at akmang susugurin siya ngunit mabilis naman itong napigil ni Storm. Hindi iyon pinansin ni Fay at punong-puno ng galit na nilagpasan na lang ang dalawa. Lingid sa kaniyang kaalaman na sinadya ni Storm na ipakita sa kaniya ang eksenang iyon. Pagalit na ibinaba niya ang mga gamit at pabagsak rin na humiga ng kama. Bakit ba kasi ako nagagalit? Bakit ba ako naiinis? Mas mabuti pa nga 'yon para makaiwas! Naiinis na wika niya sa sarili. Naligo lang siya at nagbihis pagtapos ay inabala niya ang sarili sa pag-aaral at paggawa ng mga tanong sa gagawin nilang interview kay Ms. Alexena. Mabuti na lamang at pumayag ito, iyon nga lamang ay sa tawag lang nila gagawin ang interview dito at kailangan nilang matapos iyon hanggang sa susunod na linggo dahil aalis na ito papuntang Paris upang mag-aral muli roon. Nasa kalagitnaan siya ng paggawa ng mga tanong ng may mahihinang katok ang pumukaw sa atensiyon niya. Tumayo naman siya at binuksan iyon. "Ano 'yan?" tanong niya dahil isang katulong ang may tulak-tulak na food serving trolley ang naroon. "Pinapaakyat po ng Young Master. Hindi pa raw po kasi kayo kumakain," tugon naman nito. "Hindi na, pakibalik na lang 'yan, busog pa naman ako. Salamat!" usal niya bago tuluyang isara ang pinto. Ngunit hindi pa man siya ulit nakakaupo sa study table niya ay sunud-sunod na malalakas na katok na naman ang narinig niya. Mabilis naman siyang lumapit doon at muling binuksan. "'Di ba't sabi ko—" "Kakainin mo 'to o isusubo ko 'to ng sabay-sabay sa 'yo!" galit na salubong ni Storm sa kaniya habang tulak papasok ng silid niya ang trolley na dala ng katulong kanina, kaya naman wala siyang nagawa kundi ang gumilid. "Ano bang pakialam mo!? Pwede ba lumabas ka nga do'n!" "Pag sinabi kong kumain ka! Kumain ka!" sigaw nito sa kaniya sabay pasalyang isinara ang pintuan ng silid niya. "Wala akong balak makipaglokohan sa 'yo, Storm!" nauubusan ng pasensiyang saad niya rito. "Wala rin akong planong makipaglokohan sa 'yo," pagtapos ay humakbang ito palapit sa kaniya. Sa bawat na hakbang na ginagawa nito ay ang siyang pag-atras namang ginagawa niya hanggang sa tuluyan na siyang mapaupo sa kama niya. Sinamantala naman iyon ng binata, tinulak siyang pahiga nito at mabilis na umibabaw sa kaniya. "Ano ba, Storm?!" angil niya rito at pilit itong itinutulak palayo sa kaniya. Ngunit sa halip na sagutin ay tinitigan lamang siya ng seryoso nito. Pinilit niyang huwag magpadala sa mga mapang-akit na tingin nito. "Ano ba, Storm, lumabas ka na nga!" pagtapos ay buong lakas niya itong itinulak ngunit hindi ito nagpatinag. "STORM!" galit na sigaw niya sa pangalan nito at nakipagsukatan siya ng tingin rito. Ibinaba nito ang mukha at sinubukang hulihin ang mga labi niya subalit mabilis niyang iniiwas ang mukha niya kaya sa leeg niya tumama ang mga labi nito. D*mnit, Fay!" galit na sigaw nito sa kaniya at naramdaman niya ang pagsuntok nito sa kama niya. "Ano bang ginawa ko sa 'yo at nagkakaganiyan ka!" Pagtapos ay tumayo ito kaya tumayo na rin siya at hinarap ito. "Wala ka ba talagang ginawa, Storm? O nagkukunwari ka lang na wala kang alam?" di nakatiis na kompronta niya rito. "Bakit ikaw? Bakit ka ganiyan? Bakit ginagawa mo lahat ng maisipan mo at sasabihin mo kung ano 'yang nasa utak mo!?" "Huwag kang magpaliguy-ligoy, Fay, sabihin mo kung anong problema mo!" galit na bulyaw nito. "Yung ginawa mo kanina sa school! Yung pagbalik mo ng lintik na bracelet! Bakit? Sino bang pinagmamalaki mo 'yong Treyton na 'yon?! Bakit mas masarap ba siyang humalik kays—" Isang malakas na sampal ang ibinigay niya rito kaya hindi nito natapos ang nais nitong sabihin. Doon tuluyang nangilid ang mga luha niya. "Hindi ako kasing baba ng babaeng iniisip mo! Kaya huwag na huwag mo akong maikukumpara sa kahit kaninong babaeng hinahalik-halikan mo!" halos paos na wika niya. "At hindi kasing sama ng ugaling mayroon ka 'yong kaibigan ko! Ni minsan hindi niya ginawa sa 'kin yung mga bagay na ginagawa mo!" humihibik na usal niya rito. "Storm, kung hindi mo ako kaya respetuhin bilang babae kahit bilang tao man lang!" Natauhan naman ang binata sa mga salitang binitiwan ni Fay, alam nitong mali rin ang mga salitang sinabi sa dalaga ngunit batid din nitong huli na ang lahat para bawiin pa ang mga binitiwang salita. Pagkuyom ng mga kamao na lang ang tanging nagawa niya. "Lumabas ka na! At dalhin mo 'yang pagkaing dinala mo dahil hinding-hindi ko kakainin 'yan!" punong-puno ng galit na sigaw ni Fay sa binata. "Saka pwede ba iwasan na natin ang isa't isa, mind you own business at ganoon din ang gagawin ko. Hindi mo pwede ipagpatuloy ang lahat na lang ng maisipan mong gawin sa 'kin, hindi pwede at lalong hindi pwedeng makarating pa iyon sa mga magulang natin bago pa natin itigil ang lahat," pakiusap niya rito habang patuloy pa rin ang pagbagsak ng mga luha niya. "Hindi na tayo mga bata, Storm! Alam na natin na mali at hindi tama 'tong mga ginagawa natin! Sa mata ng lahat ng taong nakapaligid sa atin isang pamilya na tayo! Kapatid mo ako, magkapatid na tayo mula ng magsama ang mga magulang natin!" Pagtapos ay tumingin siya sa mga mukha nito, hindi niya inaasahan ang lungkot na nakikita sa mga mata nito. "Sige, kung 'yan ang gusto mo. Simula sa araw na 'to titigilan na kita at wala ka nang maririnig na kahit ano sa 'kin," wika nito na hindi man lang tumitingin sa kaniya. Pagtapos ay muling itinulak nito ang trolley na may pagkain at lumabas ng kaniyang silid. Pagsara ng pintuang iyon ay ang halos sunud-sunod ding pagpatak ng mga luha niya. Ito naman yung gusto mo hindi ba? Ito yung tama pero bakit ba kasi ako nasasaktan? Mula sa kaniyang kinatatayuan ay napaupo siya roon at doon hinayaang umiyak nang umiyak ang sarili. KINABUKASAN, paggising niya ay inaasahan na niya ang malamig na pakikitungo ni Storm sa kaniya. Ni sulyap ay hindi nito ginagawa. Inihanda na niya ang sarili sa nangyayaring iyon ngunit hindi pa rin niya maiwasang hindi masaktan. At hindi niya maiwasang hanap-hanapin ang mamatamis nitong ngiti sa kaniya. Kasalukuyan siyang nasa kaniyang silid at palabas sana siya nang marinig ang pagtunog ng cellphone niya. Nagulat siya sa pangalang rumehistro doon. "Hello, Ma?" "Hello, Fay, nasa biyahe na kami pauwi ngayon diyan sa mansyon," masayang pagbabalita nito. Muli niyang naalala ang sama ng loob sa ina. "Iniwan niyo ako ng walang paapaalam tapos tatawag kayo kung kailan nandito na rin kayo," hindi maiwasang sumbat niya rito. "Sorry na, anak! Huwag ka nang magtampo, tumawag lang ako kasi baka maisipan mong umalis, malapit naman na kami." "Sige po, hihintayin ko na po kayo," walang ganang wika niya rito. Pagbaba niya ay ilang sandali nga lamang ay naroon na ang mga ito. At hindi niya inaasahan ang napakaraming dala nito, hindi tuloy magkandamayaw ang mga katulong sa pagbababa ng mga gamit na bitbit ng kaniyang ina. "Na-miss ko ang baby ko!" Pagtapos ay niyakap siya ng mahigpit nito. "Ang kalahati niyan ay pasalubong ko sa 'yo! Malapit na kasi ang birthday mo kaya naisipan kong bilhan ka ng regalo," tuwang-tuwang kuwento nito sa kaniya. "Ma, ang dami naman niyan, hindi ko naman kailangan 'yang mga 'yan," pagtutol niya sa mga ginagawa nito. "Ano ka ba? Regalo na namin sa 'yo 'yan ng Papa Sandro mo, kaya huwag mo nang tanggihan. Anyway, nag-usap na rin kami tungkol sa birthday mo at ang gusto sana namin sa Jack Ridge ganapin ang 22nd birthday mo," mas excited pa na wika nito. "Ma, alam mo namang hindi ako sanay na naghahanda tuwing birthday ko, okay na sa 'kin yung simpleng celebration lang besides wala naman akong ibang iimbitahin," walang ganang saad niya. "No. Hindi pwede, minsan ka lang magbi-birthday kaya pagbigyan mo na ko. Saka for sure next birthday mo ay mas lalong hindi mo na ako mapagbibigyan dahil graduated ka na no'n at may mga sarili ka ng desisyon kaya habang may pagkakataon ako, pagbigyan mo na muna ako," pakiusap pa nito kaya napabuntong-hininga na lamang siya. At ano pa nga bang magagawa niya sa pakiusap nitong iyon?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD