"PAKIAYOS ang lahat ng iyan at maglabas kayo ng mga bagong pagkain," mariing utos ni Mr. Sandro sa mga tauhan ng Jack Ridge na naroon.
Kitang-kita rin ni Fay kung gaano nabigla ang kaniyang ina sa nangyari. Sino nga naman bang mag-aakala na ang magandang simula ng birthday celebration niyang iyon ay magtatapos lang sa ganoong klaseng pangyayari.
Hindi niya gusto ang party na iyon pero ang hindi lang niya matanggap ay sa araw ng kapanganakan niya namatay ang Mama ni Storm. Wala siya sa katayuan nito ngunit ramdam na ramdam niya ang sakit na nararamdaman nito.
Lumapit siya sa ina at kay Mr. Chavez.
"Magpapahinga na lang muna po ako sa cottage ko, Ma," paalam niya rito.
"At paano ang party mo?" tutol naman ng kaniyang ina.
"Sige na, hayaan mo na siyang magpahinga. Siguradong nabigla rin siya sa ginawa ni Storm," wika naman ni Mr. Chavez kaya wala nang nagawa ang Mama niya, humakbang ito palapit sa kaniya.
"Sige, anak, magpahinga ka na muna. Hindi talaga ito ang inaasahan kong kalalabasan pero sana naman kahit paano na-enjoy mo pa rin," malungkot na wika nito.
"Ma, wala kang dapat na alalahanin basta naman kasama ko kayo ngayong birthday ko, masaya na ako. Saka kung alam ko rin po yung dinadala ni Storm hindi rin naman ako papayag sa ganitong klaseng handaan," tugon naman niya.
"Pasensiya ka na, hija, buong akala ko kasi ay nakalimutan na ni Storm ang tungkol sa Mama niya kaya sumang-ayon din ako sa plano na ito," malungkot na wika rin ng Papa ni Storm.
"Huwag po kayong mag-alala hindi naman po big deal sa 'kin yung ginawa ni Storm, mas big deal pa po sa 'kin yung nararamdaman niya ngayon, kaya't sana po maayos ninyong dalawang ang relasyon ninyo. Hindi po para sa amin ni Mama kundi para sa inyong dalawa ni Storm," hindi niya maiwasang usal dito dahil sa tagal na kasama niya ang mag-ama ay alam na alam na niya kung gaano kalaki ang problema ng pagsasama ng mga ito. "Sige po, mauna na po ako sa inyo," magalang na paalam niya.
"Sige, hija, salamat!" tugon ni Mr. Chavez sa kaniya.
"Sige anak, kami na muna ang bahala sa mga bisita rito. Magpahinga ka na muna hanggang bukas pa naman tayo rito," sagot naman ng kaniyang ina saka humalik sa pisngi niya. "Happy birthday!" bati pa nitong muli bago siya tuluyang tumalikod.
Naglalakad na siya paakyat para bumalik sa cottage niya nang makasalubong niya sina Candice.
"Fay!" tawag sa kaniya ni Candice kasama nito si Treyton ngunit hindi ito makatingin sa mga mata niya.
"Pasensiya na, hindi ko inaasahan na ganito ang mangyayari, eh. Sa ngayon gusto ko na muna magpahinga," malungkot na paalam niya sa dalawa.
"Sige, kakain lang kami pagkatapos ay aalis na rin. Alam kong super shock ka sa nalaman mo," pagsang-ayon naman sa kaniya ni Candice.
"Sige, salamat sa pagpunta ninyo." Nilapitan niya si Treyton at tinapik ito sa braso. "Treyt?" Tumingin naman ito sa kaniya.
"Bakit?"
"Hindi ko alam kung anong dapat kong sabihin sa mga sinabi mo sa akin pero isa lang ang malinaw sa 'ki—"
"Hindi mo kailangang pilitin ang sarili mong sagutin kaagad yung hinihiling ko sa 'yo kanina, Fay," mabilis na putol nito sa nais niyang sabihin.
"Hindi, Treyt, sa umpisa pa lang ayokong umasa ka..." pagtapos ay malungkot siyang tumingin dito. "I am sorry, dahil hindi ko kayang tanggapin yung nararamdaman mo. Tinuring kitang kaibigan at para ko nang totoong kapatid." Tumingin siya rito ay kay Candice. "Kayong dalawa ni Candice, kaya ni minsan sa isip ko hindi lumagpas ang pagtingin ko sa 'yo sa ganoon. Hindi ko kayang mawalan ng mga kaibigan at mahalagang taong katulad ninyo sa buhay ko, san—" Hindi niya muli natapos ang nais niyang sabihin dahil sa biglang pagyakap nito sa kaniya.
"Huwag kang mag-alala, Fay, tulad ng sabi ko sa 'yo kanina hindi ko inobliga na suklian mo rin yung nararamdaman ko para sa 'yo. Alam ko naman na umpisa pa lang wala na akong laban sa taong totoong nagmamay-ari niyang puso mo, pero kahit gano'n sinubukan ko pa rin kasi aminin ko man o hindi alam kong umaasa pa rin ako," pagtapos ay humiwalay ito ng yakap sa kaniya at malungkot na tumingin sa kaniyang mga mata. "Umasa ako na makikita mo ako hindi bilang isang kaibigan lang na palaging nasa tabi mo pero bago mo pa man magawa 'yon may iba nang tao na laman 'yan." Sabay turo nito sa tapat ng puso niya.
"Treyt..." doon din tuluyang tumulo ang mga luhang pinipigil niya dahil nakikita niya rin ang sakit na nararamdaman nito. "I am so sorry..." pagtapos ay siya naman ang yumakap nang mahigpit dito.
"You don't have to, Fay, wala kang obligasyon sa 'kin yun ang lagi mong tatandaan. Sinabi ko sa 'yo yung nararamdaman ko hindi dahil gusto ko ng kapalit mula sa 'yo sinabi ko 'yon para na rin sa 'kin, Fay, para matahimik na ako, para masimulan ko nang kalimutan 'tong nararamdaman ko para sa 'yo." Naramdaman niya ang malalim na paghinga nito at alam niya ng mga oras na iyon ay umiiyak na rin ito. "Masakit, oo, wala namang rejection na hindi masakit pero kahit gaano 'to kasakit alam ko kakayanin ko kasi nandiyan ka pa rin naman. Magkaibigan pa rin tayo."
"Magkaibigan pa rin tayo," ulit niya sa sinabi nito.
"Pwede ba akong sumama sa hug?" narinig nilang tanong ni Candice kaya nagkatawanan sila at masaya silang nag-group hug. "Salamat!" naiiyak na wika ni Candice nag maghiwa-hiwalay sila sa group hug na iyon. "Noong una ayokong suportahan si Treyt na umamin sa 'yo kasi natatakot din ako na masira yung pagkakaibigan natin," nakangiti itong tumingin kay Treyton at ginulo ang buhok nito. "Pero grabe! Big boy ka na talaga!"
"Ano bang ginagawa mo, Candice!" napipikong saad naman ni Treyton kaya muli silang nagkatawanan habang inaayos ng huli ang nagulo nitong buhok.
"Thank you, guys! Kahit ganito ang nangyari sa birthday ko, masaya pa rin ako kasi alam kong nandiyan kayo palagi para sa 'kin."
"Oo naman, bakit naging magkakaibigan pa tayo 'di ba? Saka mag-iisang dekada mo na kaming kasama sa buhay mo, ghorl, doubted ka pa ba?" hyper na namang usal ni Candice.
"Salamat sa pagpunta niyo! Next time mag-celebrate tayo yung tayong tatlo lang," lumapit siya sa mga ito at bumulong. "Kasi yung ganito parang hindi ko birthday mas mukha pang birthday ng Mama ko." Pagtapos ay nagkatawanan na naman sila.
"Sige na, Fay, magpahinga ka na roon, ite-text ka na lang namin kapag nakauwi na kami," pagtutulak naman sa kaniya ni Candice. "Ang ganda-ganda pa naman ng suot mo tapos hindi mo man lang masyadong na-enjoy," pahabol na wika pa nito kaya naman napatingin siya sa sarili.
"Si Mama kasi talaga ang may gusto nito, buti nga ito lang, eh, noong una ang gusto niya formal party pa. Sabi ko parang sobra naman na yata kung ganoon pa ang celebration," naiiling naman na kuwento pa niya.
"Grabe talaga 'noh! Iba talaga nagagawa ng pera, eh," natatawang wika pa nito. "O siya, sige na, bye! Magkita na lang tayo sa school!" muling paalam nito sa kaniya.
"Sige, mauna na ako sa inyo, ingat kayo pag-uwi ha!" paalam na rin niya sa mga ito. Yumakap muna ang dalawang kaibigan sa kaniya bago siya lumakad muli pabalik ng cottage niya.
Hindi alam ni Fay na kaya siya pinagtutulakan ni Candice ay dahil alam nitong gusto nang umiyak ni Treyton.
"Hay, sinabi ko naman kasi sa 'yo masasaktan ka lang," naiiling na wika ni Candice sa kaibigan. "Tara, iinom na lang natin 'yan," aya naman dito ni Candice.
"Sigurado kang okay lang sa 'yo?" tanong na halata namang pinipigil ang pag-iyak.
"Oo, para lang mailabas mo ng bongga 'yang nararamdmaan mo!" naiiling na wika pa rin ni Candice kaya naman magkasama sila lumabas ng Jack Ridge at pumunta sa isang bar malapit lang din doon.
Habang si Fay naman ay naglalakad papunta sa kaniyang cottage ay may natanaw siyang isang bulto sa madilim na parte ng resort na iyon. Bagaman madilim ay kilalang-kilala niya kung kaninong bulto iyon.
Tahimik siyang lumapit dito at kitang-kita niya na punong-puno na ng dugo ang pader na patuloy lang nitong sinusuntok. Hindi niya alam kung anong pumasok sa isip niya at mabilis niyang pinigil ang braso nito para lang tumigil ito sa pagsuntok at dahil sa dami ng dugong nasa pader ay mukhang kanina pa nito iyon ginagawa.
"Ano bang ginagawa mo?!" galit na tanong nito sa kaniya at mabilis na binawi ang braso nito.
"Storm, naman! Ang dami nang dugo niyang kamay mo!" nag-aalalang angal naman niya rito at pilit pa ring kinukuha ang braso nito.
"Ano bang pakialam mo! Hindi ba't ikaw na mismo ang may sabi na mind you own business!?" Pagalit nitong hinablot ang braso niya gamit ang kamay nitong punong-puno ng dugo.
Subalit wala siyang balak na sabayan ang galit nito kaya kinuha niya ang panyong nasa bulsa ng suot niyang damit at pinunasan ang kamay nitong sugatan.
"Alam mo ba kung anong ibig sabihin ng muling paglapit mo sa 'kin na 'yan?" seryoso ngunit galit na tanong nito sa kaniya. Mahigpit siyang hinawakan nito sa pagkabilang braso niya at bigla siyang isinandal sa pader. "Hindi mahaba ang pasensiya ko, Fay, kaya hangga't may pagkakataon ka pa, umalis ka na!" mariing utos nito at binitiwan ang mga kamay niya.
Ngunit sa halip na umalis ay kinuha niya ang kamay nito na walang tigil sa pagdugo at itinali roon ang panyong hawak niya.
"Ano ba talagang gusto mong mangyari?" tila nauubusan ng pasensiyang usal nito. "UMALIS KA NA!" malakas na sigaw nito sa kaniya habang nakaturo sa madilim na daanan paalis sa lugar na iyon.
"AT SA TINGIN MO PAANO AKO AALIS NA GANIYAN ANG KALAGAYAN MO!?" ganting sigaw niya rito. Alam niyang lasing ito at natatakot siya na baka kung ano ang magawa nito dahil alam niya ring magulo ang isip nito ng mga oras na iyon.
Isinandal siyang muli nito at mabilis na siniil ng halik ang kaniyang mga labi. That kiss was so rough and hard, na halos nasasaktan siya sa halik na ibinibigay nito sa kaniya kaya marahas niyang naitulak ito.
"Storm, ano ba?!" bulyaw niya rito ng maghiwalay ang mga labi nila ngunit muli siyang hinapit nito at pilit na namang hinalikan. Sa mga halik na ibinibigay nito ramdam na ramdam niya ang galit sa loob nito. Nasasaktan siya sa mga halik nito ngunit mas nasasaktan siyang isipin na nagagalit ito sa kaniya. Kaya hindi niya maiwasan ang pagpatak ng luha niya at doon ay naramdaman niya ang paglayo nito sa kaniya.
Tanging pag-iyak lang ang nagawa niya nang tuluyan siyang bitiwan nito at narinig din niya ang malakas na pagsuntok nito sa pader na naroon.
"Hindi ko sinasadya," narinig niyang mahina nitong wika at bakas ang pagsisisi sa tinig nito. Saka naman ito tumalikod at lumakad palayo sa kaniya.
Hindi niya napigil ang sarili kaya patakbo siyang yumakap mula sa likuran nito. Nakakaramdam siya ng kakaibang takot. Takot na kung hahayaan niyang makaalis ito ay baka tuluyan na itong mawala sa kaniya.
Sa likuran nito ay doon siya umiyak nang umiyak. Marahang inalis ni Storm ang kamay niyang nakayakap rito kaya buong akala niya ay aalis na ito. Ngunit sa gulat niya ay humarap ito sa kaniya, kaya napatingin siya rito bagaman madilim ay kita niya ang kakaibang lungkot sa mga mata nito.
Masuyo nitong hinawakan ang mukha niya at pinunasan ang mga luhang walang tigil sa pagpatak.
"Tingin mo ba, Fay, sa paglapit mong 'yan ay pakakawalan pa kita," seryosong wika nito sa kaniya.
Hindi na niya hinintay na tawirin nito ang pagitan nilang dalawa dahil tumingkayad na siya saka ikinapit ang mga braso sa batok nito at siya na mismo ang gumawa noon para dito.
Ang halik na siya ang unang gumawa, mabilis din ang naging pagtugon nito sa halik na iyon. Isang matamis na halik na pinagsaluhan nilang dalawa. Halik na alam niyang kailanman ay hindi niya pagsisisihan.
Iniangat ng binata si Fay sa isang lumang at may karumihang lababo na naroon. May kataasan ang lababo na iyon kaya naman halos magkapantay ang taas nilang dalawa sa posisyon nilang iyon. Madilim ang buong paligid ngunit tila parehong nag-aalab ang kanilang buong pakiramdam. Maging ang dalaga ay hindi inaasahan ang mainit na pakiramdam na bumabalot sa kaniya ng mga oras na iyon.
Habang tumatagal ang palitan ng halik nila na iyon ay mas nagiging malikot ang kamay ni Storm. Masuyo nitong hinawakan ang dibdib ni Fay at bagaman nakadamit pa rin ay hindi niya maiwasang mapaigtad dahil sa kakaibang sensasyong ginagawa nito roon. Wari'y may kung anong hinahanap ito roon gamit lamang ang hintuturo nito.
Tumigil sa paghalik si Storm sa dalaga at seryosong tumingin sa mga mata nito. Mga tinging punong-puno ng pagnanasa.
"Pigilan mo 'ko," utos nito. "Dahil hindi ko alam kung paano ko pa pipigilan itong nararamdaman ko."