Prologue
Sa isang eksklusibong rooftop ng Liora Grand Hotel sa Maynila, kumikislap ang mga chandelier na tila mga bituin sa lupa. Humahaplos ang malamig na hangin sa balat ng mga bisitang nakasuot ng pinakamamahaling designer gowns at tuxedos. Ang bawat galaw ay kalkulado, ang bawat tawa ay may bahid ng impluwensiya at kayamanan.
At sa gitna ng marangyang selebrasyon, naroon siya.
John David Yao.
Suot ang classic black tuxedo, may hawak na champagne flute, at may ngiting may halong pagkabagot.
Hindi dahil hindi maganda ang party. Hindi dahil hindi siya nasisiyahan sa mga bisitang naroon. Kundi dahil iisa lang ang gusto niyang makita ngayong gabi at wala iyon sa birthday party niya.
Si Cassandra “Cassie” Rodriguez.
Una niya itong nakita sa isang random visitation sa hotel ilang buwan na ang nakalipas. Sa dami ng staff, siya lang ang hindi tumingin, hindi ngumiti, at hindi nagpakita ng kahit anong interes sa kanya.
Ang babaeng unang tumanggi sa kanya. Ang babaeng hindi natitinag sa mamahaling bulaklak, tsokolate, o dinner invites na halos araw-araw niyang pinapadala. Ang babaeng walang pakialam sa apelyido niyang Yao at kung gaano kalaki ang yaman na kaakibat nito.
At doon siya tuluyang nabighani. Hindi sa pagmamahal kundi sa hamon.
Kaya dumating siya sa desisyong bumuo ng plano. Isang alok na alam niyang mahirap tanggihan.
“I’m offering you ten million pesos, Ms. Rodriguez.”
Ang tinig niya’y kalmado pero matatag. “In exchange for one personal favor. One week with me. No strings. No questions.”
Tahimik lang si Cassie.
Tiningnan siya ng diretso walang takot, walang emosyon. Ilang segundo ang lumipas bago siya umiling.
“You’re insane,” matigas ang tono ng boses niya.
Ngumiti si JD. Hindi natinag.
“No. Desidido lang.”
Napailing si Cassie, saka humigpit ang hawak sa folder at marahang isinara iyon.
“I’m not for sale, Mr. Yao. Humanap ka na lang ng iba.”
Tumalikod na ito, handang umalis.
Pero humabol ang boses ni JDmababa, malamig, pero tagos.
“Think about it, Cassie. Ten million pesos isn’t easy money. Some people are willing to die just to earn that much. But you?”
Bumuntong-hininga siya.
“You could have it without even lifting a finger. And you’d be helping your family, too.”
Huminto si Cassie sa paghakbang. Lumingon.
Matalim ang tingin. Nanunukat.
Hindi dahil gusto niya ang offer. Hindi dahil naaakit siya sa lalaking kaharap niya. Kundi dahil... kailangan niya ng pera.
Pera para sa kapatid niyang may sakit.
Para sa inang may utang sa ospital.
Para sa mga problemang ilang taon na niyang pasan-pasan.
Para sa buhay na paulit-ulit niyang sinisikap buuin, pero palaging bumabalik sa pagkawasak.
At sa sandaling iyon, hindi lang si Cassandra Rodriguez ang nasubok.
Pati si John David Yao.
Dahil ang akala niyang isang larong kayang-kaya niyang kontrolin…
Ay maaaring maging simula ng isang bagay na hindi niya inaasahan.
-Itutuloy...