Chapter 4: His marriage proposal
PAGDATING ni Trixie sa condo niya ay inilapag niya ang backpack niya sa study table niya. Malaki ang condo niya at halos purple ang kulay ng mga gamit sa loob. Pero para hindi naman weird na tingnan dahil iisang color lang ang structure nito ay nilagyan naman niya ang color white.
May sofa rin siya at TV set. Na kung free time niya ay nanonood siya ng love story na pinaka-favorite genre niya kahit na hopeless romantic siya. Wala pa naman siyang lalaki na nagugustuhan.
Hindi naman siya lesbian dahil hindi siya naaakit sa mga lalaki kahit marami na siyang nakikita at nakikilala na models and actors. Wala lang talaga para sa kanya ang pumasok sa relationship hindi dahil takot siya sa commitment.
Sadyang focus siya sa mga sapatos niya at nagpaparami pa siya ng collections.
May balkonahe sa condo niya kaya hinawi niya ang kurtina. Salamin ang bintana nito kung kaya’t kitang-kita ang buong Manila mula sa kinakatayuan niya.
Hindi niya tuloy maiwasan ang mapaisip na baka nandiyan sa lugar na iyon ang lalaking para sa kanya. Hindi pa naman kasi niya nami-meet ngayon.
“Nasaan kaya ang place mo riyan, future hubby?” natatawang tanong niya.
Nasa isip naman niya ang magkaroon ng sariling pamilya at magkaanak pero huwag muna ngayon dahil wala pa nga siyang nakikilala na alam niyang hindi siya magsisisi sa taong pipiliin niyang mamahalin niya at makakasama niya habangbuhay. First time pa naman niyang magmahal kaya natatakot din siyang masaktan kapag pinili niya ang maling tao.
Pero para sa kanya, wala naman talagang masama ang ma-in-love sa maling tao. Hindi lang talaga kayo para sa isa’t isa kaya hindi kayo ang magkakatuluyan. Kasi alam natin na may para talaga sa atin, ang nakalaan, ganoon.
Pumasok siya sa walk-in closet niya. Parang kinikilig na naman siya nang makita ang collection niya.
“My sexy babies,” she uttered at pinasadahan ng daliri niya ang racks na pinaglalagyan nito. Iba’t ibang desinyo at kulay kaya maganda rin talagang tingnan ito. “May bago na naman kayong sister, babies. Hintayin ninyo lang si Mommy at manganganak pa ako,” loko-lokong saad niya saka siya malakas na natawa.
Bago pa man niya makalimutan na kailangan na pala niyang maghanda ay pumasok na siya sa banyo para maligo. Naalala niya na sinabi niya pala sa Mommy niya na on her way na siya kahit nasa condo pa rin naman siya sa mga oras na ito.
“Mabilisan lang naman ito, eh!” bulong niya sa kanyang isip pero nagbabad naman siya sa bathtub niya.
***
“I’m not sure, Railey. Kasi marriage proposal na ito at sigurado rin naman ako sasagutin na ako ni Molly,” sabi lang ni Wade. Ayaw niya talagang guluhin pa ang isip niya kasi napapa-what if lang talaga siya.
Saka feelings niya ito, hindi mabilis magbago ang nararamdaman niya para sa isang babae kundi si Molly lang. Sa buong buhay niya kasi ay iisang babae lang naman ang minahal niya kaya nasasabi niya na imposible rin talaga ang bagay na iyon. Ayaw pa naman niya maging taksil sa girlfriend niya.
“Pinag-usapan ninyo na ba na magpapakasal na kayo kung darating na ang tamang panahon?” tanong sa kanya ng kaibigan niya.
Inalala naman niya ang mga panahon na kasama niya si Molly at may napag-usapan naman sila sa pagkakatanda niya. Ang mga panahon na bago pa lamang sila na magkarelasyon.
“Iyong magpapakasal kami kapag pareho na kaming handa at kung maganda na rin ang career namin. Therefore, I planned to propose her a marriage. This is the right time, bro, and final na rin ang desisyon ko na pakasalan siya. Maghihintay pa ba ako ng isang taon? Dalawa o higit pa? Hanggang sa tatanda na lamang talaga ako ay hindi ko pa napapakasalan ang babaeng mahal ko?” he asked at napatango-tango naman si Railey sa kanya.
May punto naman sa kanyang sinabi. Ang mga magulang nga niya ay kinukulit na rin siya na kung kailan niya pakakasalan si Molly. Hindi naman lingid sa kaalaman nito ang relasyon nila ng dalaga. Legal na ang relationship nila at kilala na sila pareho ng both parents nila.
“Wish you all the best, bro. Sige na, lalabas na muna ako. May waiter naman sa labas at ang in-order mong pagkain ay ihahanda ko na agad kapag nakarating na ang girlfriend mo. Goodluck, okay?” sabi nito at tinapik pa ang kanyang balikat.
“Thanks, bro.”
“Ipapa-serve ko agad ang red wine para mabigyan ka naman nang lakas ng loob para sa gagawin mo mamaya at saka dapat good news ang ikukuwento mo sa akin, alright?” pahabol na sabi pa nito.
“Okay,” tipid na sagot niya na sinabayan pa niya nang pagtango.
Paglabas nga nito ay humugot siya nang malalim na hininga. Ang lakas nang kabog sa dibdib niya. Kung bakit kasi uminom pa siya ng kape kanina habang hinihintay ito? Nakaramdam tuloy siya ng nerbyos.
Mayamaya lang ay bumukas ang pintuan at inaasahan naman niya ang pagpasok ng waiter kasi magsi-serve ito ng red wine. Pinagsalin pa siya nito sa wine glass.
Kinuha naman niya iyon at inilagok ang laman nito. Nalasahan niya ang matapang na alak at malamig ito sa lalamunan siya. Mapait man ito pero may katamisan din naman siya.
Hindi rin naman nagtagal ang paghihintay niya ay dumating na ang taong hinihintay niya. Tumayo siya para salubungin ito.
“Babe,” Nakangiti sambit niya. Nginitian naman siya nito kaya worth it talaga ang paghihintay niya rito nang matagal.
Hinalikan siya nito sa pisngi kaya nanuot sa kanyang ilong ang mahalimuyak nitong pabango.
“I’m sorry kung na-late ako, babe. May inasikaso kasi before ako nagpunta rito,” pagdadahilan naman nito.
Bilang isang mabuting boyfriend at understanding ay wala naman sa kanya iyon. Tumango lang siya at gumanti ng halik sa pisngi nito.
“Ang importante ay nakarating ka naman.” At hindi palpak ang plano ko para sa gabing ito. Sa isip na lamang niya sinabi ang huling katagang lumabas sa kanyang bibig, kahit siya lang naman ang makaririnig nito.
Pinaghugot niya ito ng upuan at saka siya bumalik sa puwestong niya kanina. May bouquet of roses din siya at inabot niya ito sa kanyang kasintahan.
“Thanks, babe. Ang sweet mo talaga kahit na kailan,” sabi nito sa kanya.
“Basta para sa ’yo ay talagang gagawin ko ang lahat,” nakangiting sabi niya.
Nagsalin ito ng tubig sa baso saka uminom. “Nakapag-order ka na ba ng food natin, babe?” tanong nito sa kanya.
“Yes. Alam ko naman ang favorite food mo sa resto ni Railey,” sagot niya.
Ilang segundo lang ang nakalipas ay hinatid na ng waiter ang in-order nilang pagkain at nagsimula na rin silang kumain na dalawa. Panay pa ang pagsulyap niya sa dalaga para tingnan ito.
Hindi na nga talaga siya nagtaka pa kung bakit naging isang modelo ito dahil sa kagandahan nitong taglay. Kaakit-akit naman talaga sa paningin ng karamihan kaya masuwerte siya na siya ang naging boyfriend nito at siya ang unang lalaki na nakaramdam ng pagmamahal nito.
Nang matapos sila sa dinner nila ay ang dessert naman ang huling ni-serve sa kanila. Puro masasarap ang mga kinain nila kasi espesyal ang gabing ito. Hanggang sa uminom na rin sila ng red wine.
Humugot muna siya nang malalim na hininga saka siya tumayo. Napatingin pa sa direksyon niya si Molly at nagtaka ito nang lumapit siya rito.
“Babe?” untag nito.
“Matagal ko itong pinaghandaan at hinintay, Molly,” sabi niya at parang alam na agad ng girlfriend niya ang gagawin niya dahil napatayo na rin ito sa gulat.
“W-Wade...” nauutal na sambit nito sa pangalan niya at lumuhod na siya sabay pakita ng singsing na binili niya.
Kung hindi pa niya gagawin ito ay hanggang kailan pa niya hihintayin na mangyayari ang eksenang ito? Kung wala pa siyang lakas nang loob na mag-propose ay hanggang kailan ulit siya maghihintay para sa tamang oras?
Aabutin na naman ba ang relasyon nila ng isang taon pa? Higit pa sa dalawang taon? Bakit pa siya maghihintay nang ganoon katagal kung puwede naman niyang gawin ito?
“Sa loob ng maraming taon na nakilala kita, Molly. Alam mong wala akong ibang babae na minahal bukod sa ’yo. Ikaw lang talaga na nag-iisang babae sa buhay ko,” mahinang saad niya ngunit sapat na upang marinig nito ang kanyang sasabihin.
“A-Alam ko naman iyon, Wade,” sambit nito.
“Pinag-isipan ko na ito nang mabuti at seryoso na ako sa plano ko ngayon, nakapagdesisyon na rin ako dahil alam kong ikaw lang ang babaeng gusto kong makasama hanggang sa pagtanda ko, Molly. Ikaw lang ang babaeng tinitibok ng puso ko at wala na akong nakikita pa na ibang babae na mamahalin ko bukod sa ’yo. Kaya naman... Nandito ako ngayon, nakaluhod sa harapan mo dahil hinihingi ko na ang mga kamay mo para pakasalan ako,” mahabang saad niya na naging emosyonal din siya sa huli.
“W-Wade... Hindi ko... H-Hindi ko inaasahan ito,” sambit nito at nakita niya ang pagtulo ng luha kaya alam na niya ang isasagot nito.
“Molly Allison, will you be my---” ngunit hindi pa man natatapos ang kanyang tanong para rito ay agad na ring sumagot sa kanya ang kasintahan niya.
Isang sagot na puwedeng ikasira ng pangarap at buhay niya. Isang sagot na hindi naman niya inaasahan na iyon ang lalabas mula sa bibig nito. Isang sagot na labis na nadurog ang kanyang puso.
“I’m sorry, Wade. Pero hindi pa ako handa. H-Hindi pa ako puwedeng magpakasal sa ’yo. H-Hindi pa ngayon, babe...” sambit nito bagamat umiiyak naman ito. Hindi niya maintindihan kung bakit inayawan nito agad ang marriage proposal niya.
Hindi niya maintindihan kung bakit nga siya nito ni-reject pero umiiyak pa rin?
“Molly,” sambit niya sa pangalan nito.
“I-I’m so sorry, Wade... H-Hindi pa talaga ako h-handa para m-magpakasal sa ’yo,” humihikbing sambit nito.
“W-Why?” gulat na tanong niya at naramdaman na lamang niya ang pangingilid ng mga luha niya.
“Wade...”