Chapter 5: His Heartbreak
NAALIMPUNGATAN naman si Trixie sa ringtone ng cellphone niya na kanina pa yata ito nag-iingay, hindi niya lamang napansin o baka nga hindi niya rin narinig dahil natutulog siya---
“Wait, natutulog?! Nakatulog ako?! Bakit naman kaya ako nakatulog?!” hysterical na sigaw niya nang ma-realize niya ang nangyari sa kanya ngayon.
Nasa bathtub siya at ang plano niya ay magbabad muna sa tubig ng ilang minuto lang pero hindi niya namalayan na nakaidlip na pala siya!
Nakatulog siya habang nasa bathtub at may tubig pa. Natitiyak niya na mapapagalitan siya ng kanyang ina kapag nalaman nito ang ginawa niya ngayon-ngayon lang.
Mahinang napasampal siya sa sarili niya at agad na siyang tumayo. Mabilis ang bawat kilos niya at kahit ang paglagay ng shampoo ay isang beses lang ito bumula ay saka tumapat sa shower niya.
Hinablot niya ang puting tuwalya niya at ibinalot iyon agad sa hubad niyang katawan at saka siya lumabas mula sa banyo niya.
Inilapag naman niya sa table ang cellphone niya at sinagot ang tawag ng Mommy niya. Naka-turn on naman ang loudspeaker nito kaya nagagawa niyang magbihis habang nag-uusap sila ng kanyang ina.
“Nasaan ka na ba talaga ngayon, Trixie? Kanina pa kami naghihintay ng Daddy mo, anak. Ang sabi mo kanina ay parating ka na? Pero bakit mahigit isang oras na kaming naghihintay sa ’yo at hanggang ngayon ay wala ka pa rin?” sunod-sunod na tanong nito sa kanya. Napakamot siya sa kilay niya dahil sa haba nang sinabi nito sa kanya.
Napatikhim muna siya at isinuot ang off-shoulder dress niya na lagpas tuhod ang haba nito. Kung bakit ba naman kasi sinabi niya na on her way na siya kaya umasa tuloy ang parents niya na mabilis lang siya makauuwi. Nagsisisi tuloy siya sa ginawa niya.
“I’m sorry po, Mommy. Napagod po kasi buong araw sa pagwo-work ko kaya nang pauwi na po ako sa condo ko ay humiga ako sa sofa. Ang plano ko ho talaga ay mag-re-rest muna ng five minutes pero lumagpas na po pala ako sa time limits ko,” mahabang paliwanag naman niya.
“Anak...”
“Nagbibihis na po ako ngayon, Mommy. Promise papunta na po talaga. Dadaan muna ako favorite bakery ninyo para sa pasalubong ko sa inyo na pandesal with tuna,” aniya.
“Okay. Maghihintay pa rin kami. Basta huwag kang magmamadali, hinay-hinay ka lamang sa pagda-drive, anak,” paalala pa nito sa kanya at tinanguan naman niya.
Hindi na niya nagawa pang patuyuin ang buhok niya dahil nga nagmamadali na siya. Kinuha niya lamang ang handbag niya saka siya lumabas mula sa condo niya.
Ayaw niya talagang pinaghihintay ang mga magulang niya at mas lalong ayaw niyang paasahin ang mga ito.
***
Bakit ganoon? Kung kailan ay handa ka na at final na ang desisyon mo ay saka ka naman mabibigo dahil sa pagtanggi nito sa ’yo?
Iyong wala ka na talagang alalahanin pa kundi ang matupad ang isa sa pangarap mo. Ang maikasal lang naman sa babaeng pinakamamahal mo. Ngunit may mga bagay talaga na hinawakan nangyayari ayon sa kagustuhan mo na mangyayari.
Naluluhang tiningnan ni Wade si Molly dahil sa pagtanggi nito sa kanya. Malaki pa naman ang expectation niya na hindi na ito magdadalawang isip pa na sasagutin siya agad. Dahil may tiwala rin siya sa pagmamahal nila para sa isa’t isa at wala na siyang nakikita pa na magiging dahilan upang tanggihan nito ang kanyang alok na pagpapakasal.
Ngunit ngayon niya lamang talaga hindi naintidihan ang nobya niya. Ngayon lang din siya nito binigo at ginulat sa isinagot nito sa kanya. Malayong-malayo sa expectation niya ang mangyayari.
“B-Bakit? Bakit ayaw mong magpakasal sa akin, babe?” tanong niya sa dalaga at nabasag pa ang kanyang boses.
Hindi ito sumagot pero may inilabas na isang folder mula sa bag nito at ibinigay iyon sa kanya. Kahit ayaw niyang tumayo dahil gusto niya ngang magmakaawa ay tumayo na lamang siya.
Nanginginig ang kamay niya na inabot ang folder nito. Tila libo-libong karayom naman ang nakatusok sa kanyang dibdib kung kaya’t ramdam na ramdam ng puso niya ang pagkirot nito pero pinipilit niya lamang ang sarili niya na maging matatag sa mga oras na ito. Ayaw niyang mag-breakdown.
“Sorry talaga, Wade...” paulit-ulit na paghingi nito ng paumanhin sa kanya. Parang iyon lang talaga ang alam nito na sasabihin. Ang isang sorry lang?
Mahal naman niya si Molly at puwede pa naman siyang maghintay ulit na maging handa na ito sa pagpapakasal sa kanya pero hindi iyon mismo ang tumatak sa isip niya. Dahil nasaktan siya.
Nasaktan siya sa sinagot nito at sa sinabi na hindi pa ito handa. Na hindi pa ngayon, pero kailan naman na maging handa ito?
“A-Ano naman ito?” nauutal na tanong niya at isang contract lang ang nakita niya. Contract nito sa agency mismo.
“Nag-renew ako ng contract ko at three years pa siya, Wade. Hindi ko puwedeng...bawiin ito dahil nakapirma na ako at isa ito sa malaking project na puwedeng gumanda pa lalo ang career ko,” paliwanag nito sa kanya at napailing siya.
May bagong kontrata na naman ito na pinirmahan sa agency. Alam niya kung may napipirmahan na ito ay ayaw bawiin dahil may babayaran din na kahit sasabihin pa niya na siya ang magbabayad ay hindi naman siya nito pakikinggan pa at pagbibigyan. Kaya ano pa ba ang saysay ng kanta sasabihin? Nagsasayang lang naman siya ng effort. Career na naman ang nasa isip nito.
“Gusto mong maghintay ulit ako sa ’yo, Molly? Gusto mo na maghintay pa ako sa iyo ng tatlong taon para makabalik ka at sagutin mo na ako?” tanong niya at mapait siyang napangiti. Dahil iyon na naman ang gagawin niya. Ang maghintay na naman, hanggang kailan pa? Hanggang kailan pa siya maghihintay?
“S-Sorry talaga, Wade...”
“Ang laki pa naman ng expectation ko, babe. W-Wala akong nakikitang dahilan para tanggihan mo pa ako. Mahigit sampung taon na ang relasyon natin. Kaya bakit? Bakit ganito na lamang?”
“Ang project na iyan. Kailangan kong...pumunta sa California dahil nandoon ang isa nilang branch at may mga commercial ako roon. Wade...” sagot nito sa kanya at nasa boses ang desperado para sa bagay na iyon.
“Molly, ganito na lang ba talaga tayo? Ganito na lang ba ang relasyon natin? Ako na naman ba ang maghihiwalay? At magiging... long-distance relationship na naman tayo?” sunod-sunod niyang tanong sa dalaga at napatakip lang ito sa bibig para pigilan ang paghikbi.
Walang kasing sakit ang nararamdaman niya. Pakiramdam niya ay hindi na rin niya kaya pa na maging okay. Sobra siyang nasaktan ng babaeng mahal niya. Ito ang unang beses na nasaktan niya ng sobra-sobra.
Ngayon ay parang nararamdaman na rin niya ang pagod sa relasyon nila. Hindi na nga talaga niya kaya pa ito.
“Wade... Kahit ngayon lang, please... Intindihin mo muna ako, babe... Last na ito...”
“Hindi. Hindi, Molly. Palagi mo na lang akong pinaghihintay. Parang...hindi mo naman ako mahal---”
“Mahal kita, Wade. Mahal na mahal kita, it’s just that...hindi ko pa kayang bitawan ang career ko ngayon. Alam mo... Alam mo kung magpapakasal ako sa ’yo ay iyon na rin ang katapusan ng lahat sa akin. Paano naman ang mga kapatid ko na umasa lang sa akin, Wade? Paano naman sila?” naiiyak na tanong nito sa kanya.
Mariin siyang napapikit. Ngayon lang din sinabi nito ang tungkol sa mga kapatid niya na siya ang inaasahan ng mga ito. Ngayon, alam na niya kung sino ang first priority nito at hindi siya. Na kahit mahal pa siya nito ay hindi naman siya kayang piliin pa.
“Ano ang gusto mong mangyari, Molly? Ang maghintay na muna ako?” tanong niya ulit sa nobya niya.
“Ang bitawan mo muna ako, Wade. Iyon lang ang hinihiling ko sa iyo. Hayaan mo muna akong umalis. Pangako... Pagkatapos ng contract ko ay babalik na ako sa ’yo ng buong-buo.”
“Pakakawalan? Hahayaan kita na umalis? Paano naman ako, Molly? Paano naman ako kung iiwan mo ako?” Ilang beses siyang napakurap dahil sa mga luha niya na nagbabadya na ngang bumagsak.
“Wade...” sambit nito sa pangalan niya.
“A-Ang ginagawa mo ngayon ay pakikipaghiwalay. Iyon ang gusto mo, ’di ba?” mahinang tanong niya at dahan-dahan na itong napatango. “Almost ten years, Molly... Ten years, babe... G-Gusto mong tapusin lang natin ang relasyon natin?” hindi makapaniwalang tanong niya sa dalaga.
“Iyon ang mas makabubuti para sa atin, Wade. Ayaw kitang bitawan pero ayoko lang isipin na nasasaktan ka ng dahil lang sa akin. Mahal kita... Mahal na mahal kita, Wade...” Umiling na lamang siya dahil hindi naman niya inaasahan ang paghihiwalay nila.
Pinaghandaan niya ang gabing ito. Bumili pa siya ng singsing. Bumili ng bagong damit at nagpa-reserve pa ng table and VIP room para lang sa marriage proposal niya pero ganito lang pala ang mangyayari?
Paano nito nagagawang tuldukan ang pag-ibig nila dahil lang sa career nito? Na iyon lang ang naging dahilan kung bakit matatapos na sa kanila ang lahat?
“Molly...”
“I’m sorry, Wade,” pag-uulit nito sa sinabi nito kanina. Naglakad ito palapit sa kanya at mahigpit siyang niyakap. “I love you, Wade,” sambit nito sabay halik sa pisngi niya. Wala siyang nagawa. Walang salita ang namutawi mula sa bibig niya nang naglakad na ito patungo sa pintuan.
Hindi siya nakapagsalita at hindi niya nagawang magmakaawa na balikan siya nito. Parang hinayaan niya lang na umalis ito.
Pero isang bagay lang ang nasisigurado niya. Sa paglabas ng kasintahang niya ay alam niyang katapusan na nga ang lahat. Tapos na sila...
Wala ng dahilan pa para... manatili pa siya roon nang matagal. Dahil natapos na... Natapos na ang matagal na niyang iniingatan na relasyon nila ni Molly.