Chapter 6: First encounter
“WADE? Bro, what happened?” nag-aalalang tanong ng matalik na kaibigan ni Wade nang makita siya na nagmamadali nang lumabas mula sa VIP room. Pinalipas niya na muna ang ilang minuto bago siya sumunod kay Molly na lumabas.
Wala naman siyang balak na habulin pa ito. May natitira pa naman siyang pride para sa sarili niya. Kahit gaano pa niya kamahal si Molly ay hindi niya muna paiiralin ang puso niya. Ang ginawa nito sa kanya ay hindi naman talaga kaaya-aya.
At this moment ay wala na siya sa mood na makipag-usap pa sa ibang tao kahit na kay Railey na kaibigan pa niya. Gusto niya lang umalis dahil sa sobrang sakit ng nararamdaman niya.
Mabilis ang bawat paghakbang niya at hindi na niya pinansin pa si Railey. Sumakay siya sa kotse niya at nagmaniobra na. Narinig pa niya ang malakas na pagtawag nito sa kanya ngunit nagbingi-bingihan na lamang siya.
Pag-uwi niya sa condo niya ay nag-impake siya ng mga damit niya at isa lang ang gusto niyang mangyari sa mga oras na iyon.
Ang lumayo... Ang lumayo na lamang at gusto niyang pumunta sa isang lugar na puwede niyang pagtaguan ng sakit na nararamdaman niya.
Napakababaw nga naman ng naging dahilan ng paghihiwalay nila. Dahil lang sa kapirasong papel na iyon? Ang isang kontrata at ang career nito? Pero ano pa nga ba ang magagawa niya? Wala siyang choice kundi ang hayaan na lamang ito. Wala na siyang choice pa kundi ang bitawan na lang ito ayon sa gusto nitong mangyari.
Kahit napakasakit sa kanya na kalimutan ang lahat ng pinagsamahan nila ng dalaga ay hahayaan na lamang talaga ito. Kung saan ito masaya ay sige roon siya. Ilang taon din, ilang taon silang nagsama. Pero hindi naman talaga sinabi nito na kalimutan na rin niya ang pagmamahal niya rito.
Sinabi lang naman nito na pakawalan niya muna ang dalaga at hayaan na muna sa gusto nito. Iyon lang naman pero isa lang talaga ang naisip niya.
Ang maghanap ng lugar na puwedeng maging pahinga ng nadudurog niyang puso.
Hindi na siya nagdala pa ng sasakyan kaya iniwan niya ang susi niya sa bedside niya dahil gusto niya na mawala siya na walang trace na kahit na ano. Bitbit niya ang isang maleta niya nang lumabas na siya mula sa unit niya.
Ngunit isang nagbabadya na malakas na ulan pala ang naghihintay sa gabing ito. Kahit ganoon ay pumara siya ng taxi sa kalagitnaan ng ulan. Mabasa na kung mabasa basta lang talaga makaalis na siya at makalayo agad.
***
“Salamat po, balik kayo ulit!” sabi ng tindera kay Trixie.
“Sure,” tipid na sabi niya lamang. “Hala naman! Bakit ngayon pa umulan?!” sigaw ni Trixie nang makita niya na umuulan na pala nang malakas sa labas. Parang kanina lang ay hindi pa niya ito napapansin.
Nasa bakery shop na siya at nakabili na rin siya ng pandesal with tuna. Hindi naman niya inaasahan na uulan pala ngayon.
Kipkip na niya ang paper bag na naglalaman ng pandesal. Kailangan na talaga niyang makaalis at hindi siya puwedeng ma-stuck sa ulan.
Napayakap siya sa sarili niya nang paglabas niya ay ang malamig na hangin ang sumalubong sa kanya at nakikita niya ang malakas na pagpatak ng ulan.
“Pero kahit na umuulan pa ay kailangan ko na talagang makaalis dito, dear! Naghihintay ang parents ko sa bahay at inaasahan pa naman nila ang pagdating ko!” sigaw pa niya kaya ginawa niyang panangga ng ulan ang handbag niya habang mahigpit niyang yakap-yakap ang paper bag.
Nakabalot naman ito sa plastic kaya panatag ang loob niya na hindi ito mababasa ng ulan dahil baka masira pa or worst thing talaga ay matutunaw na ito. Hindi naman siya nasasayangan sa perang pambili niya kundi sa pandesal mismo kung hindi lang ito makakain. Mainit-init pa naman.
Pagsakay niya sa kotse niya ay saka lang siya nakahinga nang maluwag. Kinuha niya ang panyo niya at pinunasan ang mukha niya dahil nabasa na nga siya ng ulan at nang binuksan na niya ang engine nito ay saka naman hindi umandar.
“Oh, what happened, dear?” she asked herself.
Nagtatakang tiningnan niya ang gas nito at umawang ang labi niya dahil empty na nga ito. Ngayon niya lang hindi nasuri nang mabuti na paubos na pala ang gas niya at talagang ngayon pa siya minalas!
Malayo pa naman ang gas station mula rito kaya sigurado siya na hindi na siya makakaalis pa rito hanggang sa walang hihila sa kanyang sasakyan paalis.
Umiilaw naman ang cellphone niya at alam na niya agad kung sino ang tumatawag.
“Nasaan ka na, anak?” sagot nito mula sa kabilang linya.
“Mom, na-stuck po ako here sa bakery shop! Wala na po palang gas ang car ko!” naiiyak na sumbong niya sa Mommy niya.
“Bakit hindi mo ni-check kanina, Trixie? Paano na lang kung nasa kalagitnaan ka nga ng malakas na ulan na ito na-stuck ka pa?” worried na tanong nito sa kanya.
“I forgot po, Mommy!” she answered.
“Calm down, honey. Magpapadala na lamang ako ng tauhan natin para sa kotse mo pero ikaw, sumakay ka na lamang sa taxi at umuwi na. Bukas ka na lang pumunta rito dahil baka delikado na rin sa daan. Huwag ka nang magmamaneho pa,” mahabang saad nito.
“M-Mom. Sure po ba kayo riyan?” nag-aalalang tanong ni Trixie sa kanyang ina.
“Oo, anak. Mas mahalaga ang makauwi ka ulit sa condo mo ng ligtas. Sige na, iwan mo na lang diyan ang kotse mo. Pumara ka na lang ng taxi. Bukas ka na pupunta rito,” sabi pa nito. Talagang hindi na siya kinulit pa nito dahil mas mahalaga raw ang makauwi siya ng ligtas sa condo niya.
“Mommy...”
“Huwag mo kaming alalahanin. Mag-aalala lang kami kapag tumuloy ka pa ngayon. May kalayuan pa naman ang bahay natin mula riyan,” sabi pa nito sa kanya at napasinghot pa siya dahil sa sobrang tuwa niya. Dahil may isang ina siyang mapagmahal na mas inuuna ang kalagayan niya at kaligtasan. Napakasuwerte nga talaga niyang anak.
“Sige po, Mommy. Aagahan ko na lamang po ang pagpunta ko riyan. Sorry po talaga, Mom.”
“Wala iyon, honey.”
“I love you, Mom.”
“I love you too, anak. Tawagan mo ako kapag nakauwi ka na sa condo mo. Don’t forget that.”
“Opo.” Kinuha niya ang mga gamit niya sa loob ng kanyang sasakyan at pati na ang binili niyang pandesal.
Wala siyang payong, nakaiinis lang dahil ngayon pa talaga umulan. Sinuyod agad ni Trixie ang malakas na ulan para tumawid sa kabilang kalsada dahil doon na madalas dumadayo ang mga taxi.
Humugot ulit nang malakas na buntong-hininga si Wade. Mariin pa siyang napapikit. Kanina pa siya pumapara ng taxi. May mga dumadaan naman pero walang humihinto kahit na isa. Hindi dahil ayaw lang siyang pasakayin ng mga ito dahil baka may mga pasahero na nga ang nakasakay rito.
Malamig pa naman ang panahon ngayon dahil umuulan nga.
“Paano kung pagkatapos ng gabing ito ay may makilala ka na isang babae? Iyong sa unang tingin mo pa lang ay siya na talaga ang para sa iyo?” muli na naman niyang narinig ang boses ng kaibigan niya. Hindi niya alam kung bakit ba iyon ang iniisip niya at kung bakit din bigla niyang naalala ang mga katagang iyon.
“Bro, imposible na nga iyan. Kay Molly lang dapat titibok ito,” iyon naman ang kanyang naging sagot kay Railey.
“Just what if nga? Na parang si Molly lang noong una mo siyang nakilala?”
Posible pa nga ba na may makikilala siya na ibang babae? Na katulad nang una nilang pagtatagpo ni Molly? Parang para sa kanya ay isa na iyon sa imposibleng bagay na mangyayari.
Dahil sa loob ng ilang taon na nabubuhay siya sa mundong ito ay wala na nga siyang ibang minahal pa kundi ang nobya niya pero paano kung may makikilala nga siya?
“Taxi!” Napalingon naman siya sa ibang direksyon nang may sumigaw na boses ng isang babae.
Sa paglingon niya nga rito ay parang humiling lang siya na sana nga ay may makilala siya na isang babae, bukod kay Molly at iyon nga ang nangyari.
Nakita niya ang babae na nakasuot ng purple off-shoulder na damit na lagpas naman sa tuhod nito at pinarisan din ng mataas na heels.
Basang-basa na ito ng ulan at mahigpit ang pagyakap sa paper bag. Nang wala ngang humihinto na sasakyan ay nagagawa nito ang magpadyak sa daan at gigil na gigil pa.
Sa suot pa lamang nito ay alam na niyang nilalamig na ito. Nang makita niya ang maamo nitong mukha ay natigilan siya dahil ngayon lang.
Ngayon lang nagbago ang bilis nang t***k ng puso niya. Ngayon lang bumilis ito na parang hindi naman normal.
Oo, marami naman siyang nakasasalamuha na mga babae pero hindi katulad nito, na hindi katulad ng babaeng mahal niya ang normal heartbeat niya.
Sa mga oras na ito ay muli niyang narinig ang sinabi ni Railey sa kanya kanina.
“Paano kung pagkatapos ng gabing ito ay may makilala ka na isang babae? Iyong sa unang tingin mo pa lang ay siya na talaga ang para sa iyo?”
Ito na nga ba talaga ang babaeng tinutukoy ng kaibigan niya? Itong babae na ito na isang estranghera lang para sa kanya?
Maganda ito, at sobrang amo ng mukha na aakalain mo na isang anghel lang. Matangkad ito na parang isang modelo lang. Mestiza rin at maganda ang pananamit. Pero sa ganitong lugar talaga niya makikita ang babae kung saan ay umuulan nang malakas?
“Hey, ba’t ka nakatingin sa akin?!” supladang tanong nito at ilang beses siyang napakurap. Siya ba ang kinakausap nito? Pero talagang nakatingin ito sa kanya.
Sa halip na sumagot siya ay nag-iwas lamang siya nang tingin at humugot nang malalim na hininga.
“Ito ba iyon, Railey? Pero maldita naman, eh. Hindi siya katulad ni Molly na sa unang pagkikita namin ay mabait naman ito at hindi niya ako pinagtataasan ng boses,” mahinang saad niya sa kanyang sarili.
Ngunit parang isang magnet lang ito dahil hindi niya napigilan ang sarili niya na muli itong sulyapan at pagmasdan ang nakatatawang gesture nito. Base pa lang sa mga nakikita niya ngayon ay alam niyang maikli ang pisi ng pasensiya nito.
“Ano na naman, ha?! Kanina ka pa! Kung hindi ka lang guwapo at malungkot na tingnan ay iisipin ko talaga na isa kang ràpist!” sigaw nito na ikinataas ng sulok ng mga labi niya. “Luh, parang baliw talaga.”
Hindi alam ni Wade kung bakit natatawa siya sa mga oras na iyon. Parang nakatutuwa naman talaga na makita ang babaeng iyon kahit hindi naman niya ito kilala pa.
Nakalimutan niya tuloy kung ano ang kalagayan niya dahil saglit na nakalimutan niya talaga ang lahat.
Ngayon lang din siya naka-encounter na isang tao na walang kasing suplada nito. Tapos ang tapang-tapang pa kung makipag-usap sa isang lalaki na parang wala rin itong kinatakutan pero ano raw ulit ang sinabi nito sa kanya kanina?
“Ano na naman, ha?! Kanina ka pa! Kung hindi ka lang guwapo at malungkot na tingnan ay iisipin ko talaga na isa kang ràpist!”
Nakikita nga nito na guwapo siya pero malungkot tingnan? Ganoon ba talaga ang nakikita nito sa kanya? Malungkot siyang tingnan?
Nawiwirduhan na nga talaga ito sa kanya habang pinagmamasdan niya ito at ilang beses niyang tinapunan nang tingin.
Baka isipin talaga nito na ràpist siya kahit hindi naman siya ganoong klaseng tao.
“Ano na naman ba?!” sigaw ni Trixie sa lalaki dahil kanina pa niya napapansin ang madalas nitong pagsulyap sa kanya.
Wala naman siyang nararamdaman na kahit na ano at mukhang hindi naman ito masamang tao. Kasi nakatitig lang ito sa kanya.
Guwapo ito, makapal ang kilay at napakaganda na parang ginuhit lang. Tapos ang tangos pa ng ilong nito, ang lapad ng panga at mapupula ang mga labi. Ang mga mata nga nito ay napakalalim kung makatitig pero nakikita niya ang lungkot doon ka parang hindi ito okay. Matangkad ang lalaki at malaki ang pangangatawan nito.
Ang pogi kahit basang-basa na rin siya ng ulan. Nasaan kaya ang hustisya?