KABANATA 2.
MATAMANG nakamasid si Rasha kay Railey, na ngayon ay may kausap na isang lalaki kasama si Theo. Nasa malawak na lounge ng resort ang mga ito at mukhang seryoso ang pinag-uusapan.
Simula ng nangyari sa pagitan nila noong nakaraang araw ay iniiwasan na niya ito. Kagaya kaninang umaga nang magkasalubong sila ay siya na ang unang umiwas at sa tingin niya ay gano'n din ang ginagawa nito. Mula din noon ay siya na ang nagparaya sa master's bedroom at sa guestroom na natutulog. Pero nang lumipat ng kwarto ay halos gabi-gabi naman siyang binabangungot. Animo'y wala ding pakialam sa kanya ang binata kesehodang mamatay siya sa bangungot. Ibang-iba na talaga ito ngayon at nagtataka siya sa kung anong dahilan ng pagbabago nito.
Napahikab siya habang hindi tinatanggal ang tingin sa binata at mga kasama nito.
"Hindi ka ba nakatulog kagabi, Rasha?" Tanong ni Dana matapos ilapag sa harapan niya ang isang baso ng mainit na kape. Umupo ito sa kaibayong sila sa harapan niya at inilapag nito ang tray sa mesa. Nawala sa paningin niya ang lalaki dahil natakpan 'yon ni Dana.
"Ilang gabi na 'kong binabangungot. Parang ayaw ko ng matulog," saad niya at ibinaba ang tingin sa baso ng kape. Kasing itim ng kape na 'yon ang nakaraan niya na gabi-gabing umuukilkil sa panaginip niya.
"Akala ko ba hindi ka na masyadong nananaginip? 'Di ba ayos na nga ang resulta ng huling punta mo sa psychiatrist?" Dagdag pa nito.
"Kailangan ko sigurong magpa-appointment ulit sa psychiatrist," turan niya.
Totoong maganda na ang resulta nang huli niyang punta kay Doktora Cristobal dahil naisalaysay na niya dito ng buo ang nangyari sa kanya nang hindi umiiyak o natatakot. Pero nitong mga nakaraang araw parang bumabalik ang takot at nerbyos niya. Natatagpuan niya na lang ang sarili sa isang sulok na nanginginig sa takot at umiiyak.
Kailangan niyang makausap ang doktora para malinawan siya kung bakit nagkakaganoon siya.
Napatingin siya kay Dana nang hawakan nito ang kamay niya. "Sabihan mo lang ako kung kailan para masamahan kita. 'Wag kang mag-alala magiging okay ka ulit," nakangiting sabi nito.
Tumango siya at napangiti sa sinabi nito. Si Dana ang pinakamatagal na niyang empleyado sa resort at nakagaanan na niya ito ng loob. Nasasabi niya dito ang mga problema at nararamdaman ng hindi siya hinuhusgahan.
Nagpaalam na si Dana para asikasuhin ang mga bagong dating na turista. Pagkaalis nito ay muli niyang natanaw si Railey na seryoso pa rin ang hitsura. Mukhang nagbibiruan si Theo at ang lalaking kasama nila. Pero ang binata ay nanatiling poker faced at parang malalim ang iniisip.
Kung guwapo na ito noon ay lalo pa itong g-um-wapo ngayon. Sa suot nitong black shirt ay na-emphasize ang biceps nito na mukhang alaga sa gym. Pati ang malapad nitong dibdib ay halatang-halata sa suot nito. Hindi niya masisisi ang ilang kababaihan na malapit dito ay nakatitig at parang mga naglalaway. Pero hindi sila pansin nito dahil malayo ang tanaw nito.
Hindi pa rin nawawala ang lungkot sa mga mata nito at wari niya konting sagi o galaw lang ay iiyak na ito. Mukhang pareho silang may pinagdadaanan. Siguro ay kahihiwalay lang nito sa babaeng sinasabi nitong Sheena.
Naramdaman siguro ni Railey na may nakamasid dito kaya napalingon ito sa direksyon niya. Akala niya ay nakatitig ito sa kaniya, pero mali siya. Lampasan kung tumingin ito. Hindi na siya nag-abala pang tingnan kung saan ito nakatingin dahil ang nasa likod niya ay dingding.
"WHAT BRINGS you here, Rasha? I thought we will never see each other again," nakangiting bungad ng matandang psychiatrist nang pagbuksan siya ng pinto.
Araw 'yon ng linggo at dapat walang consultation dahil day off ng doktora. Pero pinagbigyan siya at inimbitahan sa bahay nito.
Tipid siyang ngumiti. "Pasensya na po sa abala. May mga ilang bagay lang akong gustong itanong sa inyo, " panimula niya.
Iginiya siya nito sa veranda kung saan maganda ang tanawin dahil napapaligiran 'yon ng iba't ibang orkidyas. Pinaupo siya nito sa silyang naroon at pumwesto naman ito sa kaibayong niya.
"Go ahead. Base on your face mukhang ilang gabi ka ng hindi nakakatulog ng maayos. Naaalala mo na naman ba ang nakaraan mo?" Pinagsalikop nito ang kamay sa ibabaw ng mesa at matamang tumitig sa kanya.
Parang may dumagan sa dibdib ni Rasha sa tanong ng doktora. Itinuon niya ang tingin sa mga palad na nasa kandungan niya. Sa ginawa niyang 'yon alam na ng ginang na natetensyon siya.
"Tell me, may bagay ka bang nakita na nakapag-paalala sa'yo? O tao na nakaalitan mo kaya na-trigger ang anxiety mo?" Tanong nito.
Nanginginig ang mga kamay na napaisip ang dalaga. Si Railey lang ang taong nakasamaan niya ng loob dahil sinigawan siya nito.
"M-may bagong dating kasing tao sa resort and he wants me out of the house. Also I moved out from the master's bedroom. Honestly, I am not comfortable in the guestroom. Maybe that's the reason why I'm having a nightmare," paliwanag niya.
Nasanay na kasi siya na sa master's bedroom natutulog. Isa pa ay advice din 'yon ng doktora na manatili siya sa mga lugar na komportable siya. Sa ganoong paraan ay naiiwasan ang pag-trigger ng anxiety niya.
Tumango-tango ang ginang at nginitian siya. "The best thing that you can do is to avoid him or to talk to him in a nice way. In that way, magkakaintindihan kayo. Kausapin mo rin siya tungkol sa pag-stay mo sa master's bedroom," saad nito.
Tumango siya bilang pagsang-ayon. "Isa pa dok, pwede po bang bigyan niyo ulit ako ng gamot na ibinigay niyo sa'kin noon? Dagdagan niyo na rin ng sleeping pills." Tipid siyang ngumiti.
Saglit siya nitong tinitigan na parang may hinahanap na sagot sa mukha niya. Pagkaraan ay nagpaalam ito para kumuha ng gamot.
NATIGIL SA pagbaba si Railey mula sa ikalawang palapag ng bahay nang mapansin ang pagpasok ni Rasha. Para pa silang nagulat sa isa't isa dahil pareho silang napatigil. Akala niya ay natutulog na ito dahil dis oras na 'yon ng gabi. Pero base sa hitsura nito ay mukhang kararating lang nito.
Nakasuot ito ng maroon na haltered blouse at white capri pants. Simple lang ang suot nito pero napakalakas naman ng dating no'n dahil kitang-kita ang hubog ng katawan nito. 'Di ba nga at nakita na niya ang kabuuan nito. Lalo pang tumingkad ang kaputian nito sa suot at pati pamumula ng pisngi nito ay kita niya. Walang anumang suot na make up ang babae na lalong nagpatingkad ng hitsura nito. Mukhang noong nagsaboy ng kagandahan ang diyos ay nasalo nitong lahat.
Nabalik sa huwisyo si Railey nang magsalita ang dalaga. "P'wede ba kitang makausap?" Tanong nito sa malumanay na tinig.
Simula pa noong una ay malumanay na itong makipag-usap sa kanya. Para bang ang sarap pakinggan ng boses nito kahit pa hindi ito kumakanta. Iwinaksi niya ang nasa isip dahil baka mamaya ay mawala na naman siya sa huwisyo.
"Nag-uusap na tayo," saad niya at nilampasan ito. Pumunta siya sa kusina para kumuha ng inumin.
"P-p'wede bang magpalit tayo ng kwarto? H-Hindi kasi ako makatulog sa guestroom," paliwanag nito na sumunod sa kanya sa kusina.
"E, kung ayoko? Saka ano ba ang pinagkaiba ng dalawa? 'Di ba parehas lang naman silang kwarto?" Sarkastikong turan niya.
Hindi niya pinansin ang pagkakautal-utal nito. Pagkatapos niya uminom ay naglakad na siya palabas ng kusina at ramdam niyang nakasunod pa rin ito.
"Bahay ko naman 'to. Kaya p'wede ba lumipat ka na lang ng ibang kwarto." Mahinahon pa rin na sabi nito.
Nang makarating siya sa tapat ng master's bedroom ay hinarap niya ito. Naaaliw siya sa hitsura nito na naiinis na pero malumanay pa rin magsalita. Natutuwa tuloy siya na lokohin ito.
"Sa ngayon sa'yo 'to. Hintayin mo lang at dodoblehin ko ang ibinayad mo para rito. Good night," pagkasabi no'n ay pumasok na siya sa kwarto at isinara 'yon.
Inaasar niya lang ito at bukas ay ibibigay na niya uli ang kwarto nito. Prente siyang nahiga sa kama at tumitig sa kisame. Kanina noong lumabas siya ng silid ay malungkot siya dahil nararamdaman niya ang kahungkagan dahil sa namayapang nobya. Pero nang makita niya si Rasha kahit papaano ay nabawasan 'yon. Hindi niya itatanggi na kahit papaano ay naiibsan nito ang lungkot na nararamdaman niya.
Naalala niya ang sinabi ni Yandro tungkol sa babae. May isa na itong anak na lalaki na nasa pangangalaga ng mga magulang nito. Nanggaling din ito sa mayamang pamilya, at bukod do'n ay wala na silang nalaman. Nasaan ang asawa nito kung gano'n? Ang isa pang labis na pinagtatakhan niya ay ang mga pilat nito sa likod na mukhang galing sa matatalas na bagay.
Biglang naawa si Railey sa babae kaya bilang konsiderasyon ay makikipagpalit na siya ng silid dito. Tumayo siya at lumabas ng silid. Pinuntahan niya ang guestroom na nasa dulo malapit sa balcony.
Kakatok na sana siya sa pintuan nang makarinig siya ng ungol na nanggagaling sa loob. Idinikit niya pa ang tenga sa pinto para siguruhin na doon nga nagmumula. Ang kaninang ungol na naririnig niya ay naging iyak na. Nananaginip si Rasha.
Tinawag niya ang pangalan ng dalaga pero hindi ito sumasagot. Kinakalmpag na rin niya ang pinto pero wala pa rin. Naka-lock ang pinto ng silid nito kaya hindi siya makapasok. Dinadagundong na ng pag-aalala ang dibdib niya lalo pa ng marinig ang paghingi ng tulong nito. Noon niya naisip ang spare key na nakita niya sa ibabaw ng ref. Nagmamadali siyang tumakbo pababa at kinuha ang mga susi saka bumalik sa taas.
Nang buksan niya ang silid ay nakita niya ito na nakasiksik sa sulok yakap-yakap ang mga binti nito at umiiyak.
Ang unang pumasok sa isip niya ay lapitan ito at pakalmahin. Pero nakakailang hakbang pa lang siya ay nagsalita na ito.
"Huwag kang lalapit, please... Umalis ka na lang. Iwanan mo na lang ako," may bahid ng takot ang tinig na sabi nito.
Sa tulong ng mumunting liwanag na nanggagaling sa lampshade ay nakita niya ang panginginig ng katawan nito at ang pagyugyog ng balikat. Gustuhin man niyang aluin ito at pakalmahin ay pinili niya na lang na iwan ito. Marahan niyang inilapat ang pintuan at bumalik sa kwarto niya.
Kahit nakahiga na ay iniisip pa rin niya ang dalaga at kung ano ang napanaginipan nito para maging gano'n ito katakot. May kinalaman kaya 'yon sa mga pilat nito?
"HALATA NA ang panlalalim ng mata mo. Nakakatulog ka pa ba talaga?"
Napatigil sa tangkang pagpasok ng bahay si Railey nang marinig ang sinabi ni Dana. Bahagya niyang sinulyapan ito at nakita niya na nakahiga sa couch si Rasha habang hinihilot ang sentido. Nakapikit ito. Si Dana naman ay nakaupo sa tapat nito at may hawak na mga folder. Hindi niya ugaling makinig sa usapan ng iba pero hindi niya magawang umalis sa pwesto niya. Para bang may nagtutulak sa kanya na makinig sa usapan ng mga ito.
"Hindi tumatalab ang gamot at sleeping pills na bigay ni Doktora. Pakiramdam ko lalo lang akong inaatake ng anxiety," saad nito.
Anxiety? Kung gano'n ay may pinagdadaanan ito at hindi biro 'yon. May ilang kakilala siya na dumaranas din ng gano'n at ayon sa mga ito ay napakahirap no'n. At nakumpirma niya nga 'yon nang makita ang dalaga kagabi.
"Ano bang sabi sa'yo ng doktora para mawala o makontrol 'yan?" Usisa pa ng kaibigan nito.
"Kagaya ng dati. Manatili lang daw ako sa lugar na nakasanyan ko na at komportable ako—"
Hindi na narinig pa ni Railey ang sumunod na sinabi ng dalaga dahil may humigit sa kanya. Parang gusto niyang suntukin ang kaibigan na si Theo dahil sa ginawa nito. Pero hinayaan niya lang ito nang dalhin siya nito sa labas ng gate.
"Hindi ko alam, eavesdropper ka na pala ngayon," natatawang panunukso nito.
Napailing siya at minura ito. Inunahan niya ito maglakad palayo sa bahay dahil baka malaman ni Rasha na nandoon siya at nakikinig. Sinundan naman siya ng kaibigan hanggang makarating sila sa restaurant ng resort. Hindi pa siya nag-aalmusal at plano sana niyang ayain ang dalaga. Pero nag-alangan na siya.
"Anong meron at natututo ka ng maging chismoso?" Usisa nito makaraang makaupo sila.
Tumingin siya sa menu saka sinagot ang tinatanong nito. "Kagaya pa rin ng dati. Gusto kong malaman ang lahat tungkol kay Rasha Portman. Nawawala na ang bilib ko kay Yandro dahil wala siyang mahukay tungkol sa bagong may-ari ng resort na 'to," saad niya. Kinambatan niya ang waiter at sinabi ang order dito. Gano'n din ang ginawa ni Theo.
"Interesado ka pa rin ba na bawiin itong resort at ang bahay o interesado ka na kay Rasha?" Tanong nito.
"Wala akong interes sa kanya. Gusto ko lang malaman ang lahat tungkol sa kanya para alam ko kung anong baraha ang dapat kong gamitin."
Alam niyang hindi siya tatantanan ni Theo kaya 'yon na lang ang sinabi niya. Aaminin niyang noong una ay plano talaga niyang bawiin ang resort dito. Pero nang maglaon ay napag-isip-isip niyang magiging masaya naman si Sheena na sa tamang tao napunta ang negosyong naiwan nito dahil magaling mag-manage ang bagong may-ari no'n.
"Huwag kang mag-alala sasabihin ko kay Yandro na pagbutihin niya ang pangangalap ng impormasyon para naman hindi ka madismaya," saad ng lalaki pagkaraan.
"Hindi na kailangan. Ako na ang gagawa ng sarili kong imbestigasyon," puno ng determinasyon na saad niya.
Mas makakakuha nga siguro siya ng impormasyon kung makikipaglapit siya sa dalaga at ito mismo ang magku-kuwento sa kanya ng buhay nito. May isang bahagi sa kanya na gusto itong ingatan. Pero may mas malaking bahagi ang tumututol. Maybe it's because of Sheena. Mas nananaig sa kanya ang pangungulila kaysa ang kagustuhan na makipagmabutihan sa dalaga.
Paano niya ito matutulungan kung kahit ang sarili niya ay hindi niya kayang ayusin?