KABANATA 3.
BUMALIK si Railey sa villa pagkatapos ng almusal. Si Theo naman ay nanatili sa resort. Palagi ito doon at hindi niya alam kung anong ginagawa nito. Hindi na rin naman siya nag-abalang usisain ito dahil hindi niya ugaling makialam sa buhay ng may buhay.
Pagpasok niya sa loob ng bahay ay nakita niya ang nakatalikod na si Rasha na nakahiga pa rin sa couch. Naka-side lying position ito. Ingat na ingat siyang naglakad papunta sa hagdanan para hindi nito mapansin ang presensya niya. Nasa unang baitang na siya nang maisip niyang sulyapan ang dalaga. Wala pa rin itong kagalaw-galaw at sa tingin niya ay natutulog ito.
Wala siyang planong lapitan ito o tingnan man lang pero may kung ano na nag-udyok sa kanya na gawin 'yon. Malalim ang paghinga nito, tanda na mahimbing ang tulog nito. Kahit nakatagilid ay kita niya ang pangingitim ng paligid ng mga mata nito.
Napaatras siya nang gumalaw si Rasha. Akala niya ay gising na ito pero pumaling lang pala ito ng higa. Ngayon ay nakatihaya na ito at kitang-kita niya ang payapa nitong hitsura. Mukhang ngayon lang ito nakatulog ng maayos. Ngayon lang niya natitigan ang mukha nito ng malapitan. May mga nunal pala ito sa noo at sa lower lip. Ang pagkakaalam niya sa ibig sabihin ng nunal sa noo, ibig sabihin ay matalino daw at ang sa labi naman ay madaldal. Maaga pa para sabihin na madaldal ito dahil ni hindi pa naman niya ito nakakausap ng matagal.
Matangos din ang ilong nito at may mapupulang labi na parang laging nag-aanyaya ng isang halik. Ipinilig niya ang ulo dahil sa naisip. Sa kabuuan ay maamo ang mukha ng dalaga, hindi mukhang masungit o mataray. Mabait ito at napatunayan niya 'yon dahil sa kabila ng paninigaw niya dito ay nagawa pa rin siya nitong kausapin ng malumanay. At mukhang likas na dito 'yon.
Naihagod ni Railey ang kamay sa batok nang mapagtanto kung gaano katagal na niyang pinapanood ang babae dalaga habang natutulog. Hindi na yata normal ang ginagawa niya. Ano bang mapapala niya sa panonood sa isang taong natutulog? Umiiling siyang umakyat sa ikalawang palapag ng bahay.
Nakapameywang na tumitig si Railey sa mga gamit niya sa master's bedroom. Bukod sa duffel bag na naglalaman ng mga damit niya ay may mga gamit pang isinunod sa kanya si Theo na dala niya nang umuwi mula sa America. Naisip niya kasing mag-ayos ng gamit pero hindi na sa master's bedroom. Lilipat na siya sa guestroom na katabi lang nito para ibigay na kay Rasha ang dati nitong silid.
Kung tama ang pagkakaintindi niya sa narinig na pag-uusap nito at ni Dana kanina. Isa ang silid na ito sa mga lugar na nakasanayan na at komportable ito. Kung ito ang bagay na magpapagaan sa pakiramdam ni Rasha ay ibibigay niya. Tutal hindi naman siya ang may-ari ng bahay at nakikitira lang siya. Kung tutuusin ay pwede siyang paalisin nito anumang oras nito gustuhin. Pero dahil nga mabait ito ay hindi nito ginawa.
Dinampot niya ang mga gamit at dinala 'yon sa guestroom. Sa tingin niya ay matatagalan siya sa lugar na 'yon kaya aayusin niya ang mga gamit. Kakaunti lang naman ang dala niya kaya't hindi lumampas ng sampung minuto ay tapos na siya sa paghahakot. Tagaktak agad ang pawis niya at daig pa niya ang nag-work out.
Bumaba siya ng kusina para kumuha ng tubig. Pabalik na siya sa taas nang makita niya ang dalaga na nakaupo na sa couch. Halata na kagigising lang nito dahil medyo magulo pa ang buhok. Pero kahit gano'n ay maganda pa rin ito. She look more beautiful with that messy hair.
Nang mapansin nito na nakatingin siya ay tumango ito tanda na binabati siya. Tumikhim siya para tanggalin ang pagkatulala dito. "Lumipat na ako sa guestroom. Pwede ka nang bumalik sa master's bedroom para makatulog ka ng maayos," pagbibigay-alam niya. Sinubukan niyang mag-mukhang hindi concern pero 'yon ang ipinahiwatig ng sinabi niya.
Nagliwanag ang mukha nito at nginitian siya ng ubod tamis. "M-maraming salamat..." Daig pa nito ang nanalo sa lotto sa lawak ng pagkakangiti nnito at nagustuhan niya 'yon.
Ilang minuto silang nagtititgan. Hanggang sa mapagtanto niya na kukuha nga lang pala siya ng tubig at aakyat na dapat siya. Pero hayun siya at parang nakikipag-paligsahan ng titigan. Sa huli ay nagdesisyon na siyang umakyat at iniwan ang dalaga.
HIGIT PA sa saya ng taong nanalo sa lotto ang pakiramdam ni Rasha habang inililibot ang tingin sa kabuuan ng kanyang silid. Ilang araw lang na hindi nakatulog doon ay na-miss na niya agad 'yon.
Pabagsak siyang nahiga sa kama at dinama ang lambot no'n. Gano'n din naman ang kama sa guestroom na tinulugan niya pero iba pa rin kapag nasa sariling kama ka. Nagpagulong-gulong siya hanggang sa may madali siya sa paanan ng kama. Nang tingnan niya ay cell phone 'yon. Naiwan siguro ni Railey.
Tumayo siya para isauli 'yon nang bigla 'yong tumunog. Halos mabitawan niya 'yon sa gulat. Pero agad din siyang nakabawi. Nalilito siya kung sasagutin niya ba o iaabot 'yon sa binata. Sa huli ay sinagot niya 'yon at basta na lang itinapat sa tenga niya.
"Hello Railey? Kumusta ka na anak?" Tanong ng nasa kabilang linya na boses ng babae.
"H-Hello po. Pasensya na po sinagot ko ang tawag niyo. Naiwan po ni Railey ang cell phone niya sa kwarto ko. Sandali lang po ang ibibigay ko sa kanya," sabi niya at lumapit na sa pintuan nang marinig niyang nagsalita ulit ang babae.
"Sandali, iha... Maaari ko bang malaman ang pangalan mo at kung bakit na sa'yo ang cell phone ng anak ko? Nasaan ba siya ngayon?"
"R-Rasha po ang pangalan ko. Ako po ang may-ari ng resort at villa na tinutuluyan ni Railey ngayon. Nasa kabilang silid lang po siya. Sandali po at tatawagin ko siya." Hindi na niya hinintay ang sagot ng ginang at tinakpan niya ang earpiece ng cell phone saka kinatok ang binata.
Nang pagbuksan siya nito ay agad niyang iniabot ang cell phone. "Pasensya na nagkamali yata ng intindi ang mama mo sa sinabi ko. Pakipaliwanag na lang sa kanya. Salamat." Nagmamadali siyang bumalik ng silid niya at isinarado ang pintuan.
Natampal niya ang noo. Ano nga naman ang iisipin ng mama nito sa sinabing nasa silid niya ang telepono ng anak nito? Baka isipin no'n na magkasama silang natulog ng anak nito sa isang silid. Sabagay, hindi naman siguro madumi ang utak nito para mag-isip ng kung ano sa kanila ng binata.
Ipinagkibit-balikat niya na lang 'yon at pumasok sa banyo para maligo. Masaya siya dahil kahit papa'no ay nakatulog siya ng mahabang oras sa couch. Ni hindi nga niya namalayan na oras na pala ng pananghalian at wala pang laman ang sikmura niya.
"BAKIT KA ba laging nandito, Mister?" Mataray na tanong ni Dana nang maabutan sa front desk ang makulit na kaibigan ni Railey.
Ilang araw na itong laging nakatambay do'n at inaabala siya sa trabaho. Kung anong kapal ng balahibo nito sa mukha ay gano'n din ito kakulit. Kung ano-ano ang itinatanong nito sa kanya na related kay Rasha.
"Gusto lang kitang makita, Dana. 'Wag mo naman sana akong itaboy," saad ng lalaki at pinapungay pa ang mga mata sa harapan niya.
Gusto niyang matawa sa hitsura nito na lalaking lalaki tapos gano'n ito kung umasta. Pero pinigilan niya ang sarili at napailing na lang. Ayaw niyang ipakita dito na naaaliw siya sa presensya nito.
Binuksan niya ang computer at nag-log in para masimulan na niya ang trabaho. Siya ang nag-iinput sa system ng mga bagong dating na customer at gustong mag-check in sa resort. Siya rin ang nagmo-monitor sa mga supplies na pumapasok sa restaurant at pati pakikipag-usap sa mga supplier ay siya ang gumagawa.
"Napapansin ko ikaw ang laging nandito sa resort. Business partner ka ba ni Rasha?" Tanong ng lalaki pagkaraan.
Tumigil siya sa ginagawa at tumingin dito. "Maraming pinagdadaanan si Rasha, kaya bilang kaibigan niya ako muna ang mamamahala dito," nagsisimula na naman itong mag-usisa.
Noong unang beses na pumasok siya sa resort ay gano'n na talaga si Rasha. Tahimik at mailap sa tao. Masusing evaluation ang pinagdaanan niya dito para matanggap siya dahil gusto ng dalaga na mapagkakatiwalaan nito ang magiging tauhan. Hindi naman niya ito binigo dahil buong sigasig niyang ginawa ang trabaho at nakuha niya nga ang buong tiwala nito.
Nang magtrabaho siya sa Precious Paradise Resort ay naging maganda ang takbo ng buhay niya. Napag-aral niya ang dalawang nakababatang kapatid at ngayon ay nakatapos na ang mga ito. Sinisimulan naman niya ngayon ang pagpapagawa ng bahay nila at dahil 'yon kay Rasha.
"Masakit talaga ang lokohin ng asawa. Buti na lang nandiyan ka para alalayan siya," saad nito at hinimas pa ang balbas nito.
Sa totoo lang guwapo naman ang lalaking iito kung hindi lang natatakpan ang mukha nito ng makapal na beard. Kung ikukumpara niya ito sa hitsura ng artista siguro 45% na kahawig ito ni Jason Momoa. Pero dahil lang 'yon sa beard nito. Hindi niya mabistahan ng maayos ang mukha nito dahil do'n. Malaki ang katawan nito na mukhang batak sa gym.
Napakurap si Dana nang mapagtanto kkung ano ang iniisip niya. Ano at nagkaroon pa siya ng oras na i-describe ang mokong na ito. Pero bukod sa naisip ay naalala niya ang sinabi nito kanina.
"Paano mo nasabing may asawa siya? Chismoso ka a! P'wede ba tigilan mo na ang pang-uuto mo sa'kin tungkol kay Rasha. If I know nangangalap lang kayo ng impormasyon ng kaibigan mo para may panlaban kayo sa kaibigan ko. Well sorry na lang kayo dahil wala kayong malalaman." Litanya niya at inirapan ito.
Narinig niya ang pagtawa nito pero hindi na siya nag-abala pang tingnan. "Grabe ka naman sa'kin! Unang-una, hindi ako nangangalap ng impormasyon. Nasabi ko lang ang nasa isip ko. Pangalawa, hindi ako chismoso. Concern lang ako sa kanya dahil napapansin ko na mailap siya sa tao at para siyang may pinagdadaanan kaya nasabi ko ang nasabi ko," paliwanag nito.
Napaisip siya. Kunsabagay may punto naman ang sinasabi nito. Pero hindi niya pa rin maalis na pagdudahan ito. Pinaningkitan niya ito ng mata kahit pa nga singkit naman talaga siya. Tuloy ay nakatanggap lang siya ng malutong na tawa mula dito.
Hindi ito magkamayaw sa katatawa at napapahawak na ito sa tiyan. Pati ang ibang tao doon ay napatingin dito. Siya naman ay parang timang at napangiti din. Nakakatawa naman talaga ang ginawa niya pero parang overacting naman ang lalaking 'to sa pagtawa.
Nang hindi pa rin tumigil si Theo ay kumuha siya ng scratch paper at nilamukot 'yon saka ibinato dito. Tumikhim ito para pigilan ang pagtawa, pero panaka-naka pa ring may tumatakas na halakhak sa bibig nito. Nang makabawi ay tiningnan siya nito.
"Sa buong buhay ko ngayon lang ako tumawa ng ganito. Salamat sa singkit mong mga mata," umiiling pa na sabi nito.
"So gagawin mo na 'kong clown simula ngayon?" Tinaasan niya ito ng kilay.
"Kung papayag ka bakit hindi?" mukhang nagustuhan pa nito ang ideyang 'yon.
Kumuha ulit siya ng papel at nilamukot 'yon saka ibinato dito. Sapul ito sa mukha. "Tse! Maghanap ka ng ibang aabalahin. Marami akong trabahong kailangang asikasuhin no!" saad niya at ibinaling na sa computer monitor ang tingin.
Natigil na ito sa pangungulit nang may dumating na mga turista. Naging busy na rin siya at hindi na ito inintindi.