KABANATA 4.
MAAGANG nagising si Rasha at napagkatuwaan niyang magluto ng almusal para sa kanya at kay Railey. Pasasalamat niya na rin ito dahil ilang araw nang hindi siya dinadalaw ng masamang panaginip at nakakatulog na ng maayos.
She's humming her favorite Shakira song Whenever, Wherever, while swaying her hips. She's feeling lively and energetic. Plano niyang pagpahingahin si Dana sa trabaho para naman madalaw nito ang mga magulang sa San Pablo. Pakiramdam niya ay kaya naman niyang makihalubilo sa mga guests. Ewan ba niya pero talagang kakaiba ang pakiramdam niya ngayon.
Napakanta na ang dalaga nang marinig ang chorus ng kanta. "Whenever, wherever we're meant to be together. I'll be there and you'll be near. And that's the deal my dear..." Gamit ang wooden spatula bilang mic at mas lalo pa niyang inindayog ang bewang.
"Thereover, hereunder we'll never have to wonder... We can always play by ear... But that's the deal my dear..." Ginaya niya pa ang steps ni Shakira at umikot nang unti-unti siyang natigilan.
Nasa may entrada ng kitchen si Railey, nakasandal sa pader at nakahalukipkip habang matamang nakatitig sa kanya. Nagtama ang mga mata nila at nakita ni Rasha ang kaaliwan sa mata nito bago ito sumeryoso. O nagkamali lang siya ng tingin? Mukhang kanina pa ito nando'n at nanonood sa kanya. Sa puntong 'yon alam niyang hindi siya nagkamali dahil ano naman ang gagawin nito sa kusina habang nakahalukipkip at nakasandal sa pader? Alangan naman doon nito napiling tumambay.
Tumikhim ito at naglakad palapit sa kinaroroonan niya. Tumigil ito sa cupboard at kumuha ng isang tasa saka nagsimulang magtimpla ng kape. Nahihiyang pinatay niya ang stereo dahil sa pagkakatanda niya ayaw nito ng maingay. Pagkatapos ay bumalik siya sa ginagawa.
Pinatay niya ang apoy at isinalin ang garlic rice na niluto sa bandehado. Nakita niya mula sa peripheral ang paglapit ng binata sa stereo. Dinala niya sa mesa ang mga pagkain at sinulyapan ito. Nakita niya nang buksan nito 'yon at bahagyang ibinaba ang volume.
"Kumain ka muna... Pa-thank you ko 'to dahil hinayaan mo na 'kong bumalik sa dati kong kwarto," alok niya nang humarap ito.
Tumaas ang isang sulok ng labi nito na parang may gustong sabihin pero hindi nito itinuloy. Napangiti siya nang tahimik itong umupo sa katapat niyang silya.
Sa sobrang tuwa ay ipinaglagay niya pa ito ng sinangag at itlog sa plato. Hindi naman ito nagreklamo at hinayaan lang siya. Umupo na rin siya at nagsimulang kumain. Walang nagsasalita sa kanila habang kumakain at tanging ingay ng stereo ang maririnig. Walang kaso 'yon kay Rasha kung hindi lang niya nararamdaman ang panaka-nakang pagtitig sa kanya ng binata. Para kasing may gusto itong sabihin na hindi nito alam kung saan sisimulan.
Patapos na silang kumain nang diretso niyang tingnan si Railey at hindi na ito nakapag-iwas ng tingin. "Itanong mo na ang gusto mong itanong para masagot ko na. Pupunta pa 'ko ng resort para makipag-relyebo kay Dana," diretsong sabi niya rito. Hindi naman niya nakitaan ng pagkabigla ang binata.
Uminom muna ito ng tubig bago nagsalita.
"MASAYA AKONG malaman na okay ka na ulit." Gustong murahin ni Railey ang sarili dahil sa sinabi niya. Hindi dapat 'yon ang sasabihin niya pero 'yon ang lumabas sa bibig niya.
Gusto na niyang simulan ang pakikipaglapit sa dalaga para malaman niya ang tungkol dito. Pero tinatraydor siya ng sariling bibig. "Baka naman puso mo ang tuma-traydor sa'yo at hindi isip?" Anang isang bahagi ng utak niya.
Hindi maaari 'yon dahil iisang babae lang ang nasa puso niya, at 'yon ay si Sheena. Parang biglang may sumaksak na kutsilyo sa puso niya nang maisip ang fiancée. Bakit pakiramdam niya parang pinagtataksilan at kinakalimutan na niya ito? Si Sheena lang dapat ang nasa puso at isip niya.
"Salamat sa concern mo. Hindi na 'ko binabangungot gabi-gabi," malapad ang ngiting sabi nito.
Gabi-gabi? Kung gano'n ay masyado naman palang malala ang anxiety nito. Nakahanap ang binata ng butas na pwede niyang lusutan para malaman pa ang ilang bagay ukol sa dalaga.
"May kinalaman ba ang bangungot mo diyan sa mga pilat na nasa likod mo?" Nakita niya nang nagbago ang ekspresyon sa mukha nito. Parang bigla ay naging mailap ang mga mata nito. Kinuha nito ang isang baso ng tubig at tuloy-tuloy na ininom ang laman no'n. Ang resulta ay nasamid ito.
Nataranta siya at agad itong nilapitan para himasin ang likod nang umubo ito ng maraming beses. Para siyang napaso at nailayo niya ang kamay nang may gumapang na kuryente nang dumikit ang balat niya sa likod nito na nakahantad dahil sa suot nitong maxi dress. Buti na lang at hindi nito kita ang mukha niya.
"Okay na 'ko. Salamat," sabi nito at nag-angat ng tingin. Ang bilugan at maiitim nitong mata ay diretsong tumingin sa kanya. Malumanay, malambing at parang musika ang boses nito sa kanya. Wala pa man 'yong tono ay gandang-ganda na siya.
"Pasensya na. Alam kong medyo off 'yong tanong ko kaya sana 'wag kang magagalit." Napapakamot ng batok na pumunta siya sa harapan nito.
Bahagya itong tumango at pagkatapos ay tumayo na. "Hayaan mo na ang mga plato dito sa mesa. May pupunta dito mamaya para maglinis at siya na ang bahala sa mga kalat. Sige maiwan na kita." Paalam nito at naglakad na palabas ng komedor.
Tuluyan nang minura ni Railey ang sarili sa isip at tumakbo para sundan ang dalaga. Hindi dapat niya hayaang lumipas ang maghapon na wala man lang siyang nalalamang bago tungkol dito. Kung hindi niya ito mapapasagot ng madalian dapat siguro ay daanin niya ito sa panunuyo. Nang sa gano'n ito na mismo ang kusang magku-kuwento ng nakaraan nito Ano pa at binansagan siyang Mr. Charming kung hindi niya kayang pasukuin ito sa charm niya?
"Pwede bang samahan na kita sa pag-relyebo mo kay Dana ngayong araw?" Tanong niya nang maabutan ito na papasok na sa malaking gate ng resort.
"Makaka-hindi pa ba 'ko kung nandiyan ka na at nakasunod?" tipid ang ngiting sabi nito.
Siya naman ay bahagyang natawa dahil tama nga naman ang sinabi nito. Naabutan nilang nasa front desk si Theo at tumatawa habang si Dana ay namumula at mukhang nagpipigil ng inis.
Hindi pa man sila nakakalapit ay napansin na sila ni Dana at biglang nagliwanag ang mukha nito nang makita si Rasha. Sinalubong nito ng yakap ang dalaga pagkatapos ay hinawakan ito sa magkabilang balikat at tinitigan.
" Mabuti naman at nawala na ang dark circles sa mata mo. Mukhang nakatulog ka ng mahaba-haba a," masayang turan nito at isinukbit ang mga braso sa braso ng kaibigan at iginiya ito sa receiving area.
Lumapit naman ang lokong si Theo sa kanya at mahina siyang sinuntok sa balikat. "Anong meron at mukhang okay na kayo ni Rasha? Duma-moves ka na ba?" Kantiyaw nito habang nakatitig sa dalawang babae na nagku-kuwentuhan.
Masaya siya na bumalik na ang sigla nito gaya noong unang makita niya itong kumakanta sa kusina. Kita niya kung paano kuminang ang mga mata nito habang masayang nakikipag-usap.