KABANATA 5.
SO FAR ay wala naman nagiging problema si Rasha sa resort. Marami ang turista ngayon dahil bakasyon kaya kabi-kabila ang ginagawa niya. Ngayon pa lang niya nagawang maging hands on dahil sa mga pinagdaanan niya more than a year ago at ngayon pa lang sobra na ang paghanga niya kay Dana dahil nagawa nito ang tungkulin na siya dapat ang gumagawa. Hindi rin biro ang magpatakbo ng isang negosyo kailangan mong makipag-usap sa kabi-kabilang supplier. Pati na rin mga customer ay kailangan mong asikasuhin at minsan kapag minamalas makakatagpo ka pa ng mareklamo.
Nanlalatang napaupo ang dalaga sa swivel chair nang makarating sa front desk. Kalahating araw pa lang siyang nag-aasikaso ng buong resort ay nararamdaman na niya ang pagod. Sumandal siya sa upuan at sandaling pumikit para alisin ang pagod na nararamdaman niya. Nang magmulat ay nakita niyang may naglapag ng lunch box sa harapan niya.
Nang tumingala siya ay nakita niya ang nakangiting si Railey. "Alam kong pwede ka naman sa restaurant kumain ng tanghalian pero naisip ko baka pwede mo 'kong sabayan kumain? Malungkot ang kumain ng mag-isa," sabi nito. Muntik na niyang makalimutan na hindi pa pala siya kumakain ng tanghalian.
Parang gustong kumawala ng puso ni Rasha mula sa ribcage dahil sa sinabi ng binata. Anong meron at biglang nag-iba ang ihip ng hangin? Gusto niyang gantihan ang ngiti nito pero nag-dalawang isip siya kaya ang ginawa niya ay mapananuri itong tinitigan.
Bahagya itong tumawa at naglabasan ang mapuputi at pantay-pantay nitong mga ngipin. "Peace offering ko na rin sa'yo 'to, okay? Dahil medyo off 'yong ugaling ipinakita ko sa'yo noong una nating pagkikita," paliwanag nito.
"Medyo lang?" paniniyak niya.
Lalo pa itong tumawa at itinaas ang dalawang kamay na nagsasabing suko na ito. "Okay, okay... Sumobra ako. I'm sorry," saad nito at diretso siyang tiningnan sa mata.
Ilang minuto silang nagtititgan at parang binabasa ang isa't isa. Nakangiti ito pero kita pa rin niya ang lungkot sa mga mata nito. Isang bagay na naroon na simula pa lang ng araw na tumapak ito sa loob ng silid niya. May isang bahagi sa kanya na gustong alamin kung ano ang dahilan no'n pero pinipigilan niya ang sarili na magtanong. Gusto niya ulit na makita ang Railey noon.
"Saan tayo kakain?" Tanong niya at tumayo na.
"Makikita mo," saad nito at dinampot ang lunch box. Nauna na itong naglakad.
"Saan ba tayo pupunta?" Nagtatakang tanong niya nang makitang tinatahak nito ang daan patungo sa dagat. Mababaw ang tubig dahil low tide kapag ganitong oras.
"Akin na ang kamay mo," inilahad nito ang kamay sa kanya. Nag sa dalawang puso man ay iniabot niya na lang ang kamay dito.
Naramdaman niya ang parang kuryente na dumaloy sa mga ugat niya nang maglapat ang mga kamay nila. Gustuhin man niyang bawiin ang kamay ay hindi niya magawa kaya patay malisya na lang niyan hingpitan ang kapit. Lalo pa nang maramdaman niya na bumibigat ang suot niyang maxi dress dahil basa na 'yon.
Akala niya ay malayo pa at handa na sana siyang talakan ito at kulitin na bumalik na lang nang bigla itong tumigil. Hanggang hita na niya ang tubig. Noon niya lang napansin ang isang bangkang de motor sa harapan nila. Naroon si Mang Tony na bangkero sa resort.
"Mauna ka nang umakyat. Aalalayan kita," binati pa siya ni Mang Tony at nakangiting iniabot ang kamay niya.
Lumapit siya sa matanda para abutin ang kamay nito nang maramdaman niya ang mga kamay ni Railey na humawak sa bewang niya at walang pagbababala siya nitong binuhat para iangat sa bangka. Buti na lang at mabilis ang reflexes niya at kumapit sa kamay ni Mang Tony.
Nang makasampa ay lihim niyang pinagalitan ang sarili dahil sa abnormal na t***k ng puso niya. Kung patuloy itong gagawin ng binata ay baka atakihin na siya sa puso.
"Salamat po sa pagpapahiram ng bangka niyo Mang Tony," narinig niyang sabi nito. Nakita na lang niya si Mang Tony na palayo na sa bangka.
"Masarap kumain dito. Maganda ang view at sariwa ang hangin," komento nito nang mapag-solo sila at sinimulan ayusin ang pagkain na nasa lunch box.
Chicken adobo at kanin ang dala nito. May maliit na tabla doon na ginawa nitong mesa at umupo ito sa sahig ng bangka. Tumingala ito sa kanya nang hindi pa rin siya kumilos sa kinatatayuan niya.
"Halika na. Tikman mo 'yong niluto ko," masayang sabi nito.
Tipid siyang ngumiti at umupo na sa harapan nito. Kailangan niyang hamigin ang sarili dahil baka mahulog na naman ang loob niya dito. Gayunpaman ay hindi niya pa rin maiwasan ang magtaka sa mga ikinikilos nito. Bakit sa isang iglap ay naging mabait sa kanya si Railey? 'Bakit ayaw mo ba ng atensyon niya? 'Di ba't 'yan ang inaasam mo three years ago...' Kantiyaw ng isang bahagi ng isip niya.
Tinitigan niya ang binata na nakangiting kumakain at inililibot ang tingin sa malawak na dagat. "May dumi ba 'ko sa mukha?" Tanong nito nang makitang titig na titig siya.
Hindi niya dapat pag-isipan ng masama ang ginagawa ng binata. 'O baka naman iniisip mo na may ipinapahiwatig siya sa'yo?' Tudyo na naman ng isip niya.
Ipinilig niya ang ulo para alisin ang mga iniisip niya at nakangiting binalingan ang binata. "Wala kang dumi sa mukha. Hindi ko lang kasi lubos maisip na marunong ka pala magluto," may bahid ng katotohanan na sabi niya.
Bahagya itong natawa sa sinabi niya. In fairness masarap ang niluto nito. Medyo manamis-namis ang lasa no'n hindi gaya ng nakasanayan ng iba na maalat.
"Natuto akong magluto nang nagpunta ako sa States at malayo ako sa mga magulang ko. Kailangan matuto dahil wala naman akong kasama do'n. Ayoko naman na kumain na lang palagi ng processed food o 'di kaya ay galing sa fastfood. Hindi healthy sa katawan," paliwanag nito. Napahanga siya sa sinabi nito dahil hindi lahat ng lalaki ay gaya nito mag-isip.
Hindi lang pala ito conscious sa built ng katawan nito kun'di sa kalusugan na rin.
"Kaya pala isang araw hindi na kita nakita dito sa resort," komento niya.
Maang na napatitig sa kanya si Railey. "Dati akong turista sa resort na 'to. Araw-araw kitang nakikita dahil magkatabi lang ang mga cabin natin. Memorized ko na nga mga ginagawa mo noon e," nangingiting sabi niya nang maalala ang mga ginagawa nito.
Hindi nakatakas sa paningin ni Rasha ang paglamlam ng mga mata ni Railey. Nawala ang katiting na ngiti na naroon kanina na para bang may nasabi siyang mali. Nakita niya ang pagguhit ng sakit sa mukha nito.
Gusto niyang haplusin ang pisngi nito pero pinigilan niya ang sarili. Gustuhin man niya itong tanungin ay mas pipiliin niya na lang na hintayin itong kusang mag-kuwento.
Hindi siya marunong mag-comfort at hindi niya alam kung anong tamang salita ang dapat niyang sabihin sa binata para maibsan ang nararamdaman nito dahil ni katiting ay wala naman siyang nalalaman sa pagkatao nito. Hanggang sa makabalik sila sa resort ay hindi na ito umimik at hinayaan niya lang nang umalis ito.
Maybe he needs some time alone.