Nomi's PoV
PUMAPATAK ang mga luha sa aking mga mata habang nakatingin kay Ryder na mahimbing na natutulog sa kama. Napagod ito sa pag-angkin ng paulit-ulit sa akin. Naging masaya ang buong gabi na kasama ko ang lalaking pinakamamahal ko.
Pagkatapos kong ipagkaloob ang aking sarili sa aking nobyo ay tuluyan na akong lalayo. Nangako sa akin ang aking mga magulang na wala na silang gagawin sa pamilya ni Ryder. Naging maayos ang usapan namin ni Lyndon at pumayag na ako sa gusto nila kahit na labag iyon sa aking kalooban.
Marahan kong pinihit ang pinto at tahimik na lumabas ng kuwarto. Pinahid ko ang luha sa aking mga mata na walang katapusan ang pag-agos. Masakit para sa akin na piliing talikuran si Ryder para hindi na masira ang buhay nito.
Binayaran ko sa may cashier ang nirentahan naming kuwarto ni Ryder. Nagsabi rin ako sa bellboy na kapag nagising si Ryder at hinanap ako sasabihin nito na umalis na ako at huwag na niya akong hanapin.
Paglabas ko ng motel, naghihintay sa akin ang kotse ni Lyndon. Nakasandal ito sa may pinto ng sasakyan at nakangisi sa akin.
“How cheap, Nomi. Pumapayag ka na dinadala ka ni Ryder sa ganyang klase ng lugar? Baka wala pang proper sanitation dahil tignan mo Naman sobrang luma na ang motel at nakakadiri, a,” pang-iinsulto pa nito sa akin.
Hindi ako umimik at binuksan ang pinto ng sasakyan nito.
Ganoon din ang ginawa ni Lyndon at tuluyan na nitong pinaandar ang sasakyan. Patungo kami ngayon sa Tagaytay at doon ko isi-celebrate ang birthday ko at ang engagement party namin ni Lyndon.
“Sina Mommy at Daddy?” humihikbing tanong ko rito.
“Nasa Milano’s Hotel, at kanina ka pa nga nila hinihintay. Hindi ko naman inakala na aabutin ka ng madaling araw sa cheap na motel na iyon. Pagdating natin mamaya suite natin, maligo kang mabuti ha? Itapon mo na rin ang mga damit na suot mo. Ayokong naamoy sa katawan mo ang pabango ng lalaking iyon,” seryosong sabi nito sa akin.
“Tama na ang panlalait mo kay Ryder, Lyndon. Ayoko na ring nababanggit mo ang pangalan niya, naiintindihan mo ba ako?”
Nginisihan lamang ako nito at saka tinanguhan. “Mas mabuti pa nga dahil simula ngayon ayoko na ring binabanggit mo ang pangalan niya. Ikakasal ka na sa akin, Nomi. Wala akong pakialam kung ano pa ang ginawa ninyo ng lalaking iyon ngayon. Hindi n iyon importante sa akin dahil alam mo rin naman na may nobya akong iniwan ko para lang matuloy ang pagpapakasal ko sa iyo,” seryosong sabi nito sa akin na hindi man lang ngumiti. “Magiging asawa na kita, Nomi. Kailangan mong gawin ang lahat ng gusto ko. I know someday matutunan rin nating mahalin ang isa’t isa.”
Pinahid ko ang luha sa aking mga mata at tumingin sa bintana. “Magpapakasal ako sa iyo dahil iyon ang gusto ng mga magulang ko... nating dalawa, Lyndon. Ngunit huwag mong aasahan na mamahalin kita dahil para kong ibinenta ang aking sarili para sa ambisyon ng aking mga magulang. Hindi na ako muling magmamahal… hinding-hindi na, Lyndon.”
Hindi ito umimik sa aking tabi. Alam ni Lyndon na hindi ako nagbibiro. Pumayag ito na ikasal sa akin dahil may pagtingin siya sa akin ngunit ako… iisang lalaki lang ang laman ng aking puso at si Ryder lang… wala ng iba.
ALAS SAIS na ng umaga nang makarating kami sa hotel na pagmamay-ari ng pamilya ni Lyndon sa Tagaytay. Isang luxury hotel na may fifteen floors. Malapit iyon sa Taal Lake na dinarayo ng mga turista. Nakatingin sa akin ang mga hotel staffs ni Lyndon na sumalubong sa amin. Lumang t-shirt at kupas na maong short kasi ang suot ko. Naka-tsinelas pa ako at hawak ko ang aking sling bag.
Sumunod lang ako sa binata na nagtungo sa may elevator.
“See? Nagpakamalan ka pa yata nilang katulong ko.” Napailing ito na bumaling sa akin.
Hindi ako nagsalita at piniling manahimik. Nagtungo kami sa eleventh floor at nagtungo sa suite namin ni Lyndon. Pinagbuksan niya ako ng pinto at tumambad sa akin ang mga shopping bags, branded clothes, sandals, bags, dresses at isang set ng bvlgari jewelry at diamond necklaces na nakalatag sa ibabaw ng kama.
“Maligo ka na at hihintayin ka namin sa restaurant sa third floor,” maawtoridad na sabi nito sa akin bago nito muling isara ang pinto ng aming suite.
Nang mapag-isa ako at nakatingin sa mga mamahaling gamit na nasa aking harapan pakiramdam ko binili na ako ni Lyndon sa mga magulang ko.
Nag-ring ang cellphone ko sa loob ng aking sling bag. Tinignan ko iyon at ay nakita ko ang pangalan ni Ryder sa screen. Pinanghinaan ako ng mga tuhod at napaupo sa sahig.
Sinagot ko sa huling pagkakataon ang tawag nito.
“Mahal, nandito ako ngayon sa tapat ng bahay ninyo. Please… nasaan ka ba, ha?”
Tinakpan ko ang aking bibig.
“Please… baby… mahal na mahal na mahal kita. Hindi mo p'wedeng gawin sa akin ito. Hindi ka p'wedeng umalis na lang na hindi man lang nagpapaalam sa akin. Marami tayong mga pangako sa isa’t isa ‘di ba? Kahit na gaano pa kahirap nangako ka sa akin na hindi mo ako iiwan, Nomi!” Naririnig ko ang paggaralgal ng boses nito at ang malakas na pagkatok nito sa malaking gate namin.
Patuloy ang pagpatak ng luha sa aking mga mata at bumuga ako nang malalim. Pakiramdam ko hindi na ako makahinga.
“Nomi… mahal… huwag mo namang gawin sa akin ito, please. Mag-usap naman tayong dalawa. Hindi ko kayang mawala ka sa buhay ko.” Sumisinghot na ito sa kabilang linya.
Pumikit ako at inilagay ang aking kamay sa tapat ng aking puso. Sobrang sakit… ngunit wala akong p'wedeng gawin kun'di lumayo dito para na rin maging normal ang takbo ng buhay nito.
“Ryder… sorry….”
“Nomi, mag-usap tayong dalawa. Nasaan ka ba? Please, lumabas ka sa bahay ninyo at kausapin mo ako.”
“Hindi na kita p'wedeng pakasalan, Ryder… Luther… Arandrea.” Pilit kong pinatatag ang aking boses. “Na-realize ko na wala akong mapapala kung sasama ako sa iyo. Hindi mo maibibigay sa akin ang mga bagay na gusto ko… ang buhay na nakasanayan ko at hindi ko kayang maghirap katulad mo! Mag-focus ka na lang sa pamilya mo, Ryder. At kalimutan mo na lang ako…” Kinagat ko ang aking ibabang labi. Pagkatapos sabihin ang mga masasakit na salita dito. “Ikakasal na ako kay Lyndon dahil siya ang nararapat para sa akin, Ryder. Kalimutan mo na ako at mag-move on ka! Nakuha mo naman na ang gusto mo sa akin 'di ba? Siguro naman okay na iyong goodbye gift!" sinadya ko pang gawing mataray ang aking boses habang kausap ito.
“Nomi! Hindi ako nanini—”
“Tapos na tayo, Ryder! Naiintindihan mo ba?! Tapos na tayong dalawa! Kalimutan mo na ako! At huwag mo na akong guguluhin kahit na kailan!” Tinapos ko ang aming pag-uusap. Ini-off ko ang aking cellphone at inihagis iyon sa ibabaw ng kama.
Umiyak ako ng malakas, sumigaw at halos magwala sa loob ng kuwarto. Mahal na mahal ko si Ryder ngunit ayokong magdusa siya dahil sa akin. Hindi ko na kayang makita pa na may mangyaring masama sa miyembro ng pamilya nito. Dahil hindi ko na mapapatawad ang aking sarili.
Alam kong kamumuhian niya ako dahil sa ginawa ko. At tatanggapin ko ang lahat ng iyon, masigurado ko lang na walang mangyayaring masama sa pamilya nito.
“Sana makahanap ka ng babaeng magmamahal sa iyo ng wagas, Ryder,”, humihikbing sambit ko kahit na sobrang sakit no'n para sa akin.