Ryder's PoV
“Kuya, umalis na tayo rito! Nariyan na iyong mga body guard ni Sir Bing at baka kung ano pa ang gawin nila sa atin,” nag-aalalang sabi sa akin ni Nestor.
“Nomi! Lumabas ka na riyan at kausapin mo ako!” malakas na sabi ko na halos kalampagin ko ang malaking gate ng mga Vicosta.
“Ryder, umalis ka na rito dahil wala si Ma’am Nomi, nasa Tagaytay sila kasama ng pamilya ni Sir Lyndon,” nakangising sabi pa sa akin ng lalaking body guard na lumapit sa amin ni Nestor.
“Hindi iyan totoo!” galit na sigaw ko rito.
Nagtawanan lamang ang mga ito sa aking harapan. “Umalis ka na rito, Ryder. Kung ako sa iyo humanap ka na lang ng kapareho mong mahirap at iyon ang mahalin mo. Huwag ka nang umasa na pipiliin ka ni Ma’am Nomi dahil sigurado ako na si Sir Lyndon pa rin ang pipiliin niya dahil mayaman at napakagalante pa,” sabi pa ng isang bodyguard na nakipag-apir sa kasama.
Nagpantig ang aking tenga sa aking narinig. Sinuntok ko ito ngunit ginantihan nila ako. Dahil sa pagtatanggol sa akin ng aking kapatid ay nadamay pa ito. Marami sila higit sa sampu kaya wala akong naging kalaban-laban. Nabugbog ako at ganoon din ang aking kapatid. Halos gumapang ako sa daan at hindi pa nakuntento ang mga ito at tinutukan nila ako ng baril.
“Umalis na kayo! Baka makalabit ko iyong gatilyo!” tumatawag sigaw ng mga ito sa amin.
Duguan ang aking labi, at masakit ang buo kong katawan.
Masama ko silang tinignan na nagtatawan sa aming harapan ni Nestor.
“Kuya…” umiiyak na sabi ng aking kapatid. “Umalis na tayo… baka kung ano ang gawin nila sa atin at baka madamay pa sila Nanay,” humihikbing sabi nito sa akin.
Pinilit kong tumayo at inalalayan si Nestor. Tinungo namin ang tricycle na hiniram ko lang kay Mang Renato.
“Sige na layas! Humanap ka na lang ng ibang babae, Ryder!” Pang-aasar pa ng mga ito sa akin.
Pinahid ko ang dugo sa aking mga labi at pinaandar ang motorsiklo kahit na masakit ang aking katawan. Marahil totoo nga na umalis na si Nomi at wala ito sa mansion nila. Sobrang sakit sa akin na iwanan nito na wala man lang matibay na rason kung bakit. At ang masakit nakipaghiwalay ito sa akin sa cellphone lang. Masakit ang aking buong katawan pero mas masakit ang aking puso.
Iniisip ko kung paano ito nagawa sa akin ni Nomi. Tinalikuran niya ako matapos kong sabihin dito kagabi lahat ng mga plano ko. Sabay kaming nangarap at akala ko totoo ang mga pangarap na iyon. Umasa lang pala ako sa wala dahil ginawa akong t@nga ni Nomi, pinaasa lang pala niya ako.
Three years na umikot ang buhay namin sa isa’t isa. At itinapon lang nito ang three years na iyon ng ganoon kadali?
PAGDATING namin sa bahay ay sinalubong kami ni Nanay. Bakas ang pag-aalala nito sa amin ni Nestor. Halos himatayin pa ito habang nakatingin sa aming dalawa ng kapatid ko.
“Rylan, halika nga rito at kumuha ka ng yelo at bimpo, anak!” malakas na sabi ni Nanay. “Ano ang nangyari sa inyong magkapatid, ha?” umiiyak nitong tanong sa amin.
Umupo kami sa silya ni Nestor. Hinubad ko ang aking suot na duguang t-shirt at inilagay iyon sa aking balikat.
Lumapit sa amin si Tatay na bakas sa mukha ang galit. “Sinabi ko na kasi sa iyong tigilan mo na ang babaeng iyon dahil wala ka namang mapapala sa kanya!” sigaw sa akin ni Tatay.
“Tay, huwag na po kayong magalit kay Kuya Ryder,” pagtatanggol naman sa akin ni Nestor. Hawak nito ang kilay na nasugatan.
Bumuga nang malalim si Tatay at napailing na lamang.
“Lukas, huwag kang ma-stress at baka makasama pa sa iyo. Hindi ka pa nga tuluyang gumagaling, e. Baka kung mapano ka at bumuka iyang tahi mo sa ulo!” sermon naman ni Nanay sa aming ama.
“Sige, bahala ka na sa anak mong matigas ang ulo!” Inalalayan ni Roy si Tatay na makabalik sa silid nito.
Alam kong galit na galit si Tatay at kung wala lang itong iniindang sakit sa katawan ay baka sumugod na ito sa bahay nila Nomi.
Tumayo si Nestor at nagtungo sa kuwarto nito na may dalang yelo. Naiwan ako sa sala na kasama ni Nanay.
“Anak, panahon na siguro para tumigil ka na? Alam ko kung gaano mo kamahal so Nomi, alam ko kung paano umikot ang buhay mo sa kanya. Nagpapasalamat ako na naging inspirasyon mo siya at hindi ka naligaw ng landas, anak. Nakikita mo ba ngayon ang sarili mo, ha? Natawa na ako sa iyo, anak. Alam kong mahal na mahal mo si Nomi pero sana tanggapin mo na hindi kayo pareho ng estado sa buhay. Hindi kayo p'wedeng magkatuluyan dahil mahirap lang tayo at hindi tayo nababagay sa lugar nila,” umiiyak na sabi sa akin ni Nanay.
Tahimik na tumutulo ang aking mga luha. Tahimik lang ako at hindi kumibo. Ayokong nakikitang umiiyak si Nanay dahil sa akin.
Niyakap ako nito nang mahigpit. “Anak.”
Malakas ang pag-iyak ni Nanay habang yakap niya ako. Nasasaktan siya para sa akin.
Kumalas ako sa pagkakayakap ni Nanay at nagtungo ako sa aking sariling silid sa may kusina. Ini-lock ko ang pinto at umupo ako sa sulok.
Ikinuyom ko ang aking magkabilang kamay. Nanggagalaiti ako sa galit. Nakita ko ang larawan namin ni Nomi noong nag-aaral pa lamang kami ng college. Mahigpit kong hinawakan ang picture frame hanggang sa mabasag ang salamin no’n at bumaon sa aking palad ang mga bubog.
Pakiramdam ko namamanhid ang aking buong katawan. Maliban sa aking puso na sobrang sakit at durog na durog.
Pinahid ko ang luha sa aking mga na gamit ang t-shirt na hinubad ko.
“Patutunayan ko sa pamilya mo na karapatdapat ako!” Matalim akong tumingin sa larawan ni Nomi. “Makikita mo kung sino ang ipinagpalit mo sa iba, Nomi!” Duguan na ang larawan namin ni Nomi na hawak ko. Minsan pang tumulo ang luha sa aking mga mata sa sobrang sama ng aking loob sa aking nobya.
Tumayo ako at inilagay sa ilalim ng kama ko ang duguang larawan namin ni Nomi. Ginamot ko ang sugat sa aking palad at inalis ang mga bubog na naroon. Kumuha ako ng bagong mga damit ko at nagtungo sa banyo para maligo.
Nakatanggap ako ng email kagabi. Isa ako sa mga nakapasok at naging qualified sa trabaho sa isang kompanya sa Manila. Nag-apply ako bilang IT specialist at kaagad na natanggap. Hindi ko iyon sinabi kay Nomi dahil gusto ko sana siyang surpresahin ngayong araw dahil birthday niya. Ngunit imbes na ang aking nobya ang masurpresa ay ako, iniwan niya ako ng walang pasabi at tinapos sa tawag ang tatlong taon naming relasyon.
Kung ayaw niya sa akin, ganoon na rin ako. Tinalikuran niya ako kaya tatalikuran ko na rin siya.
Lumabas ako ng banyo na bagong ligo at nakapagbihis na ng pambahay kong damit. Sa susunod na linggo pa ako luluwas ng Manila at kailangan ko munang masiguardo na maayos ang aking pamilya bago ko sila iwan. Hindi pa nila alam na natanggap ako sa trabaho.
DALAWANG ARAW ang nakalipas pinilit kong maging normal ang takbo ng aking buhay. Kinahapunan, kakauwi ko lamang sa bahay namin dahil galing ako sa bahay nila Lola Corazon. Napahilot ako ng nabugbog kong katawan at bumili na rin ng gamot para sa mga pasa ko sa mukha.
Nadatnan ko si Nestor na hawak-hawak ang cellphone nito at mukhang naiiyak pa nang bumaling ito sa akin.
“Oh, bakit ganyan ang mukha mo? May napanood ka bang drama na sobrang nakakaiyak?” tanong ko bago umupo sa silya na nasa harapan nito.
Mabilis na umiling si Nestor at isinara ang hawak na cellphone. Tumayo ito at saka pinahid ang namamasang mga mata.
“Kuya, gusto mong ipagtimpla kita ng kape?” pang-aalok pa nito sa akin.
“Sige… saktong tamis lang, a. Si Rylan nga pala nasaan?” tanong ko habang nililinga ang buong paligid ng bahay namin.
“Nagpunta kina Aling Tess, Kuya. Sinamahan niya si Nanay na dumalaw sa burol,” sabi ni Nestor habang nasa kusina ito.
“Eh, si Tatay?”
“Nasa bahay nila Tito Bading, Kuya. Inihatid ko roon kanina dahil nabo-boring na raw dito sa bahay,” sabi nito habang palapit na sa akin. May hawak itong isang tasa ng kape. Ipinatong nito sa may lamesita.
“Oh, heto. May binili akong gamot, pain reliever at itong ointment para diyan sa gasgas mo sa pisngi. Sa susunod kapag may kaaway ako huwag kang sumasali kung ayaw mong nadadamay ka,” panenermon ko pa rito habang iniaabot ang binili kong gamot.
“Eh, Kuya. Hindi ko naman kayang makita ka na binubogbog. Sa bakasyon tatambay ako sa gym para magpalaki ng katawan.”
“Sira! Mag-aral kang mabuti at tulungan mo sina Nanay at Tatay dito sa bahay. Ikaw muna ang bahala sa kanila habang wala ako,” pagbibilin ko rito.
Nagulat si Nestor sa sinabi ko. “Kuya?”
“Mag-aaral ka na ng kolehiyo next year kaya dapat na magtrabaho na ako. Mas malaking kita para mas marami tayong pera,” seryosong sabi ko rito.
“Kuya…”
“Nestor, kailangan nating matulungan. Gusto kong nabayaran ang lahat ng perang ibinigay ni Nomi sa atin lalo na noong na-hospital sina Nanay at Tatay. Ayokong magkaroon ng kahit anong utang na loob sa kanila.”
Nakatitig lamang sa akin si Nestor. “Sige, Kuya. Mabuti na rin iyon dahil ikinasal na si Ate Nomi sa isang mayamang businessman sa Tagaytay,” sabi pa nito sa akin.
Natigilan ako sa sinabing iyon ni Nestor. “A-Ano ang sinabi mo?”
Kinuha nito ang cellphone sa bulsa at binuksan iyon. Ipinakita nito sa akin ang larawan nina Nomi at Lyndon sa isang hotel sa Tagaytay. Nakasuot ng mamahaling bridal gown si Nomi at American suit si Lyndon. Magkayakap ang dalawa at kumikinang ang diamond ring na suot ni Nomi.
“Sinungaling si Ate Nomi, Kuya!” matigas na sabi sa akin ng aking kapatid.
Hindi ako nakaimik dahil nabigla ako. Kung ganoon totoo ang sinasabi ng mga bodyguards ng mga Vicosta.
Ganoon lang pala ako kadaling palitan. Pakiramdam ko para akong basura na itinapon dahil Wala ng pakinabang.
Tumayo ako at tinapik ang balikat ni Nestor. “Sunduin mo na mamaya si Tatay. May bibilhin pa pala ako sa botika,” pagsisinungaling ko sa aking kapatid.
Ang totoo, gusto ko lamang makalayo at makalimot sandali. Tripleng sakit ang dinulot ng balitang iyon sa akin.
Pakiramdam ko… tuluyan nang tinapos ni Nomi ang ugnayan naming dalawa sa isa’t isa. Tuluyan na nitong tinuldukan ang lahat. Naglaho na ang lahat ng mga pangarap at naiwan akong umaasa sa mga pangarap na binuo naming dalawa.