Nomi's PoV
NAKAUWI na si Daddy sa hospital ngunit nasa hospital naman ngayon ang parehong magulang ni Ryder. Na-hit and run si Tatay Lukas. Pababa na ako ngayon ng hagdan para puntahan ang aking kasintahan sa hospital. Alam kong kailangan niya ako ngayon.
Ngunit paglabas ko ng aking kuwarto ay ang paglabas din ng aking mommy mula sa master's bedroom.
“Saan ka na naman pupunta? Hindi mo ba talaga titigilan ang lalaking iyon, Nomi? Hanggang saan ka dadalhin ng pag-ibig mo para sa hampaslupang lalaki na iyon, ha?” galit na galit na tanong sa akin ni Mommy na nagpameywang pa sa aking harapan.
“Mom, please. Ayokong makipagtalo ngayon. Nasa hospital si Tatay Lukas at kailangan ako ni Ryder,” pakiusap ko rito.
“Sige. Bibigyan kita ng isang linggo para makasama ang nobyo mo. At pagkatapos, magpapakasal na kayo ni Lyndon. Hindi mo na p'wedeng takasan ang tadhana no bilang tagapagmana ng ating negosyo. Mahal ka namin ng Daddy mo kaya namin ito ginagawa para sa iyo. Sana naiintindihan mo kamo anak.” Tinalikuran ako ni Mommy at nauna na itong bumaba ng hagdan.
Gusto kong sumagot ngunit pinilit kong manahimik. Hindi ko alam kung mahal ba talaga ako ng aking mga magulang o ginagawa lamang nila akong collateral para sa ikakabuti ng negosyo nila at estado sa buhay.
Malungkot kong tinungo ang kinaroroonan ng aking sasakyan. Nakita ko si Mommy sa garden na kausap ang secretary ni Daddy ngunit hindi nila ako pinansin. Alam kong tungkol na naman iyon sa partnership ng pamilya ko at ni Lyndon.
HABANG nagmamaneho ako ng sasakyan ko ay may tumatawag sa aking cellphone. Tinignan ko iyon sa pag-aakalang si Ryder ngunit nang makita ko ang pangalan ni Lyndon ay hindi ko iyon sinagot. Sigurado ako na sasabihin niya ang nangyari sa Tatay ni Ryder. Sinisisi ko ang aking sarili sa mga nangyayari sa buhay ng aking nobyo. Hindi ko alam kung ano ang dapat kong gawin o kung tuluyan na talaga akong lalayo.
Nahihirapan na akong nakikita itong nasasaktan dahil sa akin. Kailangan kong nakapagdesisyon bago pa mahuli ang lahat.
Dumiretso ako sa hospital kung saan naroon ang mga magulang ng aking nobyo. Ang sabi sa akin sa text ni Nestor nasa emergency room daw si Tatay Lukas at nasa adult ward naman si Nanay Fe. Maayos na ang kalagayan nito habang si Tatay Lukas kailangan pang masalinan ng dugo dahil tinahi ang ulo nito matapos mabangga ng rumaragasang kotse. Nasabi rin sa akin ni Nestor na kailangang lagyan ng steel ang kanang braso ni Tatay Lukas dahil nabali iyon.
Papasok na ako sa hospital pero nakasalubong ko si Ryder na tila wala sa sarili. Hindi pa niya ako napansin kung hindi ko hinawakan ang kanyang kamay.
“Baby…” nag-aalalang sabi ko rito.
Tumingin si Ryder sa akin at tinitigan lamang ako sa mga mata. Niyakap ko siya nang mahigpit ngunit hindi ko naramdaman ang kamay nitong yumayakap sa akin.
Kumalas ako sa pagkakayakap ko sa aking nobyo at hinila ang kamay nito patungo sa mga upuan sa may waiting area.
“Ba-Bakit ka nandito?” mahinang tanong nito sa akin.
Hinarap ko si Ryder at hinaplos ang magkabilang pisngi nito. “Nandito ako dahil kailangan mo ako, baby. Nandito ako para sa iyo… para kina Tatay Lukas at Nanay Fe. Ayaw mo ba na nandito ako?” malungkot na tanong ko rito.
Alam ko ang dahilan ngunit pinipili kong itago iyon kay Ryder. Ayokong kamuhian nito nang husto ang aking mga magulang. Gumagawa naman ako ng paraan para magustuhan nila Mommy at Daddy ang aking kasintahan.
Inalis ni Ryder ang aking mga kamay sa magkabilang pisngi nito. “Umuwi ka na lang sa inyo.”
“Baby…”
“Nomi!” malakas na sabi nito sa akin na ikinabigla ko.
“Galit ka ba sa akin?” naiiyak na tanong ko rito. “Hindi mo na ba ako mahal? Sumusuko ka na ba, baby?” Tumulo ang aking luha habang nakatingin sa aking nobyo.
Bumuga ito ng malalim at niyakap niya ako nang mahigpit. “Sorry…”
Niyakap ko rin ng mahigpit si Ryder at umiyak ako sa balikat nito ng tahimik.
“Mahal na mahal kita, Ryder. Nandito ako para sa iyo… dahil pinipili kita sa kahit ano pang bagay na mayroon ako. Alam ko na iniisip mong may kinalaman ang mga magulang ko sa mga nangyayari sa inyo. Sana… huwag mo akong idamay sa anumang galit mo sa kanila. Alam kong nasasaktan at nahihirapan ka na. At naiinis ako sa aking sarili dahil wala akong magawa,” lumuluhang sabi ko rito.
“Huwag mong sisihin ang sarili mo, baby. Sorry, nabigla lang ako. Marami lang akong iniisip at ayokong madamay ka sa mga problemang iyon.”
Bumitaw ako sa pagkakayakap ni Ryder. “Kung tungkol sa pe—”
Mabilis itong umiling sa akin. “Ginamit ko ang philhealth nila Nanay at Tatay kaya wala na akong problema sa pera. Alam kong kaya mong magbigay ng kahit na magkano pero hindi mo na iyon kailangan pang gawin.”
Nahihiya akong tumango dito. “Sorry…”
Hinawakan ni Ryder ang aking kamay at hinagkan iyon. “Sorry.” Binitawan nito ang aking kamay at pinagtiklop ang mga palad nito ‘tsaka sumandal sa may silya. “Hindi ko maiwasang isipin na may kinalaman ang mga magulang mo, Nomi. Hindi ko kayang magbintang ngunit ayokong magsinungaling sa iyo. Galit na galit ako sa mga magulang mo… wala akong ginawang masama sa inyo. Hindi ko kasalanan na lubusan kitang minahal.”
Muling tumulo ang luha sa aking mga mata. “Ako na ang humihingi ng tawad sa mga nagawa nila.”
Inihilamos ni Ryder ang magkabilang mga palad nito sa mukha at tahimik na umiyak sa aking tabi. Alam kong sobrang bigat na ng loob nito at naaawa na ako rito. Galit na galit din ako sa aking mga magulang dahil kahit na ano pa ang gawin ko sarado ang kanilang puso at isip.
Naging tahimik kami ni Ryder habang magkatabi sa upuan. Hindi ko alam kung ilnag oras kaming nanatili sa waiting area. Nang makita nito si Nestor ay kaagad na tumayo si Ryder. May hawak na reseta ng doctor si Nestor na ibinigay nito sa kapatid.
“Kuya, kailangan mong bilhin ang mga iyan para sa gamot ni Tatay,” malungkot na sabi ni Nestor sa kapatid.
“Sasamahan na kitang bumili.” Kinuha ko sa kamay nito ang reseta ng mga gamot na kailangan nitong bilhin. Hindi nagsalita si Ryder at napatingin na lamang sa akin. “Nestor, bumalik ka na sa emergency room kung saan naroon si Tatay Lukas. Ikaw na muna ang bahala habang bumibili kami ng mga gamot,” seryosong bilin ko rito.
Sige po, Ate Nomi,” magalang na sagot nito sa akin.
“Nomi, ako na ang bibili,” mahinang sabi ni Ryder sa akin.
Tiningala ko siya at umiling ako. “Ako na. Hayaan mong makatulong ako sa iyo.” Nararamdaman kong nahihiya si Ryder ngunit kailangan dahil alam kong wala rin itong pera. Kabisado ko na si Ryder at alam ko kung nagsisinungaling ito sa akin o hindi. At hindi nito maitatanggi ngayon na kailangan niya ang tulong ko.
Binili ko ang lahat ng mga gamot ni Tatay Lukas lalo na ang pain relievers at antibiotics. Pagkatapos dumaan kami sa mini grocery at bumili na rin ng inuming tubig, mga biscuits, gatas at cup noodles. Nag-take out na rin kami ng pagkain sa karinderya na nasa tabi lamang ng mini grocery.
Mabuti na lang maraming bilihan ng pagkain sa labas ng hospital kaya naman hindi na namin kailangan pang lumayo.
“Babayar—”
“Baby, ayokong marinig ang salitang iyan sa iyo. Please… isipin mo na ginagawa ko ito hindi dahil kailangan kun'di dahil gusto kong tumulong at para sa iyo dahil mahal na mahal kita. Sana huwag mong isipin na utang ang lahat, baby.”
Napilitan itong tumango sa aking sinabi. Bitbit nito ang mga pinamili namin habang magkasabay kaming naglakad papasok sa hospital.
Nagtungo si Ryder sa Tatay Lukas nito at ako naman pinili kong puntahan si Nanay Fe na nasa adult ward. Sampung kama ang nakahilera sa loob at naroon sa bandang dulo si Nanay Fe. Nilapitan ko siya at nagmano ako sa kanya.
“Maupo ka, Nomi.” Inilahad nito ang kamay sa silyang nasa tabi ng kamang hinihigaan nito.
Maaliwalas na ang mukha ni Nanay Fe. Mukhang maayos na talaga ang kalagayan nito ngayon.
“Kumusta na po kayo?” pinilit kong pasayahin ang aking boses kahit na nahihiya ako na nakaharap dito.
Dahan-dahang umupo si Nanay Fe. Inalalayan mo siya at umupo ako sa gilid ng kama.
“Mahal na mahal ka ng anak ko, Nomi. Ngunit habang minamahal ka niya ng labis heto siya at nagdurusa. Naaawa na ako sa aking anak gusto kong sabihin sa kanya na layuan ka na niya ngunit alam kong hindi nito iyon magagawa dahil para may Ryder ikaw lang ang nag-iisang babae para sa kanya. Anak, kaya mo ba talagang panindigan ang pagmamahal mo para sa anak ko?” lumuluhang tanong nito sa akin.
Mabilis akong tumango at pinahid ang namamasa kong mga mata.
“Mahal na mahal ko po si Ryder, Nanay Fe.”
Hinawakan nito ang aking mga palad. “Salamat. Sapat na sa akin na marinig na mahal mo rin ang aking anak.
Niyakap ko si Nanay Fe nang mahigpit. Hindi nito alam na narito rin ngayon si Tatay Lukas sa hospital. Hindi gustong ipaalam ni Ryder dito dahil baka muling tumaas ang blood pressure nito at kung ano pa ang mangyaring masama sa Nanay nito.