Nomi's PoV
NANDITO ako ngayon sa loob ng kuwarto ko dahil pinilit kong umuwi. May kapitbahay si Ryder na nagsumbong sa akin sa ginawa ng mga magulang ko rito at hindi ko iyon nagustuhan. Galit na galit ako sa mga parents ko dahil sa panlalalit nila kay Ryder pati na rin sa mga magulang nito.
“Bakit ka nandito? Hindi ba’t kailangan mong gawin ang mga ipinapagawa ko sa inyo ni Lyndon? Akala ko ba malinaw na sa iyo ang dapat mong gawin, Nomi?! Ikaw ang tagapagmana ng Vicosta Wirings pero nagpapakat@nga ka sa Ryder na iyon!" sigaw sa akin ni Daddy na halos mapatid na ang ugat sa leeg nito. Sinugod niya ako dito sa aking kuwarto nang malaman nitong umuwi ako ng walang pasabi.
“Hindi na ako aalis para gawin ang gusto ninyo, dad! Akala ko okay na tayo, nangako sa akin si Mommy na magiging maayos ang lahat kapag nakinig ako sa inyo. Akala ko maiintindihan ninyo ako at bibigyan ninyo kami ng chance ni Ryder,” umiiyak na sambit ko. "Hindi ko ginusto na maging tagapagmana ako ng Vicosta Wirings! At hindi na ako susunod sa inyo sa kahit na anong ipapagawa ninyo sa akin!"
Nilapitan ako ni Daddy at sinampal niya ako ng malakas sa aking kanang pisngi. Imbes na umiyak ay pinahid ko ang mga luha sa aking mga mata. At tumingin ng masama dito.
“Sige… sampalin ninyo ako, saktan ninyo ako at lumpuhin, daddy. Hindi nito mababago ang nararamdaman ko kay Ryder. Wala siyang ginagawang masama sa atin kaya bakit ganoon na lamang ninyo siya tratuhin na para bang isang basahan,” matapang na sabi ko.
Lumapit si Mommy at inalalayan nito si Daddy na napahawak sa dibdib nito. Nahihirapan itomg huminga at napakapit pa sa braso ni Mommy.
“Nomi! Kung alam mo lang ang ginawa sa amin ng mga magulang ni Ryder! Binuhusan niya kami ng maruming tubig at ipinahiya sa mga tao!” umiiyak na sabi ni Mommy.
“Dahil hinahamak na ninyo ang pagkatao ni Ryder, Mom. Hindi lang siya umiimik sa inyo pero sumobra na kayo sa ginawa ninyong panlalait sa mga magulang niya. Hindi po sila naging masama sa akin kaya sana man lang inirespeto ninyo ang mga magulang ni Ryder,” humihikbing sabi ko rito.
“Ipinatatanggol mo pa talaga ang lalaking iyon!” singhal sa akin ni Daddy.
“Manang Belen!” umiiyak na sigaw ni Mommy sa aming kasambahay. “Tawagin mo si Mang Pablito at dalhin natin sa hospital ang Sir Bing mo!” aligagang sabi ni Mommy na inaalalayan si Daddy na makatayo.
Tinapunan ako ng masamang tingin ni Mommy. Nag-aalala ako para sa aking ama pero iniisip ko si Ryder ngayon. Lalo na’t may nakapagsabi sa akin na sinira ang puwesto nito sa palengke ng mga hindi pa nakikilalang mga salarin.
Naakalis na sa aking kuwarto sina Mommy at Daddy. Narinig ko pa ang malalakas na pagtawag ni Mommy kay Mang Pablito para dalhin sa hospital si Dad.
Gusto kong sumunod sa mga ito ngunit hindi ko na lang ginawa. Baka mas lalong tumaas ang presyon ng aking ama kapag nakita niya ako.
Minabuti kong tawagan si Ryder ngunit hindi ito sumasagot. Hindi ko tuloy alam kung ano na ang nangyayari rito.
Nahihiya ako kay Ryder at wala akong mukhang maiharap dito lalo na sa mga magulang nito na napakabuti sa akin.
BUMUGA ako nang malalim bago magdesisyon na puntahan si Ryder. Ginamit ko ang aking sasakyan at nagtungo sa bahay ng binata. Hindi ko ito nakita roon at sarado rin ang bahay nila.
Nagtungo ako sa palengke at nakita ko roon si Lola Corazon. Kaagad ko siyang nilapitan at nakita ko ang puwesto ni Ryder na inaayos ng mga kalalakihan.
“Nomi, bakit dito ka dumiretso, apo?” bakas ang lungkot sa mukha ng matanda.
“Si… Ryder po?” nahihiya kong tanong dito. Nakatingin din sa akin ang mga ibang tindera at tindero na kasamahan ng binata. Alam kong pinag-uusapan nila ako at alam ko rin na tungkol iyon sa mga magulang ko.
“Nasa hospital si Ryder, apo. Inatake kasi ng asthma si Fe kaya siya isinugod doon ni Ryder. Si Lukas naman nagpunta sa police station kanina para mag-report.” Tinignan ako pailalim ni Lola Corazon. Alam ko ang tingin na iyon, alam kong itatanong nito kung may alam ako sa ginagawa ng mga magulang ko sa apo nito. “Mahal na mahal ka ng apo ko, Nomi. At kahit na hindi nagsasalita si Ryder sa akin alam kong nahihirapan na rin ang aking apo. Sana man lang may magawa ka para sa kanya,” naiiyak na sabi nito sa akin.
“Gusto po ba ninyong sabihin sa akin kung may kinalaman ang mga magulang ko sa nangyayari ngayon?” mahina kong tanong dito.
“Usap-usapan dito sa palengke ang ginawa ng mga magulang mo. Nagpunta sila sa bahay nina Ryder at narinig ng mga kapitbahay na pinagsabihan ng mga magulang mo ng masakit na salita ang aking apo. Mabait na bata si Ryder, apo. Wala kang maririnig sa kanya na reklamo kahit na nasasaktan siya ay okay lang sa kanya. Kaya naaawa ako sa aking apo dahil hindi niya dapat ito nararanasan,” umiiyak na pagkukuwento nito sa akin.
Nahihiya akong tumingin kay Lola Corazon. “Ako na po ang humihingi ng pasensya sa mga nagawa ng mga magulang ko, Lola Corazon. Aalamin ko po ang totoo at kung may kinalaman sila sa nangyari dito sa palengke.”
Hinawakan ni Lola Corazon ang aking kamay. “Apo… kung hindi kayang tanggapin ng mga magulang mo si Ryder. Ibaon mo na lang ang pag-ibig mo sa kanya. Ayokong nakikitang nahihirapan ang aking pamilya.” Binitawan nito ang aking kamay at saka niya ako tinalikuran.
Alam kong napilitan lang si Lola Corazon na sabihin iyon sa akin. Naiintindihan ko na gusto lamang nitong protektahan si Ryder.
Mabigat ang aking mga paa na umalis ako sa palengke. Habang nasa labas ng paradahan ng mga sasakyan sa harapan ng entrance ng palengke ay nakasalubong ko si Ryder.
Kaagad ko siyang nilapitan at niyakap naman niya ako ng mahigpit. Sobrang higpit na halos hindi na ako makahinga.
Umaalog ang mga balikat nito at alam kong umiiyak ito sa aking balikat.
Itinulak ko siya upang tumingin sa mga mata nito. Hinawakan ko ang kamay ni Ryder at pinagbuksan ko siya ng pinto ng aking sasakyan sa tabi ng driver's seat. Nang makapasok ito sa loob ay pumasok na rin ako ng sasakyan ko at pinaandar ang makina.
Kinukusot ni Ryder ang mga mata nito. Itinigil ko ang aking sasakyan sa tabi ng daan.
Hinarap ko ang aking kasintahan at sinapo ang magkabila nitong pisngi.
“Baby…” umiiyak na sambit ko.
“Nasa hospital pa rin si Nanay, baby. Mabuti na ang kalagayan niya pero kailangan pa rin siyang maobserbahan ng mga doctor dahil inaatake din siya sa puso,” malungkot na sagot nito sa akin.
Binitawan ko ang mukha ng aking kasintahan at kinuha ang aking bag. Inilabas ko ang aking wallet at ibinigay ang lahat ng laman niyon dito.
“Please… kunin mo na ito. Alam kong kailangan mo ngayon ng pera, baby. Bayaran mo sa akin kapag nakaluwag ka na. Sorry, sa ginawa ng mga magulang ko. Hindi ko na rin alam ang gagawin ko. Nahihiya na ako sa iyo, baby. Hindi ko rin kayang humarap sa mga magulang mo.”
“Huwag mong sisihin ang sarili mo, Nomi. Wala ka namang kasalanan sa amin. Hindi mo kasalanan na mayaman ka at umibig ka sa akin. Salamat sa tulong, hayaan mo kapag nakabalik na ako sa pagtitinda ay ibinabalik ko rin ito sa iyo, baby.”
Pinahid ko ang luha sa aking mga mata. Nakikita ko kung gaano nahihirapan si Ryder.
“Baby… mahal na mahal kita.” Hinawakan nito ang aking kaliwang pisngi. “Huwag ka sanang sumuko. Alam kong makakaya natin ang lahat ng ito.” Nginitian ako ni Ryder kahit na may iniinda itong sariling problema.
Pinilit kong ngumiti upang mabawasan ang bigat na nararamdaman ng aking kasintahan. Niyakap ko siya nang mahigpit upang iparamdam dito na hindi ko babaliin ang aking pangako.
“Mahal na mahal kita, baby. Mamahalin kita habangbuhay,” umiiyak na sabi ko habang mahigpit ko itong yakap.