Kabanata 8

1680 Words
Nomi's PoV INIHATID ko si Ryder sa hospital kung saan naka-confine si Nanay Fe. Hawak nito ang aking kamay patungo sa loob ng hospital. Hindi ko inaasahan na makikita ko rin doon ang aking Ina. Nakaupo ito sa may waiting area na nasa tapat ng billing. Binitawan ni Ryder ang aking kamay ngunit mahigpit ko ulit iyong hinawakan. Hinintay ko ang aking Ina na lumapit sa amin ni Ryder. At nagulat ako nang bigla niya akong sampalin ng malakas. “Na-stroke ang Daddy mo dahil sa galit niya sa iyo!” umiiyak na sabi ni Mommy sa akin. “At heto ka pa rin! Ipinagpalatuloy mo ang pakikipagrelasyon mo sa lalaking iyan! Nomi, mag-isip ka naman! Pipiliin mo ba ang lalaking iyan na walang silbi kaysa sa amin na mga magulang mo, ba?!” nanggagalaiting tanong nito sa akin. Nakatingin sa amin ang mg taong dumaraan sa may tapat ng billing. Napapahinto ang mga doctor at nurse. May lumapit pa sa amin na security guard dahil biglang lumakas ang boses ni Mommy. “Ma’am, nandito din ang Nanay ko sa hospital. Inatake siya ng sakit niya dahil may masamang nangyari sa puwesto ko sa palengke. Alam kong galit na galit kayo sa akin pero sana wala kayong kinalaman sa—” “Pinagbibintangan mo ba ako?!” nanlalaki ang mga matang tanong ni Mommy. “Sino ka para pagbintangan ang isang katulad ko, ha!” singhal pa ni Mommy kay Ryder. Binitawan ko ang kamay ni Ryder at nilapitan ang aking Ina. “Mommy, huwag naman dito,” mahinang sabi ko. “No! Pinagbibintangan ako ng hampaslupang nobyo mo, Nomi. Ganyang klase ba talaga ng lalaki ang gusto mo, ha? Wala siyang respeto!” Tinignan ko sa mga mata si Ryder. Gusto nitong sumagot ngunit umiling na lamang ako. Nahihiya ako sa aking nobyo dahil sa ginagawa ni Mommy na pagpapahiya rito. Pilit kong inilalayo ang aking Ina pero dumating si Lyndon. Kalalabas lamang nito sa loob ng billing at may hawak na resibo. “Iho, pinagbibintangan ako ng lalaking iyan!” pagsusumbong ni Mommy kay Lyndon. Kaagad na nilapitan ni Lyndon si Ryder. Pareho ang taas ng dalawa mas lamang nga lang ng laki ng pangangatawan si Ryder dahil maaga nitong pinasan sa balikat ang mga responsibilidad. Binitawan ko si Mommy at pumagitna ako sa kanilang dalawa. “Tigilan mo na si Nomi. Wala ka ng magagawa kung Ako ang pakakasalan niya at hindi ikaw. Wala kang kakayahan na maging asawa niya, Ryder. Tanggapin mo na lang na hindi ka nararapat kay Nomi. Kung ako sa iyo, lalayo na lang ako at kakalimutan na nakilala mo si Nomi.” Hinatak ako ni Lyndon at laking gulat ko nang halikan niya ako sa aking mga labi. Mabilis akong napatingin kay Ryder. Nakakuyom ang kamay nito habang nakatingin sa amin ni Lyndon. Mahigpit na hinawakan ni Lyndon ang aking bewang. “Magpaalam ka na sa nobyo mo, Nomi. At humanda sa kasal nating dalawa,” bulong nito sa akin bago bitawan. Pinahid ko ang aking mga labi na hinalikan ng binata. Nakayuko akong humarap kay Ryder at dahan-dahang pumihit para humakbang palayo sa aking nobyo. “Baby…” mahinang tawag nito sa akin. Gusto ko siyang lingunin pero hindi ko ginawa. Nagpatuloy ako sa paglalakad palayo rito… ayokong makita itong nasasaktan dahil sa akin. NAGTUNGO kami sa private room sa second floor kung saan naroon si Daddy. Ang sabi sa akin kanina ni Mommy na-stroke ito ngunit sa nakikita ko parang wala namang nangyari dito. Masigla si Daddy na nakikipag-usap kay Tito Joseph. At ang nadatnan kong usapan nila ay tungkol sa amin ni Lyndon. “Kasal?” Umupo si Lyndon sa sofa at nag-cross legs ito. Si Mommy naman lumapit kay Daddy at umupo sa may gilid ng kama kung saan naroon si Daddy. Napatingin naman sa akin si Tito Joseph at ngumiti. “Yes, iha. Ikakasal kayo ni Lyndon next month. At nakahanda na ang lahat ng iyon,” nakangiting sabi pa nito sa akin. Namasa ang aking mga mata. Kung ganoon itinuloy talaga ng mga ito ang plano nang walang pahintulot ko. “Hindi ko pakakasalan ang isang taong hindi ko mahal, Tito Joseph,” naiiyak na sabi ko rito. Tinawanan ako nito ng malakas. “Ganyan din ang sinabi noon sa akin ng Tita Celes mo, Nomi. Natuturuan ang puso na magmahal, iha. Siguro hindi mo pa mahal si Lyndon ngayon pero mahal ka ng anak ko. Mamahalin mo rin siya dahil mabuting tao ang aking anak at tagapagmana ng Milano Corporation,” pagmamayabang pa nito sa akin. “Huwag nang pansinin si Nomi, Joseph. Walang makakahandlang sa kanilang kasal, at sa mga plano natin para sa kanilang dalawa.” Hindi man lang tumingin sa akin si Daddy. Si Mommy naman galit na nakatingin sa akin. Pakiramdam ko nawalan na ako ng boses sa aming pamilya. Tinanggalan ng karapatan at ginawang manikang de susi. Lumabas ako ng kuwarto ni Daddy. Hindi ko alam na sinundan pala ako ni Lyndon. “See? Pakakasalan mo ako, Nomi. At alam ko ginagawa nila ang lahat para matuloy ang kasal nating dalawa.” Napahinto ako sa paglalakad at liningon ito. “May alam ka ba sa ginagawa nila Daddy sa pamilya ni Ryder?” Mahinang tumawa si Lyndon. “Para sa kanila isang langaw lang si Ryder na nakatungtong sa kalabaw, my love. Kalimutan mo na ang lalaking iyon kung ayaw mong tuluyang masira ang buhay niya dahil sa iyo. Iyong nangyari sa palengke umpisa pa lang iyon… at baka mas worst pa ang mangyayari kung ipinagpatuloy mong suwayin ang gusto ng mga parents natin. Kung nagagawa ni Ryder na paligay@hin ka sa kama…” Nilapitan niya ako at hinapit ang aking bewang. Hinaplos nito ang aking pisngi at idinikit ang bibig sa aking leeg. “Kaya ko rin iyong gawin… mas magiging maligaya ka pa. Gusto mo bang subukan?” mahinang tanong nito sa akin habang sumasayad ang mga labi sa aking leeg. Itinulak ko siya nang malakas. “Managinip ka hanggang gusto mo, Lyndon! Hindi mangyayari ang plinaplano nin—” Tumunog ang cellphone ni Lyndon at sinagot iyon ng mabilis ng binata. Hinatak niya ako at idinikit nito ang cellphone sa aking tenga. “Boss, nakasunod kami ngayon kay Mang Lukas. Sabihin lang ninyo kung tutuluyan na ba namin siya,” boses ng isang matandang lalaki sa kabilang linya. Kaagad na pinutol ni Lyndon ang pakikipag-usap nito sa matanda. “Cellphone ito ng daddy mo.” Ipinakita nito sa akin ang cellphone na hawak nito. At hindi nga ito nagsinungaling. Inilahad nito sa harapan ko ang cellphone ng aking ama. “Kaya mo bang isumbong sa mga pulis ang daddy mo?” pang-aasar na tanong pa nito sa akin. “P'wede mo iyong gawin para matapos na rin ang kahibangan ng mga magulang mo? Kunin mo na, Nomi. Hindi kita pipigilan sa gagawin mo.” Hindi ko kinuha ang cellphone ng aking ama na hawak nito. Imbes na sumagot ay tinalikuran ko siya. “Hindi mo matatakasan ang gusto nila para sa atin. Ngayon pa lang magdesisyon ka na, Nomi. Ayokong mabalitaan na may hindi magandang nangyari sa mga magulang ng nobyo mo,” sabi pa nito bago ko narinig na naglakad na ito palayo sa akin. Pumatak ang luha sa aking mga mata at bumilis ang pagtibok ng aking puso. Magiging selfish ba ako kung sakaling pag-ibig namin ni Ryder ang pipiliin ko? Ano ang dapat kong gawin ngayon? Pinahid ko ang luha sa aking mga mata at ilang beses na bumuga ng hangin. Tumunog ang aking cellphone at isang text messages ang aking natanggap galing sa aking nobyo. “Nandito ako sa labas ng hospital. Malapit dito sa may canteen, puntahan mo ako at mag-usap tayong dalawa.” Isinara ko ang aking cellphone at ipinagpatuloy ang aking pagbaba. Kinagat ko ang aking ibabang labi at pinigil na muling umiyak. Mahal na mahal ko si Ryder ngunit paano naman ang pamilya nito? Hindi ko naman kakayanin na may mangyaring masama sa mga magulang nito. Imbes na puntahan si Ryder sa canteen ay pinili kong magtungo sa naka-park kong sasakyan. Kailangan ko munang ilayo ang aking sarili at mag-isip kung ano ang dapat kong gawin. “Iniiwasan mo ba ako kaya ka aalis?” malungkot na tanong sa akin ng isang pamilyar na boses. Nilingon ko ito na nakasandal sa hood ng aking kotse. Malungkot ang mga mata ni Ryder na nakatingin sa akin. “Totoo ba na ikakasal ka kay Lyndon?” madamdamin nitong tanong habang palapit sa kinatatayuan ko. “Iyon ang gusto ng mga magulang ko at kasunduan ng mga parents namin.” Pinigil ko ang pagtulo ng luha sa aking mga mata. “Baby, hindi ko alam kung paano ko sasabihin sa iyo na—” “Gusto mong layuan na lang kita at hayaang magpakasal sa iba?” pagpapatuloy nito. Pumatak na ang luha sa aking mga mata. Nadudurog ang aking puso habang nakatingin dito. “Nomi… mahal na mahal kita, alam mo naman iyon ‘di ba?” malungkot nitong tanong sa akin sabay haplos sa aking pisngi. “Natatakot ka ba sa p'wedeng gawin ng mga magulang mo para lamang mapalayo nila ako nang tuluyan sa iyo?” tanong nito habang nakatingin sa aking mga mata. Hindi ako sumagot at patuloy lang sa pag-iyak. Niyakap ako nang mahigpit ni Ryder. Sinuklian ko ng mahigpit na yakap ang ginawa nito sa akin. Nagsumiksik ako sa dibdib ng aking kasintahan habang umiiyak ako sa labis na sama ng loob sa aking mga magulang. “Handa kitang ipaglaban sa mga magulang mo, baby. Hindi ako papayag na sirain nila ang pagmamahalan nating dalawa. Mangako ka sa akin na kahit na ano pa ang mangyari hindi ka magpapakasal sa lalaking iyon,” seryosong sabi nito sa akin. Tumango na lamang ako rito. Hindi ko alam kung ano ang dapat kong sundin. Kung ang aking puso na labis na masasaktan kung sakaling bitawan ko si Ryder o ang isip na nagsasabing kailangan kong layuan ang binata para protektahan ang pamilya nito laban sa aking mga magulang.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD