CONTINUATION : TULUYAN na akong tumigil sa pagsasayaw. Para namang ipinagtiyap, natapos na rin ang tugtog. Mabuti naman. Baka kung magtatagal pa ay tuluyan nang humulagpos ang pagtitimpi ko. Kaunting-kaunti na lang talaga ay bibigay na ako. "Pasensya na po, Sir. Tapos na po ang kanta. Hanggang doon lang po ang usapan namin ng mga kaibigan n'yo." Kamuntik ko nang palakpakan ang sarili ko dahil sa haba ng sinabi ko, ay hindi ako pumiyok. Nangingilid na kasi ang mga luha ko. Pati ang lalamunan ko, ang sakit-sakit na rin sa pagpipigil ko na maiyak. Wala na. Confirmed na talaga. Hindi ganoon ka-faithful sa akin ang asawa ko. Maaaring mahal niya nga ako, oo. Alam ko naman iyon. Ramdam ko. Pero hindi ibig sabihin niyon ay kuntento na siya sa akin. Iba ang mahal lang, sa pagiging kuntento.

