"TAMANG-TAMA ANG LABAS N'YONG MAG-INA, nakahain na. Kakatukin ko na nga sana kayo." Bungad sa akin ni Nanay, pagkalabas pa lamang namin ng silid. "Kagigising lang ho kasi ni Thirdy." Sagot ko. Bumaba ang tingin ng nanay ko kay Thirdy na akay ko sa isang kamay. Nakapantulog pa rin ang anak ko. Hindi ko pa ito binihisan, dahil ang balak ko ay pakainin muna ng almusal bago paliguan. Medyo tinanghali ito ng gising. Napagod marahil sa biyahe kahapon, idagdag pa ang malamig at sariwang simoy ng hanging pang-probinsya. Walang aircon ang aming silid pero ang himbing ng naging tulog nito. Basta binuksan ko lang ang bintana para pumasok ang sariwang hangin. Hindi naman ako nangangamba na pasukin ng mga lamok dahil may screen naman ang bintana. "Halika na, Apo. Nagprito ako ng manok para sa iyo.

