CHAPTER TEN

1122 Words
“HINDI ba sobra-sobra `tong ayos ko para kumain lang ng lunch?” aniya sa mga kasamang bakla. Nagpatulong man siya sa dalawa para sa kanyang susuotin, sa huli, siya pa rin ang namili ng dress na agad naman sinang-ayunan ng dalawa. “Naku, Madam. Kulang pa nga `yan,” ani Jaymee bago isinuot sa kanya ang isang kwentas. “Hindi mo man maalala pero ito ang paborito mong piece, Madam. Isa itong diamond necklace na nag-iisa lang sa mundo. Bigay `to ng Daddy at Mommy niyo bago sila namatay.” Mula nang mapunta siya sa mansiyon, hindi man lang siya nagtanong tungkol sa magulang ni Katharina. Kaya pala walang magulang na dumadalaw sa kanya, wala na ang mga ito. Hindi niya namalayan na napahawak na pala siya sa kwentas. Para kasing nakakailang iyong suotin. Pakiramdam niya nasasakal siya kahit maluwang naman iyon sa leeg niya. “Tayo na, Madam. Baka naghihintay na sa inyo si Mr. Lee.” Oo nga pala. Siguradong kanina pa ito naghihintay. “Ayos lang ba talaga ang suot ko?” Kahit ba maganda naman iyong tingnan, medyo nakakailang pa rin lalo at hindi siya sanay. “Bagay na bagay, Madam. Don’t worry,” ani Lucy. “Sigurado din ako na magugustuhan `yan ni Mr. Lee. Regalo niya `yan sa inyo noong huling wedding anniversary niyo.” Napaka-sweet naman pala talaga ng asawa niya. “Sana talaga Madam magtuloy-tuloy na ang maayos niyong relasyon ni Mr. Lee.” Napatingin siya kay Lucy. “Dati ba hindi?” Mabilis na naman itong siniko ni Jaymee. “Matabil talaga ang bibig nitong si Lucy, Madam. Pasensiya na.” “Ayos lang. Curious din talaga kasi ako kung anong klase ng relasyon meron kami ng asawa ko. Masaya ba kami dati?” Sinabi na niya sa sarili na hindi na siya magtatanong tungkol sa nakaraan ni Katharina at James. Pero sa mga naririnig niya, hindi niya maiwasang maging mausisa. Nagkatinginan ang dalawa. Si Lucy parang go na go na mag-kwento. Si Jaymee naman ang parang nagda-dalawang isip pa rin. Sa huli, nagwagi pa rin ang pagiging makwento ni Lucy. “Sa pagkakaalam namin, Madam, medyo hindi, eh. Kapag kasi nagtatanong kami sa inyo tungkol sa inyo ni Sir, sinasabi niyo sa amin na huwag magtanong ng kahit anong may kinalaman kay Mr. Lee. Nagkataon din na nandito kami noong ipinadala ni Sir `yang dress. Tapos sinabihan niyo kami na dalhin kung hindi, itatapon niyo. Syimpre humindi kami. Mahirap na, baka si Mr. Lee naman ang magalit sa amin. Kaya nga nagulat din ako at the same time natuwa kasi tinago niyo pa rin pala `yan.” Mukhang hindi pala talaga maayos ang relasyon ng dalawa. “Sa tingin niyo, sinong may problema? Ako ba o ang asawa ko?” Natahimik na naman ang dalawa. “Sabihin niyo na sa akin. Promise, hindi ako magagalit kahit sabihan niyo pa `ko ng hindi maganda.” Mabilis na naman bumigay si Lucy. “Hindi naman kasi natin madalas mapag-usapan si Mr. Lee, Madam. Hindi rin namin siya madalas nakasasalamuha. Kaya hindi ko rin masabi kung saan nanggagaling ang galit niyo kay Sir. Basta noong hindi pa kayo nagkaka-amnesia, madalas niyo kaming tawagin para ayusan kayo. Sinasama niyo pa nga kami sa mga lakad niyo. At madalas…” napatingin ito kay Jaymee. “sa club tayo nagpupunta. Umiinom. Nagsasayaw. Nagwawala. May mga gabi rin na nauuna kayong umalis at may kasamang lalaki.” Hindi siya makapaniwala sa mga naririnig. Akala niya matinong babae ang pinalitan niya sa pamamahay na `yon. Ngayon bigla tuloy niyang naalala kung paano tumingin sa kanya ang mga tao sa bahay. Akala niya binabantayan lang siya ng mga ito. Mukhang may kasama na pala iyong panghuhusga. “Madam, huwag mo sanang isipin na nanghihimasok kami sa relasyon niyo ni Mr. Lee. Na pinapakialaman ka namin. Alam naman namin kung anong posisyon namin dito. Mga empleyado niyo lang kami. Pero dahil nasimulan na rin natin ang ganitong usapan, sana ayos lang din sa inyo na magbigay kami ng kaonting payo,” ani Jaymee na sa wakas ay nagsalita na rin. “Baka lang kasi kaya nangyari ito ay para maitama niyo ang mga naging mali niyo noon. Baka ito ang paraan para maayos niyo ni Mr. Lee ang relasyon niyo bilang mag-asawa.” “Oo nga, Madam. Mukha din naman mahal na mahal kayo ni Mr. Lee.” Kaya naman pala ganoon na lang ang lungkot ni James noong nasa may swimming pool sila. Napakasama pala ng asawa nito. “Naku, Madam. Huwag kayong umiyak. Kahit ba waterproof iyang make up niyo, siguradong mahahalata ni Mr. Lee na umiyak kayo. Baka ano pang isipin no’n.” Huminga siya nang malalim para mapigilan ang pagpatak ng kanyang luha. Sobrang naawa lang kasi siya kay James. Hindi man niya alam ang buong kwento, ramdam niyang si Katharina ang problema. Napakasama nitong asawa. Siguro nga ay pinagsama sila ni James ng pagkakataon upang maging maligaya. “Salamat sa ibinahagi niyo sa `kin. Nang dahil sa inyo, naliwanagan ako. Siguro nga ay tama kayo. May dahilan kung bakit nangyari sa akin `to. Sisiguraduhin ko na sa pagkakataong ito magiging masaya kaming mag-asawa.” ALAM niyang sinabi niya mismo kay Katharina na huwag magmadali. Pero nang twelve thirty na at hindi pa rin ito lumalabas, naisip niyang puntahan na ito. Baka kasi masyado na itong napakwento sa Glam Team nito na alam niya rin na sobrang malapit dito. Kahit ba kilala siya at madalas sa restaurant na napili, may strict rules ang mga ito pagdating sa reservations. Baka hindi na nila iyon maabutan. Sayang naman ang surpresa niya para sa asawa. Kakatok na sana siya sa dressing room nito nang bumukas ang pinto. Hindi niya maipaliwanag paano pero parang naging slow mo iyon hanggang sa nakita na niya si Katharina na nakatayo sa kanyang harapan. Suot nito ang damit na niregalo niya dito na kahit minsan, hindi pa nito ginamit. It was a black tube dress with gold embroidery and crystals. Hindi siya eksperto pagdating sa mga damit ng mga babae pero nang oras na bilhin niya iyon, alam niyang babagay iyon sa asawa. At hindi nga siya nagkamali. Hindi niya akalain na darating ang araw na mas hahanga pa siya sa ganda ng asawa. But more than the dress, and her make up, it was her smile that made her even more beautiful. “You look so beautiful.” Pinaghandaan niya ang araw na iyon para mapaibig ang kanyang asawa. Ngunit hindi pa nga siya nagsisimula sa kanyang mga surpresa, para bang siya pa ang mas lalong nahuhumaling dito. “Let’s go,” inilahad niya ang kanyang kamay. Pero sa halip na tanggapin iyon ni Katharina, lumapit ito sa kanya at hinalikan siya sa labi.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD