NAGISING si Sofia sa isang kwartong na halos puti lang ata ang nakikita niyang kulay. Hindi naman ganoon ang kwarto nila sa bahay. Saka di hamak na mas maganda at mas malaki iyon ng dalawang beses sa bahay nila. Nasaan ba siya?
Napangiwi siya nang makaramdam ng sakit ng katawan nang sinubukan niyang kumilos. Ilang segundo rin siyang napaisip bago niya naalala ang mga pangyayari. Alam na rin niya kung nasaan siya.
Nasaan na kaya ang babaeng tinulungan niya? Nadala rin kaya ito sa ospital?
Napatingin siya nang bumukas ang pinto. Inaasahan niyang ang asawa ang papasok pero isa iyong gwapong lalaki na mukhang mayaman. Sino kaya ito? Imposibleng nurse o doktor ito dahil nakasuot ito ng suit.
"Happy to see me?” Tanong nito sa kanya habang walang kaemo-emosyon sa mukha. Ni walang buhay maging ang boses nito.
Para itong iyong mga napapanuod niya sa TV dati. Iyon bang papatayin ka pero nakatakas ka tapos nahuli ka uli. Gano’n ang dating ng boses nito sa kanya. Bigla tuloy nagsitayuan ang balahibo niya. Sino ba kasi ang lalaking `to?
"S-sino ka ba? Hindi kita kilala. Baka mali ka ng napuntahan."
Biglang nagka-emosyon ang mukha nito. Para bang nagulat ito na hindi niya ito kilala.
“Don’t you really remember me?”
Napakunot noo na siya. “Hindi nga.”
Gwapo sana pero napaka-weird nito.
“I'm your husband."
Sa pagkakataong iyon, siya naman ang hindi makapaniwala sa narinig. Siya, asawa nito? Naalala niya ang babaeng tinulungan niyang mailabas ng kotse. Sa sobrang pagkakapareho ng itsura nila, mukhang maging asawa nito ay nalito. Pero bakit siya ang pinuntahan nito? Nasaan na kaya ang babaeng 'yon?
"It's okay, Hon," tuluyan na itong lumapit sa kanya. Muntik na siyang mapapitlag nang hawakan nito ang kanyang kamay. "Everything will be fine. I’ll just call your doctor. I’ll be right back.”
Sa paglabas nito, saktong pumasok ang isang babae. Para bang hinintay talaga nito ang lalaking nagpakilalang asawa niya na umalis bago pumasok. Tulad ng nauna, nakasuot rin ito ng itim na suit. Mabilis itong lumapit sa kanya.
“Huwag kang aamin na hindi ikaw ang asawa niya. Sabihin mo na may amnesia ka at walang maalala na kahit ano.”
Sino ba ang babaeng ito? Ano bang nangyayari? Bakit parang ang weird ng mga taong nakakaharap niya?
“I’m sorry, Miss, pero hindi kita kilala. Wala rin akong balak sundin ang sinasabi mo. Saka hindi naman talaga ako ang asawa niya. Kamukha ko lang `yon at malamang, nag-aagaw buhay pa rin. Kaya kung-.”
“Wala na si Katharina.”
Biglang nag-flashback sa isip niya ang nakitang ID. Iyon ang pangalan ng babaeng kamukha niya.
“P-paano mo nalaman?”
“Saka ko na sasabihin sa `yo ang lahat. Basta sumunod ka na lang sa sinabi ko. Maniwala ka, ikaw din ang makikinabang sa gagawin mo. Ayaw mo ba no’n, sa isang iglap mayaman ka na? Kahit kailan, hindi ka na maghihirap.”
Pagkasabi no’n ay lumabas na ito ng kwarto na para bang sigurado na itong susunod siya dahil lang sa mga sinabi nito. Pero ano nga ba ang dapat niyang gawin? Sino ba ang babaeng iyon? Bakit siya nito gustong magpanggap? At kung susunod man siya, magkakatotoo nga kaya ang sinabi nito? Hindi kaya siya mapahamak?
Ang bilis din ng t***k ng kanyang puso nang bumukas ang pinto. Sa pagkakataong iyon, isang doktor at nurse ang pumasok. May mga bagay silang itinanong sa kanya. Pero sa halip na magsabi ng totoo, "wala akong maalala" ang naging tanging sagot niya.
Walang mapaglagyan ang kaba niya nang muling bumukas ang pinto at pumasok ang lalaking nagpakilalang asawa niya.
"Sorry if it took me a while to come back. I had to talk with your doctor regarding your condition."
Naupo ito sa sofa sa gilid ng kama niya at muling hinawakan ang kanyang kamay.
"I know it's hard but I'm just here, okay? Just ask me anything you want to know. I'd be more than willing to answer all of them."
Hindi siya umimik.
"It's okay, I know you're still confused. Let me just tell you some important information about us. You are Katharina Villafuerte Lee and I am your husband, James Earl Lee. We’re childhood friends. One day, we just realized that we already fell in love and then, we got married. And now, we've been married for five years.”
Kumpara kanina, mas naging kalmado na ang ekspresyon ng mukha nito. Masyado lang din siguro niya itong hinusgahan. Ramdam rin niya ang pagsisikap nitong pakalmahin siya sa kabila ng kanyang kondisyon na hindi naman totoo. Nagsimula na tuloy siyang makonsensiya dahil sa pagsisinungaling niya.
“Is there anything that’s bothering you? It’s okay. Just say it.”
Maraming tanong na tumatakbo sa kanyang isipan pero hindi naman niya pwedeng itanong ang mga `yon. Mahahalatang nagsisinungaling siya. Ano bang pwede niyang itanong dito?
"M-may anak ba tayo?"
Limang taon na rin ang mga ito kaya malamang, may anak na sila. Pero sa tanong niya, para bang lalong sumeryoso ang seryoso nang mukha ni James. Umiwas din ito ng tingin sa kanya. Hindi pa man ito nagsasalita, ramdam na niya.
"Unfortunately, not yet."
Sa nakita niyang lungkot sa mukha ni James, pakiramdam niya gusto na nitong magkaanak pero hindi pa nga lang nabibiyayaan. Bakit ba kasi iyon pa ang naisipa niyang itanong?
"By the way. Baka nagugutom ka na. Wait," tumayo ito. "I'll be right back. Bibili lang ako ng pagkain."
Mula nang magising, hindi siya nakaramdam ng gutom. Pero nang banggitin na nito iyon, biglang kumalam ang kanyang sikmura. Mabuti na lang at nagkusa pa rin itong bumili kahit hindi siya sumagot.
Sa paglabas ni James, muling bumalik ang babaeng kausap niya kanina.
“Mabuti naman at mabilis kang nakapag-desisyon,” wika nito.
Medyo masakit man ang kanyang katawan, pinilit niyang maupo. “Sino ka ba talaga? At bakit gusto mo `kong magpanggap?”
“Ako si Danica, bodyguard ako ni Mrs. Lee at nadisgrasya siya na hindi ako kasama. Kapag nalaman ni Mr. Lee na namatay ang asawa niya, siguradong mawawalan ako ng trabaho.”
“Iyon lang ang dahilan?”
“Hindi pa ba `yon sapat na dahilan?”
“Namatayan ng asawa ang amo mo tapos lolokohin mo siya dahil lang sa ayaw mong mawalan ng trabaho? Hindi ba’t napakababaw na dahilan no'n?”
“Bakit, wala din naman tayong pinagkaiba. Hindi ba’t nagsinungaling ka rin dahil sa pera? Magkapareho lang tayong mukhang pera.”
Hindi siya nakaimik. Tinamaan kasi siya. Bigla tuloy siyang nakaramdam ng hiya sa sarili.
"Heto nga pala ang gamit mo nang maaksidente ka."
Napatingin siya sa hawak nitong bag. Iyon ang bag na kinuha niya bago sumabog ang sasakyan. Inabot rin nito sa kanya ang isang transparent na plastic na may mga lamang alahas.
"Ano 'to?"
"Ang mga iyan ang suot niyong alahas nang maaksidente kayo."
Mga alahas? Wala naman siyang suot na alahas maliban sa wedding ring niya nang araw na iyon. Paanong napunta ang mga iyon sa katawan niya?
Pero hindi din naman nagtagal ay naunawaan niya ang ibig nitong sabihin. Nagpapanggap nga pala siyang si Katharina.
Oo, pangarap niyang maging mayaman pero tama ba talagang pumayag siya sa gusto ni Danica?
"Pareho tayong mapapahamak kapag nalaman ng boss mo na isa akong impostor."
"Hindi niya malalaman kung hindi ka aamin. Kaya kung ako sa iyo, panindigan mo na lang na maging siya. Minsan lang mangyari ang ganitong pagkakataon. Hihindi ka pa ba sa marangyang buhay?"
Sa gara ng sasakyan ni Katharina, sa ayos ng asawa nito, walang dudang nanggaling ang mga ito sa mayaman na pamilya. Kapag nagpanggap siya, ibig sabihin ay matatamasa rin niya ang ganoong karangyaan.
Pero kapag nagkamali siya, siguradong kulungan ang bagsak niya.
"Huwag kang mag-alala. Hindi kita ilalaglag kahit kailan," ani Danica sa kanya na para bang narinig nito ang nasa isip niya.
Bigla siyang napahawak sa kanyang daliri. Wala doon ang wedding ring niya.
"Huwag kang mag-alala. Itinapon ko na ang wedding ring mo. Wala ng magiging hadlang sa plano natin."
Alam niyang mali.
Pero paano kung iyon pala ang siyang talagang nakatakdang mangyari sa buhay niya? Ang magbibigay ginhawa sa kanya? Tama si Danica. Minsan lang dumating ang ganoong pagkakataon. Kaya bakit pa niya palalagpasin?