TATLONG araw mula nang magising siya ay iniuwi na siya ni James sa bahay. Binigyan na kasi siya ng doktor ng pahintulot na sa bahay na lang magpahinga.
May bondage pa rin siya sa noo dahil sa sugat niya sa likurang bahagi ng kanyang ulo. Ganoon pa man, hindi na iyon kumikirot. Maging ang mga sugat niya sa katawan ay nagsimula na rin maghilom.
"I-Ito ang bahay natin?" Hindi niya nakapaniwalang tanong nang makarating sila sa bahay na kasing laki na yata ng Mall. "Totoo ba talaga 'to o nagbibiro ka lang?"
"Nakakagulat ba? You'll eventually get used to it. Danica will also tour you around to help you familiarize the areas in the mansion."
Sa mga telenovela lang niya naririnig ang salitang mansiyon. Ngayon, nakapasok na talaga siya at bahay pa niya.
Matapos ng usapan nila ni Danica, sa huli ay napapayag siya nito. Sino ba naman kasi ang aayaw sa marangyang buhay? Doon, walang mga tao na magpapahirap at mag-uutos sa kanya. Sa palasyong iyon, siya ang Reyna. Sayang nga lang at hindi niya iyon mapapatamasa sa kanyang anak.
"Are you okay? Do you want to rest?"
Nginitian niya si James. "Ayos lang ako. Nakakalungkot lang na hindi ko maalala ang mga memories natin sa bahay na 'to," pagdadahilan niya kahit ba ang anak ang siyang nagpalungkot sa kanya.
Pero kahit hindi niya maisasama doon ang anak, alam naman niyang hindi ito pababayaan ni Andreu.
"Don't stressed yourself about those memories." Napatingin siya sa kanyang kamay nang hawakan iyon ni James. Hindi pa rin niya maiwasang mailang pero kahit papaano ay nasasanay na rin naman siya. "We can always make new ones."
Nang muli siyang mapatingin sa mukha ni James, nagulat na lang siya nang bigla nitong inilapit ang mukha nito at hinalikan siya sa labi.
Mahal niya ang kanyang asawa pero hindi niya maiwasang kiligin sa ginawa ni James. Agad naman siyang napailing sa naisip. Bakit ba inaalala pa niya si Andreu? Hindi na siya si Sofia Santos.
Iba na ang kataohan niya ngayon. Lahat ng pagmamahal at atensiyon niya ay para na lang sa kanyang asawang si James.
"Ang bilis mong nakapag-adjust, ah," wika ni Danica nang sila na lang dalawa ang magkasama sa loob ng master's bedroom na equivalent na rin yata ng isang buong bahay.
"Hindi naman kasi mahirap magustuhan si James. Mabuti siyang tao. At saka, hindi ba at ito rin naman ang gusto mo?”
Habang nasa ospital siya ay naroon si James at nagbabantay. Lahat ng pangangailangan niya ay ito mismo ang bumibili kahit pwede naman nito iyong iutos. Kung hindi nga lang daw napaka-importante ng meeting nito nang araw na iyon, hindi ito aalis para masamahan siya.
"Sabihin mo nga sa 'kin. Ano bang klaseng tao si James? Anong klase siyang asawa kay Katharina?"
"Wala ka ngang maalala, hindi ba? Mabuti na 'yong wala kang alam. Halika at nang hindi ka maligaw sa sarili mong pamamahay. Ito-tour kita sa mansion."
Napasimangot na lang siya at napasunod kay Danica.
Bago makalabas ng kwarto, tumigil si Danica at humarap sa kanya. "May mga CCTV camera sa corridor at mga high quality ang mga iyon. Iwasan mong magsalita ng mga bagay na maaari natin ikapahamak."
Bigla tuloy siyang napatingin sa kwarto. Baka meron din doon.
"Walang camera sa Master's bedroom kaya safe dito."
Napahinga siya nang maluwang.
"Pinakaba mo 'ko doon, ah."
"Pero mag-ingat ka pa rin. Dapat masanay ka na rin angkinin ang lahat ng mga nandito. Iwasan mong magtanong na may kasamang word na “niya” dahil ikaw na ngayon si Katharina. Halimbawa. Nagagamit ba niya ang lahat ng mga nandito? Ang dapat, nagagamit ko ba ang labat ng nandito? Ano, nagkakaintindihan ba tayo? Baka magkamali ka at mapahamak pa tayo."
"Ikaw din naman, ah. Kung makipag-usap ka sa akin, masyadong casual. Parang hindi mo ako amo. Hindi lang ako ang magpapahamak sa atin. Dapat kung paano mo tratuhin si Katharina, gano’n ka rin sa `kin,” pagbawi niya.
Sandali itong natahimik.
"Halika na, Mrs. Lee. Magtungo na tayo sa iba pang silid sa mansiyon," wika nito na iminostra pa ang kamay patungo sa pinto.
Pigil naman ang kanyang ngiti. "Salamat, Danica."
"Siya nga pala."
Natigilan siya at napatingin dito.
“Ano na naman?”
"Madalas ay English kung magsalita si Mrs. Lee. Sa mamahaling University kasi `yon nagtapos. Ilang taon din siyang tumira sa Amerika."
Kahit ba nakapag-aral siya, hindi naman siya ganoon ka fluent mag-English. Mapaghahalataan lang lalo na peke siya.
"May amnesia nga ako, hindi ba? Nakalimutan ko na rin mag-English. Tayo na nga.”
"Seryoso ako. Kapag nagkaroon tayo ng pagkakataon, maghahanap tayo ng pwedeng magturo sa iyong maging fluent sa English."
Gusto talaga ata ni Danica na maging plakado ang pagpapanggap niya. Mukhang ayaw talaga nitong mawalan ng trabaho.
Aabot sa apat na palapag ang mansion. Inuna siyang i-tour ni Danica sa mga kwartong pag-aari daw niya. May kwarto na pawang mamahaling bag lang ni Katharina ang laman. Nasa nakahiwalay na kwarto din ang mga sapatos nito, mga alahas, at mga damit. Pakiramdam niya hindi sapat ang isang araw para maisa-isa niyang tingnan ang lahat ng nandoon. Napakayaman nga talaga ni Katharina na ngayon ay siya na pala.
Hindi pa nila nalilibot ang buong lugar nang magyaya si Danica sa dining area. Handa na daw ang pananghalian. Napatingin siya sa kanyang relo. Malapit na pala mag-alas dose. Hindi niya namalayan.
Nang makarating siya sa dining area, muntik na siyang malula sa dami ng mga pagkain na nakahain doon. Nang tingnan niya ang mesa, iisa lang ang pinggan na naroon.
"Ako lang ang kakain?" Tanong niya sa katulong na nakaabang sa kanya.
"Opo, Mrs. Lee. Sabihin niyo lang sa akin kung ano ang gusto niyo para mabigyan ko kayo."
"Sandali. Ang dami naman ata nito."
"Iniutos po talaga ni Mr. Lee na ihain namin ang lahat ng paborito niyo."
Napatingin siya kay Danica. "Hindi ka rin sasabay sa akin?" Halos pabulong niyang tanong dito.
Bahagyang iling lang ang sagot nito. Hindi na lang rin siya namilit. At kahit ba mukhang masasarap ang pagkain na nakahain, hindi niya nagawang namnamin ang mga iyon dahil nailang siya sa mga matang nakatingin sa kanya.
"Ano na ang mangyayari doon sa mga pagkain na nakahain kanina?"
"Ipapakain sa mga katulong at security team."
Napatango-tango siya. Mabuti naman kung gano'n. At least hindi masasayang.
"Sandali," aniya nang may mga kwartong nilalagpasan lang nila ni Danica. Actually, kanina pa niya iyon napansin. Ngayon lang niya naisipang itanong. "Anong meron sa kwartong 'yon? Bakit nilagpasan lang natin?"
"Walang pwedeng pumasok sa mga kwartong may red mark. Iyon ang utos ni Mr. Lee."
Napatingin siya sa pinto. May kulay pula nga na parang name plate sa gitna ng pinto.
"Kahit ako bawal?"
"Kahit sino maliban kay Mr. Lee ay hindi pwedeng pumasok. At hindi niyo iyon sinuway kahit kailan."
Ganoon kamasunurin si Katharina sa asawa nito? Paano na lang kung may ibang babae pala si James sa isa sa mga pintong iyon? Pero mukhang hindi naman iyon magagawa ni James sa asawa nito.
Hindi tuloy niya maiwasang ma-curious. Ano nga kaya ang mga nasa likod ng mga pintong iyon?