NAGPATULOY ang pagtatanong ng board. Sunod-sunod na follow ups tungkol sa costing, materials sourcing, at feasibility ng timeline.
Pinilit kong sumagot ng kalmado kahit sobra ang tension na nararamdaman ko.
Good thing, napag-aralan ko na ang lahat. Itinuro sa akin ni Miguel ang bawat pasikot-sikot ng ganitong klaseng negosyo kaya kampante akong kaya ko kahit nahihirapan akong magfocus dahil sa presensya ni Ace.
Dalawang taon akong nag-aral ng Business Management sa States at halos kauuwi ko lang sa Pilipinas. Si Miguel ang nagpaaral sa akin doon. Noon, hindi ko maintindihan kung bakit sa States niya ako gustong pag-aralin gayong puwede ko namang ituloy dito sa Pilipinas. Nasa second year college na ako noong magpakasal kami ni Ace at nahinto lang sa pagaaral matapos ang lahat ng nangyari. Nawalan ako ng gana sa lahat at si Miguel lang ang nagtulak sa akin para magpatuloy. Pumayag na lang rin ako para makalimot sa lahat-lahat ng sakit.
Ang Valverde Land ang una kong major project. Si Miguel ang nag assign nito sa akin, at ginusto ko rin. Gusto kong malaman kung okay na ba talaga ako. Pero ngayong kaharap ko si Ace, isang tanong pa rin sa akin kung handa nga ba ako?
Pinilit kong pakalmahin ang sarili ko. Okay lang! Ginusto ko ito kaya dapat labanan ko. Pero kahit anong lakas ng loob ang ipakita ko ay hindi ko maikakaila ang tensyon na nararamdaman ko. Hindi dahil sa mga tanong ng board kundi dahil sa isang pares ng matang mula pa kanina ay hindi na umiwas sa akin.
Tahimik lang siyang nakaupo sa head ng table. Hindi nagsasalita pero ramdam ko ang presensya niya. Tahimik lang siya at para bang sinusuri niya ako o binabasa.
Pansin ko rin ang titig niya sa akin... parang may iba. Hindi na ito malamig at walang pakialam na tingin na nakasanayan ko noong mag-asawa pa kami. Pero ayoko ring bigyan ng kahulugan.
“Miss Navarro,” tawag sa akin ni Ms. Cruz mula sa Marketing.
“Do you already have a projected marketing alignment schedule? We want to avoid gaps between construction and promotions.”
I took a deep breath at agad na tumango.
“Yes po, meron na kaming draft. Nasa Annex B ng proposal folder. May alignment kami every key milestone, site launch, topping-off, model unit completion. Para po coordinated ang timeline natin for both engineering and marketing deliverables.”
Tumango siya, parang nasiyahan sa sagot ko.
Muli akong napatingin sa direksyon ni Ace na seryoso pa ring nakatitig sa akin habang pinapaikot sa daliri ang ballpen niya.
Pinilit kong magfocus at iniwas na ang paningin sa kanya. Ayokong makita niya na affected ako sa kanya. Hinanda ko na ang sarili ko sa sitwasyong ito pero ewan ko ba kung bakit ganito ang pakiramdam ko ngayon. Siguro normal lang dahil sobra ko siyang minahal noon, at ngayon ko na lang uli siya nakita.
“Thank you, Miss Navarro. That was a very solid presentation." Nakangiting sabi ni Alessandra.
“Do you have any final thoughts before we go into internal deliberation?” Tanong ng Head of Finance.
Huminga ako ng malalim saka muling ngumiti.
“We understand that choosing a construction partner for a development as big as Westpoint is a major decision. But Horizon Builders is ready to deliver on time, on spec, and with the level of excellence that Valverde Land Estates is known for.” Pinilit kong kalmahan ang boses ko.
Tahimik ang lahat hanggang sa narinig ko ang boses na halos ikahinto ng tibók ng puso ko.
“Impressive!” Mababa pero may diin ang salita niya.
Natigilan ang lahat. Tumigil ang mga kamay kong kanina pa gumagalaw sa pag-aayos ng presentation folder. Ang tingin ng lahat ngayon ay nakatuon sa dulo ng lamesa... kay Ace.
“Miss Navarro." Dugtong niya, habang unti-unting tumayo mula sa pagkakaupo. “You’ve done your homework. Your proposal is tight. And it’s very clear that Horizon Builders understands what Valverde Land needs.” Sandali siyang huminto sa pagsasalita saka dumiretso ang tingin sa akin.
Tahimik ang lahat. Ang mga board members parang nagugulat sa pagiging involved ni Ace sa usapan lalo na’t madalas ay pinapasa lang niya sa mga key executives ang technical discussions.
“But this is more than just a numbers game. Westpoint is a legacy project. A flagship.” Pagpapatuloy niya habang naglalakad paikot sa lamesa at saka dahan-dahang lumapit sa harapan.
“We know Horizon Builders and what they are capable of. Alam ko ang kakayanan ni Miguel!” Sambit niyang may diin sa tono sa pagbanggit ng pangalan ni Miguel. Si Miguel na stepbrother niya.
“But we also considered AX Builders because of their modern technology and proven track record in large-scale verticals." Dugtong niya habang patuloy ang paglalakad palapit sa akin.
Ramdam ko na parang may iba sa mga sinasabi niya. Parang hindi yun simpleng feedback lang. Hindi ko alam kunh sinusubukan ba niya ako, o may problema siya sa kumpanya namin.
“Horizon Builders, they are our development partner for years, and I respect what it’s built. But this isn’t just about loyalty." Pagpapatuloy pa niya.
Huminto siya sa tapat ko, ilang pulgada ang pagitan sa akin saka tumitig ng diretso sa mga mata ko.
“This is about capability. This is about trust. And this is about who’s willing to go all the way. Do you think you can do this, Raselle? Do you think you’re ready for something this… big?” May diin niyang tanong.
Agad akong tumango. “Yes,” sagot kong buo ang boses kahit sobra ang kaba ko.
“I may be new in the field, but I’ve been trained well. I know the pressure, I know the scale. And I’m not here to play safe, Mr. Valverde. I’m here to deliver.”
Napatingin sa akin ang ibang board members. Natahimik si Ace hanggang sa bahagya siyang ngumiti, na parang may something.
“Nice!" sagot niyang hindi ko alam kung nasatisfy nga ba sa mga sinabi ko.
“I think Kuya Migs trained you well.” Sarkastiko siyang ngumiti at parang may pait.
He clenched his jaw. May kakaiba sa mga titig niya sa akin sa pagbanggit kay Miguel. Parang may bahid ng inis at may gusto siyang palabasin, parang may tanong siyang kinikimkim pero pinipigilan niya.
Nakaramdam ako ng paninikip ng dibdib. Hindi ko alam kung dahil sa sinabi niya o sa kung anong gustong sabihin ng mga mata niya. Hindi ko rin alam kung may kinalaman ba kay Miguel. Hindi ko alam kung alam niya ang ginawang pagtulong sa akin ni Miguel para makaahon mula sa kanya. Wala na rin kasi iyon sa isip ko noon, pero sa pananalita niya, mukhang alam niya ang tungkol doon. Pero kahit malaman niya, ano naman ang pake niya? Siya ang tumapos sa pagiging mag-asawa namin para magkaroon na sila ng pagkakataon ni Zia. Kung ano man ang ginawa at naitulong sa akin ni Miguel ay wala na siya doon.
“Miguel trained you well. He taught you to fight, to stand your ground. That’s good.” ulit niya na ngayon ay mas madiin.
Sandali siyang lumingon sa board.
“Let’s just hope she applies that same fire all the way through this project.”
At sa huling salitang iyon, bumalik siya sa kinauupuan niya na para bang tapos na ang usapan, pero ramdam kong hindi pa. Hindi iyon basta comment lang bilang CEO. Parang personal at ramdam na ramdam ko yun.
“Board will deliberate,” saad ni Alessandra, breaking the silence.
“Miss Navarro, you may step out for now. We’ll reach out after the board’s deliberation. Either way, impressive work.”
Tumango ako at ngumiti.
Hinatid ako ni Alessandra palabas ng boardroom habang hawak-hawak ko ang laptop at folder.
“Thank you for coming, Miss Navarro.”
“Thank you din po, Ms. Ruiz. I appreciate the time.”
Nang maihatid ako ni Alessandra sa pinto ng boardroom ay bumalik na siya sa loob. Saka pa lang ako huminga nang malalim. Tinungo ko ang restroom.
Pagkapasok ko sa restroom ay agad kong sinandal ang likod ko sa pinto.
Mabigat ang dibdib ko sa dami ng emosyong naramdaman ko kanina sa harap ng board at lalo sa harap ni Ace, na dapat ay hindi ko na nararamdaman. Naiinis ako sa sarili ko na nagkakaganito ako matapos ng ilang taon na akala ko ay okay na ako.
Nasa loob pa rin ng utak ko ang tinig niya at ang mga titig niya kanina na ibang-iba sa nakaraan.
Napasandal ako sa sink at tinapunan ng tingin ang sarili ko sa salamin.
“Okay ka lang, ginusto mo ’to. Kayanin mo!”
bulong ko.
Pero kahit gaano ko piliting paniwalaan iyon, hindi ko maalis ang kaba sa dibdib ko. Ramdam ko pa rin ang panginginig ng mga kamay ko nang buksan ko ang gripo at hinugasan ang mga palad ko.
At habang nakayuko ako, unti-unti ring bumalik ang mga alaala ng nakaraan sa isip ko.
♡