TAHIMIK na pinanood ni Paige ang mga batang naglalaro sa playground sa loob ng Quezon Circle. Nang matapos niya ang apat na laps ng pagdya-jogging kanina ay naisip niyang pumunta rito habang nagpapahinga. Dahil bihira siyang nakakapunta ng gym, ang pag-jogging tuwing Linggo ang pinaka-exercise niya. Madalas ay sa loob ng subdivision nila siya tumatakbo pero minsan ay naiisip din niyang pumunta rito.
Maya-maya ay tumayo siya at tinungo ang ice cream parlor na lagi niyang pinupuntahan. Kapag narito siya ay nakasanayan na niyang bumili ng ice cream at ipamigay ang mga iyon sa mga batang naroon. Malapit na siya tindahan nang may motorbike humarang sa harapan niya. Agad naman niyang nakilala kung sino iyon kahit nakahelmet ang rider.
“Ano’ng ginagawa mo rito?” tanong niya kay Thaddeus nang alisin nito ang suot na helmet.
“Hindi ba dapat ako ang nagtatanong niyan, Ma’am? Ano’ng ginagawa ninyo rito nang nag-iisa?” malamig na tanong nito. Madilim ang anyo ng binata habang nakatitig sa kanya.
“Nag-jogging ako,” kaswal niyang sagot.
Umalis ang lalaki mula sa pagkakasakay sa motor at humarap sa kanya. Bahagya siyang napatingala dahil mas mataas sa kanya ang binata.
“Nag-jogging ka? Hindi ka nagpaalam at nagpunta ka rito ng wala kahit na isang bantay," bakas ang tinitimping inis na sabi ng lalaki. Mahina itong napailing. "You're being too reckless, Miss Paige."
Napatikwas ang kilay niya sa tono ng pananalita ng lalaki. Ano’ng karapatan ng lalaking ito para sermonan siya?
“Dati ko na itong ginagawa, alam naman nilang every Sunday nagdya-jogging ako," mataray niyang sabi. Akala ba ng lalaking ito ay papayag siyang pagsalitaan siya nito ng ganoon? "At saka ano bang problema mo? Off duty ka, 'di ba? So ano’ng ginagawa mo rito at pinakikialaman mo ako?”
Ilang sandali siyang tinitigan ni Thaddeus, pagkatapos ay naiiling na marahas itong nagbuga ng hangin. “Exactly! I shouldn’t be here, kasi off ko. Dapat sana nagpapahinga ako ngay, but you're mother called me para sabihin na nawawala ka. Yes, naisip nila na nag-jogging ka kaya hinanap ka nila sa subdivision, pero wala ka r'on. Alas-singko pa lang umalis ka na ng bahay, at alas-nueve na ngayon pero hindi ka pa umuuwi. Sa tingin mo, hindi sila mag-aalala n'on?”
Hindi siya nakaimik, bahagya siyang nakadama ng pagkapahiya. Kung ganoon ay naabala pala ang rest day ng lalaki sa pag-aalala ng kanyang ina.
“Nagpunta ka rito nang hindi dala ang kotse mo, wala kang kasama, and worst of all, you even turned off your phone!” pasinghal nitong sabi.
Nakagat niya ang pang-ibabang labi. Sa buong buhay niya ay ngayon lang may taong nagtaas ng boses sa kanya, pero pakiramdam niya ay hindi niya kayang sagutin ang lalaking ito. Paano ba siya sasagot at magtataray gayong ito ang nasa katuwiran?
“I didn’t turned off my phone, na-empty na ang battery,” mahinang sabi niya.
Napahinga ito nang malalim at saka inilabas ang sariling cellphone. “Ma’am Andrea, si Thaddeus ho ito. Nahanap ko na ang anak ninyo.”
Wala siyang kibo habang pinakikinggan ang pakikipag-usap ni Thaddeus sa kanyang ina na nasa kabilang linya.
“Yes, Ma'am, she’s fine. Pauwi na ho kami riyan,” ani pa ng lalaki bago nito pinindot ang end call button ng cellphone at saka siya binalingan. “Sa susunod iisipin mo rin ang mga taong maaabala mo. Alam mong may threat ngayon sa kaligtasan ng pamilya ninyo kaya sana maging maingat ka rin.”
Hindi siya nakapagsalita. At nang iabot sa kanya ng lalaki ang isa pang helmnet ay nagtataka niya itong tiningnan.
“Isuot mo na ito,” ani pa ng lalaki nang hindi niya kunin ang helmet.
“H-hindi ako sumasakay sa—”
“Sumakay ka na, hinihintay na tayo ng parents mo,” putol nito sa kanya.
Napaiwas siya ng tingin sa mga mata nito. Bakit ba parang nawalan siya ng kakayahan na sagutin at kontrahin ang lalaki?
Aabutin na sana niya ang helmet nang hawakan siya ng lalaki sa braso at marahan siyang hinila palapit rito. Hindi siya nakapag-react nang ito mismo ang magsuot sa kanya niyon. Dama niya ang napakabilis na tahip ng dibdib niya habang tila napiping napatitig lang siya sa mukha ng binata. Ano ba itong nangyayari? Bakit ganito ang epekto ng Thaddeus na ito sa kanya. Ang mga mata nito, daig pa nito ang may mahika na kayang-kaya siyang isailalim sa kapangyarihan. Dumako ang tingin niya sa labi ng lalaki. Bago pa siya makapag-isip ng kung ano ay biglang ibinaba ng lalaki ang pro shield ng helmet.
“Umalis na tayo.” Tinalikuran siya ni Thaddeus at sumakay na ito sa motor.
Walang imik na sumunod siya rito. Maingat na sumampa siya sa motor at inilagay ang dalawang kamay sa magkabilang balikat ng binata.
“Sa beywang ko ikaw humawak,” pautos na sabi nito.
Tumalima naman siya, naiilang na inilagay niya ang mga kamay sa beywang ng binata. Langhap na langhap niya ang mabangong katawan ng lalaki. Natigilan siya. Wait nga lang. Bakit pati 'yon ay napapansin na niya ngayon?
Pinaandar na ni Thaddeus ang motor at ilang sandali pa ay nasa higway na sila. Hindi niya maiwasang kabahan, iyon ang unang beses na sumakay siya ng motorbike at alam niya ang aksidente na puwedeng mangyari sa mga ganitong sasakyan. Isang kotse ang humaharurot na nag-overtake sa kanila, napahigpit ang pagkakayakap niya sa beywang ni Thaddeus at isinubsob niya ang ulo sa likod nito. Kahit na hindi siya komportbale sa pagkakadaiti ng katawan niya sa likod ng binata ay sinikap niya iyong balewalain. Mas mahalaga na makauwi siyang ligtas at buhay.
NAPABANGON si Thaddeus buhat sa pagkakahiga. Kanina pa siya aburido. Sino ba’ng matutuwa na umagang-umaga ay tinawagan siya ng mga Colmenar para utusang hanapin ang nawawalang anak ng mga ito. Pagkauwi nila ni Paige sa mansiyon ay tumuloy na siya rito sa quarters nila. Hindi na siya bumalik sa bahay nila dahil ayaw niyang mabitbit pa roon ang init ng ulo.
Nagsuot siya ng t-shirt bago lumabas ng kanilang silid. Naisip niyang linisin na lang ang kanyang motorsiklo para may magawa siya. Bitbit ang isang timba ng tubig ay nagtungo siya sa malawak na garahe ng mga Colmenar kung saan naroon din ang motor niya.
Naabutan niya si Paige sa garahe na may kinukuha sa compartment ng kotse nito. Marahil ay naramdaman nito ang pagdating niya dahil nilingon siya nito. Nagkunwari naman siyang hindi ito napansin, tuloy-tuloy siya sa ng kinaroroonan ng motor niya.
"Hi,” sabi ni Paige mula sa kanyang likuran. Sumunod pala ang babae sa kanya. “Kanina pa kita hinihintay na lumabas ng quarters ninyo. I wanted to apologize sana."
Hindi siya sumagot sa halip ay sinimulan na niyang linisin ang motorbike. Naiinis talaga siya sa ginawa ng babae kanina, pero hindi lang dahil naabala ang kanyang pamamahinga. Ang totoo, maging siya ay nag-alala rito kanina.
“Alam ko naabala ka kanina dahil sa ginawa ko, pero hindi ko naman gustong mangyari 'yon, eh,” sabi pa ni Paige na nakatayo hindi kalayuan sa kanya.
“Then dapat nagpapaalam ka or sana nagsama ka ng bodyguard. 'Andiyan naman ang ibang tauhan ng Papa mo, 'di ba?” aniya na salubong ang kilay na sinulyapan ito. Pero agad ding nawala ang pagkaka-salubong ng kilay niya nang makita ang mukha ng babae. Para itong anghel na bahagyang nakayuko, kagat nito ang pang-ibabang labi at nakatingin sa kanya.
Malambot kaya ang mga labi na iyon? bigla ay pumasok ang tanong na iyon sa isip niya. Pigil niyang ipilig ang ulo. Ano ba’ng kalokohan ang iniisip niya?
“Dito lang sana ako sa subdivision magdya-jogging, iyon naman talaga ang plano ko kaya hindi na ako nagsabi sa kanila. Bigla ko lang naisip na pumunta doon,” mahinang sabi nito.
Iniiwas niya ang tingin dito. Unti-unti niyang naramdaman ang pagkawala ng inis sa babae. Parang ang hirap naman yatang magalit kapag ganito kaganda ang nasa harapan mo. Hindi na siya nagsalita at sa halip ay pilit na itinuon ang pansin sa paglilinis ng motor.
“I’m really sorry,” ani pa ng babae pagkalipas ng ilang minuto na hindi siya nagsasalita.
Nang mag-angat siya ng tingin ay nakatalikod na ang babae. “Miss Paige,” tawag niya rito.
Napaharap ito sa kanya.
“Next time huwag mo na lang iyong uulitin,” aniya at tipid na nginitian ito. “Mahirap maghanap. Mabuti na lang at naisip ko na baka doon ka pumunta.”
Sumilay ang isang magandang ngiti sa mukha ng dalaga at tumango ito. “Paano mo nga pala naisip na doon ako makikita?”
“Iyon lang naman ang malapit na park dito sa subdivision na puwede kang mag-jogging, 'di ba?”
“Pasensiya ka na ulit.”
Tinanguan niya ito. Walang imik na iniwan na siya ni Paige. Hindi niya mapigilang sundan ng tingin ang babae. Kanina nang tawagan siya ni Mrs. Colmenar para ipaalam na nawawala ang dalaga ay totoo ang nadama niyang pag-aalala. Hindi rin niya maipaliwanag kung bakit ganoon ang naramdaman niya. Nang makita niya si Paige kanina ay magkahalong inis at relief ang pumuno sa dibdib niya. He was so relieved to see her safe and unharmed.
Iyon kasi ang dahilan kaya narito ako. Kung may mangyayaring masama kay Paige, ano na lang ang mukhang ihaharap ko sa mga magulang niya at kay Ninong, pagbibigay niya ng katuwiran sa sarili bago binalikan ang ginagawa.
“GOOD morning,” nakangiting bati ni Paige kay Thaddeus pagkasakay niya ng kotse. Nasa loob na no’n ang lalaki at nakaupo sa driver’s seat. Isinuot niya ang seatbelt at saka muling tiningnan ang lalaki. Kunot na kunot ang noo ni Thaddeus nakatingin sa kanya. Alam niyang nagtataka ito dahil sa halip na sa back seat siya maupo ay duon siya pumuwesto sa unahan katabi nito. “Yes?” pigil ang mapangiti na sabi niya.
Umiling ito at nagbawi ng tingin. Tahimik na nitong ini-start ang kotse.
“Sasakyan ko naman ito so, kahit saan ako maupo puwede, 'di ba?” aniya nang manatiling walang imik ang lalaki. “Hindi naman kasi talaga ako sanay na doon nauupo sa likod.”
Hindi nagsalita ang lalaki pero nahuli niya ang pagsulyap nito sa kanya.
“Dumaan muna tayo sa San Lorenzo Ruiz Orphanage sa San Juan. May idadaan lang ako roon,” aniya sa binata pagkalabas nila ng gate ng mansiyon.
“Yes, Miss Paige,” tugon ng lalaki.
“And puwede bang tawagin mo na lang akong Paige? Anyway, you’re older than me naman."
Nagtataka siyang sinulyapan ng lalaki, nginitian naman niya ito. Maya-maya ay naiiling na napangiti rin si Thaddeus. His smile almost knocked all the air in her chest. Bakit ba napakaganda ng ngiti ng lalaking ito? At lalong bakit ba parang tuwang-tuwa siyang makita iyon?
“Part ba ito ng pagbawi mo sa nangyari kahapon?” ani ng binata.
“Uhmm… medyo,” aniya na patangu-tango pa. “Nahihiya kasi talaga ako sa nangyaring abala sa 'yo.”
“Ako rin dapat din akong mag-apologize,” sabi naman nito. Seryoso ang mukha ng lalaki habang nakatutok ang mga mata nito sa kalsada. “Napagtaasan kita ng boses kahapon. I’m really sorry, medyo uminit lang talaga ang ulo ko.”
“That’s alright, it’s my fault naman,” aniya na itinuon na rin ang tingin sa dinaraanan nila. “May sinabi ba sa'yo si Papa kung hanggang kailan mo ako kailangang bantayan?”
Hindi agad sumagot si Thaddeus.
“Hindi kasi ako sanay na may kasamang bodyguard. Noong bata ako, wala naman kasing ganoon, eh. Kumuha lang si Papa ng mga bodyguard niya mula noong maging senator na siya. And I made it clear to him na ayoko ng bodyguard,” aniya na nakaiwas ang tingin sa lalaki.
“Para sa safety ang bodyguards. Anak ka ng isa sa mga malalaking tao ng bansa kaya kailangan mo talaga iyon,” sabi ng lalaki na patuloy sa pagmamaneho.
Napahinga siya nang malalim at marahan na tumango. Alam naman niya ang bagay na iyon, pero gusto kasi niya ay maging simple lang kahit papaano. “I know. Pero wala namang nangyaring masama sa akin before, 'di ba?” nasabi na lamang niya.
“Iba na ngayon. Maraming kalaban ang father mo, and alam kong aware ka sa mga nangyayari sa paligid mo.”
Mahina siyang tumango. “Hindi nga lang siguro ako sanay sa ganito. Feeling ko kasi kapag may bodyguard ako, parang nawala na rin 'yong freedom to do whatever I want.”
Kunot-noong sinulyapan siya ni Thaddeus. “Hindi naman kita pinakikialaman sa mga ginagawa mo, right?”
“That’s not what I meant. Ang—”
“I got your point,” putol sa kanya ng lalaki. “Pero wala naman tayong magagawa, eh. Someone out there wants to hurt you and your family, kaya kailangan ninyong mag-ingat. At ako, I need to do my job. Kaya sa ayaw mo at sa gusto kailangan kitang sundan kahit saan ka magpunta. Besides, kailangan mo nang sanayin ang sarili mo dahil next year, puwedeng ikaw na ang ‘first daughter’. Kapag nangyari iyon mas magiging tight ang security mo.”
Hindi siya nagsalita.
“Kung ayaw mo talaga ng bodyguard, puwede naman nating gawan ng paraan 'yon,” pagkuway ay sabi ni Thaddeus.
Napatingin siya rito. “Ano’ng ibig mong sabihin?”
“Huwag mong isiping bodyguard mo ako,” nakangiti siya nitong sinulyapan. “Just think na kaibigan mo ako.”
Natawa siya sa sinabi nito.
“Ano’ng nakakatawa?” nagtatakang tanong nito.
“Sobra naman ang friend na iyon kung laging nakasunod sa kaibigan niya, 'di ba? Hindi kaya mas bagay na tawaging stalker iyon?” biro niya.
Napangiti rin ang lalaki. “May punto ka roon."