PAGKAGALING sa mansiyon ng mga Colmenar ay dumaan si Thaddeus sa isang supermarket. Kanina nang tawagan niya ang ina para ipaalam na uuwi siya ay nagbilin ito na ipag-grocery niya ang mga ito. Hindi raw kasi nakapamili ang ina dahil busy ito sa dami ng natanggap na order ng mga kakanin kahapon. Naisip niyang mamili na rin ng pasalubong sa mga pamangkin, isang linggo rin kasi siyang hindi nakauwi kaya kelangan niyang makabawi sa mga ito.
"Uncle!" narinig niyang sigaw ng kambal na sina Fiona at Sonia nang pumasok siya sa gate ng bahay nila. Naglalaro ang mga ito sa balkonahe pero nang makita siya ay nag-unahan na ang dalawa sa pagtakbo palapit sa kanya.
"Namiss ba ninyo ang Uncle?" tanong niya habang pinupugpog siya ng halik ng dalawang bata sa magkabila niyang pisngi.
"Opo," sabay na sagot ng dalawa.
"Weh? Baka naman binobola lang ninyo ako dahil alam ninyong may pasalubong ako sa inyo?" biro niya sa dalawa.
"Hindi, namiss ka talaga namin, Uncle," ani Fiona.
"Opo, totoo `yon," segunda naman ni Sonia sa kapatid. "Ang lungkot nga po kapag wala ka rito, eh."
"Sige na, naniniwala na ako. Nasaan ang Lola at Mama ninyo?" tanong niya sa magkapatid.
"Nasa kusina po," sabay na tugon ng dalawa.
Kinuha niya ang nakataling kahon sa kanyang motor at saka pumasok sa bahay kasunod ang dalawang bata.
"Uncle, totoo ba 'yong sinabi ni Mama na may babae ka raw na kasama sa bago mong tinitirhan?" inosenteng tanong ni Sonia.
"Ha?" na-sorpresang tanong niya.
"'Yong babaeng na 'yon ba ang magiging Tita namin?" dagdag na tanong ni Fiona.
"Hindi," mabilis niyang sabi. "Sino ba ang nagsabi niyan sa inyo?"
"Si Mama," mabilis na tugon ni Fiona. "Maganda ba 'yong kasama mong babae? Sabi ni Mama sikat daw po iyon."
"Artista ba siya, Uncle? Ano'ng pangalan niya?" usisa rin ni Sonia sa kanya.
Natatawang napailing siya. "Huwag kayong nagpapaniwala sa Mama ninyo ha. Binabantayan ko lang si Paige."
"Paige? Wow! Ang ganda naman ng pangalan niya!" ani Fiona na namilog pa ang mga mata. "Maganda rin ba siya?"
Ginulo niya ang buhok ng pamangkin. "Oo, pero mas maganda kayo."
Tumuloy siya sa kusina at naabutan niya roon ang ina at ang bunsong kapatid na abala pa sa pagluluto. Ibinitang niya ang dalang kahon sa ibabaw ng lamesa bago nilapitan ang kanyang ina at nagmano rito.
"Kaawaan ka ng Diyos," ani ng Nanay Divina pagkatapos niyang magmano.
"Kumusta kayo dito, Inay?" tanong niya na nilapitan ang kapatid na si Roselle.
"Mabuti naman, ikaw ba—"
"Aray!" malakas na sabi ni Roselle na pumutol sa sinasabi ng kanyang ina.
Napalingon ang matanda sa kanila.
"Aray ko naman, Kuya!" reklamo ni Roselle habang hinihimas ang parte na ulo na tinamaan nang batukan niya ito.
"Ikaw, limang taon pa lang 'yang kambal mo, kung anu-ano kaagad na kalokohan ang itinuturo mo!" wika niya sa kapatid na natawa lang sa sinabi niya.
"Ano na naman ba iyan?" pasaway na sabi ng kanilang ina nang akma niyang babatukan ulit si Roselle na mabilis na tumayo at lumayo sa kanya.
"Itong anak ninyo, kung anu-ano ang sinasabi sa mga bata? Inuusisa tuloy ako kung magiging Tita na daw ba nila si Paige," sumbong niya sa ina.
Pinukol ng tingin ng Nanay nila si Roselle.
"Nagbibiro lang naman ho ako, `Nay," mabilis na sabi ni Roselle. "Ang kukulit kasi, eh, ang daming tanong. Hinahanap nila si Kuya at sino daw ang kasama. Kaya para matahimik 'yon na lang ang sinabi ko."
Naupo siya at pinalapit ang dalawang bata. Kinandong niya ang mga ito. "Makinig kayo sa akin... Nagtatrabaho kasi si Uncle kaya kasama ko si Paige. Ako ang nag-aalaga sa kanya, binabantayan ko siya from bad guys."
"Pa-hero pa, baka mamukat-mukatan namin sinalakay mo na na 'yon," bubulong-bulong na sabi ni Roselle.
Bago pa siya makapag-react sa sinabi ng kapatid ay napahiyaw na ang babae nang kurutin ito ng kanilang ina sa singit. "Hindi ka matigil na babae ka! 'Andiyan pa man din sa harapan mo ang mga anak mo!"
Nagtawanan ang kambal habang pinapanuod ang ina na mabilis na lumayo sa lola ng mga ito.
"'Nay naman, eh! Kung makakurot ka, para akong bata na sinasaway ninyo," nakalabing sabi ni Roselle. "Inaasar ko lang naman si Kuya, eh!"
"Sumasagot pa, 'Nay, oh!" natatawang gatong pa niya sa ina.
Pinukol ni Nanay Divina ng nanlalaking mga mata ng bunsong anak. Napaiwas naman ng tingin si Roselle rito, at pagkatapos ay gusot ang mukha na naupo muli sa harapan ng lamesa.
Bumaling ang tingin sa kanya ni Sonia. "Uncle, ano 'yong sinasabi mo kanina na binabantayan mo si Paige?"
"Parang hero ka ba, Uncle?" tanong na rin ni Fiona sa kanya. "Parang sina Captain America at Superman?"
"Yes, ako ang protector niya," aniya at kiniliti ang dalawang bata.
Nangibabaw ang napakalakas na tawa ng dalawang bata. Ang dalawang pamangkin ang taga-alis niya ng pagod. Siya na ang tumatayong ama ng mga bata. Lumaki ang dalawa na walang kinikilalang ama dahil hindi pinanagutan si Roselle nang nakabuntis dito. Kahit walang kinalakihang ama ang mga ito ay hindi naman salat sa pagmamahal at atensiyon ang dalawang bata.
Maya-maya ay itinaboy na niya ang dalawang bata na pumunta sa salas.
"Kumusta ka naman doon sa mga Colmenar?" tanong sa kanya ng ina habang nakaharap ito sa niluluto.
"Ayos lang ho ako ro'n, Inay. Kayo nga ho ang inaalala ko rito, wala kayong nakakasama na lalaki rito," aniya habang kumukuha ng maiinom sa ref.
"Okay lang naman kami rito, kaya huwag mo kaming masyadong alalahanin," wika ni Aling Divina habang maingat nitong nilalagyan ng tomato sauce ang niluluto. "Dumaraan naman palagi rito si Ron at ang Ninong Victor mo para kumustahin kami."
Napatango siya. "Mabuti naman ho kung ganoon."
"Kumusta naman 'yong Paige, Kuya? Mabait ba naman katulad ng mga lumalabas na balita?" tanong sa kanya ni Roselle.
"Hoy, mamaya na ang kuwentuhan habang kumakain, hayaan mo munang makapagpahinga ang Kuya mo," saway ng ina nila kay Roselle bago siya binalingan. "Sige na, Thaddeus, magbihis ka na muna at magpahinga kahit ilang minuto. Tatawagin ka na lang namin kapag handa na ang hapunan."
Tumayo na siya at tinungo ang sarili niyang silid.
"MUKHANG aliw na aliw ka sa mga pamangkin mo, ah. Bakit kaya hindi ka na lang gumawa ng sarili mong mga anak?" hindi napigilang komento ni Ron nang bumalik siya sa kinauupuan niya pagkatapos ayusin ang nasirang laruan ni Sonia.
Ngumiti lang siya at dinampot ang beer niya. Nasa balkonahe sila ng bahay nila at nag-iinuman. Kanina kakasimula lang nilang maghapunan nang dumating si Ron. Nalaman niya sa dalawang pamangkin na gabi-gabi pala ay dumaraan doon ang kaibigan niya. Pagkatapos nilang maghapunan ay nagyaya si Ron na uminom habang nagpapalipas ng oras.
"Maghanap ka na kasi ng nanay ng mga magiging anak mo, Bayaw," dagdag pa ng kaibigan niya.
Natatawang tiningnan niya ito. "Kung makatawag ka ng bayaw, parang sinagot ka na ni Roselle, ah."
Napasimangot naman ang lalaki. "'Yon nga, eh. Hanggang ngayon hindi pa rin ako tinatanggap ng kapatid mo. Pinipigilan mo yata, eh. Ayaw mo ba sa akin para kay Roselle?"
Naiiling na tinungga niya ang laman na beer ng kanyang baso bago nagsalita. "Bakit ko naman siya pipigilan? Hindi ko pinakikialaman ang desisyon ng kapatid ko pagdating sa bagay na iyan. Alam mo namang wala kang problema sa akin, eh."
Napangiti si Ron sa sinabi niya. "Sinasabi ko na nga ba at boto ka sa akin, eh."
"Pero wala akong magagawa kung hindi pa handa si Roselle na makipag-relasyon."
Nawala ang pagkakangisi ni Ron.
Tinapik niya ang balikat nito. "Hayaan mo na lang muna."
Napabuntong-hininga ang lalaki. "Ano pa nga ba'ng ginagawa ko? Naghihintay naman ako, 'di ba?"
Nakangiting tinanguan niya ito. Wala naman talagang kaso sa kanya kung magkakatuluyan sina Ron at Roselle. May tiwala naman siyang hindi sasaktan ng kaibigan niya ang kanyang kapatid.
"Pero sa totoo lang Pare, ikaw ang inaalala ko," pagkuway ay sabi ni Ron.
Napakunot ang kanyang noo habang nakatingin rito.
"Aba'y baka maunahan ka pa namin ni Roselle. Sinasabi ko sa'yo once na sagutin ako ng kapatid mo itutuloy ko agad iyan sa simbahan, kaya kung ako sa'yo maghanap-hanap ka na kung ayaw mong mapag-iwanan."
"Sira-ulo ka! Ano'ng akala mo sa pag-aasawa? Karera?" natatawa niyang pakli.
"Sinasabihan lang kita. Ang pangit naman kasi na mauunahan ka pa ng bunso ninyo na lumagay sa tahimik."
Napailing siya. "Gago ka talaga. Anyway, kumusta nga pala sa opisina?" pagbabago niya ng usapan.
"Ayos naman, medyo malupit 'yong bagong kaso na pinahawakan sa team," ani Ron na parang biglang nagbago ang timpla.
Napakunot ang noo niya.
"Tungkol doon sa isang sindikato na nag-e-smuggle ng mga luxury cars dito," tugon nito. "Nagsisimula pa lang kaming mangalap ng impormasyon. May nahuli kaming isang tauhan ng miyembro ng sindikato pero matigas, eh. Ayaw umamin at ituro ang mga kasamahan niya."
Napabuga siya ng hangin at mahinang napailing. "Ganyang mga kaso ang gusto kong hawakan."
Tinapik ni Ron ang balikat niya. "Hayaan mo na, ipaubaya mo na muna sa amin ito. Anyway, kumusta si Paige Colmenar?"
Hindi siya sumagot.
"Hoy, ano?!"
"Pakiramdam ko nagsasayang lang ang oras ko doon. Para akong nag-aalaga ng bata," aniya na napa-iling pa.
"Maganda at sexy naman na bata iyon," tumatawang biro sa kanya ni Ron.
"Palagay ko nananakot lang 'yong tumawag noon kay Senator Colmenar. Natural lang naman iyon, 'di ba? Sino bang politiko ang hindi nakatanggap ng mga ganoong threat?" aniya bago muling nagsalin ng beer sa baso.
"Iba kasi 'yon, siyempre nag-iisang anak si Paige kaya ganoon na lang ang takot ni Senator. At talagang maraming puwedeng makaisip ng masama dahil iyon nga, tatakbong siyang president sa susunod na taon. Alam naman natin kung gaano karami ang nakalaban ng senador dahil sa pag-gawa niya ng tama at lahat sila ayaw na matuloy ang pagtakbo niya sa presidential election. At para mapigilan o ma-diskaril ang plano ni Senator si Paige ang pupuntiryahin nila, dahil alam nila na ang anak ang kahinaan niya."
Hindi siya nagsalita. Anuman ang sabihin sa kanya ng kaibigan ay hindi pa rin siya natutuwa sa assignment niya ngayon.