Chapter Four

1853 Words
MAAGANG tinapos ni Paige ang kanyang mga gawain sa opisina saka siya nagpahatid kay Thaddeus sa MOA. Kanina ay tinawagan siya nila Perrie at niyaya siyang mag-lunch, Sabado naman ngayon at half day lang ang opisina nila kaya pinagbigyan na niya ang mga kaibigan. Pagkatapos i-park ni Thaddeus ang kotse ay magkasama silang nagtungo sa third floor sa main building ng mall. Tahimik na nakasunod sa kanya ang lalaki. Tatlong araw na niyang nakakasama ang lalaki pero hindi pa rin siya komportable sa presensiya nito. Ni hindi sila halos nag-uusap kaya wala pa siyang masyadong alam tungkol sa binata. Hindi rin masyadong nagsasalita ang lalaki, tahimik lang ito at tila palaging seryoso. "You can wait inside the restaurant and eat, or if you want puwede kang maglibot-libot muna while I'm with my friends. Tatawagan na lang kita kapag uuwi na tayo," basag niya sa katahimikan. "Hindi ko ho kayo puwedeng iwan, Ma'am," agad na sabi ng lalaki. Gusto sana niyang mag-protesta pero pinigil niya ang sarili. Ito ang dahilan kung bakit simula't-sapol ay ayaw niya ng bodyguard. Pakiramdam niya ay para siyang preso na binabantayan. Nasasakal siya. "Ikaw ang bahala," timpi ang inis na sabi na lang niya. Sa isang Korean restaurant siya hinihintay nina Akira. Ipinagbukas siya ng pinto ni Thaddeus at hinayaan siya nitong maunang pumasok sa loob. Agad niyang nakita ang kinauupuan ng mga kaibigan. Nang lumapit siya sa mga ito ay hindi na sumunod si Thaddeus, naupo ito sa isang bakanteng lamesa malapit sa may pinto. "Kanina pa ba kayo? May tinapos pa kasi ako sa office kaya hindi agad ako nakalabas," aniya habang hinahagkan ang mga kaibigan sa pisngi. "Kadarating lang din namin," sagot ni Perrie. "Sino 'yon?" tanong ni Akira, ang mga mata nito ay nakapako sa direksiyon ng kinaroroonan ni Thaddeus. Sinulyapan niya si Thaddeus. "Bodyguard ko." "Bodyguard?!" tila hindi makapaniwalang sabi ni Akira. "Seryoso ka?" "Yeah," aniya habang binubuklat ang menu. "Pero hindi siya mukhang bodyguard," ani Akira na titig na titig sa lalaki. Napatingin siya sa kaibigan, at ganoon din ang dalawa pa nilang kasama. "Hoy, Akira! Huwag mong sabihing type mo na naman `yon?" ani Scarlet na naunahan lang siya na sabihin iyon. Nakatikwas ang kilay na tiningnan ni Akira si Scarlet. "Bakit ba?" "My Gosh! Ano ka ba?! Mamili ka naman!" ani Scarlet na pinanlakihan pa ng mata ang babae. "Don't worry, hindi naman siya katulad ng ibang nakaka-date ni Akira. He's an NBI special investigator," aniya na muli nang ibinalik ang pansin sa listahan ng mga pagkain. "Wow! He's an agent pala?" tanong ni Akira na mukhang interesado talaga kay Thaddeus. "Single pa ba siya?" Tiningnan niya ang babae at nagkibit-balikat siya. "I don't know. Kailangan ko pa ba 'yong alamin?" pakli niya rito. Tiningnan siya ni Akira pagkuway ay napa-iling ito. "Hindi na talaga ako magtataka kung tatanda kang dalaga. Napaka-seryoso mo na, ang snob mo pa!" Magsasalita sana siya nang biglang tumayo si Akira. "Where are you going?" kunot-noong tanong ni Perrie dito. "I will invite him to join us," nakangiting sagot ng babae. Bago pa may makapag-salita sa kanila ay tinalikuran na sila ni Akira. Naiiling na napasunod ang tingin niya sa babae. Nakilala ang grupo nila na Posh Girls noong college, hindi lang dahil sa klase ng mga pinanggalingan nilang pamilya kundi pati na rin sa pagiging pihikan nila. Marami ang nanligaw sa kanila pero nahirapan ang mga ito dahil sa taas ng standards nila. May mga naging nobyo din naman sila pero hindi nagtatagal ang mga iyon. Isa pang pinagkapare-pareho nilang anim ay ang paniniwala na hindi sila puwedeng i-kontrol ng mga lalaking mamahalin nila at iyon ang dahilan kung bakit hindi tumatagal ang mga naging relasyon nila. Pero si Akira ay iba sa kanila, mas mabilis itong mapalapit sa mga lalaki. Ilang sandali pa ay bumalik na si Akira kasama si Thaddeus. Muntik nang mapatikwas ang kilay niya nang makita na nakakawit ang isang kamay ng kaibigan sa braso ng lalaki. Close agad sila?  tahimik niyang naisaloob. "Girls, meet Thaddeus Imperial. Thaddeus, mga kaibigan namin ni Paige, sina Perrie and Scarlet," pagpapakilala ni Akira sa kanila. "Good afternoon," pormal na bati ni Thaddeus kina Perrie. Pilit na ngiti ang iginanti rito ni Perrie, habang si Scarlet ay walang imik na hinagod ng tingin ang lalaki mula ulo hanggang paa. Naupo na si Akira at itinuro nito kay Thaddeus ang silyang katapat ng kinauupuan niya. Nakita niya ang pag-ngiti ng lalaki nang magtama ang mga mata nila pero nagkunwari siyang hindi iyon napansin. "Pasensiya ka na kay Paige, Thaddues, ha," pagkuway ay sabi ni Akira sa lalaki nang tapos na silang magbigay ng order sa crew na nakatayo sa may lamesa nila. Nagtatakang napatingin siya kay Akira. Ano'ng kailangan nitong ihingi ng despensa sa lalaki para sa kanya? "Kung minsan kasi nakakalimutan n'ya ang tamang manners. Tulad ngayon, ni hindi man lang siya nagkusang ipakilala ka sa amin," nakangiting patuloy ni Akira na halatang nagpapa-cute sa lalaki. Pigil niya ang sarili na sipain ang paa ng kaibigan na nasa ilalim ng lamesa. Sa halip ay pasimple na lang niyang pinandilatan si Akira. "It's okay," nakangiting sabi ng lalaki.  Lihim siyang napahanga kay Thaddeus. Hindi ito tulad ng ibang tao na madaling nai-intimidate sa mga kaibigan niya. Kanina pa ito pinupukol nila Perrie at Scarlet ng mapanuring tingin pero tila hindi ito apektado ng mga iyon. Hindi man lang kababakasan ng pagka-ilang ang mukha nito. "Paige told us that you're from NBI," ani Scarlet. "So I guess, you're one of their best man. Kasi hindi ka naman siguro nila ire-recommend kay Tito Ernesto kung hindi sila ganoon katiwala sa'yo. So, ilang taon ka na bang nasa NBI?" "More than three years," tugon ni Thaddeus. "Marami ka na bang case na na-solve?" dagdag na tanong ni Perrie. "Medyo," kibit-balikat na sagot ng lalaki. She looked intently at him. In fairness sa lalaki, wala siyang maramdamang yabang sa tono ng boses nito. "So how old are you when you joined the NBI?" si Scarlet ulit ang nagtanong. "I was twenty-six nang mag-start akong mag-training," sagot ni Thaddeus. "You must be very intelligent," komento ni Perrie. "Mahirap pumasok sa NBI. Hindi basta-basta ang grade requirements na hinihingi nila at ganoon rin ang exams at training para sa mga special investigators." Tumango lang ang lalaki. "Or baka naman may kakilala kang mataas ang position sa agency kaya hindi ka na masyadong nahirapang makapasok doon?" banat pa ni Perrie. Hindi umimik si Thaddeus pero nakatitig ito sa kaibigan niya. "Perrie," pasaway niyang sabi sa babae. Siya ang nakaramdam ng hiya sa walang ligoy-ligoy na sinabi ng kaibigan sa lalaki. Tiningnan siya ni Perrie. "What?" tila balewalang sabi nito. Hindi siya umimik pero makahulugan niya itong tiningnan. "Dahan-dahan naman kasi kayo sa pagtatanong, talo n'yo pa ang kayo ang investigator dito, eh," ani Akira sa dalawa nilang kaibigan bago nito binalingan ang lalaki. "Sorry ha, taklesa lang kasi talaga sila minsan." Nakita niyang tila gustong umalma ni Scarlet sa sinabi ni Akira, pero hindi na rin naman ito nagsalita tulad ni Perrie. Inirapan na lang nito si Akira. Napatanga siya nang makita ang pag-ngiti ni Thaddeus kay Akira. That may be the sexiest smile she had ever seen. Napakalakas ng dating niyon at pakiramdam niya ay nag-iba ang tahip ng kanyang dibdib. Nang sulyapan siya ni Thaddeus ay agad naman siyang nagbawi ng tingin. Ilang sandali pa ay isinerve na sa kanila ang kanilang mga order. Habang kumakain ay hindi pa rin nagpa-awat sina Perrie at Akira sa pagtatanong sa lalaki. Panay tungkol sa personal na bagay ang tinatanong ni Akira, habang si Perrie naman ay tungkol sa trabaho. Kahit paano ay nakatulong din ang pagiging usisera nila Perrie, marami siyang nalaman tungkol sa lalaki. Thirty years old na pala ito at binata pa. Panganay si Thaddeus sa apat na magkakapatid. Hindi rin niya maiwasang ma-impress nang malaman na c*m laude ito sa UP Diliman sa kursong Accountancy.  Lihim niyang sinusulyapan ang binata habang kumakain sila. Bukod sa magaling na agent, matalino rin ito... at guwapo pa. Halos wala siyang maipipintas sa features ng mukha nito. Lalo na ang mga mata nitong matiim tumingin na sa palagay niya ay siyang pinaka-prominente. MAG-AALAS kuwatro na ng hapon nang makauwi sina Paige. Naabutan niya ang ina na inihahanda ang dinner nila katulong ang isa nilang kasambahay. Iyon ang isa sa hinahangaan niya sa ginang. Kahit abala ito sa negosyo at pag-suporta sa mga proyekto ng kanyang ama ay nagagampanan pa rin nito ang responsibilidad bilang ilaw ng kanilang pamilya. Niyakap niya ang may edad na babae mula sa likuran at hinagkan ito sa pisngi. "Hi, 'Ma. Si Papa?" "On the way na daw pauwi," sabi ng ginang na noon ay maingat na hinihiwa ang iba't-ibang prutas para sa panghimagas nila. Umalis siya sa pagkakayakap dito at kinuha ang isa pang kutsilyo para tulungan ito. "Kumusta ka naman?" "Okay naman ho, busy pa rin doon sa office," sagot niya. "Kumusta naman ang bodyguard mo?" Natigilan siya sa tanong nito. Sinulyapan lang niya ang ina pero hindi siya sumagot.  "Alam kong masama pa rin ang loob mo sa Papa mo dahil sa ginawa niya. Pero intindihin na lang natin ang ama mo, Hija. Ayaw lang niya na may mangyaring masama sa 'yo. Ikaw ang nag-iisa naming anak, kaya hindi mo  kami masisisi kung gusto ka naming protektahan." Napahugot siya nang malalim na hininga. "Alam ko naman ho `yon, kaya lang hindi ho talaga ako sanay na may bumubuntot sa akin. Katulad kanina, kasama ko sina Akira pero naroon pa rin siya at nakabantay." "He's just following your father's order, huwag mong pag-initan 'yong tao." Hindi na siya sumagot. Pareho sila ng ina na napa-angat ang tingin nang pumasok ang isa nilang kasambahay kasunod si Thaddeus. "Ma'am Paige, gusto raw po kayong makausap ni Sir," ani ng kasambahay at iniwan na rin sila nito. Kunot-noo niyang tiningnan ang lalaki. "Magpapaalam lang ho sana ako, Miss Paige, Mrs. Colmenar. Uuwi muna ho ako," ani ng lalaki na nakatingin sa kanyang Mama. "Sige, okay lang naman na umuwi ka. Kapag ganitong weekend, bihira namang umalis si Paige kaya puwede kang umuwi," nakangiting sabi ng Mama niya. Binalingan siya ng tingin ni Thaddeus. "S-sige," aniya na bahagyang nakaramdam ng asiwa habang nakatingin sa mukha niya ang lalaki. "May iba namang puwedeng sumama sa akin, if ever may biglaan akong lakad." Nakpatango ang lalaki. "Salamat po. Babalik na lang ho ako ng Monday morning, Miss Paige." "Okay," aniya na binawi na ang tingin mula rito. Bakit ba hindi siya komportableng salubungin ang mga mata ng taong ito? Sanay naman siya na makipag-usap at makisalamuha sa ibang tao pero bakit sa lalaking ito ay hindi siya mapalagay. Pagkatapos magpaalam ay iniwan na sila ng lalaki. "Mukha namang mabait si Thaddeus," komento ni Mrs. Colmenar habang nakasunod ang tingin sa lalaki. Hindi siya umimik, ibinaling niya ang tingin sa hinihiwang prutas. Mukha nga, pero sana lang huwag niya akong titingnan na parang tumatagos ang mga mata niya sa kaluluwa ko. Parang mas kinakabahan pa nga yata ako ngayon na kasama ko siya, keysa noong mag-isa lang ako at walang kasamang bodyguard, lihim niyang naisaloob.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD