INIHINTO ni Paige ang kotse sa harap ng front door ng kanilang mansiyon at mabilis siyang bumaba bitbit ang kanyang bag. Bago siya pumasok sa loob ng mansiyon ay nahagip pa ng mga mata niya si Thaddeus na inihinto ang motor sa may likuran ng kotse niya.
“Si Papa?” tanong niya sa katulong na sumalubong sa kanya.
“Nasa study ho,” tugon ng kasambahay.
Iniabot niya rito ang kanyang bag pati na ang susi ng kanyang kotse bago nag-martsa patungo sa study room. Dama niya na nakasunod sa kanya si Thaddeus pero hindi niya ito pinansin. Binuksan niya ang pinto ng study nang hindi man lang kumakatok. Magkasabay na napalingon sa kanya ang mga magulang niya. Hindi man lang nagulat ang mga ito sa bigla niyang pagpasok sa loob ng study, mukhang inaasahan na ng dalawa na doon siya dideretso pagdating niya sa kanilang tahanan.
“Why did you do that without telling me?” agad niyang tanong sa ama bakas ang magkahalong galit at hinanakit sa tinig niya. “Akala ko ho ba nagkasundo na tayong hindi ninyo ako bibigyan ng bodyguard? Pero bakit ngayon pinasusundan naman ninyo ako ng palihim?”
Napahugot nang malalim na hininga si Senator Colmenar at diretso siyang tiningnan. "Hindi ko sinabi sa'yo dahil alam kong iyan ang magiging reaksiyon mo. Magagalit ka at hindi ka papayag.”
Napailing siya. “Alam ba ninyo kung ano ang nangyari? Napahiya ako doon sa mga pulis na tinawagan ko. Para akong tanga na nagpa-panic, tapos malalaman ko na kayo ang nag-utos na sundan ako?"
Hindi sumagot ang mag-asawa. Tahimik lang din si Thaddeus na nasa kanyang likuran.
“Sinabi ko naman sa inyo na ayoko ng bodyguard, 'di ba?” pigil ang pagmamaktol na sabi niya.
“I know, Hija. But you need it. Delikado ang panahon ngayon. Gusto ko lang naman na masiguro ang kaligtasan mo,” sabi ng Papa niya.
“You want me to be safe? Alam ba ninyong muntik na rin akong mamatay sa nerbiyos kanina nang maramdaman kong may sumusunod sa akin?” puno ng sarkasmo na sabi niya. “Kaya ko naman hong alagaan ang sarili ko. Wala namang mangyayaring masama sa akin.”
“Akala mo ba hindi ko alam kung ano ang nangyari sa'yo last week, Paige?” ani ng kanyang Papa na titig na titig sa kanya.
Natigilan siya pero agad din namang nakabawi. "Ano ho'ng ibig ninyong sabihin?" kunwari ay maang niyang tanong.
“You were being tailed," mariin na sabi ng kanyang ama. "Mabuti na nga lang at nagawa mong iligaw ang mga sumusunod sa'yo. Alam mo ba kung gaano kami nag-alala noon ng Mama mo?”
Nakagat niya ang pang-ibabang labi. Hindi na niya iyon ipinaalam noon sa mga magulang pero mukhang nasabi iyon ni Iona sa mga ito. Walang duda na ang kaibigan niya ang nagsumbong sa mga magulang niya, ang babae lang naman kasi ang nakakaalam ng nangyari. “'Pa, wala ho iyon. I’m not even sure kung sinusundan nga ako ng kotse na iyon.”
“Well, ako nakakasigurong sinusundan ka,” agad na sabi ni Ernesto.
Napaawang ang bibig niya. “Ano ho’ng ibig ninyong sabihin?” kunot-noo niyang tanong.
“Kaya kami umuwi agad ng Mama mo that night dahil may tumawag sa akin at sinabing ingatan kita. Hindi raw kita dapat hinahayaang nag-iisa because that makes you an easy target according to them. Ang sabi pa niya, sa susunod na makakuha sila nang pagkakataon, itutuloy na nila ang balak nila sa`yo,” tugon ng ama niya.
Naramdaman niya ang pangingilabot ng kanyang katawan sa narinig, pero hindi niya ipinahalata iyon sa mga magulang. “Do you have an idea kung sino 'yon? Baka naman hollow threats lang ang mga `yon."
Napakibit-balikat ang Papa niya. “Hindi natin alam, Hija, kaya nga gusto kong makasiguro. I asked your Tito Victor for someone who can look after you, at si Thaddeus ang ipinadala niya. Isa lang ang kinuha kong magbabantay sa`yo dahil nga alam kong ayaw mo ng bodyguard. Lalo ka lang hindi papayag kung dalawa o higit pa ang kukunin ko. Anyway, ang sabi naman ng Tito Victor mo ay kayang-kaya ni Thaddeus na alagaan ka. Malaki ang tiwala sa kanya ng Tito mo, so I guess, wala na akong dapat pang alalahaanin."
Sinulyapan niya ang walang ka-imik-imik na si Thaddeus. “Pero sana ipinaalam pa rin muna ninyo ito sa akin.”
Pagkasabi niyon ay tinalikuran na niya ang mga magulang. Alam niyang wala ring mangyayari kahit ano pa ang sabihin niya. Hindi niya matatalo ang Papa niya sa argumentong ito, lalo na at buhay niya ang pinag-uusapan. Sinulyapan niya si Thaddeus bago siya tuluyang lumabas ng study.
MAAGANG nagising si Paige kinaumagahan. Pagkatapos maligo at magbihis para sa pagpasok sa opisina ay lumabas na siya ng kanyang silid at nagtungo sa lanai kung saan naghihintay ang mga magulang niya para magkakasabay silang mag-almusal. Napatda siya nang makitang kasalo na ng mga ito si Thaddeus.
“Good morning ho,” mahinang bati sa kanya ng lalaki.
Hindi siya umimik at sa halip ay naupo siya sa tabi ng kanyang ina, sa harap ni Thaddeus. Sinikap niyang iiwas ang tingin sa lalaki.
“You have an appointment at nine with Undersecretary De Leon,” aniya sa ama habang naglalagay siya ng pagkain sa kanyang plato. “Nailagay ko na ho sa study ninyo ang mga papers na hinihingi ninyo para sa meeting ninyong dalawa.”
“How about 'yong itinawag ni Mrs. Mendez na foundation day ng organization nila? Maisisingit ba natin iyon sa schedule ko?” tanong ng Papa niya.
Mahina siyang umiling. “Conflict ang schedule sa meeting ninyo with the President. I already called Mrs. Mendez, and I told her na ako ang pupunta in your behalf. Naiintindihan naman niya kung bakit hindi kayo makakapunta.”
Sandaling namayani ang katahimikan habang kumakain sila. Alam niyang pinakikiramdaman siya ng kanyang mga magulang. Marahil ay napansin ng mga ito ang malamig na pakikitungo niya sa mga ito. Uma-umaga kasi kapag magkakasabay silang nag-aalmusal, masigla niyang binabati ang mga ito at hinahagkan sa pisngi ang mga magulang. Pero ngayon ay hindi niya iyon ginawa, masama pa rin kasi ang loob niya dahil sa nangyari kagabi.
Nang bahagya niyang i-angat ang tingin ay nahuli niyang nakatingin sa kanya si Thaddeus. Hindi nito binawi ang tingin kahit na nagsalubong na ang kanilang mga mata.
Siya ang unang nagbawi ng tingin. Hindi niya kayang tagalan ang matiim na titig ng magaganda nitong mata, his stares made her uneasy. Ganoon ba talagang tumingin ang mga NBI investigator? Tingin pa lang parang nang-i-interrogate na, naisaloob niya.
“Alam kong masama pa rin ang loob mo, Hija,” basag ng Papa niya sa katahimikan. “But I’m doing this for you.”
Pinigil niya ang sarili na mapabuntong-hininga. “I know, kaya nga ho hindi na ako nakipagtalo, 'di ba,” sabi niya pero hindi niya ito tiningnan.
Hindi na ipinilit pa ng Papa niya na pag-usapan ang nangyari kagabi, binago na nito ang usapan.
TAHIMIK na sinundan ni Thaddeus si Paige palabas ng mansiyon ng mga Colmenar pagkatapos nilang mag-almusal. Kanina ay malaya niyang napagmasdan ito habang kumakain sila at nag-uusap ang mag-ama. Tama si Ron, maganda talaga ang nag-iisang anak ng senador. Ilang beses na rin niyang nakita ang babae sa telebisyon at mga article sa newspaper, pero mas maganda ito sa personal. Maamo ang mukha nito, may mapula at katamtamang nipis na mga labi, at matangos na ilong na pawang namana nito sa mestizang ina. Maganda rin ang mga mata nito, napaka-expressive, at iyon ang tingin niya ay nakuha ng dalaga sa ama nito. Makikita sa mga mata at pagsasalita ni Paige kanina habang nag-uusap ang mag-ama tungkol sa mga bagay-bagay sa opisina na hindi ito basta-basta, matalino rin ang babae.
Nasa harap na ng front door ang isang silver na Ford Focus paglabas nila. Nilampasan niya ang babae at iniabot naman sa kanya ang susi ng matandang lalaking naabutan nilang nagpupunas ng windshield ng kotse. Binuksan niya ang pinto ng backseat para kay Paige pero hindi sumakay roon ang babae, sa halip ay dumiretso ito sa bahagi ng driver’s seat.
“Give me my car key,” malamig na utos ng babae sa kanya.
Kunot-noo niya itong tiningnan.
“Hindi ko ipinapa-drive ang kotse ko sa iba,” dagdag ni Paige. “Give me the key.”
“Ma’am, kasama sa trabaho ko—”
“Ang narinig kong sinabi ni Papa, bodyguard kita… hindi driver-bodyguard,” putol nito sa kanya. “Ako ang magda-drive, akin na ang susi. If you’re not comfortable na ako ang nagda-drive, you can use your motorbike naman, 'di ba?”
Napailing siya. Parang kulang ang mga description ng babae na nabuo sa isip niya kanina—matigas rin pala ang ulo ni Paige Colmenar.
Akma na niyang iaabot ang susi rito nang may magsalita sa kanyang likuran.
“Thaddeus will drive your car, Paige,” tinig iyon ni Senator Colmenar na nakatayo sa may front door.
Nakita niya ang pagtiim ng bagang ng dalaga, bakas sa mukha nito ang matinding inis at pagtutol pero hindi na ito nagsalita. Gusot ang mukha na binuksan nito ang backseat at pumasok sa loob ng kotse, malakas nitong isinara ang pinto ng sasakyan. Pigil ang mapailing na binalingan niya si Senator Colmenar, pagkatapos magpaalam rito ay tinungo na niya ang unahan ng kotse at sumakay roon.
Ini-start niya ang sasakyan at minani-obra iyon palabas ng gate. “Diretso na ho ba tayo sa office, Ma’am?” tanong niya sa nakasimangot pa ring si Paige.
“Yes,” matipid at malamig nitong sagot.
Hindi na siya umimik, itinuon na niya ang pansin sa pagmamaneho. Nang sumulyap siya sa rearview mirror ay nakita niyang hawak ni Paige ang tablet nito. Kagat-kagat nito ang pang-ibabang labi habang nagpipindot sa hawak na gadget.
Kung hindi nakasuot ng pang-corporate attire ang dalaga ay iisipin niyang isa lang itong kolehiyala. Napaka-inosente at elegante ng dating nito. Naka-slocks pants ng puti, mint green na collared-blouse at manipis na makeup lang ang babae. Wala din itong masyadong accessory na suot, black pearl earrings at relos lang ang suot nito.
Nakarating sila sa GSIS headquarters nang hindi nagsasalita ang dalaga. Sa underground parking niya idineretso ang sasakyan. Mabilis siyang bumaba para pag-buksan ng pinto si Paige pero bago pa niya nagawa iyon ay nakababa na ito. Tinangka niyang kunin ang laptop bag nito pero iniiwas iyon ng dalaga.
“'Andito na ako sa office, safe na ako dito. Hindi mo na ako kailangang bantayan. You can do or go anywhere you want. Just meet me here before lunch time,” ani ng babae.
“I'm sorry, pero hindi iyon ang instruction na ibinigay sa akin ni Senator, Miss Paige. Ang sabi niya ay hindi kayo dapat mawala sa paningin ko,” aniya sa seryosong tinig.
Tumikwas ang kilay ng babae. “Tight naman ang security dito sa Senate, so, wala kang dapat alalahanin kapag nandito na ako.”
Napatango siya. “Pero mabuti na rin 'yong nakakasiguro tayo. May tinatawag na inside job, Ma’am.”
Tinitigan siya ng babae, bakas sa magandang mukha nito ang tinitimping inis. Bumuka ang bibig nito na tila may gustong sabihin pero hindi na nito iyon itinuloy. Iniabot nito sa kanya ang laptop bag bago pairap siyang tinalikuran.
Napapailing na sinundan niya ito patungo sa elevator. Hindi niya alam kung paano niya tatagalan ang trabahong ito. Ang gusto niya ay aksyon kaya nga siya pumasok sa NBI, pero ngayon ay heto’t naging taga-sunod at taga-bitbit na lang siya ng gamit ng babaeng ito. Kung hindi lang ang Ninong Victor niya ang nakiusap na pumayag siya ay hindi talaga niya ito gagawin.