Chapter Two

1718 Words
"BAKA NAMAN ho puwedeng iba na lang ang i-assign ninyo riyan, Ninong,” mahihimigan ng pakiusap na sabi ni Thaddeus kay Victor Suarez, ang Deputy Director of Special Investigation Services ng NBI. Umiling ang kanyang Ninong, bakas sa mukha nito na final na ang decision nito. “Pasensiya na, Hijo. Wala na kasi akong ibang maisip na puwede kong i-rekomenda kay Ernesto maliban sa 'yo. Ilang buwan lang naman iyon, pagbigyan mo na ako." Napakamot siya sa ulo. Hindi siya makapaniwalang pagkatapos niyang maging parte sa pag-solve ng malalaking kaso nitong mga nakaraang taon ay ito pala ang susunod na assignment na ibibigay sa kanya—ang bantayan ang nag-iisang anak ni Senator Ernesto Colmenar. “Hijo, ikaw lang din naman ang inaalala ko. Ilang sunod-sunod na malalaking kaso ang hinawakan mo, alam kong matinding pagod at pressure iyon sa 'yo. Idagdag pa `yong peligrong hatid niyon dahil sa dami ng taong nasagasaan natin," patuloy na sabi ni Victor. "Gusto ko lang naman na bigyan ka ng mas magaan-gaan na assignment para naman makapagpahinga ka. Masyado kang subsob sa trabaho, eh." Napailing siya. “Pinalalabas pa ho ninyong pabor 'yan sa akin iyan, eh.” “Sinabi ko na kay Ernesto na ikaw ang ipadadala ko roon sa Lunes, hahayaan mo ba akong mapahiya?" tila nangongonsensiya pang tanong ng lalaki. Hindi nito pinansin ang sinabi niya. Napabuga siya ng hangin. “Ano pa ho ba’ng magagawa ko kundi ang sumunod sa inyo,” halata sa tinig niya na talagang napipilitan lang siyang tanggapin iyon. Pagkatapos siyang bigyan ng maikling briefing ng Ninong niya tungkol sa bagong assignment nitong ibinigay sa kanya ay lumabas na siya ng opisina nito. Laglag ang balikat na tinungo niya ang kanyang table. “Ano’ng balita, Pare? Magkakasama ba ulit tayo sa bagong kaso?” tanong ng kaibigan niyang si Ron. Mahinang iling lang ang isinagot niya rito at sinimulan niyang isilid sa bag niya ang ilang gamit niyang nasa lamesa. “Bakit? Pero may balita ka ba kung ano’ng kaso ang ibibigay sa amin?” tanong pa nito. “Hindi ko alam kung ano’ng bagong kaso ang ibibigay sa inyo. Basta ako magpapahinga muna,” halata ang bugnot sa kanyang tinig. Nagsalubong ang kilay ng lalaki. “Ano’ng ibig mong sabihin? Pinagbabakasyon ka ni Director?” “Magbaby-sit daw muna ako,” tugon niya. Naguguluhan siyang tiningnan ng lalaki. "Ano?" “Ako ang magiging bodyguard no’ng anak ni Senator Colmenar," paglilinaw niya rito. Namilog ang mga mata ni Ron sa sinabi niya. “Si Paige Colmenar?” gulat na sabi nito. "Nag-iisang anak lang 'yon, 'di ba? So, malamang siya nga iyon." “Ang suwerte mo, Pare!” ani ng kaibigan niya at hinampas pa ang balikat niya. “Buong araw akong bubuntot sa babaeng iyon, ano’ng suwerte doon?” “Pare, ang ganda-ganda kaya ng anak ni Senator. Bebot na bebot!” “Ganoon ba? O sige, gusto mo magpalit tayo? Kausapin mo si Director, sabihin mo ikaw na lang ang i-assign niya roon?” puno ng sarkasmo na sabi niya sa lalaki. “Malabo iyon,” napailing na sabi ni Ron. “Gaano ka raw katagal na maa-assign doon?” “Hindi ko pa alam, pero sana huwag matagalan. Sige, Pare, mauna na ako sa 'yo. Balitaan mo na lang ako sa nangyayari rito,” tinapik niya ang balikat nito bago isinukbit ang bag sa balikat at tinalikuran na ang lalaki. Napailing siya habang naglalakad palabas ng opisina ng ahensiya. Buong akala niya ay mas maganda at mas malaking kaso ang ibibigay sa kanya ng Ninong niya nang ipatawag siya nito kanina. Hindi niya inaasahan na ito pala ang sinasabi nitong magandang assignment. Napabuntong-hininga na lang siya. BAHAGYANG napakunot ang noo ni Paige habang nagmamaneho. Hindi niya alam kung dahil ba sa nangyari noong nakaraang linggo kaya pakiramdam niya ay parang palaging may sumusunod sa kanya. Sinulyapan niya ang mga side mirror ng kotse niya, wala naman siyang napansing kakaiba. “Paranoid! Itigil mo na nga ang kakaisip ng ganyan, Paige!” malakas na sabi niya sa kanyang sarili. Pero bigla siyang napaayos ng upo nang mahagip ng mga mata niya sa left side mirror ng kotse ang isang motorsiklo. Bigla siyang nakaramdam ng kaba, pero pinilit niyang kalamahin ang sarili. Malapit na rin naman siya sa Carmela Village, kapag nakapasok na siya sa subdivision nila ay wala na siyang dapat alalahanin. At isa pa, ano’ng dapat mong ikatakot sa motorsiklo na iyan? Kayang-kaya mong patumbahin `yan nitong kotse mo, tapang-tapangan pang sabi niya sa sarili. Isang ideya ang biglang pumasok sa kanyang isip… isa lang ang paraan para malaman kung talaga bang may sumusunod sa kanya o tinatakot lang niya ang sarili. Nag-iba siya ng daan, sa halip na diretsuhin ang kahabaan ng Quezon Avenue ay lumiko siya sa Roces Avenue at Scout Santiago. Mabilis siyang bumaba ng kotse niya at tumawid patungo sa isang twenty-four hour store na nasa kabila nang pinaghintuan niya ng kotse. Mula roon ay nakita niyang huminto rin ang motorsiklo sa 'di kalayuan ng kinaroroonan ng kotse niya. Nakita niya ang paglapit ng lalaki sa kotse at ang pasimpleng pag-silip nito doon. Pagkatapos ay bumalik ito sa motorsiklo nito pero hindi umalis ang lalaki. Walanghiya ka, sisiguruhin kong mahuhuli ka ng mga pulis ngayon, tahimik niyang naisaloob habang idina-dial ang police hotline. Ilang sandali pa ay narinig na niya ang sirena ng mobile ng pulis mabilis siyang napasilip sa labas. Nagsalubong ang kilay niya nang makita na tila hindi natinag ang lalaking naka-motorsiklo kahit pa bumaba na ng mobile ang mga pulis at palapit na rito. Nagpasya siyang lumabas na sa pinagkukublihan. Lumabas siya ng store at naglakad palapit sa mga lalaki. “Sir, I’m Paige Colmenar,” malakas na sabi niya habang papalapit siya sa mga ito. “Siya 'yong ini-report ko na sumusunod sa akin. He’s been following me kanina pa. At nang huminto ako rito, ganoon din ang ginawa niya,” sumbong niya sa mga pulis. “Paige Colmenar?" kunot-noong tanong ng isa sa mga pulis. "Kayo ang anak ni Senator Colmenar?" "Yes, Sir," aniya na tumango pa. "Teka, totoo ba `yong sinasabi ni Miss Colmenar na sinusundan mo siya?" tanong naman ng isa pa sa lalaking naka-motor. Bago pa nakasagot ang lalaking naka-motor ay mabilis itong kinapkapan ng pangatlong pulis. "Ano ito" ani ng pulis na kinuha sa bandang likuran ng lalaki ang isang b***l. Pakiramdam niya ay nanindig ang lahat ng balahibo niya nang makita ang b***l na hawak ng pulis na nakuha nito sa lalaki. “Sandali lang, ipapa—” Hindi niya napigilan ang sarili at nilapitan ang lalaki sabay hampas niya ng tangan na bag rito. “Walanghiya ka! Sino ang nag-utos sa 'yo na gawin ito! Bakit mo ako sinusundan?! Sino ang nug-utos sa`yo na patayin ako?" hysterical na niyang sigaw habang sinasalag naman ng lalaki ang mga hampas niya. Isa sa mga pulis ay pumagitna sa kanila ng lalaki, ang dalawa naman ay tangka nang hahawakan ang lalaki. “Sumama ka sa amin sa presinto,” ani ng isang pulis at naglabas na ito ng posas. “Wait, I can explain this, okay… I’m Thaddeus Imperial from NBI’s Special Investigation Division,” sabi ng lalaki na pumiglas sa pulis nang hawakan ito sa braso. Dumukot sa bulsa ang lalaki at inilabas ng isang ID at wallet nito. Iniabot nito ang mga iyon sa pulis. “Kung may binabalak akong masama kay Miss Colmenar sana umalis na ako bago pa siya nakalapit at itinuro ako sa inyo.” “Kung ganoon bakit mo sinusundan si Ma’am?” tanong ng pulis na siyang may hawak ng b***l ng binata. Napatanga pa siya nang ibalik nito ang b***l sa lalaking nagpakilala bilang Thaddeus. “Don’t tell me you’re going to buy that crap?! Sir, kanina pa niya ako sinusundan, ano’ng motibo niya roon? And besides paano naman kayo nakakasigurong taga-NBI nga iyan?” hindi niya maitago ang inis sa kanyang tinig. Hindi siya naniniwala sa sinasabi ng lalaki. Ano naman kasi ang dahilan at susundan siya ng isang NBI agent? “Ma’am, sigurado ho kaming totoo itong ID, at pati nga po license nitong b***l andito ang kopya, eh,” ani ng pulis na siyang mukhang pinakamatanda sa tatlo. “Call your father,” sabi naman sa kanya ng lalaking nagpakilalang Thaddeus. Naguguluhan na tiningnan niya ito. “What?” “I’m just following his order,” pakibit-balikat na sabi ng lalaki. “Ano’ng—” “Si Senator Colmenar ang nag-utos sa akin na sundan ka,” putol sa kanya ni Thaddeus. Napatingin rin sa kanya ang mga pulis. Ilang minuto rin siyang nawalan ng kibo bago siya kumilos at inilabas sa handbag niya ang cellphone para tawagan ang ama. Tahimik ang apat na lalaki habang nakikipag-usap siya sa kabilang linya. Bakas ang pagtitimpi ng galit sa mukha niya pagkatapos niyang makipag-usap sa nasa kabilang linya. “I’m sorry, Sir. Hindi ho kasi nasabi sa akin ni Papa ang tungkol sa lalaking ito. Siya nga ho ang nag-utos sa kanya na sundan ako,” napapahiyang sabi niya sa mga pulis. “Ganoon ho ba?” ani ng matandang pulis. “Pasensiya na ho kayo sa abala,” aniya na bahagyang napayuko. “Wala hong problema roon, Miss Colmenar,” nakangiting sabi ng pulis. “Mauna na ho kami.” Nakangiti niyang tinanguan ang tatlong pulis. Nang wala na ang mga ito ay pinukol niya ng matalim na tingin si Thaddeus. “I’m sorry if I frightened you, sinunod ko lang naman ang Papa mo,” ani ng lalaki na mukha namang apologetic talaga. Tumikwas ang kilay niya. Pagkatapos niyang nerbiyosin at mapahiya sa harapan ng mga pulis ay ito lang ang masasabi nito? Eh, kung ipukpok ko kaya sa'yo 'yang helmet mo, para naman maramdaman mo kung gaano kasakit ang dibdib ko kanina dahil sa takot ko sa'yo? gigil na sabi ng isang bahagi ng isip niya. “Let's go, kakausapin ka raw ni Papa,” malamig sabi niya at tinalikuran na ito. Nakasimangot na bumalik siya sa kanyang kotse at sumakay roon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD