KABANATA 1
NAPAMURA ako nang biglang bumuhos ang malakas na ulan mula sa kalangitan. Kung kailan malapit na akong makarating sa boutique, saka naman umulan. Naiinis man ay nagawa ko pa ring ipagpatuloy ang pagmamaneho ng aking second hand na kotse.
Hindi pa man ako ganoong umaasenso kaya maraming mga bagay ang hindi ko pa afford. Kaya nga gagawin ko ang lahat lumago lang ang aking negosyo.
Ilang minuto pa ang nakalipas ay tuluyan na akong nakarating sa Ever After Boutique. Ipinarada ko ang sasakyan sa harap nito at bumaba sabay takbo patungo sa loob. Kaya ako nainis kanina ay iyon ay dahil wala akong payong. Nanghihinayang ako sa outfit ko ngayon. Ngunit ano pa nga ba ang magagawa ko? Wala na.
Nang makapasok, namataan ko ang ilang tauhan na abala sa kanilang pagtatrabaho. Umaga pa lang pero may mga kustomer na kami. Hindi ko mapigilang mapangiti. Napawi ang pagkainis ko dahil dito.
"Ma'am Emily, basa po kayo. Gusto niyo po ba ng towel?"
Nilingon ko ang nagsalita at nakita ko si Amy. Si Amy ay isa sa mga tauhan ko rito sa EAB. Working student nga pala ito. Nagtatrabaho ito hanggang tanghali tapos papasok naman sa hapon.
"Naku, hindi na, Amy. I am fine. Papatuyuin ko na lang ang sarili ko sa loob ng opisina," nakangiti kong sambit dito.
"Ganoon po ba? Sige po, maiwan ko po muna kayo rito."
Tanging tango lang ang itinugon ko kay Amy bago nagpatiuna patungo sa aking opisina. Habang naglalakad, binati pa ako ng mga tauhan kong abala sa pag-a-assist sa mga mamimili. Nang makarating ako sa opisina na kung saan ay katabi lang ng counter, agad akong pumasok at isinara ang pinto.
Maliit lang ang opisina ko dahil hindi naman kalakihan ang aking boutique. Pero sa mga susunod na buwan, sisiguraduhin kong mapapalaki ko ito.
Nilakad ko ang direksyon ng lamesa at hinila ang swivel chair saka umupo roon. Imbes na buksan ang aircon, mas minabuti kong gamitin ang electricfan para madaling matuyo ang basa kong buhok at kasuotan.
Habang nagpapatuyo, biglang nag-ring ang cellphone ko. Agad kong kinuha iyon at tiningnan ang tumatawag. Si mama . Nakakunot-noo akong sinagot ang tawag.
"Ma, napatawag ka?" nagtataka kong tanong saka umayos ng upo sa kinauupuan.
"Ate, s-si Alexis ito," anang kabilang linya.
"Alexis? Bakit ka napatawag? At bakit nasa iyo ang cellphone ni mama? Hindi ba't grounded ka?" may kastriktuhan kong saad sa kapatid kong sampung taong gulang.
"Si Kuya Fernan, sinugod sa ospital. Sabi kasi ni mama, tawagan daw kita, e."
"Ha?" Dahil sa gulat, napatayo ako. "Anong sinasabi mo, Alexis? Napaano si Kuya Fernan, ha?" tanong ko na may bahid ng takot sa boses.
"Naaksidente siya, Ate Emily."
"A-Ano? Nasaang ospital sila ngayon?"
Nang sumagot si Alexis, mas mabilis pa sa cheetah na tumakbo ako palabas ng boutique, sumakay ng kotse, at minaneho iyon patungo sa ospital na sinabi ni Alexis kanina. Naaksidente si Kuya Fernan kaya kailangan kong puntahan ito kaagad. Wala akong pakialam kung hindi man ako makapagtrabaho basta ang gusto ko lang ay makitang ligtas ito.
Nang makarating ako sa ospital, agad akong bumaba ng sasakyan at pumasok sa loob. Natigilan na lamang ako nang biglang kumabog ang aking dibdib. Hindi na ako nagulat. Maraming tao sa loob at hindi ako sanay sa ganitong senaryo. Introvert ako. Ayaw na ayaw kong makisalamuha sa maraming tao dahil pakiramdam ko'y nauubusan ako ng hangin sa katawan.
Pero kahit ganoon ang nararamdaman, lumapit pa rin ako sa nurse station at kahit nahihiya, inalam ko pa rin kung nasaang kuwarto si Kuya Fernan. Nang malaman, agad kong tinungo iyon. Pumasok ako sa loob ng kuwarto at nakita ko si mama na nakaupo habang binabantayan si Kuya Fernan na walang malay. Puro gasgas ang katawan nito. Sa ulo nito, may benda roon.
"Mama, s-si kuya, kumusta?"
"Anak! Diyos ko, salamat at nandito ka na." Lumapit ito sa akin at mahigpit akong niyakap.
"Kumusta po si kuya? Ayos lang po ba siya?" nag-aalala kong tanong dito.
Humiwalay ito at pinakatitigan ako sa aking mga mata. "Anak, hindi maayos si Fernan. Naaksidente siya sa motor kanina at... at kailangang operahan ang kaliwa niyang binti. Anak, naputol ang buto ng kuya mo."
"Bakit hindi po siya inoperahan agad-agad?"
"Anak, wala akong per—"
"Ma naman. Ako na po ang bahala. Gusto ko pong maoperahan si Kuya Fernan sa madaling panahon."
"Sigurado ka ba, anak?"
"Opo, mama."
Naluha si mama at muli na naman akong niyakap. Nanatili ako sa ospital ng kalahating oras bago bumalik sa boutique. Mayamaya pa raw ooperahan si Kuya Fernan. Mas gugustuhin kong maubos ang pera ko para sa pamilya ko. Mas gusto kong makinabang ang mga ito sa natatanggap kong biyaya.
Marahang kong ipinarada ang aking sasakyan sa labas ng boutique ngunit bigla na lang akong natigilan nang parang may nabangga ako sa unahan. Nagtataka akong bumaba at sinilip iyon. Ganoon na lamang ang panlalaki ng mga mata ko nang makitang may nakatumbang motor sa harap ng aking kotse. Muli, kinabahan na naman ako. Gusto kong ipagtanong kung kaninong motor iyon pero natatakot ako. Magpapanggap na lang akong walang nangyari.
Sunod-sunod akong lumunok at pumasok sa loob ng boutique. Nagpatiuna ako sa opisina kapagkuwan ay isinandal ang sarili sa pintuan sabay sapo ng dibdib. Diyos ko, kailan kaya ako magbabago? Habang-buhay na lang ba akong matatakot? Habang-buhay ko bang papairalin itong kakaibang nararamdaman ko? Takot ako sa tao at problema ko iyon noon pa. Ang hirap maging introvert. Baka nga tama ang mga nanghuhusga, baka nga walang magmamahal sa akin dahil sa katangian niya.
Marahas akong nagpakawala ng hangin sa bibig at naglakad na patungo sa lamesa. Ngunit nakakaisang hakbang pa lang ako nang isang sigaw ang dumagundong sa labas.
"Who did this to my motorcycle?!" sigaw ng isang galit na galit na lalaki. "Who?!" dagdag pa nito.
Narinig kong kinausap ng mga tauhan ko ang lalaki pero patuloy pa rin ito sa pagsigaw. Kahit takot, nagawa ko pa ring lumabas para harapin ang lalaking nag-e-eskandalo. Hinanap ng mga mata ko iyon at mula sa entrance, nakita ko ang lalaki. Matangkad, guwapo, at maskulado ang pangangatawan. Masasabi mong perpekto na ito pero sa mukha nito, bakas doon ang matinding galit.
"I'm so sorry, sir. Hindi ko po sinasadya na matumba iyang m-motor mo," saad ko sa lalaki at sinundan iyon nang panginginig ng mga palad ko na mabilis kong naitago sa aking likuran.
Ngumisi ang lalaki at lumapit sa akin. "So, ikaw ang nagtumba ng motor ko? How dare you do that? Alam mo bang mahal iyong motor na iyon tapos tutumbahin mo lang?"
"Hindi ko po sinasadya iyon, s-sir. Pasensya na po tala—"
"Oh, shut up. Sa tingin mo, mawawala ang mga gasgas sa motor ko ng sorry mo? No!" singhal nito at tila'y walang hiya sa mga kustomer na nakatingin na sa amin.
"I'm willing to pa—"
"Do I look like I can't afford to fix it? No, I don't need your f*cking money."
"Sir., tama na po. Huwag niyo pong sigawan si Ma'am Emily." Binalingan ko ang nagsalita at nakita ko si Amy. Sinenyasan kong huwag na itong sumali pero hindi pa rin ito tumigil. "Siya po ang may-ari ng boutique na inaapakan niyo kaya wala po kayong karapatang sigawan siya!" dagdag pa nito.
Tumawa ang lalaki. "Ikaw ang may-ari ng cheap na boutique na ito?" Muli itong tumawa. "Fine. I'll leave. Fix your stupidness next time. Natumba mo na, hindi mo man lang itinayo? Tsk!"
Matapos magsalita ng lalaki, pagalit itong lumabas ng boutique. Hindi ko namalayan na tumulo na ang ilang butil ng luha sa aking magkabilang mata. Namataan ko na lang ang aking sarili na nasa loob ng opisina, dinadamdam ang masasakit na salitang sinabi ng lalaking iyon sa akin.