Doon na nagsimulang magkislapan ang mga lente ng camera ng mga reporter, na noo'y nag-aabang lang pala. Malinaw na sa akin ang lahat. Sa gabing iyon pormal nang ipapaalam ni Papa sa lahat na ikinasal na ang nag-iisa niyang anak. Napansin ko ang mariing paghaplos ni Jared sa mukha niya na halatang dismayado sa narinig. Sigurado kasing makakarating ang balita sa pamilya niya dahil nasa iisang mundo lang naman kami. Hindi ko alam kung ano ang pinag-aalala niya, kung bakit ayaw niyang malantad ang kunwaring kasal namin pero naiintidihan ko naman ang galit niya. Maari kasi na may personal siyang dahilan.
"Look what you've done," pasimpleng bulong niya sa akin, habang naglalakad kami papunta sa harapan.
Kapwa pilit ang ngiti namin dahil sinusundan kami ng mga camera noon.
"I'm sorry," bulong ko sa kanya.
"You gonna pay for this," pilit ang ngiting sagot niya sa akin.
Halos hindi na namin naiintindihan ang takbo ng program dahil may sarili kaming mundo noon ni Jared. Panay ang sisi niya sa akin dahil sigurado raw na matatali ako sa kanya. Para kaming artista na pilit ngumingiti sa camera noon. Kung hindi nga lang sana ako makakagawa ng eksena kapag tinakbuhan ko siya, simula pa lang ay tumakbo na ako. Napapahigpit na kasi ang pagkakahawak sa akin ni Jared na tila nanggigigil sa akin. Ang akala ng lahat ay naglalambingan lang kami noon. Todo ngiti pa kasi itong si Jared habang pasimpleng nananakit, halos bumaon na kasi ang kuko niya sa pagkakayakap sa baywang ko.
"Wala ba tayong kiss diyan?" narinig kong sabi ng host.
Nanlaki ang mga mata ko at agad akong napasulyap kay Jared. Bigla kasi akong kinabahan na baka ipahiya niya ako at tanggihan. Pero taliwas ang naging reaction ni Jared na noo'y nakangiti pang inihanda ang sarili para sa gagawing paghalik sa akin. Mas lalo pa akong kinabahan. Sa pagkakangiti kasi na iyon ni Jared, nasisiguro kong may gagawin siyang kalokohan.
Hinapit niya ang baywang ko papalapit sa kanya, atsaka siya ngumiti ng ubod ng tamis sa akin. Napakagat labi ako at mariing napapikit. Kasunod noon ay naramdaman ko na ang mga labi niya. Hindi iyon simpleng pagdampi lang ng mga labi namin dahil tinotoo niya ang halik na iyon. At hindi siya bumitaw hanggat hindi ako tumutugon sa halik na iyon. Hindi ako makapalag sa kapangahasang ginawa niya dahil nakatutok sa amin noon ang mga camera.
Nagsigawan ang mga tao na tila kilig na kilig sa aming dalawa. Pinilit ko pa ring ngumiti kahit pa nanginging na ang tuhod ko. Nanggigil ako noon na para bang gusto kong manapak. Alam ko kasi ang ginagawa ni Jared, sinasadya niya ang lahat ng 'yon.
"What do you think you are doing?" singhal sa kanya nang mapagsolo kami sa likod ng stage. Ngumisi lang siya sa akin atsaka niya bahagyang pinunasan ng daliri niya ang labi niya na nabahiran ng lipstick.
"Do you think I enjoyed it?" nakangising sabi niya."Para lang naman akong humalik sa tuod. You don't even know how to kiss," nanunuya pang sabi niya.
"How dare you," nagngingitngit sa galit na sabi ko. Sasampalin ko sana siya pero mabilis niyang nasalag ang kamay ko.
"Relax, the game is just about to start." Gumuhit ang pilyong ngiti sa mga labi niya atsaka siya muling nagsalita. "Masasanay ka rin sa mga halik ko," nakangising sabi niya sabay bitaw sa kamay ko.
Nagpauna na siyang lumabas at naiwan akong napaawang ang mga labi. Ano nga ba itong napasok ko.Tama nga kaya ang naging desisyon ko?
Nang lumabas ako, agad kong natanaw si Jared na masayang nakikipagbolahan sa grupo ng mga mga babae. Tumingin pa siya sa akin habang paparating ako pero nilampasan ko lang siya.
"Hon, wait," narinig kong sabi niya. Pero nagkunwari akong hindi ko siya narinig at nagpatuloy lang ako sa paglalakad. Kasunod noon ay narinig ko na siyang nagpapaalam sa mga babae.
"Ano 'yon nagseselos ka?" bulong niya sa akin na sadya pang idinikit ang labi niya sa likod ng tenga ko nang makahabol siya sa akin.
Ramdam ko ang pag-iinit ng mukha ko at paggapang ng tila mahinang boltahe ng kuryente sa mga braso ko. "Pwede bang tumigil ka na? Stop teasing me, okay?" mariing sabi ko nang makapasok kame sa private room.
"Ikaw pa talaga ang may ganang magalit? Alam mo ba kung gaano kalaking gulo ang ibinigay mo sa akin, ha?" sabi niya na inilang hakbang lang ang paglapit sa akin.
"Hindi ko naman sinasadya, eh. Hindi ko naman alam na ipapalam ni Papa sa media ang tungkol sa atin," singhal ko sa kanya.
Ngumisi si Jared atsaka umiling. "Stop acting like you're innocent. Alam kong parte ito ng plano mo."
Sumusugat ang mga tingin niya sa akin kaya napaiwas ako ng tingin. "Sasabihin ko na kay Papa ang totoo," biglang nasabi ko. Nakayuko lang ako noon at nakatingin sa lapag.
Napabuga ng hangin si Jared at nangingiting napailing. "Hindi ka talaga nag-iisip no? Pagkatapos maipaalam sa lahat ng Papa mo, na ikinasal na tayo, ngayon ka pa talaga magbabago ang isip? Ano ka, batang paslit? Sa tingin mo magiging ganoon lang kasimple ang lahat? Wala ka bang pakialam sa kahihiyang maidudulot nito sa pamilya natin? Sigurado ako bukas na bukas din laman na tayo ng diyaryo, telebisyon at pati na rin sa social media. Lahat ng mga tao kahit hindi natin kilala makakakita at makakapanood noon, sa tingin mo ganoon lang kadaling bawiin ang lahat ng iyon? Na kapag umamin ka okay na? Ganyan ka ba talagang mag-isip ha?" madilim ang mukhang sabi niya.
Hindi na lang ako kumibo. Alam ko rin naman na useless na rin kung gagawin ko pa ‘yon. Mapapahiya lang kami.
Kinabukasan, nagising ako sa ingay na nagmumula sa telebisyon. Kunot ang noong bahagya akong dumilat. Sa maliit na pagkakabukas ng isang mata ko, nakita ko si Jared na noo'y nangingiti pa habang pinapanood ang sarili na naka-flash sa TV screen.
"Tama bang nakikita ko? Parang kagabi lang gusto niya akong sakalin sa inis pero ngayon tuwang-tuwa pa siyang pinapanood ang sarili. Akala ko ba ayaw niya ng exposure?"
Nang kumilos ako, napalingon siya sa akin at bahagya niya akong tinapik sa balikat.
"Hon, look," tawag niya sa akin habang ang mga mata niya ay nakakatutok lang sa telebisyon.
Lalong napakunot ang noo ko. Para kasing may iba sa kanya. Iba rin ang pagkakatawag niya sa akin. Parang may lambing sa dulo. Hindi ko alam kung naalimpungatan lang ba ako o dala lang ba nang nainom kong wine nang nagdaang gabi, kaya gumanda nang kaunti sa pandinig ko ang paraan ng pagkakatawag niya sa akin. Ganoon pa man, hindi ko siya pinansin. Hindi pa kasi ako nakaka-move on sa ginawa niyang pananamantala sa akin.
Tumayo ako at naglakad papuntang banyo pero hinabol niya ako at mula sa likuran ay yumakap siya sa akin. "Ang aga-aga ang sungit mo," bulong niya.
Naasar na kinalas ko ang mga kamay niya. "Tigilan mo na nga 'to. Wala namang tao rito kaya tigilan mo na 'yang pag arte mo," naiiritang sabi ko.
Biglang namula ang pisngi niya na tila napahiya. "Bakit sa tingin mo gusto kong niyayakap ka? I'm just doing this para masanay ka sa akin at hindi ka ma-awkward kapag hinahawakan kita. Masyado ka naman assuming. Sa tingin mo gustong-gusto ko na nilalambing kita? Kailangan ko lang gawin 'to dahil ayokong ipahiya mo ako kapag ipinakilala na kitang asawa sa amin," madilim ang mukhang sabi niya.
Lihim akong napangiti. Ang saya kasi sa pakiramdam na nasaling ko ang ego niya.
Nang lumabas ako ng banyo naka-off na ang telebisyon at wala na rin doon si Jared. Nadatnan ko na siyang nagkakape sa Garden. Pero parang hangin lang ako na dumaan dahil hindi niya ako pinapansin. Hindi ko maiwasang mapangiti, ang cute niya kasing tingnan na parang batang hindi bati. Nakatulis pa ang nguso niya na tila nakatingin sa kawalan habang humihigop ng kape.
Halos buong maghapon kaming hindi nag-iimikang dalawa. Mabuti rin pala 'yung ganoon, at least kahit paano nakaligtas ako sa pambu-bully niya. Nang hapon ding 'yon nagulat ako sa hindi namin inaasahang mga bisita. Nagdatingan kasi ang mga kaibigan ni Jared. Maging siya ay nagulat nang sorpresahin siya ng mga ito.
"Pards, ikaw ha? Masyado kang ma-sikreto ha?" nadinig kong kantyaw sa kanya ng isang lalaki.
Dahil hindi kami okay noon, in-expect ko na na hindi niya ako ipapakilala sa mga ito. Pero nagulat na lang ako nang tawagin niya akong Hon atsaka niya ako hinila papalapit sa mga ito. Isa-isa niyang ipinakilala sa akin ang tatlong lalaki na kamukha niya ring engineer. Napanood raw nila 'yung balita tungkol sa amin kaya natunton nila si Jared.
Matapos niya akong ipakilala dumistansiya na ako para makapagkwentuhan sila nang maayos. Habang nasa sala sila, bumalik ako sa garden at nagpaturo ako kay Kuya Paul kung paano mag-trim ng halaman.
Pawisan na ako noon nang bigla akong akbayan ni Jared na bigla na lang ding sumulpot sa likuran ko. "Hon, pwede ba kaming uminom ng kaunti?" paalam niya na noo'y pinunasan pa ng kamay niya ang pawis sa ilong ko.
Parang may kakaiba akong naramdaman noon. Hindi ko ma-explain pero ang sarap sa pakiramdam. 'Yung feeling na totoong inaalagaan niya ako.
Kasalukuyan akong nanonood ng TV noon habang nagpapatuyo ng buhok nang pumasok si Jared sa kwarto. Kaaalis lang noon ng mga kaibigan niya. Nagulat pa ako nang maupo siya sa tabi ko at yumakap sa baywang ko. "Gutom na ako, Honey," naglalambing na bulong niya. Hindi kasi sila nakisabay kumain sa amin. Napabuntong hininga na lang ako. Paano ko ba siya matiis kung ganoon siya kalambing sa akin. Itinigil ko ang ginagawa ko atsaka ko siya sinamahan sa kusina. Wala kaming imikan habang kumakain siya. Pinakikiramdaman ko lang siya noon kung totoo nga bang lasing siya o umaarte lang.
Medyo kabado pa ako nang makabalik kame sa kwarto, baka kasi kung ano na naman ang maisipang gawin ni Jared. Isasara ko na noon ang pinto nang itukod niya ang kamay niya sa dingding. Napabaling ako sa kanya. Muli niyang itinukod ang isa pa niyang kamay at nakulong ako sa mga bisig niya.
'W-What are you doing?" nauutal pang sabi ko.
Pero ngumiti lang siya at bahagyang pinisil ang baba ko. Nalalanghap ko na noon ang amoy ng alak na kumapit sa katawan niya. "Are you mad at me?" namumungay pa ang mga matang tanong niya.
Abot-abot ang kabog ng dibdib ko noon lalo't unti-unti niyang inilalapit ang mukha niya sa akin.
"Would you believe me if I said I love you?" muling tanong niya nang hindi ako sumagot.
'Of course not," mabilis kong sagot. Alam ko kasing pinaglalaruan na naman niya ako noon.
Napakunot ang noo niya. "Why not? It will only takes a second for us to fall in love. Sa dami ng araw nating pagsasamahan, sa tingin mo ba hindi ka mahuhulog sa akin?" tila kumpiyansa pang tanong niya.
"Sa ugali mong 'yan? I'm sure, hindi," mariing sabi ko atsaka ko tinabig ang mga kamay niya. Agad naman siyang bumuntot sa akin.
"Talaga ba?" aniya na noo'y hinuli ako at pinilit ihiga sa kama. Nakadagan siya sa akin noon habang pigil-pigil ang mga kamay ko. Kaunti na lang at magdidikit na ang ilong naming dalawa. "Kahit ganito tayo ka-close araw-araw?" hindi kumukurap na sabi niya.
Tila tumigil ang mundo nang mga sandaling iyon. Wala kaming ibang naririnig kung hindi ang dumadagundong na kabog ng puso naming dalawa. Pilit akong nagpumiglas pero hindi ko siya makaya.
"I will make you fall in love with me and then I'll dump you, the way you dumped me," naniningkit pa ang mga matang sabi niya habang seryosong nakatitig sa akin.
Napakunot na lang ang noo ko hindi ko kasi maintindihan ang sinasabi niya. Dala lang siguro ng kalasingan niya kaya kung ano-anong sinasabi niya.
Nang hindi ako umimik dahan-dahan niyang ibinaba ang mukha niya sa akin. Nagwawala ang isip ko noon at gustong-gusto kong umiwas pero parang hindi ako makagalaw. Hanggang sa maramdaman ko na nga ang pagdampi ng mga labi niya sa akin. Nanlaki ang mga mata ko pero hindi ko siya magawang itulak papalayo kaya napapikit na lang ako.
Pagkatapos noon ay kusa na siyang umalis sa pagkakadagan sa akin. Nahiga na siya patalikod sa akin at sumunod na rin akong tumalikod sa kanya. Napahawak pa ako sa dibdib ko noon na walang tigil sa pagkabog.
"Anong nangyayari sa akin?"