THESSA's POV
Alas sais ng umaga ng maisipan kong magkape sa gilid ng pool. Ang sarap sa pakiramdam na ang paa ko ay nakababad sa malamig na tubig ng pool. Iniangat ko na ang baso ko para humigop na may napansin akong isang tao na nakatayo sa di kalayuan.
Isang himala lang na ang agang nagising ng lalaki na ito. May pagkakataon kasi na sinisigawan niya ang assistant kong si Jacky dahil sa pag-abala sa kanyang pagtulog. Nakakapagtaka tuloy. Gugunaw na ba ang mundo? Ano kayang nakain ng lalaking ito?
Nananatili lamang siyang nakatayo at ang mokong ha, ano bang pauso nito? Kanina pa nakatalikod at nakatanaw yata sa malayo.
" Timothy! Nasaan si Jacky? Gising na ba siya? " tawag ko sa kanya at sununod-sunod kong tanong. Aba! Ang bastos lang? Malakas naman ang boses ko ng tawagin siya talagang walang modo, hindi man lang limingon!
" Timothy! Si Jacky?!" tanong kong muli, ngunit medyo iniharap niya ng konti sa akin ang kanyang mukha pagkatapos ay naglakad ito paalis.
Napataas ang kilay ko sa inasta ngayon ni Timothy. Ano kaya ang ini-emote niya? Siguro, baka nagising na sa katotohanan ang magaling kong assistant. Inubos ko na ang kape at pumasok ng bahay. Nagtungo ako ng kusina at naabutan doon si Jacky kasama ang katulong nila Sam na si Tina.
" Gusto ko lang itanong kung nakita mo si Tim? Iyong lalaki na palagi kong kasama." narinig kong tanong niya ng ilapag ko ang baso sa sink. Nagluluto kasi ng mga oras na iyon si Tina.
" T-Tim?" parang nanginginig ang boses ni Tina pagkabanggit sa pangalan ni Tim.
" Oo, iyong boyfriend ko. Maputing lalaki, na medyo singkit at malaki ang katawan. Ang sabi niya kasi magpapahangin lang siya kaya lumabas siya. Nakatulog na kasi ako kaya hindi ko napansin na hindi siya natulog sa tabi ko. " kwento ni Jacky.
Natigilan ako sa paghuhugas ng basong pinag-inuman ko ng kape. Nakita ko si Timothy sa labas ah..
Nilapag ko ang baso sa lababo at humarap sa dalawa.
" Jacky, nakita ko si Timothy sa may pool kanina. Nagtataka nga ako ang agang nagising eh at hindi ako pinansin ng tinawag ko siya. Naglakad pa nga palayo. " sabi ko kay Jacky, medyo nakahinga siya ng maluwag. Si Tina naman ay medyo nagulat sa sinabi ko.
" Malabo iyon Hon, si Tim ay umalis na kagabi.." napatingin kaming tatlo sa bagong dating na si Sam. Kumunot ang noo ko sa sinabi niya, eh nakita ko pa lang si Tim sa may pool.
" Bakit siya umalis Sir Sam? Hindi po siya basta-basta aalis ng walang dahilan. " si Jacky ang unang nagsalita. Itatanong ko din sana ang tanong niya na bakit umalis ang mokong na lalaking iyon.
" Hindi ba nasabi sa'yo ni Tina na pinagtangkaan niyang gahasain si Tina. " nagulat kami ni Jacky sa sinabi ni Sam napatingin kami ni Jacky sa katulong na ngayon ay umiiyak na.
" Totoo ba iyon Tina?" ako na ang nagtanong kasi sa itsura ni Jacky parang nawala na sa sarili. Tulala na ito sa babaing umiiyak.
" O-opo Señorita.." at humikbi na ito. " Naglalakad ako sa pasilyo papunta sa kwarto ng Señora ng hilahin niya ako at dalin sa madilim na bahagi ng kabahayan. Hindi niya po naituloy dahil sa dumating si Señorito. " kuwento nito habang patuloy sa pagtulo ang luha.
" Kinausap ko sya at sinabihan na ipapakulong dahil sa ginawa niya kay Tina. Nakiusap siya sa akin na ayaw niyang makulong kaya umalis na lang siya kagabi. " sabi ni Sam sa amin.
" Pero..nakita ko siya sa may pool. Tinawag ko siya. Medyo lumingon siya ng konti bago naglakad ng palayo. Seryoso ang itsura niya, kaya nga nagtataka ako. " ipinag-pilitan ko ang nakita ko.
" Baka namalik-mata ka lang Hon. " sabi ni Sam, alam kong hindi iyon malikmata. Nakita ko siya. Maya-maya ay napaisip ako. Hindi kaya katulad ito dalawang nauna kong pangitain? Baka may nangyaring masama sa kanya?
" Saan kaya siya pupunta Ma'am Thessa? Ang pagkakaalam ko ay hindi niya kabisado dito. Alam ko na hindi niya alam ang pabalik ng Manila mula dito. " nag-aalalang sabi ni Jacky. Nilapitan ko siya at inakbayan sa balikat. Hindi ko tuloy masabi sa kanya na baka may masamang nangyari kay Timothy, dahil sa nakita ko siya, baka maslalong mag-alala lang ito.
" Ma'am..umuwi na lang din po kaya ako ng Manila ngayon." biglang sabi ni Jacky. Naglakad ito ng ilang hakbang ng bigla itong matumba. Tinakbo ko siya at sinalo para hindi tuluyang bumagsak sa semento ang kanyang katawan.
" Jacky, Jacky, anong nangyari sa'yo? " natataranta kong tanong. Tinapik-tapik ko siya sa pisngi ngunit hindi nagising.
" Akina Hon, dalin natin sa kwarto niya. Tina ipatawag mo si Doctor Marquez para matingnan siya. " utos ni Sam bago niya binuhat si Jacky papunta sa kanyang kwarto. Nakasunod lang ako kay Sam hanggang sa ibaba niya sa kama ang aking assistant.
" Sam, ano kayang nangyari kay Jacky?" hindi ko maitago ang pag-aalala sa aking boses. Nilapitan naman ako ni Sam at kinuha ang aking kamay para pisilin. Huwag kang mag-alala tingin ko naman, okay lang siya. Hintayin na lang natin si Doc Marquez. " hinila niya ako paupo sa isang upuan na nasa malapit.
" Iiwan muna kita dito upang hintayin sa ibaba si Doc. " pagpapaalam niya sa akin. Naiwan kami ng walang malay na si Jacky, minasdan ko siya mukhang exhausted ang aking assistant. Nanlalalim ang mga mata at ngayon ko lang napansin na namayat pala siya. Ang putla pa ng labi niya at medyo nanunuyot.
Naramdaman ko na hindi lang kami ni Jacky ang nasa kwarto. Kaya inangat ko ang tingin ko pataas at para makita lang si Timothy na nakatayo sa gilid ng kama ni Jacky.
" T-Tim.." tawag ni Jacky sa pangalan nito parang nananaginip ang aking assistant.
" T-Tim.." tawag ko sa kanya, baka sagutin naman niya ako kung tatanungin ko siya. Kahit pa ngayon ay parang tinatambol ang aking dibdib sa kaba. Alam ko na espiritu ni Tim ang nakatayo sa gilid ng kama ni Jacky. Tumingin ito sa akin at seryoso ang mukha nito. " A-anong nangyari sa'yo? " lakas loob kong tanong.
Tumingin siya sa akin at naglakad papunta sa bintana, mulu niya akong tiningnan na parang sinasabi na sumilip ako doon. Tumayo ako at lumunok muna ako ng aking laway bago naglakad palapit sa kinaroroonan ni Timothy. Nakatalikod pa din siya sa akin. Minasdan ko siya at doon ko lang napansin ang bahid ng dugo sa kanyang damit. Napansin ko din na may umaagos na dugo mula sa kanyang braso pababa sa kanyang daliri. Naramdaman niya siguro na nasa likod na niya ako kaya tumabi si Timothy para bigyan ako ng daan sumilip sa bintana.
Nang makalapit ako sa bintana, ang tanging natataw ko ay ang likod bahay. Ngunit mapapansin mo na parang may brick road na hindi ko alam kung saan papunta dahil natatakpan iyon ng mga naglalakihang puno. Ngunit kung titingnan mo ang kabilang dulo ng daan ay malapit ito sa pool. Tumingin ako kay Timothy. Doon siya nakatayo kanina ng tawagin ko siya sa may pool. Tumango siya sa akin at...
..may mga bagay akong nakita, sa isang kwarto ay may isang babae na halos hubad na at ang paghampas nito ng isang vase sa ulo ni Timothy. May kasama silang lalaki na nakaharap sa isang babae. Naguusap ang dalawa ng wala ng malay si Tim. Binuhat siya ng lalaki.
Maya-maya ay nagising si Tim ngunit nakatali na ang mga kamay niya na animo'y nakadipa.
" Pare, maawa ka.."
Narinig kong pagmamakaawa ni Tim sa lalaking nakatalikod. Narinig ko ding kumakanta ang lalaki ng 'Penpen de sara pen' bago tagain ang daliri ni Tim. Napapasinghap ako sa tagpo na nakikita ko lahat ng pangyayari na nakikita ko at ang mga pagpagsigaw ni Tim ay parang mabilis lang dumadaan sa mga mata ko. Ang huli ay iniwan siya ng lalaki na halos ang buong braso niya ay tila giniling na karne...
..ang malupet pa ay may taga si Tim sa kanyang leeg kaya halos lumaylay na ang kanyang ulo mula sa pagkakakabit. Napatakip ako ng bibig dahil sa nakikita ko. Grabe ang ginawa ng kung sinoman kay Tim para niyang ginawang baboy ang boyfriend ni Jacky. Tiningnan ko si Tim at kung ano ang nakita kong itsura niya sa isang madilim na lugar ay iyon na ang itsura niya sa harap ko. Napasinghap ako ng hangin dahil hindi ko na kaya tingnan siya..
" Ate! Ate! Gising ate! " narinig ko ang boses ni Gemma habang niyuyugyog ako. Idinilat ko ang mga mata ko at nakita ko na nakadungaw ang mga ulo ni Yannie, Sam at isa pang lalaki na hindi pamilyar sa akin. " Ayos ka lang ba ate? " tanong ni Gemma sa akin. Bakit ano bang nangyari sa akin?
Doon ko lang napansin na nakahiga na pala ako sa floor malapit sa bintana. Napahawak ako sa ulo ko na medyo sumakit.
" Okay ka lang Hon?" nag-aalalang tanong ni Sam sa akin. Tumango lang ako habang inaalalayan niyang tumayo. " Bakit ka napunta diyan? Iniwan kita sa may upuan diba?" tanong niya sa akin.
" H-hindi ko matandaan eh, " pagsisinungaling ko. Napansin ko na gising na si Jacky sa kanyang kama.
" Nagulat kami sa sigaw ni Jacky kaya nagtakbuhan agad kami dito. Nagulat daw kasi sa'yo si Jacky dahil tumayo ka ng upuan, naglakad ka papuntang bintana at nanigas kang bigla bago natumba. " si Yannie na nagkukwento.
" Wala ka bang natatandaang nangyari Ate? " pilit na tanong ni Gemma. Umiling lang ako. Ala-alalay pa din ako ni Sam paupo sa upuang pinagdalhan niya sa akin kanina.
" Gusto mo bang ikuha kita ng tubig Hon? " umiling ako kay Sam.
" Okay lang ako, huwag na kayong mag-alala. Si Jacky na lang ang intindihin niyo. " sabi ko sa kanila. In the first place si Jacky naman talaga ang kailangan ng pansin ngayon dahil sa bigla niyang pagkatumba kanina.
" Ma'am hindi na po ako kailangan i-check dahil sinabi ko sa doktor na buntis ako. Normal lang na mahilo ang buntis paminsan-minsan. Siguro sabayan pa po na nastress ako kay Tim. " paliwanag ni Jacky, bigla akong napatitig sa kanya.
" B-buntis ka?" iyon ang lumabas sa aking bibig. Paano niya sasabihin kay Jacky ang nangyari sa kanyang boyfriend? Mamaya makasama pa ito sa kanyang dinadala. Isa pa hindi ko pa nga alam kung nasaan ang katawan ni Timothy. Paano ko sasabihin iyon sa kanya?
" Opo, Ma'am sorry kung hindi ko nasabi sa inyo. " kiming ngumiti si Jacky sa akin.
" Okay lang iyon..wala namang problema eh. " maya pa ay sabi ko.
" Ma'am uuwi na lang po ako ng Manila baka nakauwi na nga po si Tim at magkita na lang kami doon. " napakunot-noo ko sa sinabi ni Jacky.
" Uuwi ka? Bakit hindi na lang tayo umuwing lahat ng Manila. " nagulat ang lahat sa sinabi ko.
" Thessa, hindi pa nga nahuhuli ang stalker mo eh, baka kung mapaano ka lang sa Maynila. " si Sam, tiningnan ko siya.
" Hindi rin naman ako nag-eenjoy dito Sam, feeling ko nga mas madami pa ang nangyayari sa akin dito kaysa sa Manila. " bulalas ko, sabay takip ng bibig sa nasabi ko.
" Gaya ng ano Thessa? Bakit hindi ko alam ang mga iyan? " seryosong sabi ni Sam sa akin. Tumayo ako at mabilis na naglakad papuntang pintuan sinundan ako ni Sam at hinawakan sa braso.
" Bakit hindi mo sabihin ang nangyayari sa'yo Theressa? " madiin na sabi ni Sam. Iniwasiwas ko ang braso ko para makakawala sa kanyang pagkakahawak. Humihigpit iyon at nasasaktan ako. Tiningnan ko si Sam parang nawala ang pagka-maamo ng kanyang mukha. Nakakatakot siya ngayon.
" S-Sam nasasaktan ako. " daing ko, doon niya ako binitawan at bumalik sa dati ang kanyang itsura. Hinawakan ko ang parte ng braso ko na hinawakan niya at bumakat doon ang kanyang kamay. Masakit iyon baka mamaya ay magkapasa ito. Napansin niya iyon marahil kaya lalapit sana siya, ngunit lumayo ako.
" H-Hon, I'm sorry.." sabi niya.
" Magpapahinga muna ako sa kwarto ko..gusto ko munang mapag-isa. " at saka ko sila tinalikuran.
" Ako na ang bahala sa kanya Sam. " narinig ko pang sabi ni Yannie bago ako pumasok ng kwarto.