Chapter 2. Volleyball

1688 Words
Nang matapos ang laro pakiramdam ko napagod ako kahit nakaupo lang naman kami ng halos isang oras. Sumakay ng taxi si Missy at ako naman ay sumakay na ng jeep pauwi. Mas makakatipid kasi kung mag-jeep lang ako at isa pa, 'di naman kalayuan ang bahay namin mula sa school. Pagdating sa bahay ay agad akong humalik sa pisngi ni mama at kumain muna kami bago ko harapin ang paninda namin. Sapat lang ang kinikita namin doon para maipangdagdag sa gastusin. Ako lang rin ang nagmo-model ng mga damit na binebenta namin. Malaking tulong ang may kaputian kong balat at magandang kurba ng katawan na minana ko raw kay mama ayon sa mga kapitbahay at kakilala. Nagising ako sa tunog ng alarm clock kaya bumangon na ako at nagligpit ng maliit kong kama. "Oh, anak tamang-tama naghahain na 'ko para makapag-agahan na tayo bago pumasok," bungad ni Mama nang lumabas ako ng kwarto. Maliit lang ang bahay namin. May dalawang maliit na kwartong magkatabi para sa aming dalawa ni Mama. Paglabas doon ay may munting sala at lumang sofa kasunod ang hapag-kainan na para sa apat na tao. Nasa kabilang gilid naman ang kusina at maliit na banyo. "Wow! Ang bango naman ng daing na bangus at sinangag!" excited kong sabi. Biglang akong nakaramdam ng gutom kaya agad akong nagmumog sa lababo bago pumwesto sa mesa. "Pasensya na kung puro prito tayo nitong mga nakaraang araw. Hindi bale, mamaya sahod ko na. Ano ang gusto mong ulam pag-uwi ko, 'nak?" malambing na tanong ni Mama. "Kahit ano lang, Ma. 'Di naman po ako mapili sa ulam," sagot ko at ngumiti. Ngumiti lang rin ito at sabay na kami kumain. Nang matapos akong maligo ay nagpaalam nang umalis si Mama kaya ako na lamang ang naiwan. Mas malayo kasi ang patahian na pinagtatrabahuan nito kaya mas nauuna itong umalis. Nagsuot lang ako ng skinny jeans at simpleng puting t-shirt at lumabas na 'ko ng bahay. Siniguro kong naka-lock na ang pinto at lumakad na ako patungo sa kanto kung saan dumadaan ang mga Jeep. Katulad namin ay simple lang din ang pamumuhay ng mga tao sa lugar namin. Kaniya-kaniyang kayod para mabuhay. Pero syempre, hindi naman mawawala ang mga tambay at nag-iinuman sa umaga. "Babes, 'yong kiss ko?" sigaw ni Karlito. Ang anak ng kapitbahay naming sina Manong Isko at Aling Luz. Sanay na ako rito kaya hindi ko na lang ito pinansin at nagpatuloy sa paglalakad. Narinig ko ang pagtawa ng mga kaibigan nito. "Ayaw mo? Sige, mamaya na lang!" muling sigaw nito. Napailing na lang ako. Kampante naman ako na safe sa lugar namin kahit maraming tambay. Pagdating sa school ay nadaanan ko ang coffee shop kung saan madalas tumambay ang mayayamang estudyante ng Maxville. Sa labas niyon ay nakita kong nakatambay ang grupo ng basketball team. Halos lahat ng estudyante ay nakatingin sa kanila lalo na ang mga babae. Maingay rin silang nagkukwentuhan hanggang sa nabaling ang atensyon ko sa isang tao. Si Jackson. Humithit ito sa sigarilyong hawak bago iyon kunin sa kamay nito ng babaeng nakakandong sa kan'ya at ito naman ang humithit doon. Maikli ang paldang suot nito at nakapatong ang isang kamay ni Jackson na humahaploas sa ibabaw ng isang hita nito. Inalis ko na rin agad ang tingin sa kanila at mas binilisan ang paglalakad patungo sa main building. Kinabukasan medyo na-late ako nang gising dahil sa pagod. Late na rin ako nakatulog sa pag-picture ng mga bagong items na ipo-post ko sa online shop. Nagmamadali akong naligo at nagbihis habang nagluluto pa si Mama ng agahan. Napanguso ako nang maalalang may P.E class kami ngayon. Hindi ko kasi gusto ang P.E ngayong semester dahil sa volleyball. "Oh, bakit nakabusangot ka? Ang aga-aga," tanong ni Mama nang makalabas ako ng kwarto. "Eh, kasi maglalaro na naman kami ng volleyball," nakasimangot kong sabi bago naupo na sa hapag. "Ikaw talaga. 'di ka naman kakainin ng bola. Iwasan mo na lang," natatawang sagot ni Mama. Alam nito na takot ako sa mga bola at wala akong kayang gawin na sports. "Sana nga puwede iwasan, eh. Kaso baka iwasan din ako ng grades ko no'n." Nagtusok ako ng hotdog sabay subo. Kahit ano kaya kong gawin. Acads, Swimming, Singing, Dancing, Painting, etc. Name it. Huwag lang talaga sports na may bola. Agh! Nakakatakot at nakakahiya 'pag natamaan ako sa mukha! Lampa talaga ako sa pagtakbo at paghabol sa do'n. "Kaya mo 'yan, Anak. Tiyaga lang at lilipas din 'yan." Pagpapalakas niya sa loob ko. Nagpaalam na si Mama na umalis at inayos ko na rin ang mga gamit ko sa backpack pati na ang P.E uniform ko. Pagdating sa gate ng school agad akong binati ni Manong Guard. "Good morning, Ma'am Allyza!" "Good morning din po, Mang Cardo," ganting bati ko rito. Pagdating sa room ay naroon na sina Missy Ron. Kaklase pa rin kasi namin ito sa minor subjects tulad ng English kahit iba na ang course nito. Pagsapit ng hapon ay nagpalit kaming tatlo ng damit bago pumunta sa volleyball area na nasa likuran ng campus para sa aming P.E class. Maraming estudyante ang nakatambay sa likurang bahagi ng school dahil naroon ang garden na paboritong tambayan ng lahat at malawak na soccer field. May mga estudyanteng naka-upo sa damuhan at ang iba naman ay sa mga bench na gawa sa semento. Nasa pinakagilid naman ang gymnasium. Papunta na kami sa prof namin doon nang magsalita si Missy. "Oh my gosh! Nakikita niyo ba ang nakikita ko?" excited na tanong nito. "Oo, girl! Kitang-kita!" nakangiting sagot ni Ron at kumendeng-kendeng habang naglalakad. "Bakit bigla kang naging pato d'yan?" natatawang tanong ni Missy. Noon ko lang naintindihan kung ano ang pinag-uusapan nila nang matanaw ko ang grupo ng basketball team na nakaupo sa isang bench malapit kung saan ang volleyball area. Hindi ko alam kung bakit sa kamalasan ay sakto rin napalingon 'yong Jackson sa direksyon namin at nakita ko kung paano nito pasadahan ng tingin ang kabuoan ko. Bigla tuloy akong nailang sa suot ko. Shorts at T-shirt kasi ang P.E uniform namin dito sa Maxville. Kaya kahit ayoko man magsuot ng shorts dito sa campus ay wala akong ibang choice. "Kumpleto na ba ang lahat? Magsisimula na tayo!" sigaw ng prof namin. Hindi ko alam pero nakaramdam ako ng kaba sa isiping maaaring manuod sila sa 'min. Hindi pa ba sila aalis? Nagsimula kaming bumuo ng kani-kaniyang grupo. Magkakampi kami nila Ron at Missy kasama ang dalawa pa naming kaklase. Ang makakalaban namin ay magkakaibigan rin na puro babae. "Go girls! Galingan natin," wika ni Ron sa aming grupo. Simple akong tumingin sa direksyon nila Jackson. Mas lalo akong kinabahan nang makitang nakatingin silang lahat dito. Hindi ko alam kung pinapanuod ba nila 'yong kaklase kong sexy at sosyalerang si Kathy na kalaban namin o interesado lang sila manuod sa game. Wait, bakit ba ako kinakabahan? Ano naman kung 'di ako marunong? Bahala na nga. Nag-start ang game at kabang-kaba ako na mapunta ang bola sa akin. Minsan nagpapanggap na lang ako na marunong at alam ko ang gagawin. Pasalamat na lang talaga at magaling si Missy lalong-lalo na si Ron dahil halos siya ang sumasalo at pumapalo sa bola bago pa man makarating sa akin. Pero mukhang hindi talaga ako makakaligtas dahil nakita ko na ang parating na bolang mabilis at mukhang babagsak pa sa puwesto ko kaya sa sobrang kaba ay nasapul ko iyon gamit ang magkahugpong kong mga kamay at inihampas nang sobrang lakas. Pero agad rin akong napangiwi nang makita kong patungo sa gilid ang bola. Napunta iyon sa direksyon kung saan nakapwesto ang grupo nila Jackson. Napatili ang mga kaklase ko maging sina Ron. Nakakahiya! Nakita kong mabilis ang kamay ni Jackson na sinalo ang bola bago pa lumanding iyon sa mukha nito. Agad lumapit si Kathy sa kinaroroonan nito na animo'y sobrang nag-aalala kahit 'di naman talaga natamaan ang lalaking 'yon. "Oh, no... Sorry, Jackson. Are you okay? Nasaktan ka ba?" tila nag-aalalang tanong nito at hinawakan pa ang mukha ni Jackson. "Tingnan niyo 'yong bruha. Papansin masyado. Alam niyo bang naging babae na rin 'yan ni Jackson pero 2 days lang!" bulong ni Ron sa amin ni Missy. "Ohh.. kaya pala ang OA," sagot ni Missy. Iniwas ni Jackson ang mukha at tipid na ngumiti rito. "I'm fine. It's not your fault," sabi lang nito at tumingin sa direksyon ko. Patay... "Hey, Alcantara! Say sorry to him! Hindi ka kasi nag-iingat eh!" sigaw sa 'kin ni Kathy. Lahat sila nakatingin na sa direksyon ko kaya napalunok ako. "Wow, ha? Feeling girlfriend 'tong froglet na to!" muling bulong ni Ron sa tabi ko. Wala akong nagawa kun'di lumapit sa mga ito. "Sorry, hindi ko sinasadya," mahina kong sabi nang makalapit dito. Balak ko sanang kunin na ang bola mula kay Jackson para matapos na pero nilayo nito iyon. Hindi makapaniwalang tiningnan ko ito. Nakita ko ang pag-ngisi nito. "Sorry lang? Hindi gano'n kadali 'yon. Hindi mo ba nakita na muntik na tamaan ang guwapong mukhang 'to?" kaswal na sabi nito at itinuro pa ang sariling mukha. Hindi ako nakasagot. Nakangisi lang rin ang mga kasamahan nito sa 'min. "Ngayon, pulutin mo." Nilagay nito ang bola sa ilalim ng bench na kinauupuan nito. Nagsalubong ang kilay ko. Bakit hindi niya na lang iabot? Bakit kailangan pa niya akong pahirapan? "Alcantara! Ang bola? Bilisan mo!" sigaw ng professor namin. "Ayan, pulutin mo raw! Huwag ka na mag-inarte! Ikaw naman may kasalanan, eh!" sigaw muli ni Kathy na nasa gilid ko. Nakita kong nakangisi at naghihintay lang si Jackson. Nilibot ko naman ang tingin sa paligid at maging ang mga kaklase namin ay naghihintay rin sa 'kin. Humugot ako ng malalim na hininga bago mas lumapit dito. Lumuhod ako sa damuhan at 'tsaka yumuko para abutin ang bola sa ilalim nito. Nang maabot ko ang bola sa ilalim ay natigilan ako nang maghiyawan ang mga lalaking kasama nito. Huli ko na napagtanto kung anong itsura ko habang nakaluhod at nakayuko sa pagitan ng magkahiwalay nitong mga hita. Mabilis akong tumayo at tiningnan ito ng masama. Nakangisi ito nang nakakaloko habang natatawa gano'n din ang mga kaibigan nito. Bastos!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD