Chapter 25. Playboy

2429 Words
Akala ko didiretso na kami pauwi pero nagtaka ako nang ihinto niya ang motorsiklo sa tapat ng isang coffee shop. Sumunod lang ako sa kaniya sa loob nang pumasok siya ro'n. May iilan pa lang tao ang naroon dahil siguro masyado pang maaga. "Ano sa'yo?" tanong niya nang sundan ko siya sa counter. Napatingin ako sa naka-display na menu sa taas. Ang mamahal naman ng kape. Kung magtitipla ako sa bahay ng 3 in 1 nakatipid pa 'ko. Nang tingnan ko naman ang mga tinapay ganoon din ang mga presyo. Mukhang hindi pa 'ko mabubusog do'n. Nilingon ko siya na naghihintay ng sagot ko. "Hindi pa 'ko gutom. Sa bahay na lang ako kakain." Kumunot ang noo niya pero wala siyang sinabi at kinausap na lang ang babaeng staff para sabihin ang order niya kaya naman umalis na lang ako at naghanap ng magandang puwestong mauupuan. Paglapit niya nagtaka ako nang may dala na siyang dalawang kape at dalawang platito. Nilapag niya sa harap ko ang isa kaya tiningnan ko siya nang may pagtataka. "Sabi ko busog ak--" "Kagabi pa tayo hindi kumakain. Paano ka nabusog?" Nakataas ang isang kilay na tanong nito bago naupo sa tapat ko. "Let's eat." "Magkano babayaran ko?" "It's on me," sagot nito bago uminom ng kape. "Ha? Hindi. Babayaran ko. Ang dami ko na utang sa'yo. Gusto mo pala ng kape sana nagtimpla na lang ako sa bahay." Napahinto siya sa pag-inom at tiningnan ako. Parang gusto ko bigla bawiin 'yong sinabi ko. Hindi na yata ako nag-iisip. Ilang sandali niya akong tinitigan bago bumuka ang bibig niya. "Next time." Hindi na ako nakasagot lalo na at biglang kumalam ang sikmura ko. Tiningnan ko ang croissant na may ham at cheese sa harap ko. Binalewala ko ang hiya ko at kinain iyon. "CR lang," sabay naming sabi at sabay ring tumayo pagtapos namin kumain kaya natigilan kami saglit. Tumango ako at pinauna niya na akong maglakad patungo sa banyo habang nakasunod siya sa likuran ko. Papasok na sana ako sa loob ng ladies' room ng magsalita siya. "Wait." Nilingon ko siya at kumunot ang noo ko nang mapansin kung saan siya nakatingin. "B-bakit?" "Ang dumi nang puwitan mo." Agad kong nilingon iyon pero hindi ko naman masyadong makita. Halos mabali na ang leeg ko. "Saan?" Ilang sandali itong hindi sumagot o kumilos na tila nag-isip muna bago may kinuha sa bulsa at lumapit sa 'kin. Nagulat na lang ako nang bahagya siyang yumuko at pinunasan ang pang upo ko! Hindi makapaniwalang tiningnan ko siya at iniwas ang sarili ko sa kaniya. "Anong ginagawa mo?" Tumayo siya ng tuwid at hinarap ako. "Nililinisan ko," anito na parang wala lang iyon sa kaniya. "Ako na lang." Mabilis akong pumasok sa loob at tiningnan ang likuran ko sa salamin. Nakasapo ako sa noo ko. May kaunting mantsa nga ng putik sa parteng iyon ng jeans ko. Nahulog nga pala ako kanina pagkagising ko. Nakakahiya naman. Mukha pala akong batang madungis. Pero bakit niya naman napansin iyon? Huwag niya sabihing tinitingnan niya ang puwit ko habang naglalakad?? Mabilis lang akong nagmumog at naghilamos ng mukha bago muling lumabas. Hindi ko na siya nakita sa upuan namin kanina kaya dumiretso ako sa labas. Naroon na nga siya naghihintay sa motor niya. Hinatid niya lang ako sa bahay tapos umuwi na rin siya agad dahil may pasok pa kami. *** Kung noon palagi akong naiinis at nakikipagtalo kay Jackson, ngayon parang nag-iba na. Naging magaan ang awra naming dalawa at nakukuha ko nang ngumiti sa kaniya. Siguro dahil may mga bagay akong natuklasan sa pagkatao niya at may mga mabuti rin siyang bagayna pinapakita sa 'kin. Akala ko kasi noon talagang pahihirapan niya ako at aalilain. Hindi na rin siya masungit at nabawasan na ng kayabangan sa katawan. Naging routine na namin ang hinahatid niya ako pauwi na nakakasanayan ko na rin. Papunta na kami sa canteen nang makasalubong namin si Renz na palabas naman. Nakipagbatian dito sina Missy bago sila naunang pumasok sa loob habang ako naman ay nagpa-iwan para makausap ko pa siya. "Kumusta?" nakangiting tanong nito. "Okay lang. Ikaw? Sorry talaga, Renz." Nag-message naman na ako sa kaniya pero ngayon ko lang siya ulit nakita at nahihiya pa rin ako sa hindi ko pagsipot. "Okay lang 'yon, Ally. Ano ka ba? Naiintindihan ko. May next time pa naman," nakangiti pa ring wika nito. "Huwag kang mag-alala. Babawi ako, promise! Sabihin mo lang kung kailan may okasyon ulit. Pupunta na talaga 'ko," sabi ko para ipakita na hindi ko talaga sinadyang hindi sumipot. Parang biglang umaliwalas ang mukha nito at lumabas ang mapuputi nitong ngipin. "Really?" Tumango ako habang may bahagyang ngiti sa labi. Napakamot ang isang daliri niya sa ulo na tila biglang nahiya. "Uhm gusto ko sanang subukan kung papayag ka..." Kumunot ang noo ko. "Papayag saan?" "Uhm kasi... may event sa hospital nina Daddy. I just want to ask kung p'wede mo ba akong samahan?" Medyo napaawang ang labi ko. Agad-agad pala. "Saan ba?" "Mom asked me if I could bring someone with me para hindi raw ako mainip. But it would be fine kung hindi ka p'wede." Tumango-tango ako. Nahiya naman akong tumanggi ulit dahil kakasabi ko lang na babawi ako 'di ba? Ayoko naman mag-isip siya ng kung ano sa 'kin kaya sumagot ako. "Sige. Sasamahan kita." Napangiti ito nang malawak at biglang kinuha ang dalawang kamay ko na bahagya kong ikinabigla. "Talaga, Ally?" paniniguro nito kaya tumango. "Thank you! Ite-text ko na lang sa'yo ang details," excited pa na wika nito. "Ally!" sabay kaming napalingon nang may tumawag sa pangalan ko. Nakita ko si Luke na papalapit. Hindi ko alam bakit awtomatikong hinanap ng mga mata ko si Jackson. Seryoso ang mukha nito ngayon habang nakatingin sa akin. "Nag-lunch na kayo? Nasaan sila?" tanong ni Luke nang makalapit. Sinulyapan nito si Renz pagkatapos bumaba ang tingin niya sa kamay namin. Noon ko lang napagtanto na hawak pa rin pala ni Renz ang kamay ko kaya binawi ko na 'yon. "N-nasa loob. Nauna na sila," medyo nautal kong sagot. "Ano, tara!" Hinawakan ni Luke ang magkabilang balikat ko at iginiya ako papasok sa loob. Hindi na tuloy ako nakapagpaalam kay Renz. "Sino 'yon?" tanong niya nang makapasok kami sa loob. "Kaibigan ko. Si Renz." "Ohh..." tumatangong sambit nito sabay ngumisi na parang may naisip na nakakatuwang bagay. Minsan nakakasama namin silang kumain dito sa canteen kapag hindi nila trip sa cafeteria o kaya tinatamad silang lumabas. Habang nasa pila kami para bumili ng pagkain, panay ang lingon ng lahat sa mga lalaking kasama namin. Naupo kami sa dulo ng canteen kung saan sila madalas nakapwesto. Tumabi ako kay Missy at sa harap namin si Ron at Fiona. Nasa katabing table naman ang grupo nila. "Ally, sino 'yong kasama mo kanina? Boyfriend mo ba 'yon?" Napatigil ako sa kinakain para mag-angat ng tingin kay Luke na nasa kabilang table. Kumunot ang noo ko dahil nasagot ko na siya kanina sa tanong na 'yon. Bakit tinatanong na naman niya? "Ang sweet niyo, ah? Hindi nga lang kasing guwapo ko pero may itsura naman siya," dugtong pa nito habang nakangiti. Anong pinagsasabi niya? "Guwapo kaya si Renz. Crush ko nga din siya, eh," sabat ni Ron habang ngumunguya. "Malanding 'to. Lahat naman crush mo!" pambabara ni Missy rito. "Bagay kayo. Matagal na ba kayo?" tanong pa ni Luke ulit. Hindi ko talaga siya maintindihan. Ang mga kasama naman niya tahimik lang na nakikinig habang kumakain. Sasagot sana ako pero napabaling ang lahat sa direksyon ng babae na lumapit sa table nila. "Hi, guys. May gusto lang sana akong ibigay kung okay lang? Here. Sana magustuhan niyo." "What's this? P'wede kong buksan?" tanong ni Luke. "Of course. Chocolate cookies. Ako nag-bake niyan." Binuksan ni Luke ang box at cookies nga ang laman niyon dahil nakita kong kumuha agad ito ng isa at sinubo nang buo. "Puwede ko ba kayong kuhanan ng picture kasama niyang cookies? Kung okay lang? Ipo-post ko lang sa shop ko." "Ahh... para makahatak ng customer," wika ni Kate. "Y-yeah. I'm sure kasi maraming bibili kapag nakita nilang--" Lahat kami napalingon sa direksyon ni Jackson nang malakas nitong ibagsak ang kutsara't tinidor sa pinggan niya. "Are you stupid? Hindi mo ba nakikita na kumakain kami?" masungit na tanong nito sa babae na mukhang nagulat sa reaksyon nito. "S-sorry. S-sige aalis na 'ko." Bakas ang pagkapahiya sa mukha nito bago tumalikod at mabilis na lumabas ng canteen. "Grabe ka, Bro. Kawawa naman 'yong babae. Mukhang masarap pa naman este itong cookie niya," sabi ni Luke habang ngumunguya pa rin at nakuha pang tumawa. "Oh, tikman mo baka lumamig ulo mo." "Shut up." Hindi ako nakatanggap ng text mula kay Jackson no'ng vacant time ko kaya hindi na ako nag-abalang puntahan siya. Naisip ko na baka may pinagkakaabalahan. Pero noong uwian naman hinatid niya pa rin ako sa bahay pero hindi kami nag-usap. Wala siguro siya sa mood kaya hindi na lang din ako nagsalita. "Salamat," sabi ko nang makababa. Hindi ito lumingon o nagsalita man lang at bigla na lang umalis. Problema no'n? May saltik na naman siya. *** Mukhang napasubo ako sa pagpayag na samahan si Renz sa event na ito. Mukhang puro mayayaman ang bisita. Tiningnan ko ang suot ko, maganda naman ang tinahi ni Mama. Isa iyong kulay navy blue na sleevelees dress abot hanggang tuhod. Nang sabihin ko sa kaniya ang tungkol sa pagsama kay Renz sa event na ito medyo namroblema kami sa susuotin ko kaya nagpresinta si mama na tatahian niya raw ako sa libreng oras niya sa trabaho at ito na nga ang kinalabasan. Sabado ng gabi na ngayon at sinundo ako ni Renz sa bahay patungo sa hotel na pagdarausan. "Are you okay?" bulong niya sa tainga ko nang makaupo kami. Bahagya akong ngumiti at tumango. Medyo nabawasan na ang kaba ko dahil mukhang abala naman ang mga tao sa kaniya-kaniyang puwesto. Kasama namin sa table ang parents ni Renz at ilang kaibigan at katrabaho ng mga ito. "You're so pretty, Hija," wika ng isang ginang na katabi ng mommy niya. Bumaling ito kay Renz. "Girlfriend mo, Hijo?" Medyo nabigla ko sa tanong na iyon. Nagkatinginan kami ni Renz bago ito sumagot sa ginang. "Hindi po, Ninang. K-kaibigan ko lang po." "Hmm d'yan nagsisimula 'yan," nakangiting wika nito na may halong panunukso. "Binata ka na talaga." Napakagat ako sa ibabang labi dahil sa hiya. May kaunting program at may ilang nagbigay ng motivational speech bago nagkainan ang lahat. Panay ang kausap at tanong ni Renz sa akin kung anong gusto ko o kung okay lang ako na sinasagot ko naman ng ngiti tango. Ganoon din ang parents niya. Wala akong masasabi dahil talagang mabait sila. Kaya siguro gano'n din si Renz. Pagtapos kumain nagsimula naman ang mga magpeperform nang bumulong si Renz sa akin. "Boring. Gusto mo lumabas?" Tumango ako agad dahil nananakit na rin ang puwit ko sa tagal namin nakaupo. 2 inches lang naman ang takong ko pero hinayaan ko si Renz na alalayan akong maglakad dahil madulas ang marmol na sahig. Pumasok kami sa elevator at dinala niya ako sa parang terrace na maraming halaman. Napangiti ako nang salubungin kami ng malamig na hangin at magandang kalangitan na puno ng butuin. "Ang galing ng mga doctor na nag-speech kanina 'no?" "Yeah. Nakaka-motivate lalo na galingan para maabot ang mga pangarap." "Pamilya kayo na nasa medical field. Siguradong after ilang years isa ka na rin sa kanila." "You think so?" "Oo naman! Ikaw pa ba? Dati pa lang masipag ka na mag-aral. Alam mo na agad kung anong pangarap mo at gusto mong daan na tahakin." "Ikaw, ganoon pa rin ba?" Malungkot akong ngumiti bago tumango. "Ganoon pa rin. Ang maka-graduate sa Maxville para makahanap ng magandang trabaho. Sana lang magkatotoo pa." "Sabi ko naman sa'yo tutulungan kita." "Ano ka ba? Okay lang. May ginagawa naman akong paraan." "Ano 'yon?" Saglit akong natigilan. Hindi ko pa pala nabanggit sa kaniya "Tinutulungan ako ni... Jackson." Kumunot ang noo niya. "Jackson Mondragon?" Tumango ako at muling tumingin sa langit. Tumango-tango rin ito. "Kaya pala... madalas ko kayong makita magkasama. Bakit ka niya tinutulungan, Ally?" Nagkibit-balikat ako. "Inalok niya lang ako. Tutulungan niya raw ako sa scholarship k-" Bigla siyang humarap sa 'kin. "Anong kapalit?" "Hindi naman mahirap. Nagpapatulong lang siya sa mga subjects niya." Bumuntong hininga ito at tumango. "Mag-iingat ka. Alam mo naman siguro kung anong reputasyon niya sa mga babae." Tumawa ako nang mahina. "Hindi ako sasali sa mga nahihibang sa kaniya kung 'yan ang iniisip mo!" Tumawa na rin ito pagkatapos ay kinuha ang cellphone sa bulsa. "Puwede ba tayong mag-picture?" tanong nito. "Sige. Picture lang pala, eh." Dumikit ako nang bahagya sa kaniya at ngumiti sa camera. Nag-iba rin kami ng puwesto para gawing background ang mga butuin at buwan sa madilim na kalangitan. Pagkatapos niyon natahimik kami kaya kinuha ko rin ang cellphone ko sa maliit kong bag at nag-check ng mga messages. Binasa ko ang text ni mama na matutulog na raw siya at gisingin ko na lang siya kapag nakauwi na ako. Nagbasa rin ako sa group chat namin nina Missy at Ron. "May chicks na naman ang bebe ko! Kainis!" sabi ni Missy. "Hahahaha anong bago? Paano mo nalaman?" tanong naman ni Ron. "Sa post ni Luke! Tingnan mo!" "Omg! Sabi sa inyo 'wag magkakagusto sa basketbolista, eh! Magagaling mambola mga 'yan! Hahaha!" Maya maya nakatanggap ako ng notification kaya binuksan ko ang social media account ko. Tinag ako ni Renz sa picture namin na may caption 'Saturday night with Ally." Napatingin ako sa kaniya na tahimik rin habang hawak ang cellphone nito. Mukhang naramdaman niya na nakatingin ako kaya nilingon niya rin ako. "Pinost ko, ah? Okay lang ba?" nag-aalangan nitong tanong. Nginitian ko siya. "Oo naman." Ni-like ko iyon tapos nag-scroll saglit pero napahinto ako sa video na pinost ni Luke one hour ago. Maingay at mukhang nasa isang club sila. Halata na nakainom na ito habang nililibot ang camera sa paligid at sumasabayan ang tugtog. Nakita ko si David na kayakap si Kate habang nagsasayaw. Si Clark naman may kausap na babae. Iyon siguro ang tinutukoy ni Missy. Nahagip din sa camera si George na may nakakandong na babae habang nagtatawanan sila pero mas natuon ang atensyon ko kay Jackson na nakangiti habang may babaeng nakaupo sa kandungan niya paharap sa kaniya. Hindi ko lang masabi kung may binubulong sa tainga niya o hinahalikan ang leeg niya. Hindi ko alam kung bakit nakaramdam ako ng pagkadismaya. Eh 'di ba ganoon naman talaga ang gawain nila? Linggo-linggo yata sila nasa club at iba't-ibang babae ang nakakasama.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD