"Sabay ulit kayo?" tanong ni Missy nang makitang nakatayo si Jackson at bahagyang nakaupo sa nakaparadang motorsiklo nito na tila may hinihintay.
Nagkibit balikat ako kahit alam ko naman na ako ang hinihintay nito dahil tinotoo nga nito ang sinabi na siya na ang maghahatid sa 'kin pauwi. Ilang araw niya na kasing ginagawa 'yon pero hindi ko pa rin alam kung bakit. Kapag tinatanong ko siya ang sasabihin niya lang h'wag na akong magtanong. Ako naman parang robot na sumusunod sa mga sinasabi niya.
"Ano bang mayro'n sa inyong dalawa? May something ba kayo?"
Agad akong napalingon kay Missy sa tanong niyang 'yon. "Wala 'no!"
"Wala pa?" sabi ni Ron.
"Wala. Walang gano'n. Sabi ko nga sa inyo sinasabay niya lang ako dahil parehas kami ng daan pauwi," pagsisinungaling ko.
Iyon lagi ang sinasabi ko kapag nagtatanong silang dalawa para tumigil na sila kakaisip ng kung anu-ano kahit ang totoo magkaiba naman talaga ang daan namin ng lalaking 'yon. Hindi naman siguro nila alam kung saan talaga nakatira si Jackson. Ano naman kasing sasabihin ko? Hindi ko nga rin alam kung anong nakain no'n para ihatid ako pauwi.
"Sus! Baka magulat na lang kami kayo na, ah?" panunukso ni Ron at siniko ako sa tagiliran.
"H'wag kang maglilihim sa 'min, Bestie! Kukurutin talaga kita sa singit!" pagbabanta naman ni Missy.
"Para kayong tanga. Wala nga! At isa pa, imposible 'yang mga sinasabi niyo. Bakit naman niya ako papatulan? Hello? Ang layo kaya ng itsura ko sa mga babae niya!"
"Weh? Hindi malayo itsura mo. Mamahalin lang ang suot nila at sa'yo hindi. Kinulang sa tela ang mga suot nila at sa'yo hindi. Malay mo nagbago na ng taste si Jackson."
Umiling ako. "Lalong hindi mangyayari 'yon. Malabo at imposible. Lalo na't hindi ko rin naman siya gusto at kahit kailan hindi ako magkakagusto sa tulad niya!"
"Ano ba ang tulad niya?" tanong ni Missy.
Saglit akong napaisip bago sumagot. "Katulad ng tatay ko. Babaero."
Natahimik na rin sila sa sinabi ko at nagpaalam na sa 'kin. Kinawayan din nila si Jackson. Bigla naman itong sumulpot sa gilid ko sakay ng motorsiklo niya na parang hinihintay na ako kaya tahimik akong sumakay ro'n at kumapit sa damit niya.
"Sabihin mo na agad kung sisingilin mo ako sa gas para alam ko," sabi ko nang makababa sa tapat ng bahay namin.
Hindi ko inasahang mapapangiti ito sa sinabi ko. Medyo napatitig ako sa mukha niya dahil ngayon ko lang siya nakitang ngumiti. Iyong walang halong pang-aasar o panunuya.
***
"Kailangan nating pumunta sa gym!" bulong ni Missy.
"Bakit?" mahinang tanong ko habang hindi inaalis ang tingin sa professor namin na kasalukuyang nagle-lecture pa rin kahit dapat tapos na ang oras niya.
"Nag-chat si Fiona. Susugurin daw ni Victor si George!"
Namilog ang mga mata ko sa sinabi niya.
"Ma'am, excuse me. 5 P.M na po!" biglang sigaw nito sa prof namin.
Agad naman itong tumingin sa relos nito para kumpirmahin. "Oh, I'm sorry. Oo nga. Okay, class dismissed!"
Halos takbuhin na namin ni Missy ang daan patungo sa gym kaya hingal na hingal kami nang makarating doon. Kinabahan ako nang makasalubong namin ang anim na lalaki na palabas ng gym kasama ang coach ng basketball team. Magugulo ang damit nila na kasalukuyan pa nila inaayos at may namumula sa parte ng mga mukha nila. May dugo rin sa gilid ng labi ang iba at paika-ika maglakad.
"Anong nangyari?" agad tanong ni Missy nang makalapit kami sa team.
Nakaupo si Luke at George sa sahig ng court habang sina David, Clark, at Jackson ay nasa bench nila. Kaparehas ng itsura nila ang mga lalaking nakasalubong namin. Mukhang hindi na nila kailangan sagutin ang tanong ni Missy dahil may ideya na kami.
Si Fiona nakatayo at mukhang hindi mapakali. Bakas ang guilt sa mukha niya. Naroon na rin si Kate na hinahaplos ang mukha ni David.
Si Missy lumapit kay Clark at tumabi rito. "Ayos ka lang ba?"
"Yeah," sagot nito. Napansin ko na parang napunit 'yong leegan ng tshirt nito.
Napalingon kaming lahat nang dumating si Ron."Oh my gosh. Late ako. May bugbugang naganap dito?"
"Let's go. Kailangan niyong magpunta sa clinic para magamot ang mga galos niyo," sabi ni Kate.
"S-sorry talaga, guys. Hindi ko siya napigilan," saad ni Fiona.
"Don't say sorry. It's not your fault. Hindi lang matanggap ng manlolokong 'yon na hindi mo na siya babalikan. At ang akala niya ako ang dahilan." Nakuha pang ngumisi ni George kahit mukhang siya ang pinakamaraming natamong galos sa katawan at ilan sa mukha.
Kahit anong pilit namin hindi sila nagpunta sa clinic. Nanatili lang akong nakaupo sa isa sa mga upuan doon habang nagkukwento si Fiona kung gaano kagalit ang ex nito mula noong nakita ang mga picture sa falls. Hinintay rin namin si Ron at Kate na kumuha na lang ng first aid kit sa clinic at sila na ang gumamot sa mga lalaki.
Iniwas ni Jackson ang namumulang kamao nang akmang dadampian iyon ni Ron ng cold compress. "I'm fine."
Nang pauwiin na lang sila ng coach nila sabay-sabay na kaming umalis. Sinundan ko si Jackson hanggang sa motor niya kahit hindi ko alam kung isasabay niya ako ngayon pauwi.
"Bakit hindi mo ipagamot mga sugat mo?" Napansin ko na may maliit na sugat din pala sa gilid ng labi niya at gasgas sa ilalim ng mata.
Bahagya niya akong nilingon bago siya sumapa ro'n. "Sumakay ka na kung sasama ka."
Kusa akong kumilos at sumakay sa likuran. Napansin ko na hindi papunta sa 'min ang dinadaanan niya kun'di papunta sa bahay nila. Bakit doon? Medyo kinabahan tuloy ako. Gagabihin na naman ako nito.
Pagdating doon sumunod ako sa kaniya papasok sa loob. Sinalubong kami no'ng matandang kasambahay na agad ngumiti sa 'kin pero nawala rin iyon nang makita si Jackson.
"Anong nangyari sa'yo, Hijo?" bakas ang pag-alala sa mukha nito. "Sandali, dito ka lang. Kukuha ako ng gamot."
Dumiretso siya sa living room nila kaya sumunod ako. Naupo ito sa mahabang sofa at isinandal ang ulo. Nanatili naman akong nakatayo sa bungad ng pinto. Maya maya nilingon niya 'ko. "Anong ginagawa mo d'yan? Maupo ka."
"Okay lang ako dito."
Nagsalubong ang kilay niya. Biglang dumating 'yong kasambahay at inabot sa akin ang isang box at isang ice pack.
"Oh, ito, Hija. Ikaw nang bahala sa kaniya at babalikan ko 'yong niluluto ko."
Napamaang ako sa narinig. Ako?
Umalis nga talaga ito at iniwan sa 'kin ang lalagyan na mukhang naglalaman ng first aid kit.
Napilitan akong lumapit sa mahabang sofa na kinaroroonan nito at binuksan ang lalagyan. Niready ko ang mga kailangan niya para ibibigay ko na lang sa kaniya.
"Oh. Idampi mo d'yan sa kamay mo," sabi ko sabay abot ng cold compress. Kinuha naman niya 'yon. "Tapos ito ipahid mo d'yan sa sugat mo." Inabot ko rin ang bulak na may alcohol pero tiningnan niya lang ako.
"Bakit hindi ikaw? Paano ko gagawin 'yan ng sabay?"
Natigilan ako saglit. "Sabi ko nga." Umusog ako palapit sa gilid niya at dahan-dahang dinampi ang bulak sa gilid ng labi niya. Bahagya nitong iniiwas ang mukha marahil ay nahahapdian. "H'wag kang magulo."
Pagtapos niyon cotton buds na may gamot naman ang pinahid ko sa maliit na sugat. Nang dumako ang tingin ko sa mata niya natigilan ako. Masyado akong focus sa ginagawa na hindi ko namalayan na ang lapit na pala ng mukha namin sa isa't-isa. Nakaramdam ako ng pagkailang lalo na't nakatitig pala siya sa 'kin. Akma akong lalayo pero hinawakan niya ang kamay ko. Napalunok ako nang bumaba ang tingin niya sa labi ko.
"Good afternoon, Sir."
Mabilis akong napalayo sa kaniya at sabay kaming napalingon sa labas ng living room nila nang marinig namin ang boses ng kasambahay.
"Where's my son?" tanong ng isang lalaki.
"Nasa living room po, Sir."
Napatingin ako sa kaniya. Agad naman itong tumayo at diretsong lumabas. Hindi ko malaman ang gagawin ko. Iyon ba ang ama niya? Susunod ba ako sa kaniya? Malamang! Kailangan kong bumati dahil nasa pamamahay nila ako.
Tumayo na rin ako at akmang lalabas pero napahinto ako nang marinig muli ang boses ng ama nito lalo na at mukhang galit ang tono nito.
"What happened to your face?"
"Nothing, Dad." mahinang sagot ni Jackson.
"Ano na naman 'to, Jackson? Wala ka na ba talagang gagawing matino, ha?!"
Napalunok ako. Parang ako 'yong natatakot sa lakas ng boses ng daddy nito.
"May kaaway ka na naman sa school niyo? Hindi mo ba talaga aayusin 'yang buhay mo? Wala ka man lang bang pangarap? Ha? Kung hindi ko kinakausap at tinutulungan si Mr. Villega hindi ko na alam kung saan ka pupulutin!"
Mr. Villega? Iyong presidente ng Maxville. Wala man lang akong narinig na sagot mula sa kaniya.
"Puro walang katuturan ang ginagawa mo katulad niyang basketball! Anong mapapala mo d'yan? Ang gusto ko mag-aral ka at tapusin ang kurso mo para tulungan mo ako sa negosyo!"
"Tatapusin ko 'yon kahit naglalaro." Sa wakas ay sagot nito.
"Kailan pa? Ilang subject ang hindi mo napapasukan dahil sa walang kwentang practice na 'yan! Puro na lang practice! Kung nilalain moang oras sa mas importanteng-" Nakarinig ako ng mga yabag palayo. "Sige lumayas ka! Gayahin mo ang mommy mo! Layasan mo na rin ako!"
Nataranta ako sa narinig. Aalis siya? Hindi niya 'ko pwedeng iwan dito! Lumabas ako ng living room at naabutan kong huminto si Jackson sa main door at hinarap ang ama nito na noon ay nakatalikod naman sa 'kin.
Matalim ang matang nakating sadaddy niya. "Kaya ka niya nilayasan dahil sa ugali mo. Nakakasakal ka, Dad."
"Anong sinabi mo?" kinabahan ako nang malalaki ang hakbang na lumapit ito kay Jackson at hilain ang leegan ng tshirt na suot nito. Kung matangkad si Jackson mas matangkad ang ama nito. "Ulitin mo ang sinabi mo!"
Mabuti naman at hindi na ito kumibo kaya marahas na siyang binitawan ng daddy niya. Nanigas ako sa kinatatayuan nang bigla itong humarap sa direksyon ko.
"Who are you?" nakakunot ang noong tanong nito.
Napatingin ako kay Jackson na nakatingin din sa 'kin bago ako sumagot. "K-kaibigan niya po."
Nilingon nito si Jackson bago muling bumaling sa 'kin. "I'm sorry that you had to witness this. Excuse me." Pagkasabi niyon nilagpasan na ako nito at umakyat sa hagdan.
Agad akong sumunod kay Jackson nang lumabas ito at dumiretso sa motor niya. Hinintay niya naman akong makasakay bago iyon pinaandar at umalis ng bahay nila. Ilang minuto na kaming nagbabyahe at hindi ko siya matanong kung saan kami pupunta. Medyo madilim na rin at nagsisimula nang lumamig ang hangin. Saka ko lang napagtanto kung nasaan kami nang makita ang paakyat na mahabang kalsada.
Nang huminto ito bumaba na rin ako agad kasunod siya. Nandito na naman kami sa pinagdalhan niya sa 'kin nakaraan. Nagsisimula nang bumukas ang mga ilaw ng kabahayan sa ibaba.
"Anong lugar ba 'to?" Paano mo nalaman 'to?" basag ko sa mahabang katahimikan. Parehas lang kami nakatingin sa ibaba. Akala ko hindi siya sasagot pero napalingon ako sa kaniya nang magsalita siya.
"My dad bought this lot for me as a christmas gift."
"Nasaan ba ang mommy mo?" Huli ko na napagtanto na mali yata na tinanong ko 'yon dahil masyadong personal ang topic lalo na sa narinig ko kanina sa bahay nila. "H'wag mo na pala-"
"She left us four years ago."
Napakagat ako sa ibabang labi at tumango.
"She's now in Canada, with her new family." Mapakla itong tumawa.
Medyo nabigla ako. Parehas pala kami ng naging kapalaran. Kaya pala pakiramdam ko no'n dalawa kaming malungkot no'ng nakita ko si papa. Naalala niya siguro 'yong mommy niya.
"Siguro may malalim siyang dahilan kung bakit siya umalis. Hindi katulad ng tatay ko," Mapakla rin akong tumawa, "Dahil lang sa ibang babae."
"No. Parehas lang. She had an affair with one of my dad's business partners."
Umawang ang labi ko sa narinig. Hindi ko alam ang sasabihin. Hindi ko inaasahan 'yon. Saglit kaming kinain ng katahimikan. Ngayon ko naisip 'yong sagot niya nakaraan sa tanong ko kung bakit nagagawa nilang iwan ang anak nila para sa iba. 'I've been asking myself the same question.' Nakaramdam ako ng simpatya sa kaniya.
"Kaya ka ba galit sa mommy mo?" maya maya ay tanong ko. Naalala ko kasi 'yong may dumating na package pero ayaw niyang tanggapin.
Dahil sa kaunting liwanag na hatid ng poste sa 'di kalayuan, nakita ko ang paggalaw ng panga niya. "I hate her. She's... she's a..." Hindi nito maituloy ang gustong sabihin. Marahil kahit paano ayaw niyang magsalita ng masama tungkol dito. Tila malalim itong nag-isip bago muling nagsalita. "Napatunayan ko na ang mga babae, pare-parehas lang. They just want three things. Money, attention, and s****l satisfaction."
Hindi makapaniwalang tiningnan ko siya at humarap sa kaniya. "Huy, grabe ka naman! Hindi kami gano'n. Huwag mo nga lahatin. Baka 'yong mga nakilala mo lang ang gan'yan!"
Nilingon niya 'ko at tumaas ang isang sulok ng labi niya. "Really?"
"Talaga! Mayro'n din naman mga babaeng ang gusto lang ay true love, simple life, at pure happiness!" Nilahad ko pa sa harap niya ang tatlong daliri ko.
"Psh. Those things doesn't exist."
Napanguso ako at natahimik. Kahit ako hindi sigurado kung may gano'n. Wala nang nagsalita sa amin pagtapos no'n. Maya maya naglabas ito ng isang pack ng sigarilyo at kumuha ng isa. Akma niya iyong sisindihan pero huminto siya at nilingon ako. Wala naman siyang sinabi at bigla na lang lumayo. Pumwesto ito sa ilalim ng isang puno.
Ilang minuto pa lang akong naiwan doon naramdaman ko na may tubig na pumapatak sa mukha at braso ko. Tumingala ako sa langit na madilim. Walang stars. Agad akong nag-panic nang mapagtanto kung ano ang mga pumapatak na 'yon.
"Jackson, umaambon na!" tawag ko sa kaniya.
Napatakbo ito palapit sa motor niya kaya sumakay na rin ako agad. "Shit." mahinang usal nito.
Nang makalagpas kami sa mahaba at pababang kalsada inihinto niya ang motorsiklo sa isang luma at maliit na waiting shed sa gilid. Sakto namang lumakas ang ulan. Walang katao-tao sa daan at bihira lang ang dumadaang sasakyan dahil malayo-layo pa ang main road.
Medyo nabasa ako kaya binuksan ko ang bag at kinuha ang panyo ko para punasan ang mukha at mga braso ko.
"Hindi tayo p'wedeng tumuloy. Madulas ang daan," sabi nito kaya tumango ako.
"Sana tumila din agad."
"Kahit tumila pa madulas pa rin."
So, paano? Dito lang kami? Nilibot ko ang tingin sa paligid. Ang dilim. Ang lawak ng bakanteng lote. Puro puno at damo lang ang nakikita ko. Nakasilong rin ang motor niya kaya medyo masikip. Naupo na lang ako sa mahaba at sementadong upuan ng waiting shed.
Narinig kong bumuntong hininga ito kaya nilingon ko siya.
"I left my phone."
"May dala ako!" agad sabi ko nang maalala at kinuha iyon sa bag ko. Kaya lang nanlumo rin ako agad nang makitang two percent na lang ang battery. Lalo na nang makita kong walang signal. Ang swerte!
"We don't have a choice but to wait for the rain to stop."
Ganoon nga ang ginawa namin pero mukhang wala naman iyong balak tumigil. Ang lakas pa ng hangin. Nilalamig na 'ko!
Niyakap ko ang bag at sumandal sa nagsisilbing poste ng waiting shed. Tahimik lang kaming dalawa habang ito ay nakaupo naman sa kabilang dulo.
Sinilip ko ang cellphone para tingnan ang oras. 9 PM na. Tuluyan na rin iyong bumigay at biglang namatay. Tiningnan ko siya. Mabuti pa siya naka-jacket kaya siguro hindi niya ramdam ang lamig.
Bigla akong napatili nang malakas nang maramdamang may kung anong bagay ang dumikit sa daliri ko sa paa. Lumapit ako sa kaniya at mukhang nagulat din siya sa pagtili ko.
"Ano 'yon?" takot na takot na tanong ko habang pilit inaaninag sa dilim ang lupa.
May nakita akong biglang tumalon na kung ano at muli akong napasigaw. Naupo ako sa tabi niya at tinaas ang dalawang paa ko. Tumalon-talon ito hanggang sa mapagtanto ko kung ano ang hayop na 'yon.
"Palaka??" gulat na tanong ko.
"I think so," sagot naman nito at umiling-iling. "Psh. Scaredy-cat." pang-aasar niya.
Hindi naman ako maarte. Matatakutin lang talaga. Binaba ko na ang paa ko nang makalayo ang palaka. Bigla akong napabitaw sa kaniya nang mapansing nakahawak pala ang dalawang kamay ko sa kaliwang balikat niya.
Muli kaming kinain ng katahimikan. Mukhang inaantok na siya dahil sinandal niya ang ulo sa poste. Paano naman ako makakatulog nito?
"Huy, matutulog ka na?"
"I'm tired. Matulog ka na lang din," mahinang sagot nito habang nakapikit.
"Ang lamig. Baka naman gusto mong i-share 'yang jacket mo?" lakas loob na sabi ko.
Nagmulat ito at tiningnan ang suot bago ako lingunin. Hinubad nito ang jacket at inabot sa 'kin.
"Paano ka? Sabi ko pa-share lang. Hindi ko hinihingi. Baka sabihin mo inaapi kita. Hindi ako nang-aapi ng kapwa," pagpaparinig ko. Hugot ba 'yon?
"Ikaw na gumamit," sagot lang nito na mukhang hindi tinablan.
Nagkibit balikat na lang ako. "Okay."
Nabawasan ang lamig na nararamdaman ko kaya unti-unti na rin akong dinalaw ng antok. Ang tahimik ng paligid at tanging tunog lang ng hangin at ulan ang maririnig. Nalalaglag na 'yong ulo ko kaya sinandal ko na lang iyon sa braso niya.
Nang magmulat ako ng mata bahagya akong nasilaw sa liwanag kaya muli akong pumikit. Nang unti-unti ulit akong magmulat bumungad sa 'kin ang guwapong mukha. Nasalubong ko ang mga mata nito na noon ay nakatingin din sa 'kin.
Namilog ang mga mata ko at napabalikwas ng bangon pero napadaing din ako agad nang mahulog ako sa lupa. Nakalimutan kong wala nga pala ako sa kama.
"f**k," mura nito at tinulungan akong tumayo. "Bakit bigla ka kasing bumangon?"
Hinimas ko ang nasaktang balakang at hinarap siya. "Bakit kasi ako nakahiga d'yan sa hita mo? At bakit hindi mo ako ginising?" Ang naalala ko magkatabi kaming nakaupo. Paanong nakahiga na ako sa hindi naman malapad na upuang semento at nasa kandungan niya na nakapatong ang ulo ko?
"I don't know. Antok na antok ka siguro. Hindi kita ginising dahil mukhang masarap ang tulog mo."
Sinamaan ko siya ng tingin pero ngumisi lang ito.