Nagising ako sa ingay na nagmumula sa labas ng kwarto ko. Naririnig ko ang mga boses nina Ron at Missy na kausap si Mama. Anong oras na ba? Antok na antok pa 'ko. Minulat ko ang isang mata para silipin ang alarm clock sa gilid ko. 7 AM? Ang aga naman! Pero agad din akong napabalikwas ng bangon nang maalala kung bakit sila narito. Sakto naman bumukas ang pinto at bumungad sa akin ang dalawa na bihis na bihis na.
"Kaloka ka, girl! Nakabihis na kami lahat ikaw na lang hinihintay!" agad wika ni Ron.
"Maligo ka na bilis! Naghihintay na sila sa labas!"
Kunot ang noo kong binalingan sila. "Sinong sila?"
"Sino pa ba? Eh, 'di 'yong team pogi. Sila Jackson! Sila Clark!"
Napaawang ang labi ko. "Bakit?"
Napakamot ng ulo si Missy na tila naiinip na at wala nang panahon para makipag-question and answer portion. "Di ba nga, sa kanila tayo sasakay papuntang Kaliwagan Falls? Kaya kumilos ka na! Bilis!"
Huh? Akala ko sa kotse ni Ron kami sasakay? Tiningnan ko si Ron nang hinila na ako nito patayo sa kama.
"Wala akong car. Biglang nasira 'yong aircon kagabi habang papunta kami kina Renz. Bakit late ka nagising? Ang usapan 8 ang alis natin."
Hindi na ako nakasagot dahil hinila na nila ako palabas ng kwarto. Mabilis akong naligo sa banyo at paglabas ko nasa sofa na rin ang backpack ko na pinaglagyan ko kagabi ng mga babauning gamit at damit para sa lakad namin ngayon. Nagsuot na lang ako ng gray na leggings at white shirt na tinernuhan ko ng rubber shoes para komportable at sinuot na sa likod ang bag ko.
Paglabas namin nakita ko na may tatlong sasakyan ang nakahilera sa tapat ng bahay. Isang itim na SUV, isang pamilyar na asul na sportscar at isa pang mamahaling sasakyan na kulay silver. Marami tuloy kapitbahay na nakamasid at mukhang takang-taka kung sino ang mga sakay at bakit nandito sila sa labas namin.
"Dito tayo!" sabi ni Ron na huminto sa itim na SUV.
Pumasok kami sa loob at nakita ko ro'n si Clark na siyang nagmamaneho at nasa passenger seat naman si Luke.
"Hi, Ally! Good morning!" nakangiting bati ni Luke sa 'kin kaya binati ko rin ito. Ang aliwalas ng mukha niya at ang linis tingnan. Ganoon din si Clark.
So, nasa kabilang sasakyan pala ang iba. Sino-sino naman kaya?
"Let's go?" tanong ni Clark.
"Let's go!" sabay na sigaw ni Missy at Ron na halatang excited.
Nakakahiya. Talaga pa lang ako na lang ang hinihintay nila. Ang dami ko pa kasi inasikaso pagkahatid ni Jackson sa 'kin kagabi kaya hindi ako nakatulog agad. Tapos nag-ayos pa 'ko ng mga dadalhing gamit sa lakad na 'to. Hirap na hirap akong mamili ng isusuot.
May malakas na music habang nasa byahe kami. Pakanta-kanta pa sila at puro tawanan. Halos dalawang oras din ang inabot bago kami nakarating sa pupuntahan naming falls. Dahil hindi na makakadaan ang sasakyan papunta ro'n ay nagsibaba na kami para lakarin na lang.
"Ally!" napatingin ako sa tumawag sa akin pagbaba ko. Napangiti ako nang makita si Fiona na tumakbo palapit sa 'kin at bumeso.
"Kasama ka pala?" Hindi makapaniwalang tanong ko.
Napasimangot ito sa tanong ko. "Yup. Gusto ko kasi mag-enjoy at makalimot."
Kumunot ang noo ko. "Bakit naman?"
"Para makalimutan 'yong cheater na si Victor!" sabat ni Ron na nasa tabi ko. Boyfriend ni Fiona ang tinutukoy.
Napaawang ang labi ko sa narinig.
"Oo na! Huwag mo na ipaalala, Ron. I don't want to hear that fucker's name ever again!"
Napalingon kami kay Luke nang tawagin nito si Ron. "Hoy, Rona. Magbitbit ka na ng gamit. Mga babae lang exempted sa pagbubuhat!"
Napanguso si Ron at pumapadyak ang paa na lumapit sa compartment ng sasakyan. Napatawa kami ni Fiona nang dumaing ito sa bigat ng dala nitong table set.
Nakita ko sa silver na kotse sina George, David, at girlfriend nitong si Kate. Kasalukuyan na rin silang nagbubuhat ng mga gamit. Wala naman sa loob na napadako ang tingin ko sa dalawang tao na kabababa lang ng asul na sportscar. Si Jackson at may kasama itong babae na nakasuot ng maikling dress na kulay pink. Parang kaunting galaw lang makikita na 'yong panty niya. Agad itong kumapit sa braso ni Jackson. Bago ito sa paningin ko. Napaiwas ako ng tingin nang magtama ang mga mata namin.
Ibinilin lang nila ang mga sasakyan sa nagbabantay doon at nagsimula na kaming lakarin papuntang falls. Magkahawak kamay kami ni Missy at magkahawak naman sina Kate at Fiona dahil medyo mabato ang daan habang ang mga lalaki ay may mga dalang gamit at pagkain. Panay tili naman no'ng babaeng kasama ni Jackson dahil nahihirapan itong maglakad mag-isa.
"Sino ba kasing nagsusuot ng heels papuntang falls? Kung hindi ba naman boba!" bulong ni Missy.
Nahigit ko ang hininga nang tuluyan naming narating ang sinasabi nilang falls. Nakakamangha sa ganda. Napakalinis ng tubig at napakaganda ng tanawin. Ang daming puno at halaman sa paligid. Parang kami lang ang tao roon kaya mas lalong lumitaw ang ganda. Sulit ang dalawang oras na byahe at 15 minutes na paglalakad sa malubak na daan papunta rito.
May ilang nipa hut sa paligid at inokupa namin ang isa. Sinimulan naming mga girls ayusin ang mga gamit at pagkain habang ang mga boys ay tulong-tulong sa pagtatayo ng dalawang tent na baon nila.
"Let's go, Jack. Ligo na tayo sa falls. Oh my gosh! Sobrang ganda talaga rito," naulinigan kong maarteng wika no'ng babae.
Habang nagpapalaman ako ng peanut butter sa tinapay wala sa loob na dumako ang tingin ko sa dalawa. Nakita kong hinubad lang ng babae ang dress na suot nito at naiwan na lang ang two-piece swimsuit na kulay puti. Wow! Handang-handa, ah? Hinubad naman ni Jackson ang suot na navy blue tshirt at naiwan na lang ang board shorts niya. Bigla kong naalala iyong mga nangyari sa bahay nila kahapon. 'Yong pumasok ako sa kwarto niya at nakita ko siyang tuwalya lang ang takip sa katawan. Pati iyong pag-iiba ng mood niya no'ng malamang may dumating na package mula sa mommy niya. Pero ngayon kung titingnan parang normal lang naman at wala siyang problema? Nakita kong hinatak na ito ng babae patungo sa falls hanggang sa nawala na sila sa paningin ko.
"Huy, Ally! May galit ka ba sa peanut butter, ha?" narinig kong sabi ni Missy kaya agad akong napalingon sa hawak ko at napasinghap nang makitang kumalat na iyon sa lamesa at kamay ko. Hindi ko na pala sa tinapay pinapahid ang kutsara. Anong nangyari?
Nag-decide muna kaming kumain lahat bago magsiligo sa falls pagtapos nagbihis kami nina Missy at Fiona sa loob ng nipa hut.
"Iyan ang isusuot mo?" tanong ni Missy at tiningnan ako na parang kasalanan ang magsuot ng tshirt sa pagligo.
"Oo naman. Bakit?"
"Hindi ka nagbaon ng swimsuit?" tanong pa niya.
Umiling ako. "Hindi. Wala akong balak magsuot no'n."
"Hala? Para kang manang niyan. Lahat kami naka-bikini."
"Manang agad? Hindi ba p'wedeng conservative lang?" pagtatanggol ko sa sarili.
May kinuha si Fiona sa dala nitong bag at lumapit sa 'kin. "Here, may dala akong extrang bikini. I couldn't decide what to wear so nagdala na lang ako ng ilan." Inabot niya sa akin ang isang pares ng bikini na kulay pula.
Napaawang ang labi ko. "Naku, 'wag na, Fiona. Hindi ko naman masusuot 'yan."
"Why? I think it would look good on you. Come on. Try it!" excited nitong sabi.
Binalik ko iyon sa kamay niya. Ayoko talaga! Nakakahiya. Hindi rin naman ako kasing confident nila na ibalandra ang katawan.
"Girls, nakatulog ba kayo? Ang tagal niyo!" narinig naming boses ni Ron habang kumakatok sa nakasarang pinto.
"Wait lang! Ang tagal kasi ni Ally!" ganting sigaw ni Missy rito bago bumaling sa akin. "Dali na, bestie. Arte ah?"
Napilitan tuloy akong suotin iyon pero balak ko pa rin patungan ng tshirt.
"Wow naman! Sana all may boobey! Iyong sa 'kin kasi parang pigsa na tumubo lang!" malakas na sabi ni Missy nang masuot ko iyon. Tawang-tawa naman si Fiona.
Napanguso ako at sinipat ang dibdib. Hindi naman iyon malaki. Tama lang. Mas malaki pa rin doon sa kasama ni Jackson. Teka, bakit ko ba kinukumpara?
Sinuot ko pa rin ang puting tshirt ko at hinayaan na nila ako kaya lang hindi pa ako nakakapagsuot ng shorts hinila na nila ako palabas. Naabutan naming nagkakatuwaan na ang mga boys sa tubig. Nagbabasaan sina Ron, Luke, at George habang magkayakap lang sa gilid ang mag-dyowa na sina David at Kate.
Hindi ko alam bakit nilibot ko ang tingin sa paligid na tila may hinahanap hanggang sa dumako ang tingin ko sa lalaking nakaupo lang sa isang malaking bato habang nakatukod ang kamay sa magkabilang gilid. Agad din akong umiwas nang magtama ang tingin namin. Nakita ko naman 'yong babae na lumalangoy sa tubig.
"Wow..." sambit ni George habang palapit kaming tatlo.
Natigil sila sa pagbabasaan at bumaling ang atensyon nilang lahat sa amin. Bigla tuloy akong nailang. Mukha pa naman akong nakalimot magsuot ng salawal kaya bahagya ko pang hinatak ang tshirt ko pababa.
Agad lumapit si Clark para alalayan si Missy makababa sa tubig ganoon din si George na lumapit naman kay Fiona. Hindi ko inasahan na lalapit din sa akin si Luke at in-offer ang kamay niya sa akin. Tinanggap ko naman 'yon dahil medyo malalaki ang bato na dadaanan bago makalapit sa tubig.
Agad akong napasinghap nang maramdaman ang lamig niyon sa katawan ko. Nakakamangha ang linaw ng tubig. Umabot iyon hanggang sa dibdib ko.
"Ay, teka! Hindi naman ako na-inform na by pair pala ang swimming na 'to? Sana nagdala rin ako ng partner ko!" malakas na reklamo ni Ron na ikinatawa ng lahat.
"Ang tanong, may madadala ka ba?" pang-aasar ni Missy habang nakangisi.
"Aba, ang bastos ng bibig mo, ah!" sagot ni Ron at bahagyang hinila ang buhok nito.
"Aray!" daing ni Missy sabay lingon kay Clark na nasa tabi niya. "Clarky my labs, oh!" Napailing lang si Clark sa sumbong nito.
"Salamat," sabi ko naman kay Luke at binawi na ang kamay ko na hawak pa rin pala niya at bahagya siyang nginitian.
"Naks, Ally! Naka-swimsuit ka rin pala!"
Tiningnan ko ang sarili dahil sa sinabi ni Ron at napasinghap na lang ako nang makitang bakat na bakat na pala ang pulang swimsuit na suot ko nang mabasa ang puting shirt. Wala sa loob na naiharang ko ang kamay sa dibdib ko. Wala rin pa lang silbi ang tshirt na 'to!
Dahil doon nanatili na lang ako sa isang gilid at nilubog ang sarili hanggang leeg. Pinanuod ko na lang ang mga ito habang naglalaro sa tubig. Hindi ko naman malaman sa sarili kung bakit panay ang tingin ko sa gawi ni Jackson na nasa tubig na rin habang nakikipag-usap kila Clark. Minsan ngumingiti at tumatawa rin ito. May time na nagkakatinginan kami pero mabilis lang at wala itong kahit anong reaksyon. Sabagay hindi naman kami magkaibigan para batiin niya 'ko o tanguan. Napapaiwas na lang ako ng tingin sa kanila kapag kumakapit ang babae rito at dadapo ang labi kay Jackson. Minsan sa leeg, sa balikat, or labi.
"Ally, come here!" tawag sa akin ni Luke.
Nakangiti akong umiling. "Ayoko d'yan! Malalim na!" sabi ko lang pero totoo rin naman 'yon. Ang tatangkad naman kasi nila kaya nakaya nila. Nang tingnan ko sina Missy, nakapasan na pala sila ni Fiona sa likod nina Clark at George kaya naroon din sila.
Lumapit si Luke sa akin at nagtataka ako nang pumwesto siya sa harap ko at tumalikod. Tinapik niya 'yong balikat niya. "Kapit ka."
Nag-aalangan ako pero naisip kong mukha pala akong tanga rito mag-isa dahil lahat sila naroon sa gitna. Naiilang man ay dahan-dahan kong ikinapit ang kamay ko sa magkabilang balikat ni Luke. Napatili rin ako nang bigla niyang hawakan ang magkabilang hita ko at inangat para ipulupot sa baywang niya! Namilog 'yong mga mata ko sa gulat. Lumakad si Luke palapit sa mga ito. Nakita ko naman ang mapanuksong tingin at ngisi nina Missy at Ron sa akin.
"Bagay kayo," nakangiting wika ni Fiona.
Mahihiya na sana ako kaya lang biglang bumanat si Luke.
"Tao kami!" sabi nito kaya natawa ako.
"Bagong-bago 'yong joke, ah?" pang-aasar ni Clark.
"Tara do'n tayo sa ilalim ng falls!" sabi ni David bigla at nauna sila doon ni Kate.
Sumunod naman agad ang mga ito. Napatili kaming mga babae nang makarating kami doon at bumagsak sa ulo namin ang malalakas na pwersa ng tubig. Napakapit ako ng mahigpit sa leeg ni Luke. Nasa magkabilang gilid naman namin sina Missy at Clark at sina Fiona at George.
"Woah! This is so cool!" manghang sambit ni Luke.
"Tama na, Luke," natatawang sabi ko. Hindi na kasi ako makahinga sa lakas ng tubig na bumabagsak sa mukha ko. Mabuti at umusog naman ito.
"Bro, bakit nand'yan pa kayo?" narinig kong tanong ni David.
Tiningnan ko ang tinatawag niya at nakita ko na naiwan sina Jackson doon sa gitna habang pasan pa rin ang babae sa likod. Panay ang turo no'ng babae sa falls na tila inaaya nito si Jackson pero salubong lang ang kilay nito. Mukhang badtrip? Nag-away siguro sila? Imbis lumapit ay naglakad ito paalis hanggang sa makaahon sila sa tubig at binaba na 'yong babae.
"Problema no'n?" tanong ni David.
Nagkibit-balikat lang ang mga lalaki. Ilang sandali pa kami nanatili roon bago nila naisipang magpahinga. Panay naman ang picture at video ni Kate sa aming lahat mula kanina pa gamit ang action camera na dala niya. Maya maya umahon na rin kami para ihanda ang kakainin namin para sa tanghalian. Binalot ko na lang muna ng towel ang katawan ko.
Ang dami nilang pagkain na dala. Mayro'n din dala sina Ron. Ako lang yata walang ambag dito kaya bumawi na lang ako sa pagliligpit ng pinagkainan namin. Tumulong naman sina Missy.
"Hey."
Napalingon ako sa nagsalita sa likuran ko. Bumungad sa akin ang salubong pa rin na kilay ni Jackson. "Bakit?"
Nilahad niya sa harap ko ang libro niya. Kumunot ang noo ko at binalik ang tingin sa kaniya. Seryoso? Ngayon talaga?
"What the hell? Bakit nagdala ka niyan dito?" sabat ni Luke na nakaupo sa 'di kalayuan kasama sina Clark. Hindi ito pinansin ni Jackson. "Nasa bakasyon tayo tapos magdadala ka niyan para ipagawa kay Ally? Give her a break, Bro!"
Doon bumaling ang tingin ni Jackson kay Luke. Parang inis base sa mukha niya at nakataas ang isang kilay. "Grade mo? I don't need your f*****g opinion."
"Wow," hindi makapaniwalang sambit ni Luke. "Pikon ampucha. Problema mo?"
"Chill mga bro," saway ni Clark.
Agad kong kinuha sa kamay nito ang libro nito bago pa kung saan mapunta ang usapan nila. Mukhang mainit ang ulo ng isang ito. "Akin na. Gagawin ko na. Saan dito? T-Tara..."
Inaya ko ito para mawala ang atensyon niya kay Luke. Ano nga bang problema niya? Parang hindi naman sila magkaibigan. Hindi ko naman inasahan na susunod nga ito. Ang balak ko sa nipa hut ako pupunta at doon gawin pero nagulat ako nang hatakin niya ako sa braso patungo sa isang tent. Pinaupo niya ako sa folding chair na naroon.
"Do you like him?" tanong nito bigla.