Chapter 9. Offer

1339 Words
Nakatingin lang ako sa bintana na tanaw ang malawak na garden at soccer field. Madilim din ang kalangitan na tila nakikiramay sa nararamdaman ko. Hindi ko mapigilan isipin ang mga nangyari at maaari pang mangyari. Paano ko aayusin ang problemang nagawa ko? Paano ko sasabihin kay mama ang nangyari? Siguradong malulungkot siya at mamomroblema. Muli na naman nagsimulang mamuo ang luha sa mga mata ko. Agad ko ring pinunasan ang magkabilang pisngi gamit ang palad nang makarinig ako ng hakbang papalapit. Siguro ay si Ron na 'yon. Kanina ko pa sila hinihintay dito sa isang classroom. Hindi um-attend si Missy sa first and second period dahil may importante raw itong pinuntahan habang si Ron naman ay nasa klase nito. Pero paglingon ko ay hindi si Ron ang nakita ko. Si Jackson... Bigla akong nakaramdam ng pagka-ilang nang mataman niya akong titigan. Yumuko ako at simpleng hinawi ang mga naiwan pang bakas ng luha sa mata ko. "A-anong ginagawa mo rito?" tanong ko at tumayo mula sa kinauupuan ko. Lumapit ito at prenteng sumandal sa bintanang gawa sa salamin paharap sa 'kin. Pinagkrus nito ang dalawang braso sa dibdib habang nakatingin sa 'kin. "Ikaw ang may kailangan sa 'kin," kaswal na wika nito. Kumunot ang noo ko. "Anong ibig mong sabihin?" "I can help you," mabilis nitong sagot. Mas lalo lang akong naguluhan sa narinig. "You need to get your scholarship back, right?" seryosong tanong niya. "I can help you with that." Unti-unting napaawang ang mga labi ko. Hindi ko alam paano niya nalaman. Maganda sa pandinig ko ang mga sinabi niya pero sa kabila niyon nakaramdam ako ng kaba at pagtataka. Tiningnan ko siya ng may pagdududa. "Paano? At bakit mo naman ako tutulungan?" diretsong tanong ko. "Let's say na... kaya kong kausapin si Crystal. I can change her mind at kumbinsihin siyang kausapin si Mr. Bermudez para hindi ituloy ang pag-alis sa scholarship mo." Hindi ako nakasagot agad. Nakaramdam ako ng pag-asa sa mga sinabi niya. Posible nga kaya? Pero... "Bakit mo naman gagawin 'yon? Anong kapalit?" Unti-unting nabuo ang nakakalokong ngiti sa mga labi nito kaya mas lalong lumukob ang kaba at pagdududa ko. "Well, tama ka. Syempre may kapalit," anito at tumaas ang isang sulok ng labi. Napaatras ako nang magsimula itong lumapit pero napaupo lang ako dahil tumama sa likod ng binti ko ang silyang inupuan ko kanina. Dumukwang ito at isinandal ang kaliwang kamay sa desk. Napalunok ako nang mas unti-unti nitong nilalapit ang mukha sa akin. "A-anong gagawin mo?" tanong ko at pilit pa rin inaatras ang sarili kahit halos dumiin na ang likod ko sa sandalan ng upuan. Nang halos maduling na ako sa sobrang lapit nito at handa na akong itulak siya ay nagsalita ito. "Pagsisilbihan mo 'ko." Naamoy ko ang mainit at mabangong hininga nito na nagpakawala sa katinuan ko. Hindi agad pumasok sa isip ko ang sinabi niya. Ilang segundo akong nakatingin lang sa kulay tsokolateng mata nito na may mahahabang pilikmata. Kinailangan ko pang kumurap-kurap para bumalik sa realidad at ma-absorb ng utak ko ang sinabi nito hanggang sa unti-unting kumunot ang noo ko. "A-anong sinabi mo? Ikaw? Pagsisilbihan ko?" Nahuli ko siyang bumaba ang tingin sa mga labi ko. Saglit niyang tiningnan iyon bago nilayo ang sarili at umatras. Isinuksok niya ang dalawang kamay sa magkabilang bulsa ng pantalon. "Assistant, secretary, servant... whatever you want to call it. Gagawin mo lahat ng ipag-uutos o ipagagawa ko in exchange of your scholarship." Napamaang ako at napatayo muli para harapin ito. "Nababaliw ka na ba? Bakit ko gagawin 'yon?" hindi makapaniwalang sambit ko. "Hindi pa ako nasisiraan ng bait para magpa-alila sa'yo." "What's wrong with that? I can be a good boss," anito at ngumisi. "Kung iyan lang ang ipinunta mo dito, p'wes, hindi ko tinatanggap ang kalokohang 'yan." Ano na namang trip niya? Kung ibang tao siguro ang mag-aalok ng ganoon ay baka tanggapin ko pa. Pero siya? Ang dakilang babaero, mayabang at napaka feeling guwapo na lalaking 'yon? Hindi ko siguro kakayanin. Sabay kaming napalingon sa pinto nang may pumasok doon. Bakas ang pagtataka sa mukha nina Ron at Missy na magkasabay lang dumating. Maya maya ay napalitan iyon nang nanunuksong tingin kasabay ng pagsilay ng pilyong ngiti sa mga labi nila. "Anong nangyayari dito?" tanong ni Missy habang palipat-lipat ang tingin niya sa amin ng lalaki sa likuran ko. "Kinausap ko lang ang kaibigan n'yo. Paalis na rin ako..." kaswal na tugon nito bago muling bumaling sa 'kin. "Just let me know 'pag nagbago na ang isip mo." Agad akong nilapitan ng dalawa at hinila paupo sa mga silya nang makaalis ito. "Anong nangyari? Bakit magkasama kayong dalawa rito? Anong pinag-usapan nyo?" sunod-sunod na tanong nilang dalawa sa 'kin. "Wala. Ewan ko do'n. Bigla na lang sumulpot dito at kung anu-anong sinasabi..." nakanguso kong sagot. Hindi nila ako tinigilan sa mga tanong kaya ikinwento ko ang pinag-usapan namin tungkol sa alok nitong pagtulong kapalit ang maging alila s***h utusan. "Pumayag ka ba?" tanong ni Missy. Umiling ako. "Syempre, hindi. Isang malaking kalokohan ang gusto niya kaya malabong patulan ko 'yon. Baka naman mayroon pang ibang paraan." "Sayang naman! Ang dami kayang nagkakandarapa mapalapit at mapansin lang ni Jackson. Tapos ikaw aalukin niya ng gano'n? Ibig sabihin madalas kayong magkakasama!" maligalig na sabi ni Missy. Umiling ako. "Hindi ko nga alam kung anong pinaplano niya at inalok ako ng tulong. Baka gusto niya lang akong pagtripan o pahirapan." "Hindi naman siguro. So, anong plano mo ngayon?" maya maya ay tanong ni Ron. Napabuntong-hininga ako. "Siguro susubukan ko pa rin makiusap sa Dean at kay Mr. President." Pagsapit ng hapon ay sinubukan ko ulit kausapin si Mr. Bermudez pero ganoon pa rin ang sinagot niya, pasensya na at wala na raw siyang magagawa pa. Sinubukan ko rin kausapin ang presidente ng Maxville pero ang sabi ng sekretarya nito ay busy raw ito at hindi basta-basta maaaring makausap. Unti-unti na akong nawawaan ng pag-asa. Pakiramdam ko wala na talagang makakapagpabago ng desisyon nila. "Siguro kailangan mong i-consider 'yong alok ni Jackson, friend. Ang bali-balita ay malakas ang kapit niya sa school dahil kaibigan ng daddy niya ang presidente at madalas mag-donate kapag may charity event ang school," wika ni Ron nang makabalik akong lugmok sa classroom. Napapikit na lang ako at napasandal sa upuan. "True. Atleast sinubukan mo ang lahat ng puwede para maisalba ng scholarship mo, 'di ba? Wala naman sigurong masama kung susubukan mo." Pagsang-ayon ni Missy. "Basta, friend. Pag-isipan mo. Basta, nandito lang kami if ever kailangan mo ng tulong." Magdamag kong pinag-isipan ang mga sinabi nina Ron at Missy sa alok ng lalaking 'yon. Makakaya ko ba? Napasabunot na lang ako sa sariling buhok habang nag-iisip. Nahihirapan akong magdesisyon. Hindi ko gustong pumayag pero wala na akong ibang maisip na paraan. Ilang araw kong sinubukang kausapin si Mr. Bermudez at Mr. President pero hindi na nila ako gustong kausapin. Gusto ko na lang sumuko pero siguro tama ang mga kaibigan ko, ayokong magsisi sa huli na hindi ko sinubukang gawin ang lahat ng paraan. Nagising ako kinabukasan na inaantok pa rin dahil madaling araw na ako nakatulog. Naabutan ko si Mama na nagbibilang ng pera habang nakaupo sa sala. "Anak, gising ka na pala. Kumain ka na d'yan. Mukhang napuyat ka, ah?" Pupungas-pungas na lumapit ako at tumabi sa kaniya sa sofa. "Ano po 'yan, Ma? "Ah, ito nagbibilang ako ng pera. Bayaran na naman ng kuryente at tubig kaya kailangan kong magbayad mamaya." Oo nga pala. Wala na naman kami masi-save dahil bayaran ng bills. Kinailangan ko pang bawasan ang naitabi naming kita sa online shop dahil ipinambili ko ng mga libro. Mas lalo tuloy akong namroblema. Paano na kaya next sem? Kailangan ko na lumipat at magbayad ng tuition. Pagdating sa school ay nakabuo ako ng malaking desisyon. Wala naman sigurong masama kung susubukan ko. "Ron, may klase ba kayo mamaya ni J-Jackson?" "Oo, bakit?" nagtatakang tanong nito. "Sabihin mo kailangan ko siyang makausap," seryosong sagot ko. Nagkatinginan sila ni Missy at maya maya ay sabay sumilay ang ngisi sa mga labi nila.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD