Matapos ang klase nila ay tinext ako ni Ron kung saan ako pinapapunta ni Jackson.
Pumunta ako sa north wing ng building at hinanap ang room na tinutukoy nito. Inaasahan kong wala itong klase dahil pinapunta niya ako pero nagulat ako nang makitang kasalukuyang may nagkaklase sa classroom na sinabi nito nang sumilip ako roon.
Ang akala ko ay nagkamali lang ako kaya aalis na sana ako pero narinig ko ang pamilyar na boses nito.
"Excuse me, Sir. May naghahanap yata sa 'kin sa labas," malakas na wika nito sa professor nila.
Napalingon ako at nakita ko itong tumayo.
"Ikaw talaga, Mondragon. Sige na at bilisan mo lang. Huwag mo lang subukang magpa-iyak ulit d'yan sa labas dahil nagkaklase pa tayo. Ayokong maistorbo," sagot naman ng professor nila na ikinatawa ng lahat.
Pakiramdam ko namula ang buong mukha ko sa sobrang hiya. Hindi ko naman alam na may klase pa pala siya.
Argh! Ano na lang ang iisipin nila? Isa ako sa mga babaeng naghahabol sa lalaking 'to?
"Gusto mo raw akong makausap?" anito nang makalapit.
Nakita ko ang nakakalokong ngisi sa mga labi niya at parang mas lalong gusto kong umatras sa naging desisyon ko. Pero nandito na 'ko at kailangan kong sumugal.
Humugot ako ng malalim hininga bago nagsalita. "Pumapayag na 'ko."
Hindi agad ito nakapagsalita pero kalauna'y tumango-tango. "Alright. Magsimula ka na ngayon."
Napataas ang isang kilay ko at inangat ang isang palad sa harap nito.
"Hep! Hindi ako basta-basta pumapayag. Kailangan natin pumirma sa kasunduan." Lumingon ako sa mga kaklase nito at nakita ko ang mga kilay na nagtataasan ng mga babae at mga nagbubulungan, "Mamaya pagtapos ng klase sa 5th floor."
Iyon lang at mabilis ko nang tinalikuran ito.
****
Hindi ko inaasahang pupunta nga ito dito sa 5th floor. Mukhang pursigido talaga siyang alilain ako.
Inilahad ko sa harapan niya ang hawak kong papel. Tinapunan niya iyon nang tingin bago kuhain at basahin.
"Bawal mo 'kong istorbohin kapag may klase ako, bawal mo rin akong istorbohin kapag nakauwi na 'ko sa 'min, at higit sa lahat... bawal mo akong bastusin."
Narinig ko ang paghagikhik nina Ron at Missy na nasa likuran ko lang at nakikinig.
Tumingin ito sa akin nang salubong ang mga kilay bago tumawa ito nang mahina. "Gan'yan ba ang tingin mo sa 'kin?"
Hindi ako sumagot. Nanatili ang ako seryosong nakatingin sa kaniya.
"Anyway, hindi ba't ikaw ang may kailangan sa 'kin? Bakit kailangan kong sumunod sa mga kondisyon mo?"
"Syempre! Malay ko ba kung anong klase ang mga ipagagawa mo sa'kin. Kailangan maniguro ako at dapat may proteksyon ako. Kung gusto mo, magsabi ka rin ng mga kondisyones mo." taas-noong wika ko.
"I don't need that. Basta gagawin mo lang ang mga ipagagawa at ipag-uutos ko."
"At kung hindi ako sumunod?" tanong ko.
"Well, madali lang 'yon. Hindi na kita matutulungan," anito at proud pa na ngumiti.
Mukhang posible nga itong topakin ng ganoon kapag nagkataon. May kaba man sa dibdib sa mga maaaring mangyari ay winaksi ko ang mga agam-agam. Kailangan kong gawin ito para sa pag-aaral at kinabukasan ko, namin ni Mama.
"Pirmahan mo na 'yan kung okay na sa'yo," maya maya ay sabi ko.
Napipilitang pumirma na rin ako. Nang matapos ay may inabot nito sa akin ang isang workbook.
Kunot ang noong tiningnan ko iyon bago ko ibaling ang tingin sa kan'ya.
"Sagutan mo. Page 15." kaswal na sagot nito at tumalikod na palabas ng classroom.
"Teka, bakit ako? Hindi ko naman inaral 'to!" habol ko rito.
Huminto ito at bahagyang lumingon. "Hanapin mo lang d'yan 'yong sagot. Basahin mo," sabi nito at tuluyan nang umalis.
Naiwan akong nakabukas ang mga labi at nakatingin lang sa pintong nilabasan nito. Kung hindi ko pa narinig ang tili ng dalawa ay baka nakalimutan kong nariyan pala sila.
"Oh my gosh! Kinikilig ako! Pahiram nga niyang libro niya!" tili ni Missy at parang baliw na niyakap-yakap iyon.
"Haba ng buhok mo, Friend! Parang gusto ko na tuloy awayin si Crystal para magpatulong rin ako kay Fafa Jackson," kinikilig na wika ni Ron habang hawak ang balikat ko.
Napailing na lang ako sa kanilang dalawa. Kung puwede nga lang na wala ako sa sitwasyon na 'to, eh.
Pagdating sa bahay ay saglit kong inasikaso ang maliit naming negosyo ni mama at kumain ng hapuan bago ko simulang harapin ang workbook ng lalaking 'yon.
Nakita ko ang mga nasagutan na nito sa mga naunang pages. Infairness maganda ang penmanship niya.
Kinailangan ko talagang basahin 'yon para mahanap ang mga sagot sa pagsusulit sa page 15. Bumabagsak na ang mga talukap ko nang matapos ko 'yon.
Nagmadali akong kumilos para maghanda kinabukasan. Ito pa lang ang unang pinagawa niya pero halos isang oras rin ang ginugol at nabawas sa oras ng tulog ko. Nag-uumpisa pa lang ang kasunduan at siguradong marami pang p'wedeng mangyari. Makakaya ko kaya 'to?
Naglalakad ako papasok ng gate nang may humintong pamilyar na sasakyan sa gilid ko. Bumaba ang bintana niyon at bumungad sa akin ang nakangising mukha ni Jackson.
"Nasagutan mo ba workbook ko? Akin na," anito habang nakalahad ang kaliwang kamay palabas ng bintana.
Humugot muna ako ng hininga bago binuksan ang bag at kunin ang libro nito.
"Give me your schedule and phone number," pagkauwa'y saad nito.
Kumunot ang noo ko. "Bakit?"
"Sabi mo hindi kita puwedeng istorbohin sa oras ng klase, right? So let me know your schedule para alam ko kung anong oras ka free at madali kitang ma-contact 'pag may ipagagawa ako."
Saglit ko muna itong tiningnan at nag-isip. May point naman siya. Nilabas ko ang kopya ng registration card ko noong nag-enroll ako. Nandoon na lahat ng information ko. Name, address, contact number, at sa ilalim n'yon ang schedule ng bawat subject ko.
"Oh, picturan mo!" walang ganang wika ko.
Napansin ko ang mga napapalingon sa amin na mga kapwa estudyante namin kaya sinabihan ko itong bilisan.
Nang matapos ay agad ko iyong tinago at mabilis na naglakad palayo. Halos mapatalon na naman ako nang bumusina pa ito nang malakas bago humarurot palayo. Impakto talaga.
Wala na 'kong nagawa kun'di samaan ng tingin ang papalayong kotse nito.
Habang paakyat sa classroom tumunog ang cellphone ko hudyat na may text. Nang silipin ko ay mula iyon sa unknown number.
"Ako 'to. Iyong pinakaguwapong lalaki sa buong campus na 'to. Save my number."
Sa kayabangan pa lang kilala ko na kung sino iyon.
Saktong katatapos lang ng 1 PM class at may 1 hour akong free time nang makatanggap ako muli ng text mula sa lalaking iyon. Pinangalanan ko siyang 'Impakto'
"I'm hungry," ayon sa text nito.
Nagtipa ko ng reply. "So?"
Ise-send ko na sana iyon pero 'di ko ma-send. Wala na nga pala akong load.
Bahala s'ya.
"Saan tayo tatambay, Bessy? 5th floor or garden?" tanong ni Missy.
Sasagot sana ako pero biglang tumunog ang cellphone ko. This time may tumatawag naman. Nakita ko muli ang pangalan nito sa screen. Pinag-iisipan ko muna kung sasagutin ko 'yon pero kusang gulaw ang daliri ko para sagutin ang tawag.
"Hello," tinatamad kong sagot.
"Bakit hindi ka nagre-reply?" Masungit nitong tanong.
Umikot ang eyeballs ko. "Wala 'kong load."
"Then magpaload ka. Do your job, Allyza. I'm hungry. Dalhan mo 'ko rito sa room 304."
Hindi ko alam pero nakaramdam ako ng kakaiba sa dibdib nang bigkasin nito ang pangalan ko. Normal lang naman iyon kapag naririnig ko sa iba pero sa kan'ya... Winaksi ko ang iniisip. Hindi lang siguro ako sanay na mula rito at bago sa pandinig ko.
"Anong pagkain ba? At anong ipambibili ko?" nakita kong nakikinig lang si Missy.
"Kahit ano. I'll pay you," sagot nito at agad pinutol ang tawag.
"Sino 'yon?" tanong ni Missy.
"Iyong mayabang na 'yon. Nagsisimula na siyang mag-utos," tanging nasagot ko rito.
"Ohh.. exciting!" nakangiting sambit nito.