Hindi ko alam kung sinasadya n'ya ba or what pero madalas niya na akong papuntahin sa classroom n'ya sa tuwing may ipagagawa ito. Pakiramdam ko ang tingin na sa 'kin ng lahat ng mga kaklase niya at ng iba pang nakakakita ay may gusto talaga ako sa lalaking 'yon.
Napapikit ako nang mariin nang tumunog ang phone ko. Hindi ko na kailangan tingnan iyon dahil sa tuwing papatak ang vacant time ko ay talagang hindi puwedeng walang siya iuutos.
Wala kang karapatang magreklamo, Ally. Pinasok mo 'yan. Paalala ko sa sarili.
Binasa ko ang text. "Pumunta ka rito sa gymnasium, may ipagagawa ako."
"May utos na naman ang kamahalan mo?" pang-aasar ni Missy, marahil nakita niya ang reaksyon ko.
Tumango ako at tumayo na para ayusin ang mga gamit ko. "Pinapapunta ako sa Gym. Ano naman kayang gagawin ko 'don? Samahan mo kaya ako?"
"Talaga? Sige, baka nand'on rin si Clark!" masayang wika nito.
May mga tao sa basketball court pero sa tingin ko hindi sila 'yon kaya inikot ko ang tingin sa mga ilang taong naroon. Lumakad pa kami ni Missy papasok sa loob habang nakakapit ito sa braso ko.
Hindi naman nagtagal ay nakita ko rin agad ang hinahanap. Nasa gilid ang mga ito ng court at nakaupo habang nanunuod sa mga lalaking paikot-ikot sa buong Gym. Siguro ay mga nagta-try out.
Iniisip ko pa lang kung paano kukunin ang atensyon nito pero kusa na itong napalingon sa direksyon namin. Lumapit na kami nang tuluyan at tumayo naman ito. May kinuha muna ito sa bag bago lumapit sa 'min.
"May report ako bukas, gawan mo 'ko ng powerpoint. Ito 'yong topic." Inabot niya sa 'kin ang isang libro at laptop na binuksan niya na.
Agad kong tinanggap iyon. "S-sige."
"Dito mo na gawin. D'yan ka." Tinuro nito ang upuan sa likurang bahagi lang ng kinauupuan nila.
Napamaang ako. Dito? Nilibot ko ang tingin sa paligid.
Hindi na ako nakatutol nang tinalikuran na ako nito. Naupo na lang ako sa tinuro nito kanina at sumunod naman si Missy.
Binati kami ng basketball team nang makaupo kami sa likuran nila.
"Hi, Clark!" maarteng bati ni Missy sa lalaking nasa harapan lang ng upuan niya.
"Hi! You are Ron's friend, right? What's your name again?"
"Missy!" masiglang sagot naman nito.
Hindi ko na sila inintindi at sinimulan ko na ang dapat kong gawin dahil isang oras lang ang vacant time ko. Hindi naman ako nahirapan gawin 'yon.
Wala namang ginawa si Missy buong oras kun'di kulitin at kausapin ang mga lalaki do'n especially 'yong Clark. Iyon kasi ang pinaka crush niya sa lahat. Wala talaga akong masabi sa confidence level niya.
Medyo na-di-distract lang ako sa taong ginagawan ko ng pabor ngayon. Maya't-maya rin kasi itong lumilingon sa direksyon ko. Bakit ba s'ya lingon nang lingon? Iniisip niya bang kinakalkal ko ang laptop niya? Or binabantayan niya dahil baka itakas ko?
Mabuti na lang at tinawag na ito ng coach nila para pumalit sa pag-guide sa mga nagta-try out.
Natapos ko ang ginagawa pero hindi pa ito tapos kaya hindi ko magawang ibalik ang mga gamit niya. Kailangan kong maghintay na matapos ito.
"Hi! Allyza, right?" napalingon ako sa tumabi sa upuan ko.
Kung hindi ako nagkakamali, Luke ang pangalan nito. Tipid akong ngumiti at marahang tumango rito.
"Alam ko nagkakilala na tayo sa canteen. Ako si Luke," nakangiting saad nito.
"Ah, oo. H-hi." Binigyan ko muli ito ng tipid na ngiti.
Marami pa itong tanong pero sinagot ko pa rin kahit medyo naiilang ako no'ng una. Nagkwento rin ito ng kung anu-ano. Guwapo ito, moreno at syempre matangkad. Mukhang mabait rin naman at palabiro kaya nakuha ko rin maging komportable sa kan'ya kalaunan.
Nawala lang ang ngiti ko sa labi nang may magsalita. Si Jackson...
"Tapos na ba?" masungit na tanong nito. Salubong ang mga kilay nito nang tingnan ko.
"Tapos na." Tumayo ako at inabot rito ang libro at laptop niya.
"Puwede ka nang umalis," malamig nitong wika.
Bakit masungit? Aalis na talaga ako pero hindi niya ako kailangan pagtabuyan.
"Mamaya ka na umalis. Nagkukwentuhan pa tayo," singit ni Luke.
"Luke, samahan mo 'ko do'n," anito bago bumalik sa mga nag-ta-try out na mukhang pagod na pagod na. "20 push ups!" sigaw nito sa mga iyon.
Napakamot ng ulo si Luke at nagpaalam sa 'kin bago sumunod kay Jackson sa court.
Napipilitan namang nagpaalam si Missy kay Clark nang ayain ko na itong umalis ro'n.
Sa paglipas ng mga araw parang mas lumala pa 'ata sa pag-utos ang lalaking 'yon. Ginawa niya na talaga akong tigasagot ng mga workbook niya. Pati mga kailangan sa research sa 'kin din niya pinapagawa.
Hindi ko alam kung tamad talaga siya o gusto niya lang ako asarin at alilain. May natututunan pa kaya siya? Dahil kung wala, ibig sabihin ga-graduate siya nang walang alam.
Mabuti naman at hinayaan n'ya akong dalhin na lang ang libro niya kaya malaya akong nakapag-spend ng vacant time kasama sina Ron at Missy. Pero maya maya ay nakatanggap na naman ako ng text mula rito. Hindi pa raw ako maaaring umuwi dahil kailangan ako nito sa practice nila ng basketball.
Nang sabihin ko iyon kina Ron at Missy ay tuwang-tuwa naman sila at pinagtulakan pa akong pumunta kasama sila.
Pagdating namin sa gymnasium ay nagsisimula pa lang magdatingan ang ilang estudyante na gustong manuod. Sumunod lang ako sa dalawa nang umupo sila malapit sa court mismo. Naupo kami sa ikalawang row ng mga upuan na nasa likuran mismo ng bench ng players.
Kasalukuyang nagwa-warm up pa lang ang basketball team sa gitna ng court. Nagsimula na magpicture 'yong dalawa na siguradong ipopost nila sa social media acounts nila.
Hindi ko alam kung bakit kailangan pa ako nitong papuntahin at anong kailangan kong gawin dito. Hindi naman siguro ako paglalampasuhin ng sahig?
Matapos ang ilang minutong warm-up ay bumalik na sila sa bench na nasa harapan lang namin. Nakita ko kung paanong nagsimulang kiligin ang mga nasa paligid namin.
"Hi, Clark! Hi, guys!" malakas na bati ni Missy sa mga ito.
Agad naman bumaling si Clark at binigyan ng tango at ngiti si Missy na halos ikangisay nito sa kilig. Ganoon rin ang iba. Natawa na lang ako pero agad ring nabura iyon nang mapatingin ako sa direksyon ni Jackson. Nagtama ang mata namin.
Naghihintay ako ng sasabihin nito pero wala naman lumabas sa bibig niya. Nag-start na silang maglaro kaya tahimik na lang akong nanuod habang ang dalawa ay tuwang-tuwa at pumapalakpak sa tuwing makaka-shoot ang magkakaibigan na 'yon. May mga tumatawag sa mga pangalan nila lalo na kay Jackson pero wala naman itong reaksyon.
Matapos ang ilang sandaling practice ay bumalik sila sa bench at nagsipunas ng pawis at uminom ng tubig. Nakita ko si Jackson na ikinumpas ang kamay sa ere na tila sinesenyasan akong lumapit. Hindi ako sigurado kaya lumingon muna ako sa paligid kung may tinatawag ba ito pero kumumpas pa ito ulit at nabaling ang atensyon sa akin nina Missy at ng mga babaeng nakaupo sa harapan namin.
"Tawag ka ni Jackson, Bessy," bulong ni Missy.
Napalunok ako at ilang sandali muna ang lumipas bago ko naigalaw ang mga paa. Bumaba ako para makalapit rito.
"Ang tagal mo naman. Kuhaan mo 'ko ng tubig at bimpo sa locker." Inabot niya sa akin ang tumbler niyang naubos at isang susi.
Wala sa loob na inabot ko ang mga iyon.
"Go, bilis!" anito.
Nagmadali akong umalis sa harap niya at tinungo ang likod ng ring kung saan may pasukan. Agad ko naman nakita ang water dispenser sa gilid kaya inuna kong refill-an ang tumbler nito.
Sunod kong tinungo ang pinto na malapit at sinilip ang loob. Maswerte namang mukhang iyon ang locker room nila dahil may nakita akong nakakalat na mga jersey shirt ng basketball team.
Maraming at malalaking locker ang naroon pero inisa-isa ko pang tingnan ang kaparehang number na nakasulat sa susi na binigay niya.
Sa wakas ay nakita ko ang locker nito sa bandang dulo ng kwartong 'yon. Sinimulan kong buksan 'yon pero napanganga ako sa dami ng... condoms sa loob. Iba't-ibang kulay at may mga flavors pa 'yon. Kinuha ko ang isang pakete dahil may nakasulat na chocolate doon. Mayroon pa lang gano'n?
Napasilip ako muli sa loob at nakita ko ang dalawang pictures na nakadikit sa loob ng locker. Mukhang siya iyon noong bata pa kasama ang magulang niya.
Napaigtad ako nang biglang bumukas ang pinto at mabitwan ang hawak kong condom sa sobrang gulat.
Parang kumawala ang puso sa dibdib ko nang makita kong si Jackson ang pumasok.
"Bakit ang tagal mo?" salubong ang kilay na tanong nito habang mabilis na humahakbang palapit.
Tila noon lang ako nakabawi at mabilis kong pinulot ang nahulog sa sahig. Pero mukhang huli na at nakita niya na 'yon.
"Ang sabi ko kumuha ka lang ng bimpo, hindi condom. Bakit hawak mo 'yan?" kunot pa rin ang noong tanong nito.
Malakas pa rin ang kabog ng dibdib ko dahil sa hindi inaasahang pagsulpot nito pero pinilit kong ayusin ang sarili.
"N-nahulog lang. Hindi ko kinukuha!" Mabilis kong ibinalik ang box sa loob at kumuha ng bimpo ro'n pero nanigas ang katawan ko nang idantay nito ang dalawang palad sa locker dahilan para makulong ako sa magkabilang bisig nito habang nasa likod ko siya
"Gusto mo ba niyan? Huh?" bulong nito sa tainga ko. Tila nagtayuan ang mga balahibo sa batok ko nang maramdaman ang mainit na hininga nito roon.
Parehas kaming napalingon sa pinto nng biglang bumukas iyon.
"Hey, Bro! Mamaya mo na ituloy 'yan. Naghihintay si coach."