"Bestie, kunin mo na 'yong cellphone mo dali! Ako nang bahala sa kanila. Irereport ko sila!"
Mula sa third floor nagmadali akong bumaba at nagtungo sa soccer field na nasa likod ng building kung saan binato ng babae 'yong cellphone ko. Nanlumo ako dahil sa lakas ng ulan mukhang sira na iyon kahit makita ko man. Hinayaan kong mabasa ako at inikot ang malawak na field para hanapin iyon.
Nagsimulang mamuo ang luha sa mga mata ko sa isiping sira na talaga iyon. Paano na ang online business namin? Iyon na lang ang inaasahan kong pinagkakakitaan ng extra para sa gastusin dito sa school. Wala akong budget para makabili ng bagong cellphone. Paano ko na patatakbuhin ang maliit naming negosyo ni mama?
Napalingon ako nang maaninag ko ang isang bulto na tumatakbo palapit sa direksyon ko. Bahagya akong nagulat nang makita si Jackson. Basang-basa na rin ang suot nitong itim na shirt at maong pants.
"What the hell are you doing here? Are you crazy?" malakas na tanong nito.
Inirapan ko siya sa sinabi niya. "Hinahanap ko 'yong cellphone ko!" ganting sigaw ko para marinig niya 'ko sa kabila ng malakas na ulan.
Hindi ko na siya inintindi at muling sinuyod ang paligid. Nasaan na ba 'yon?
Napahinto ako at tiningnan siya nang magsalita ito. "It's here."
Hawak niya na nga 'yon sa kamay niya. Nilapitan ko siya para kunin iyon at nang makuha ko bigla niya akong hinila sa kamay. Dinala niya ako sa likod ng gymnasium hanggang makapasok kami sa loob ng locker room ng team nila.
"What were you thinking? Nagpaulan ka just to get this f*****g old phone?" salubong ang kilay na tanong nito.
Matalim ko siyang tiningnan. "Bakit hindi? Iyan lang ang nag-iisa kong cellphone at nandyan ang kabuhayan ko! Kaya huwag mong fina-f*****g old phone 'yan dahil importante sa 'kin 'yan!"
Umiling-iling ito na parang naiinis at may kinuha sa loob ng isa sa mga cabinet doon. Naglabas siya ng dalawang malalaking towel at binato sa akin ang isa kaya agad kong sinalo iyon. Wala talagang ka-gentle-gentle ang taong 'to. Puwede naman iabot nang maayos!
Napaiwas ako nang tingin nang maghubad ito ng damit. Pinunasan ko na lang ang mukha, buhok, at dalawang braso ko.
"Do you have extra clothes?" maya maya tanong nito kaya napalingon ulit ako sa kaniya.
"M-meron. Sa locker ko." Mabuti na lang talaga nagbaon ako ng P.E uniform.
Tinawagan niya si Ron para ipakuha ang damit sa locker ko. Maya maya dumating siya at kasama na si Missy. Agad naman kinuwento ni Missy ang buong pangyayari. Medyo nanginginig na ako sa lamig kaya napahaplos ako sa magkabilang braso ko.
"Teka, magbihis ka pala muna! Sorry!" biglang sabi ni Missy kay naputol siya sa pagsasalita.
"S-saan ba?" tanong ko.
"Follow me," wika ni Jackson at lumabas ng locker room nila.
Sinundan ko ito sa labas at may binuksan itong pinto. Pumasok ako sa loob ng isang malaking shower room. Mukhang dito naliligo ang mga varsity player na babae.
Mabilis lang ako nag-shower at nagpunas gamit ang towel na binigay niya. Nang magbibihis na 'ko naalarma ako dahil noon ko lang na-realize na wala na akong gagamiting panloob. Hala!
Nakarinig ako ng katok sa pinto kaya napalingon ako ro'n.
"Hey, labas na. Ang tagal mo naman?" boses ni Jackson.
Hindi ba siya umalis? "S-sandali lang!" Wala naman akong choice kaya sinuot ko na agad ang shorts at tshirt na pang-P.E ko.
Shocks, hindi ako komportable. Medyo bumabakat din 'yong dibdib ko. Lumapit ako sa pinto at binuksan iyon. Nagtago ako sa likod niyon at sinilip ang ulo. Nakita ko si Jackson na nakatayo sa labas ng pinto mismo kaya bahagya pa 'kong nagulat. Salubong na ang kilay nito na parang inip na inip na. Napansin kong nakabihis na rin ito. Nakasuot ng jersey jacket niya.
"P'wede pakitanong si Ron or Missy kung may dala silang jacket o kahit anong p'wede kong ipatong sa damit ko?"
Kumunot ang noo nito. "Why?"
"B-basta! Tanungin mo na."
Umikot ang eyeballs niya bago ako tinalikuran. Sinara ko muna 'yong pinto at saglit akong naghintay sa pagbalik nito. Nang may kumatok binuksan ko ulit ang pinto.
"Here," Inabot niya sa akin ang isang white and blue na jersey jacket. Ito 'yong suot niya kanina, ah? May nakalagay na Mondragon sa likod at number 7.
Hindi ko agad kinuha iyon at tiningnan muna siya. Nakasuot na lang ito ng tshirt na gray.
"Wala raw silang dala," sagot niya sa pagtataka ko.
Tumango ako at tinanggap na lang 'yon. Kailangan ko lang talaga. "S-salamat."
Sinuot ko iyon at pinasok ko ang mga basang damit ko sa plastic na pinaglagyan ko ng P.E uniform ko. Pagbukas ko ng pinto nan'don pa rin siya. Hindi ako makatingin sa kaniya kaya dumiretso na lang ako ng lakad palayo. Nakita ko na naroon na rin pala ang mga kaibigan niya kausap sina Ron at Missy.
Agad akong sinalubong ni Luke nang makita ako. "Ally! I'm so sorry. I swear! Hindi ko 'yon kilala. Wala akong girlfriend."
"Shut up. Stop explaining. It's your fault," wika ni Jackson dito tapos nilagpasan kami.
Hindi na lang siya sinagot ni Luke at muling bumaling sa 'kin. "I'm really sorry, Ally. Don't worry. Kapag nakita ko sila kakausapin ko."
Binigyan ko siya ng tipid na ngiti. "Okay lang. Hindi mo naman kontrolado ang isip ng mga fans mo."
Maya maya dumating si Clark. "Anong nangyari?" agad tanong nito.
"Sinugod lang naman kami at inaway ng mga delulu fans niyo!" sagot ni Missy sabay irap kay Clark.
"Delulu?"
"Delusional! Mga girlfriend niyo raw sila!"
Saglit pang nag-usap ang mga ito at nagplano ng gagawin sa mga babaeng iyon. Hindi naman nagtagal at nagpaalam na rin ang iba dahil may mga klase pa sila. Naiwan ako, si Missy, at si Jackson dahil tinakasan lang daw ni Ron ang prof niya. Parang gusto ko nang umuwi dahil hindi ako komportable sa suot ko. Hindi ko na lang siguro papasukan 'yong last subject namin ni Missy.
"Bakit ka nag-jacket?" tanong bigla ni Missy. Nababasa ko iyong panunukso sa mga mata niya. Parang sinasabi niya na sindya kong hiramin 'yon.
"Basa rin ang pangloob ko," bulong ko sa kan'ya.
"Huh? Wala kang bra't panty!" namilog ang mga mata ko at mabilis tinakpan ang bibig niya. Ang ingay talaga niya!
Napalingon ako kay Jackson na nakaupo sa bench na nasa tapat namin. Nahiya ako dahil narinig niya. Nag-iwas ito ng tingin at nakita ko ang paglunok niya.
"U-uwi na 'ko." Paalam ko bigla.
"Hindi ka papasok kay Sir Jocson?" tanong ni Missy.
"Hindi na lang siguro."
"Sige ako na bahala sa notes."
Umalis si Jackson at may kinausap na Janitor sa gym. Pagbalik niya may dala na siyang dalawang payong at binigay ang isa kay Missy. Nagpaalam na ito na pupunta na sa klase namin. Ako naman hindi ko alam kung paano ako lalabas ng school. Ipapahiram niya ba 'yong payong na hawak niya?
Napalingon ako nang magsalita ito. "Let's go."
Kusang sumunod ang mga paa ko nang maglakad ito palabas ng gymnasium. Huwag niya sabihing dalawa kaming sisilong sa iisang payong?
Binuksan niya iyon at nilingon ako. "Ano pang hinihintay mo?"
"S-saan tayo pupunta?" tanong ko muna.
"Sa parking lot," tipid na sagot nito at nag-iwas na ng tingin.
"Anong gagawin natin do'n?"
Hindi siya makapaniwalang bumaling ulit sa 'kin. "Ihahatid na kita."
Napaawang ang labi ko. "Bakit mo ako ihahatid?"
"f**k! Ang dami mong tanong. Bahala ka kung ayaw mo."
Mukhang naubos na ang pasensya niya at akmang iiwan ako pero pinigilan ko siya sa braso. Napatingin siya sa kamay ko kaya binitawan ko rin siya agad at sumilong sa payong na hawak niya. Tahimik na kaming naglakad hanggang sa makarating sa kotse nito.
Wow, himala binuksan niya ang pinto sa passenger seat. Kala ko ba hindi siya gentleman?
Pumasok ako sa loob at nilibot ang tingin. Ngayon lang ako nakasakay sa ganitong klase ng sasakyan. Mabuti na lang wala masyadong estudyante sa labas dahil sa lakas ng ulan. Naupo ito sa driver seat at agad inistart ang engine.
Bakit niya naman naisipan ihatid ako? Hindi ko ma-gets. Ang mahal kasi ng gas at hassle pa sa kaniya dahil iba ang way pauwi sa kanila. Teka, uuwi na ba siya?
"Wala ka na bang klase?" hindi ko napigilan tanungin.
Saglit siyang nanahimik bago sumagot. "Wala." Pinag-isipan niya pa 'yon? 'Wala' lang pala ang isasagot.
Medyo nagtataka lang ako kasi sina Clark na kaklase niya may pasok tapos siya wala? Hindi ko na lang inintindi iyon at hindi ko na siya tinanong tungkol do'n.
"Bakit mo ba ako ihahatid? P'wede naman kasi akong mag-jeep na lang," tanong ko ulit matapos ang mahabang katahimikan dahil naipit kami ngayon sa trapik.
"So, sasakay ka ng jeep nang walang panty?" sagot nito kaya napasinghap ako. Ang straightforward naman niya masyado. Walang preno ang bibig.
Hindi tuloy ako nakasagot. Pinili ko na lang manahimik buong byahe at tumingin sa bintana. Muli akong nalungkot nang maalala na wala na akong cellphone. Sana makabenta ako ng marami para makabili ako agad ng bago. O kaya bayaran no'ng babaeng iyon, tutal siya naman naghagis.
Tahimik lang din ito hanggang sa makarating kami sa tapat ng bahay. "Salamat..." sambit ko bago bumaba ng kotse niya at tumakbo papunta sa pinto. Binuksan ko muna ang iyon bago ko ito lingunin. Umalis na rin naman siya agad.
***
After ng klase namin ni Missy nag-text daw si Clark sa kaniya. Wow, textmate na sila, ah?
Ang sabi pinapapunta raw kami sa garden. Pagpunta namin do'n nandoon nga silang lahat. Nagkatinginan kami ni Missy nang makita 'yong mga babae na nagwawalis sa garden. Mayro'n din nag-aalis ng mga tuyong dahon sa mga halaman pati mga tuyong damo.
"Hey, ikaw," tawag ni Luke do'n sa isang babae at sinenyasan lumapit. Siya 'yong babaeng umagaw ng cellphone ko at naghagis. "Mag-sorry ka sa kaniya," sabi pa niya at tinuro ako.
Para itong tuta na pinapagalitan. Maamo na ang mukha, hindi katulad kahapon na parang pagmamay-ari niya ang lahat ng nasa paligid. Ganoon din ang mga kasama nito na pawang mga nakayuko.
Tumingin ito sa 'kin. "S-sorry..."
"Ano nga ulit pinagkakalat mo? May tayo?" tanong ni Luke dito.
"N-nagbibiro lang naman ako," hiyang-hiyang paliwanag nito.
"Tss... Bayaran mo na siya."
Naglabas ito ng ilang libo mula sa wallet at nilahad iyon sa harapan ko.
"Bakit five thousand lang?" tanong ni Luke. "Anong bibilhin niya d'yan? Laruan sa toy store?"
Bumaling ang babae kay Luke. "That's all I have. Isa pa, luma naman na 'yong phone niya.
Napatingin ako kay Luke. Tumango ito at parang sinasabi na kuhanin ko na. Bago ko pa mapagdesisyonan tanggapin kinuha na iyon na Missy. Pinalapit na rin ni Clark ang iba at pinag-sorry sa amin ni Missy bago nila ito pinabalik sa paglilinis ng garden. Balik din sa pagsimangot ang mga mukha nila nang magsimula kaming umalis.
Napaawang ang labi ko nang sipain ni Jackson 'yong trashbin na pinaglagyan nila ng mga tuyong dahon at basura na nalikom nila bago tuluyang umalis.
"Deserve!" pang-aasar pa ni Missy sa mga ito at malakas na tumawa bago kami tuluyang makalayo.
Habang naglalakad kinuha ni Missy ang kamay ko at nilagay doon ang pera. Nginitian ko siya at nilagay na iyon sa coin purse ko. Bago maghiwa-hiwalay lumapit ako kay Luke para magpasalamat.
"Wala 'yon. Basta sabihan mo lang ako kapag may nang-ano sa 'yo ulit. I gotchu!" Kumindat pa ito at nakipag-apir.
Paalis na kami ni Missy nang may magsalita sa likod namin. "Hey."
Nang lingunin ko nakita ko si Jackson na naiwan na ng mga kaibigan niya. "Ako ba?"
"Sino pa ba?" nakataas kilay na tanong nito. Bakit ang sungit na naman niya?
"Sige na, lapitan mo muna. Baka umusok ang ilong," sabi ni Missy at bahagya akong tinulak.
"Sasama ka sa 'kin," kaswal na sabi nito. Hindi iyon pagtatanong kun'di isang utos.
Kumunot ang noo ko. "Saan naman?" Dadalhin na naman ba niya ako sa bahay nila?
"Basta. Huwag ka na magtanong."
Lumingon ako kay Missy na naghihintay sa 'kin. Sinimangutan ko siya at mukhang na-gets niya agad ang ekspresyon sa mukha ko. Nagkibit-balikat na lang ito at tumango.
"Una na 'ko," paalam nito habang kumakaway. "Bye, Jackson! Ingatan mo kaibigan ko, ah!"
Sumunod ako dito patungo sa motorsiklo niya at inabutan ako ng helmet. Dalawa iyon kaya tig-isa kami. May inangkas siguro siya kanina?
Pagkasakay niya sumakay na rin ako sa likod at kumapit sa tagiliran ng damit niya. Nagtaka ako nang iba ang dinaanan namin ngayon. Hindi katulad noong nagpunta kami sa bahay nila.
Saan naman kaya kami pupunta?