Chapter 22

1932 Words
Nagtataka ako nang pumasok kami sa parking ng isang Mall. Ang bilis niyang maglakad kaya medyo hinahabol ko siya. "Anong gagawin natin dito?" tanong ko nang maabutan ko siya. Hindi niya ako sinagot kaya hindi ko na inulit ang tanong. Kumunot ang noo ko at nagtataka ko siyang tiningnan nang pumasok siya sa isang kilalang store ng cellphone. Humakbang ako papasok sa loob habang nagtitingin ito sa mga naka-display doon. Bumaling siya sa 'kin. "Pumili ka na." "Ha?" maang na sambit ko. "Wala kang cellphone, 'di ba?" seryosong sabi nito. "W-wala nga pero..." tiningnan ko 'yong price ng mga cellphone na naka-display. Ang mamahal! Limang libo lang naman ang pera ko. "Pero ano?" Lumapit ako sa kaniya at bumulong. "Ang mahal naman dito! Sa iba na lang ako bibili." Lumayo ako at akmang lalabas pero pinigilan niya ako sa braso. Hinila niya ako palapit sa mga naka-display. Nakipag-usap siya sa babaeng sales assistant at kung anu-anong tinatanong. Nagtalo pa kami nang papiliin niya ako sa dalawang magkaibang unit. Mukhang seryoso talaga siya at desididong bumili ro'n. Pinili ko na lang ang mas mura sa dalawa kahit hindi naman talaga mura! Nang babayaran na nag-abot siya ng card pagtapos lumabas na rin kami agad. Hindi ako makapaniwala na gano'n gano'n lang niya binili 'yong 30,000 na cellphone. Paano ko babayaran 'to? "Dapat hindi mo 'to binili. Napakamahal." "Don't worry. Utang 'yan," sabi nito nang iabot sa 'kin 'yong maliit na paper bag na pinaglalagyan ng cellphone. "Alam ko pero ang mahal nito." Siya pa ba? Lahat ng bagay yata may kapalit pagdating sa kaniya. Nagkaroon pa 'ko bigla ng utang sa kaniya. Hay! "Paano ko naman mababayaran 'to? Sapilitan mo 'kong pinautang. Teka, sa'yo bang pera pinambili mo dito? Baka naman pambayad mo 'to sa tuition, ha?" Hindi siya sumagot. Kinuha ko ang limang libo sa coin purse ko pero ayaw niya naman tanggapin! "Keep it. Saka ka na magbayad." Habang pababa kami ng escalator napansin ko na lingon nang lingon sa likod ko 'yong dalawang babaeng nasa harapan ko. Nagbubulungan habang nakangiti tapos magsisikuhan. Nilingon ko siya na nasa likod ko pero nakatingin lang ito sa labas. Nang tumingin din ako sa dingding ng Mall na yari sa salamin napaawang ang labi ko nang makitang umuulan. "Pa'no 'yan?" tanong ko sa kaniya. Naka-motor pa naman siya. Nagkibit-balikat lang ito na parang hindi siya nababahala at hindi problema ang ulan sa kaniya. Nang may madaanan kaming fast food biglang akong nakaramdam ng gutom lalo na amoy na amoy ang fried chicken nila. Parang gusto ko munang kumain tutal umuulan pa naman. Tiningnan ko siya na nakasunod lang sa likod ko. "Gusto mo bang kumain? Ako kasi kakain ako." "Where?" Nginuso ko 'yong fast food sa gilid. Inayos ko rin agad ang labi ko nang tingnan niya 'yon. Hindi ko na hinintay ang sagot niya at nauna na akong pumasok sa loob. Habang namimili ng o-orderin ko naramdaman ko ang paglapit niya sa gilid ko. "Kumakain ka naman dito 'di ba? "Of course." "Sige tutal, may utang ako sa'yo. Lilibre na kita. Anong gusto mo? "Ikaw." "Ha?" nakatingala lang ako habang nakatingin sa kaniya. Umikot ang eyeballs niya. "Ikaw bahala. Tss." Nag-order na lang ako ng chicken with rice, fries at ice cream. Ganoon din sa kaniya. Inunahan niya akong kunin 'yong tray kaya naghanap na lang ako ng bakanteng table. Habang kumakain napansin ko 'yong apat na high school girls sa tabi ng table namin na nagbubulungan at panay ang tingin sa kaniya. Kahit pala sa labas nakakakuha ng atensyon ang mokong na 'to. Pinagmasdan ko siya habang tahimik itong kumakain. May kaputian ang balat niya, halatang anak-mayaman. Palagi nakaayos ang buhok na parang may wax. Makakapal ang kilay at nakakalusaw ang mga mata. Matangos ang ilong, mapula ang labi. Ang tangkad niya tapos sakto lang 'yong laki ng katawan niya. Mayro'n pa siyang dog tag necklace. Sa madaling salita, oo na guwapo na. Teka, bakit puro papuri ang sinabi ko? Inirapan ko siya pero pagtingin ko ulit bigla akong umiwas dahil nahuli niya ako. Tumikhim ako at nagpanggap na nililibot ang tingin sa paligid. Napatingin din naman ulit ako sa kaniya nang magsalita siya. "Busog ka na?" "Ha?" parang tangang sambit ko. Tinuro niya 'yong pagkain ko. "Ah.. h-hindi pa." Agad kong sinubo ang mga natitirang kanin at manok sa plate ko. Hindi nakaligtas sa akin ang bahagyang pagtaas ng sulok ng labi niya. Hindi ko na lang siya tiningnan ulit at sinunod ko na rin ubusin 'yong paborito kong combo na fries at vanilla ice cream. Pagtapos namin kumain nag-aya na akong umuwi dahil nakita ko sa labas na humina na ang ulan. Palabas na kami pero napahinto ako at nanigas ang buong katawan ko nang makita kung sino ang taong papasok sa loob. May buhat itong batang lalaki na sa tingin ko ay nasa lima o anim na taong gulang pa lang. Mukhang masayang-masaya ito base sa mukha niya habang kinakausap ang bata. Lumipat ang tingin ko sa babaeng nakasunod sa kanila. Mas bata ito nang kaunti kay Mama. Hinding-hindi ko makakalimutan ang mukhang iyon. Mukha ng mag-aagaw. Mukha ng nanira ng pamilya. Bumangon ang galit na nakatago lang sa puso ko sa ilang taon. Muli kong naramdaman ang hinanakit at sakit sa dalawang taong nanakit sa nanay ko. Nang ibalik ko ang tingin sa lalaking may buhat ng bata, nasalubong ko ang mga mata nito. Nakatulala ito sa 'kin at bakas ang gulat sa mga mata. Unti-unting tumalim ang mata ko habang nakatingin sa kaniya. Muling bumalik sa akin kung paanong umiyak si mama araw-araw dahil sa panlolokong ginawa niya. "A-Allyza, a-anak..." tawag niya sa 'kin. Bago pa tumulo ang luha ko nilagpasan ko na sila at mabibilis ang hakbang palayo sa lugar na 'yon. Hindi ko alam kung saan ako pupunta. Basta ang alam ko lang gusto kong lumayo sa taong nagpapasikip ng dibdib ko. Napahinto ako sa paglalakad nang may humawak sa braso ko. Pagharap ko nakita ko si Jackson. Hindi ko mabasa ang mga nasa mata niya pero alam kong may ideya siya kahit paano sa nangyayari dahil nasaksihan niya. Nag-iwas ako ng tingin at pinahid ang luha sa pisngi ko. Nagpatianod ako nang hilain niya ako papasok sa elevator. Tahimik lang siya sa gilid ko hanggang sa makarating kami sa carpark at makalapit sa motorsiklo niya. Wala sa loob na kinuha ko ang helmet na inabot niya at sinuot iyon. Nang magsimula niyang patakbuhin ang motor nagsimula rin tumakbo ang isip ko sa nasaksihan kanina. Iyong batang 'yon, ako 'yong nasa sitwasyon niya noon. Ako 'yong karga ng papa ko at dinadala sa mall at pakakainin sa fastfood. May buo at masaya rin akong pamilya. Ramdam ko rin ang pagmamahal sa akin ng papa ko noong mga panahong iyon. Paano nangyaring may ibang pamilya na siya? Paano niya nagawang iwan kami para sa babaeng 'yon at magkaroon ng anak sa iba? Hindi niya ba kaya na isang babae lang ang kasama niya at si mama 'yon? Hindi niya ba kami mahal? Bumuhos ang masaganang luha sa mga mata ko. Hindi ko na rin mapigilan ang paghikbi ko nang mahina. Napayuko ako at napasandal sa likuran niya. Humihigpit din ang kapit ko sa damit niya. Maya maya naramdaman ko ang paghinto namin. Akala ko nasa bahay na kami pero pagtingin ko sa paligid nasa mataas na lugar kami na wala masyadong tao. Saan 'to? Gaano ba kami katagal sa byahe? Hindi ko na napansin. Naghubad ito ng helmet at may kinuha sa bulsa. Tiningnan ko iyon nang iabot niya sa akin nang hindi lumilingon. Kinuha ko ang panyo at hinubad rin ang helmet para punasan ang luha at sipon ko. "Bumaba ka muna. Mabigat ka," utos nito. Hindi ko pinansin ang pang-iinis niya at bumaba na lang. Sinundan ko siya nang lumapit ito sa dulo. Maraming ilaw sa ibaba dahil marami ring bahay. Nagpatuloy ako sa pagpunas nang mata at ilong. "Just imagine that I'm not here. Cry like a kid like what you did earlier." Hindi ako sumagot pero masunurin yata ang luha ko kasi nag-unahan na naman ang mga iyon sa pagbagsak. Graduation ko no'ng high school 'yong naalala kong huling beses kong iniyakan ang pag-iwan sa 'min ni papa. Nakita ko kasi siyang um-aattend kahit nasa malayo pero dahil galit kami sa kaniya hindi ko siya pinansin. Naghalo 'yong galit at guilt ko no'n dahil iniwasan ko siya. Ang dami kong tanong sa kaniya na hindi ko natanong. Ang dami kong gustong sabihin na hindi ko nasabi. Hanggang ngayon iniiwasan namin siya ni mama. Hindi rin namin tinatanggap ang perang binibigay niya. "Gan'yan ba talaga kayo?" biglang tanong ko sa kaniya. Naramdaman kong nilingon niya 'ko kaya tiningnan ko siya. Nakakunot ang noo niya na mukhang natataka sa tanong ko. "Hindi niyo ba kayang mag-stick sa isang babae, huh?" Unti-unting umawang ang labi niya pero walang nasagot kaya nagpatuloy ako. "Gano'n ba talaga kayong mga lalaki at gusto niyo pa tumitikim ng iba? Hindi niyo ba kayang iwasan ang tukso lalo na't alam niyong may asawa o girlfriend na nagmamahal sa inyo at p'wede niyong masaktan?" Hindi pa rin siya nagsalita kaya masama ko siyang tiningnan. "Sumagot ka nga! Ipaintindi mo sa 'kin. Hindi ba babaero ka rin? Parehas kayo ng tatay ko, eh! Dapat alam mo ang sagot!" "Hindi kami parehas," seryosong sabi nito. "Paanong hindi? Gan'yan na gan'yan din siya katulad sa'yo. Lapitin ng babae tapos hindi kayang iwasan ang tukso. Alam mo dapat ang nasa isip niya. Bakit nagagawa nilang iwan ang pamilya nila para sa iba? Bakit nila nakakayang iwan ang anak nila?" "I am not your father so I don't know the answer. At wala akong niloloko, okay?" "Pare-parehas pa rin kayong nananakit ng mga babae, at kasalanan niyo kung bakit may mga wasak na pamilya!" "Hey, calm down. It's not about me. Bakit sa 'kin ka nagagalit?" Umatras 'yong galit ko sa sinabi niya. Pinagkrus ko ang dalawang braso sa dibdib ko at tumingin sa malayo. Maya maya nagsalita ito habang nakatingin rin sa kawalan. "Hindi ko rin alam ang sagot. I've been asking myself the same question." Naglakad siya palayo kaya hinayaan ko na siya. Kung mayro'n man akong ipapangako sa sarili, iyon ay ang hinding-hindi ako mai-inlove sa lalaking babaero. Sa lalaking hindi kayang manindigan sa isa. Nang humupa na ang nararamdaman ko inayos ko ang sarili pati ang buhok ko. Hinanap ko siya at nakita kong nasa malayo ito habang may hawak na sigarilyo. Lumapit ako sa motorsiklo niya para doon na lang siya hintayin. Nang bumaling siya sa 'kin tinapon niya na ang hawak agad kahit may kalahati pa 'yon at naglakad palapit. Wala nang nagsalita sa amin hanggang sa makarating kami sa bahay. Hinubad ko ang helmet at binalik sa kaniya. "S-salamat sa paghatid at sa... cellphone. M-medyo matatagalan lang pero babayaran kita." Tatalikod na sana ako pero nahagip ng mata ang tatlong lalaki na papunta sa direksyon namin. Kumabog ang dibdib ko nang makita ko na si Karlito 'yong nasa gitna. Mabilis akong humarap kay Jackson. "Umalis ka na. Bilis!" Kumunot ang noo niya at hindi kumilos kaya bahagya ko siyang tinulak sa balikat. "Alis na!" Nagtataka niyang pinaandar ang motor paalis kaya pumasok na rin ako agad sa loob at ni-lock ang pinto. Kung nag-abot sila siguradong manggugulo lang 'yon si Karlito. Napatingin ako kay Mama na kalalabas lang ng banyo. "Oh, anak. Mabuti nakauwi ka na. Nag-aalala ako kanina ang lakas ng ulan." Naramdaman ko na naman ang pag-iinit ng mga mata ko nang maalala ang pagkikita namin ni papa. Humakbang ako palapit sa kaniya at niyakap ko siya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD